Ayaw ni Bonifacio

November 30, 2011 by admin  
Filed under blogs

Hernan-weblogNi Hernan S. Melencio

BERTDEY ngayon ni Ka Andy Bonifacio, ang bayaning pinagtaksilan ng kapalaran at ng mga dating kakampi sa himagsikan laban sa mga Kastila.

Ang kataksilan ding ito umano ang dahilan kung bakit araw ng kapanganakan (Nobyembre 30, 1863) ang ginugunita natin bilang Bonifacio Day at hindi araw ng kamatayan (Mayo 10, 1897), di tulad ng Rizal Day na araw ng kamatayan ni Ka Joey Rizal (Disyembre 30, 1896) nung barilin siya sa Luneta.

Gusto kasing iwasan ng mga gumawa ng batas na alalahanin ng taumbayan na kapwa Pinoy at mga kasangga ang tumumba sa “Ama ng Himagsikan” tuwing darating ang araw ng paggunita sa kabayanihan niya. Bagay na may pagka-estupido dahil kapanganakan o hindi, laging kasama sa paggunita kung bakit at paano namatay si Bonifacio.

Alam ng lahat na si Ka Emil Aguinaldo ang nagpapatay sa kanya. (Kahit itinanggi ito ni Ka Emil na nagsabing gusto lang niyang ipatapon ang kalaban niya sa pulitika at si Hen. Nano Noriel ang nag-utos ng pagpatay, hindi pa rin maitatatwang tuta niya si Noriel at ito ang arkitekto ng pandaraya sa eleksyon sa Tejeros, Cavite kung saan si Ka Emil ang nahalal na pangulo ng Katipunan.)

Kumpara sa iba pa nating mga bayani, si Ka Andy na yata ang pinakakawawa. Hindi siya iginagalang ng mga burgis na may kontrol ng pamahalaan. May pagkakataong ginawang National Heroes Day ang Bonifacio Day at kamakailan lamang ito naging Bonifacio Day ulit matapos ang maraming reklamo. Aping-api rin siya kahit sa paglalagay ng imahe ng bayani sa pera. Noong may dalawang piso pang sensilyo noong 1980s, solo ang imahe ni Ka Andy, kaso tinanggal nila sa sirkulasyon ang dalawang piso at bilang konswelo de bobo, isinama ang imahe niya sa imahe ni Apol Mabini sa sampung piso. Maging ang kalsadang ipinangalan sa kanya e Boni Avenue na lamang ngayon.

Lagi siyang ikinukumpara kay Ka Joey, at kahit sa pagtuturo ng kasaysayan madalas iniiwasan ang maraming detalye ng kanyang buhay, lalo sa yung parte ng masalimuot na pulitika sa loob ng Katipunan.

Lagi ring minamaliit ang kakayahan niya at sinasabing isa siyang “bodegero” sa Tondo. Pero kung ihahambing mo sa trabaho ngayon, manager siya ng isang kumpanyang pag-aari ng isang Ingles. Hindi pipitsuging trabaho ito. Sa madaling salita, kabilang siya sa middle class.

Hindi rin matatawaran ang ginawa niya matapos dumalo sa kaisa-isang pulong ng La Liga Filipina na itinayo ni Ka Joey. Binuo niya agad ang Katipunan at nagtatag ng gobyernong rebolusyunaryo kasama ng sidekick niyang si Ka Emil Jacinto. Siya rin ang nagpasumpa kay Aguinaldo sa mismong bahay niya sa Tondo.

Kanya ang Tondo, kay Aguinaldo ang Cavite. Kaso, dahil sa Maynila nakasentro ang pwersa ng mga Kastila, mas mabilis na lumakas at dumami ang kasapian ng Katipunan sa Cavite. At ’ika nga sa Ingles, the rest is history. Nagkamali si Ka Andy na pumayag ganapin sa Cavite ang isang eleksyong niluto ng mga Magdalo. Matinding panlalait ang inabot niya at nang magreklamo e ipinahuli siya, nilitis ng isang kangaroo court at pinatay kasama ng mga kapatid.

