Wika o dayalekto?
Ni Hernan Melencio
NAGWAWALIS ako ng bahay nang marinig ko sa radyo ng kapitbahay ang pinagsasasabi ng dalawang host ng pantanghaling programa.
Naintriga ako, kasi pinagte-text nila ang mga tagapakinig para sabihin kung ano ang katumbas sa dayalekto o “dialect” nila ng ganito o ganoong mga salitang “Tagalog.” Halimbawa’y ano, ika nila, ang “pangit” sa Ilokano, Pampango, Ilongo o Hiligaynon – na ayon sa kanila’y mga “dayalekto.”
Noong una’y inakala kong nagkamali lang ako ng pakinig o nagkamali lamang yung mga host. Pero sa araw-araw kong pakikinig, napagtanto kong naniniwala silang ang wika o lengwahe lamang sa Pilipinas ay Tagalog at ang iba ay dayalekto.
Hindi ako lingwista o “linguist” pero sa pagtatanung-tanong ko sa mga kaklase na nasa row one noong nasa elementarya pa ako, napag-alaman kong hindi lamang Tagalog ang wika sa kaawa-awa nating bansa. Katunayan, nang lumaki na ako at medyo natutong gumamit ng library, nadiskubre kong may halos 170 wika sa Pilipinas at bawa’t isang wika’y may napakarami ring mga dayalekto.
Mapapatawad natin ’yung mga host ng programa sa radyo, kasi nama’y hindi mahigpit ang pagtuturo ng balarila at lalo na ’yung tungkol sa wika at dayalekto sa mga eskwelahan. May ilan sa ating nakapagtatapos ng kolehiyo nang hindi nalalaman ang kaibahan ng dayalekto sa wika. Basta ang alam lang nila’y “Tagalog” ang pambansang wika natin at ang iba’y dayalekto na.
Kitam? Alam ng kahit sinong uhuging bata sa elementarya na “Filipino” ang wikang pambansa natin at hindi Tagalog. Pero napakaraming kabayan akong nakausap, nang mapadpad sa Saudi, na naniniwalang Tagalog ang pambansang wika. Kapag sinasabi kong Filipino ang national language at nakabatay ito sa Tagalog, sinasagot ako ng “pareho na rin ’yun.”
OK, pwede natin silang pagbigyan tungkol sa Tagalog dahil dominante nga naman ito sa wikang Filipino. Pero kapag sinabing dayalekto ang Hiligaynon, Cebuano, Bicolano at iba pa, ibang usapan na ’yun dahil wika rin ang mga ito.
Kung baga sa tao, may sariling personalidad ang wika. Halimbawa, kahit may ilang salitang pareho ang Kapampangan at Cebuano, hindi sila magkakaintindihan kung mag-uusap sila. Magtititigan lang ang isang purong Tagalog at isang purong Bicolano kapag nagkaharap dahil hindi dayalekto ng iisang wika ang gamit nila.
Pero magkakaintindihan ang isang taga-Maynila at isang Batanggenyo dahil parehong dayalekto ng Tagalog ang alam nila. Dayalekto rin ng Tagalog ang Tagalog Tayabas, Marinduque at Nueva Ecija.
Paroo’t Parito
Mapait na asukal
Ni Hernan Melencio
Noong madalas pa akong tumambay sa press office ng Department of Agriculture, mga ilang taon na ang nakararaan, para maglaro ng computer – at kumuha ng kanilang press releases paminsan-minsan – lagi kong naririnig ang reklamo na napakataas ng presyo ng asukal sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa.
Sa mga hampaslupang tulad ko na malakas magkape, malaking bagay ito. Lagi kong binabantayan noon ang balitang pagtaas ng presyo ng asukal, na para bang may magagawa ako. Ang nagagawa ko lang naman ay ibuhos ang kape sa garapon para simutin ang natuyong asukal sa gilid, lalo na kapag oras ng kagipitan at malayo pa ang sweldo.
Malaking reklamo noon ng mga food processors at exporters na hindi raw sinusuportahan ng gobyerno ang sariling nitong industriya. Anila, habang ang mga bansang tulad ng Thailand, Brazil at Australia ay gumagawa ng paraan para pababain ang presyo ng kanilang asukal bilang suporta sa industriya ng pagkain, napakamahal nito rito. Katunayan, halos kalahati ng presyo ng produktong pagkain nila ay para sa asukal.
