Asar Talo

November 10, 2010 by admin  
Filed under blogs

Hernan-weblogKAMAKAILAN nagpupuyos na naman sa galit ang ilang kabayan dahil nilait umano ng isang artistang Koreana ang mga Pinoy sa isang programa sa telebisyon sa Korea.

Sa TV, ginaya ng Koreanang artista na si Lee Da-hae ang accent ng mga Pinoy sa pagsasalita ng Ingles.

Weno ngayon? Hindi ba’t napakarami nating komedyante na nanggagaya ng accent ng kung anu-anong lahi gaya ng Intsik at Indian? Mas masahol pa nga silang manggaya kung tutuusin. At talagang nakaiinsulto kadalasan. Racist si Lee? Hindi kaya nakalilimutan lang nating tumingin sa salamin?

Sa totoo lang, pwedeng masabing tayong mga Pinoy ang pinaka-racist sa balat ng lupa. Sa mga kwentuhan lang sa inuman at tambayan sa kanto, laging bida ang Pinoy at bobo o mahina ang ibang lahi.

Isa pa, humingi na ng paumanhin ang artista pero patuloy pa rin ang pagbatikos sa Internet. Pinagbigyan natin ang pinakamalaking mandarambong sa kasaysayan ng Pinas na si Aling Gloring nang magdrama siya sa TV at nagsabing “I… am… sorry.” Bakit hindi ang seksi at kagwapang Koreana na ito na ang kasalanan lang e gustong magpatawa kahit korni siya?

Kapansin-pansin ang pagiging balat-sibuyas ng ilang kabayan pagdating sa iniisip na “insulto” sa pagka-Pinoy natin. Siguro e dapat nating suriin ang kaibuturan ng ating pagkatao.

Totoong maipagmamalaki ang pagiging Pinoy – at may karapatan talaga tayong magmalaki – pero ang pumatol sa mga padaplis o kalabit ng ibang lahi e OA na masyado. Tanda ito ng inferiority complex at hindi ng pagiging patas at mapagmalaki.

Napapansin ba natin na hindi pumapatol ang mga Kano kahit sabihing pangit sila o “ugly Americans”? Nagrereklamo ba ang mga Ingles kapag sinabihan silang OC at pumipila kapag nakakita ng pila? Hindi. Dedma lang sa kanila iyon dahil kampante sila sa lagay nila sa mundo.

Hindi ganoon ang ilang Pinoy. Kailangan laging “maganda” ang sinasabi sa kanila ng ibang tao. Nasasaktan sila kapag may “nanlalait” sa suot nilang sapatos o sa hugis ng kanilang ilong o sa kulay ng balat nila.

Bakit kailangang laging papuri ang maririnig natin sa iba? Bakit inaaway natin ang mga taong nagsasabi ng kung hindi man totoo e may bahid ng katotohanan gaya ng bansa tayo ng mga domestic helper?

Wala na tayong dapat patunayan sa mundo dahil meron na tayong Manny Pacquiao, Lea Salonga, Charice at marami pang iba.

Patunayan nating lagpas na tayo sa mga pang-iinsulto dahil alam natin ang tunay nating halaga. Magagaling tayo at magaganda. At alam natin iyon kaya hindi tayo maaapektuhan kung may magsabing mukha tayong yagit o ulikba. Alam nating hindi iyon totoo.

Share

PALpak

November 5, 2010 by admin  
Filed under blogs

Hernan-weblog110x110LUMALAKAS daw ang ekonomiya, pero bakit para yatang lalong dumarami ang luhaan?

Nangunguna na riyan ang mga OFWs na umaangal na dahil sa patuloy na “paglakas” ng piso. Di ba kasasabi pa lang ni PNoy na hindi bababa sa P43 ang palit ng piso sa dolyar? Bweno, kahapon e dumayb na ang palit sa P42. Ang babala ng mga bangko e aabot pa ito sa P41 sa Disyembre dahil sa dagsa ng padala ng OFWs sa kanilang mga pamilya. Pero ayaw maniwala ni PNoy at ng mga alalay niya. Tingnan na lang natin.

Kabilang rin sa mga luhaan ngayon ang 2,600 na mga manggagawa ng Philippine Airlines na pinayagan ng Department of Labor and Unemployment na sisantehin. Makatarungan, makatuwiran, makatao at legal daw ang pagsisante sa mga manggagawa, sabi ng pinuno ng DOLE na si Linda Baldoz. Tingnan mo nga naman, sino ang mag-aakalang aastang Kalihim ng Kapitalista ang Kalihim ng Paggawa?

Hindi ito maiisip kahit ni Lucio Tan, sabi nga ng Partido Lakas ng Masa, isang grupong sosyalista (ibig sabihin ay nakikialam sa usapin ng paggawa at lipunan).

Sabi pa ng grupo, pinagmukhang santo ni Baldoz ang may-ari ng PAL. Samantalang nanakot naman ang tagapagsalita ng PAL na kapag hindi sila pinayagang magpatalsik ng 2,600 na mga trabahador, mapipilitan silang magsara at mawawalan ng trabaho ang 7,500 at wala silang matatanggap na separation pay. Matalino ang tagapagsalita ng PAL – naging paborito ko pang newscaster ito – kaya siguradong alam niyang ilegal ang hindi pagbabayad ng mga benepisyo kasama na ang separation pay. Pero wala siyang pakialam, nananakot nga siya e.

Sabi pa ng Partido Lakas ng Masa, gustong magbawas ng PAL ng bilang ng manggagawa para i-subcontract ang trabaho sa mga iregular na trabahador. Noong reporter pa ako nagko-cover ng labor beat, ilegal ang subcontracting pero wala namang kapitalistang natatakot dito. Ginagawa pa rin nila ang gusto nila. Kaya siguro kalaunan e naging legal na rin ito sa kabila ng pagtutol ng mga manggagawa.

Pero kahit legal ang ginagawa at gagawin ng PAL, mali pa ring sabihin ni Baldoz na ito e “makatarungan, makatuwiran at makatao” dahil sa tunay na buhay mapang-api ito, baluktot at makahayop.

Ang nangyayari sa PAL ay nangyayari rin sa maraming kumpanya na SOP ang pagkuha ng mga kontraktuwal na manggagawa, na natural walang mga benepisyo. Hindi ba karaniwan na lang nating naririnig ang mga “permanenteng kontraktuwal” sa mga kumpanya? Iyung sisisantehin kapag malapit nang maging regular, tapos e kukunin ulit o papipirmahin ng bagong kontrata bilang kontraktuwal?

Alam na natin ito pero sasabihin ko pa rin: Ginagawa ito ng kapitalista para mapababa ang gastos at mapalaki ang tubo. At malakas ang loob nilang gawin ito dahil kakampi nila ang gobyerno.

Share

« Previous Page