Isang trahedya na hanggang ngayon ay hindi pa nagkakaroon ng kaganapan o “closure.”

Share
Enter Google AdSense Code Here

Comments

5 Comments on "Ayaw ni Bonifacio"

  1. Ahmed Bonifacio on Thu, 1st Dec 2011 7:14 PM 

    Kung ako’y tatanungin, parehas kong ginugunita ang kaarawan nina Joey Rizal at Andy Bonifacio. At kung iyong napapansin, ang pangalan na aking ginagamit ay Ahmed Bonifacio. Kung anuman ang dahilan ng mga dating mambabatas natin sa pagpili kay Rizal bilang pangunahing bayani, sa akin ay parehas silang dakila. Ang pagkakaiba ng dalawa, armchair revolutionary ang isa at battlefield fighter naman ang isa. Tinitingala ni Bonifacio si Rizal bilang isang inspirasyon. Hindi nga lang kumbinsido si Rizal na handa ang mga kababayan para sa isang himagsikan. Siguro kung pumayag sya na maging father figure, baka hindi nangyari ang kataksilan na ginawa ni Emilio Aguinaldo. Ganun pa man, nakarma rin naman si Aguinaldo dahil trinaydor sya ng mga Kano at nagdusa sya ng mabigat sa katatakbo sa kabundukan ng northern Luzon.

  2. Amor Distrito Catalasan on Thu, 1st Dec 2011 10:05 PM 

    Si ANDRES BONIFACIO ay aking Great Grandfather … …napakalapit ng relasyon di ba? Ang aking Lolo CENON BONIFACIO DISTRITO na nakatira sa Paco, Manila ay kanyang pamangkin sa kapatid na babae na si ESPIRIDIONA BONIFACIO. maliit pa lang ako ay laging ikinukwENTO ng lolo Cenon na kanyang tiyuhin daw si ANDRES BONIFACIO. Nakakatuwa dahil isang bayani siya. Totoong puro ang dugong pilipino ang nananalaytay sa kanyang mga ugat. Tayo ay mga Pilipino kaya dapat ay siya ang ating naging PAMBANSANG BAYANI. Marahil ay dahil ba na siya ay tinatawag na “mangmang” dahil sa kakulangan ng edukasyon? Dapat nating isipin na hindi porke mangmang ang isang tao ay di nya kayang magmahal ng buong puso sa kanyang sariling bayan. Isa bang mangmang na tao ang makapagsalin ng LES MISERABLES sa Tagalog? Siya ay di nakapag aral ng mataas na edukasyon subalit hindi siya mangmang. Hindi porke’t tapos ka sa pag aaral ay ikaw lang ang kayang magmahal sa iyong sariling bayan. Walang mangmang na kayang gumawa ng tula at kayang magbasa ng mga libro na nakasalin sa espanol. Kaya , para sa akin, bilang kaanak ni ANDRES BONIFACIO, siya dapat ang Pambansang Bayani…tabi tabi lang po…

  3. vijay on Mon, 26th Dec 2011 5:53 AM 

    Hi Bro, this information is very use ful to me yaar. thanks for post…

  4. Joenah Reah Pajarillo on Wed, 4th Jan 2012 6:54 PM 

    pwede po ba akong magtanong?
    isa po pala akong grade 6 pupil sa paaralan ng agoo

    BAKIT NGA PO PALA MAS NAKILALA SI EMILIO AGUINALDO KAYSA KAY ANDRES BONIFACIO EH SYA NAMAN PO YUNG GUMAWA NG KATIPUNAN???

    KAILANGAN KO PO KASI TALAGA EH…

  5. admin on Thu, 5th Jan 2012 6:52 AM 

    Mahirap sukatin ang popularidad ng walang survey.

    Kung ibabatay lang ang popularidad sa mga itinayong monumento, walang monumento si Emilio Aguinaldo sa labas ng Cavite. Samantalang napakaraming monumento si Andres Bonifacio.

    Si Andres Bonifacio ang namuno sa Katipunan; hindi “gumawa” nito.

Tell us what you're thinking...
and oh, if you want a pic to show with your comment, go get a gravatar!