Hindi ko masyadong masakyan ang pinagsasasabi nila noon, pero nang mapunta ako sa Saudi ay naging maliwanag sa akin ang lahat.
Imagine, malaking konsumer ng pagkain sa Saudi ang mga Pinoy pero inilalampaso ng produktong Thai ang “sariling atin” sa Saudi market dahil mas mababa ang presyo nila. Meron doong buko juice na ang tatak ay “Manila” o “Laguna” pero made in Thailand. At hindi ’yun singsarap ng buko natin. Bumebenta nang husto ang kanilang patis, bagoong, daing, t-shirt, chicharon, atbpa., gayong mabibilang mo lang sa daliri ang Thais doon. May isang milyong Pinoy sa Saudi.
Ayon sa isang exporter ng processed food na naka-chikahan ko noon, nagagawa ng mga Thais na pababain ang presyo dahil sa suporta ng gobyerno nila. Ang presyo nga ng asukal doon ay halos kalahati lang ng presyo dito. At hindi lang sa Saudi nangyayari ito kundi sa iba pang parte ng mundo, tulad ng US na siyang pinakamaraming Pinoy, aniya.
Ganito na ang kalagayan noon, ganoon pa rin ngayon.
Ang masama nito, hindi lang napapabayaan ang industriya ng asukal, sinisisi pa ng mga damuhong may-ari ng asukarera ang agrarian reform sa pagkabangkarote nila. Tinatamad daw ang mga may-ari ng asyenda na magbuhos ng pera sa modernisasyon ng produksyon dahil kukunin din lang daw sa kanila ang lupa.
Pero sa totoo lang, ang mga tamad na asenderong ito ang sagabal sa pag-unlad ng industriya hindi lang ng asukal kundi ng iba pang pagkain. Kung naipatupad lang sana ang tunay na repormang agraryo noon pa man, disin sana’y wala na sa eksena ‘tong mga asendero, at mga manggagawang bukid na ang nagpapatakbo ng mga asukarera.
Paroo’t Parito
Pangit na katotohanan
ISANG maganda at pangit na katangian ng mga Pinoy na nangingibang-bayan ang pagiging “taas-noo” o – sa wikang Ingles – “proud.”
Maganda, dahil lagi nating ipinagmamalaki ang pagka-Filipino saan man mapunta, at nahihiya tayong gumawa ng kapalpakan dahil nga ipinagmamalaki natin ang ating lahi.
Pangit, dahil nagiging mayabang tayo, mapag-aglahi o “racist” at bulag sa sariling mga kapintasan.
Lagi nating ipinakikita ang pinakamagaling nating paa (sabi kasi sa Ingles, best foot forward e) at naiinis tayo kapag may nagsabing bansa tayo ng mga katulong. Syempre hindi totoong bansa tayo ng mga katulong pero hindi maiiwasang may magbiro tungkol dito lalo na at totoo namang nag-eeksport tayo ng mga DH.
Marami nang mga Pinoy na naging matagumpay sa ibang bansa at nagbigay ng karangalan sa atin. Hindi lamang ang mga sikat na tulad nina Charice Pempengco at Manny Pacquiao. Nariyan din ang mga di kilala pero magagaling na nagbigay ng karangalan sa simpleng sipag at tiyaga. Bakit mahalaga ang karangalan sa atin? Kasi, “proud” nga tayo. Ayaw nating “dinudungisan” ang pangalang Pinoy sa labas ng bansa.
Dahil dito, nagkaroon ng pagtatalo ang mga Pinoy na editor sa pinagtrabahuhan kong diyaryo noon sa Saudi.
Naglaan ang diyaryo namin ng dalawang pahina para sa mga balita sa Pilipinas. May ibang ayaw magpakita ng mga litrato ng delubyo, sunog, basura, pulubi at iba’t-iba pang nagpapakita ng “pangit” na imahe ng sawimpalad nating bansa. Meron namang gustong ipakita ang “buong katotohanan.”
“Bakit natin ipapakita ’yang namumulot ng basura? Alam ng lahat ng Pinoy na meron niyan sa atin, hindi na natin kelangang ipakita pa iyan. Nakakahiya sa ibang lahi,” sabi ng isang editor.
“Bakit hindi natin ipakikita e balita ito. Masakit at pangit na balita pero totoong nangyayari. Bakit kelangan nating itago?” sagot naman ng isa.
“E masama nga. Hindi gusto ng mga kababayan natin dito at napapaaway lang sila sa ibang lahi.”
“Bakit sila makikipag-away e lahat ng lipunan merong mahirap? Sinong ‘ibang lahi’ ang may karapatang pagtawanan ang mahihirap natin? Sinasabi mo lang yan dahil ikaw mismo ikinahihiya mo yung mahihirap nating kababayan.”
“Ungas ka pala, nakipag-away na nga ‘yung kaibigan ko dahil diyan sa litrato.”
“Ikaw ang ungas, pati kaibigan mo, bakit siya makikipag-away dahil lang sa litrato?”
Kung walang umawat, siguradong nagsapukan na ’yung dalawang editor. Totoong pangyayari po iyan, peks man.
Ang “bottom line,” hindi maatim ng Pinoy na “maliitin” siya ng ibang tao. May mga psychologist na magsasabing “inferiority” ang tunay na dahilan kung bakit ganoon ang pakiwari ng Pinoy; kaya malaking bagay na ’yung mumunting mga tagumpay na inaani ng iba para sa kanya.
Ewan ko, basta ang napapansin ko sa Pinoy, masipag siya, mabait at masunurin sa batas kapag nasa ibang bansa.
Paroo’t parito
Sardinas na may putok
ni Hernan Melencio
SA tuwing sasakay ng bus, lagi kong naaalala ang Saudi at ang malalaking bus doon na sinasakyan ko tuwing pupunta sa mall.
Mangyari’y maluluwag ang upuan noon; dalawahan lang sa magkabilang hanay. Di tulad ng mga bus natin na dalawa’t kalahati (na ginagawang tatluhan) sa isang hanay at isa’t kalahati (na ginagawang dalawahan) sa isang hanay. Mukhang hindi napapansin ng mga operator ng bus na malaki na ipinagbago ng katawan ng Pinoy simula noong panahon ng Hapon. Mula nang mauso ang fast food dumoble na ang puwit ng karaniwang Pinoy at isang pisngi na lang nito ang nagkakasya kapag may nauna nang nakaupo sa upuan. Madali namang mapansin ito kung dudungaw lang sila sa bintana.
Kung sabagay, hindi lang naman bus ang nagpipilit na isalansan ang mga pasahero sa loob ng sasakayan na parang lata ng biswit. Ganun din ang dyipni. Pinagpipilitang pagkasyahin ang siyam sa waluhang upuan. Resulta, kuyukot lang ang maiuupo ng kawawang mahuhuli sa pagsakay.
Impiyernes sa mga drayber na Pinoy, meron ding mga minibus sa Saudi na para ring dyipni sa atin kung magpuno ng pasahero. Bihira naman kasi yung mga malalaking airconditioned bus doon na pinatatakbo ng gobyerno. Mas maraming minibus at mas maraming ruta ang dinaraanan nila.
Problema rin ang sama-samang amoy ng mga pawisang pasahero (alam nyo na ang ibig kong sabihin), ang pagsisiksikan na tila sardinas at matuling pagmamaneho ng drayber.
Pero kahit mahirap huminga sa mga ganoong sasakyan, mas gusto ko pa rin ang minibus kesa taksi. Kaya kong tiisin ang amoy – naging pasyalan ko yata ang Payatas at Smoky Mountain – at sanay din naman akong sumakay ng dyip at bus maging nung bata pa.
Bakit ayaw kong magtaksi sa Saudi? Unang-una, hindi naman lahat ng drayber ng taksi ay mabango. Meron ding kaamoy ng mga sumasakay ng bus – kung minsan mas masahol pa.
Ikalawa, akala ng mga drayber bahagi ng serbisyo nila ang kausapin o aliwin ang pasahero. Kukwentuhan ka ng kung anu-ano at pag di ka sumagot e magagalit. Iisiping suplado ka. Malaking problema ito sa akin dahil tinitipid ko nga ang laway ko e.
Ang ikatlong ikinaaasar ko e yung mga bastos na drayber na matapos magreklamo sa haba ng biyahe o sa trapik, magpapadagdag ng pasahe. Galit pa gayong pinagkasunduan na ang presyo pagsakay pa lamang.
At ang pang-apat na ayaw ko – katunayan, kinasusuklaman ko at kinatatakutan na rin – yung mga naghihipo. Di ba’t may isa tayong kabayan na pinugutan ng ulo dahil pinatay niya yung taxi driver na nanghipo sa kanya? Mabuti na lang at minsan ko lang naranasan yun at kutos lang ang ibinigay ko sa driver, na sinamahan ko ng sipa sa pinto ng sasakyan paglabas ko.
Paroo’t parito
Hukbo ng istambay
Marami ang nag-aakala na birth o marriage certificate lang ang makukuha ng mga tao sa National Statistics Office (NSO), isa sa pinakamalaking money-making institutions ng gobyerno.
Pero naglalabas rin ito ng estatistika, kaya nga ganun ang pangalan nito. At pangangalap talaga ng datos ang orihinal na trabaho nito, hanggang may isang matalinong nilalang na desperadong makakuha ng pagkikitaan para sa bangkaroteng gobyerno ang nakaisip na maging taguan ito ng mga sertipiko at pilitin ang lahat ng mamamayan na idaan at patatakan ang mga legal na papeles na kailangan nila. Kelangan NSO authenticated ang hawak mong mga papeles, lalo na kung mag-aabroad ka. Dagdag na pagkakakitaan nga naman ito para sa national government.
Ngayong naglabas ang opisinang ito ng datos tungkol sa bilang ng mga walang trabaho, nasabi ng ilan: “Uy, naglalabas pala ng ganitong impormasyon ang NSO.” Hindi ba ginagawa na ito ng Bureau of Labor Statistics ng Department of Labor and Employment? Malay ko. Siguro sa isip nila mas maraming gumagawa ng isang trabaho, mas maganda. At kung tatanggalin kasi nila ang duplication, mas lalaki ang unemployment. Mas malaking problema ’yun, di ba la?
Heniwey, naglabas nga ang NSO ng impormasyon tungkol sa lumalaking bilang ng walang trabaho sa loob ng bansa.
Walang bago rito; sino ba ang hindi nakaaalam na maraming walang trabaho? Pero maganda na ring nalaman natin na alam pala nila na maraming tambay na Pinoy. Tuwing may magsasabi kasi ng negatibo sa kalagayan ng bansa, kaagad nagsasalita kung sino man ang sinisipag sa sanlaksang tagapagsalita sa Malakanyang. Sinasabi agad na paninira ito at walang katotohanan.
Ngayon, hindi nila mapasisinungalingan ito dahil ahensya na mismo ng gobyerno ang nagsasabing tumaas ang bilang ng walang hanapbuhay na Pinoy mula sa 2.7 milyon noong Abril hanggang sa 2.9 milyon noong Hulyo. Ang underemployment naman, o yung walang sapat na trabaho (hindi permanente o wala pang 40 oras sa isang linggo), e umaabot sa 7 milyon.
Ang totoo niyan, konserbatibo pa ang numerong ito. Ano pa ba ang aasahan sa gobyernong ito? Sa listahan nila, 38.4 milyon lang sa halos 90 milyong Pinoy ang nasa labor force o lakas paggawa kaya 7.5-7.6 porsyento lang ang walang trabaho pero halos 20 porsyento ang walang sapat na trabaho.
Hindi isinasali sa lakas paggawa yung mga hindi raw naghahanap ng trabaho. Ewan ko kung paano nila nalalaman kung sino yung naghahanap o hindi naghahanap ng trabaho. Siguradong namang hindi ka mapapahiya kapag inalok mo ng trabaho ang isang tambay sa kanto. Mukha lang siyang hindi naghahanap ng trabaho dahil napagod na siguro sa kahahanap o kaya’y naupod na ang sapatos at wala siyang pambili ng bago. Mahirap maghanap ng trabaho kung wala kang sapatos.
At lumalaki ang hukbo ng walang trabaho taun-taon dahil sa maraming nagtatapos sa kolehiyo. Bukod pa sa sinasabi ng DepEd at DOLE na hindi tugma ang kursong kinukuha ng mga estudyanteng Pinoy sa pangangailangan ng mga industriya sa Pinas.
Halimbawa, napakarami nating nurses ngayon samantalang kokonti lang ang mga ospital at klinika na pwedeng kumuha sa kanila. Kahit yung mga trabaho sa labas ng bansa kinakapos na rin.
Napakaraming dahilan ang sinasabi kaya mataas ang antas ng kawalang hanapbuhay sa Pinas. Hindi lamang umaamin ang gobyerno na inutil ito pagdating sa mas importanteng bagay, gaya ng pagkontrol sa korupsyon para gawing mas madali ang pagnenegosyo sa bansa. Pag masigla ang negosyo, syempre maraming trabaho, di ba la?