Bago mauso ang Simbang Gabi sa Pilipinas
Noong unang panahong wala pang Simbang Gabi, inoobliga ng mga prayle ang mga Indiong magsimba at dumalo sa misa araw-araw. Pinagagalitan nang matindi ang mga hindi nagsisimba. Maraming pagkakataong nilalatigo pa at pinapalo ng mga prayle ang sinumang hindi nagsisimba. Kilala ng mga prayle ang bawat indibidwal at pamilyang nasa kanyang parokya kaya hindi puwedeng lumusot.
Mula sa panahong pinalalaki pa ng mga pari ang kanilang sakop na parokya, dinadalaw nila ang mga Indio kaya alam nila kung saan nakatira ang mga ito. Minsan, nagulantang ang isang Pranses nang pagpapaluin sa kalsada ng isang paring Espanyol ang isang babaing Indio dahil hindi niya raw ito nakitang nagsimba noong Linggo. Nangatwiran daw ang babaing may sakit siya at hindi makabangon pero nagalit pa lalo sa kanya ang pari.
Ayon sa Pranses sa Chronicles of Manila, naawa raw siya sa babae. Ito raw ang kalakaran kahit saan sa Pilipinas. Sa History of the Bisayan People, may ganito ring kuwento ang paring Augustinian na si Ignacio Francisco Alcina. Hinahampas niya rin (kahit kilalang mabait na pari sa mga Bisaya si Alcina) ang mga lumiliban sa pagsisimba.
Kaya nang dumating ang araw ng Kapaskuhan, pinoproblema ng mga pari kung paano mapagsisimba ang mga Pilipinong magsasaka ang karamihan. Katwiran kasi ng mga magsasaka, kailangang maaga silang magpunta sa bukid upang magtanim o maglinis ng kanilang mga pitak at taniman. Hindi sila makapupunta pa sa simbahan galing sa bukid lalo pa at marumi o malupa ang katawan, pati mga paa’t kamay nila.
May naisip na paraan ang mga pari: Papagsimbahin sa madaling araw bago magpunta sa bukid ang mga magsasaka. Sa ganito malinis pa sila, hindi basa sa bukid at hindi pa pawisan. (Naalala ni Alcina na halos himatayin siya sa amoy ng isang magsasaka nang magsimba itong “may kakaibang ipinahid na pabango.” Sabi sa kanya ng mga Bisaya, “anghit” daw ang tawag doon. Inakala ng paring Espanyol na isang uri ito ng herb na ipinapahid sa katawan dahil mahilig magpabango ang mga Indio, anya. Hindi niya alam kung ano ang tunay na kahulugan ng anghit. Naisahan siya ng mga Pilipino.)
Balik tayo sa Simbang Gabi. Nagbigay ng instruksyon ang mga prayleng kailangang gumising nang madaling araw ang mga magsasaka na hindi naman mahirap sa kanila dahil sadya namang ito talaga ang oras ng gising nila. Kaya nga may mga sawikain tayong “bago pumutok ang araw” o “unang tilaok ng manok” na nagaganap sa alas-tres ng madaling araw.
Misa de gallo ang tawag ng mga paring Kastila dito. Misa ng mga tandang o misa sa madaling-araw ang tahasang salin nito sa Tagalog. Simbang Gabi ito para sa mga Indio dahil pupungas-pungas pa ang mga Pinoy bago pa man tumilaok ang mga manok. Siyempre pa, kalembang ng kampana ang tiyak na nanggigising sa kanila at kailangang nasa simbahan na pagsapit ng ikaapat ng umaga.
Ngayong ika-21 siglo, nagpapatuloy ang Simbang Gabi mula Disyembre 16 hanggang Disyembre 24. Pinakahihintay ito ng kabataan (kahit itanong pa ninyo sa asawa ko noong kabataan niya) dahil bukod sa maraming pagkain tulad ng puto bumbong, kutsinta at puto, marami ring dalaga’t binatang nagsisimba.
Pinakahihintay rin ito ng mga bata dahil hudyat ito ng simula ng kanilang pangangaroling kahit na maraming “patawad po” ang kanilang matanggap. Kapag sinuwerte kasi’y pera at kendi naman ang mapaghahatian nila gabi-gabi kasabay ng Simbang Gabi.
May Cinco on Mon, 6th Dec 2010 9:11 AM
Maraming salamat Glo! May pagka-malupit pala ang obligasyon ng pagsisimba nuon. Nitong 40′s na ako, sinubukan kong makompleto muli ang simbang gabi (Dec. 16-24). Dalawang taon ko nagawa na mabuo. Alam, mas tiningnan ko kung kaya ng self-discipline ko hindi pa dahil obligasyon. Hay, ngayon kaya, kaya ko pa?
admin on Mon, 6th Dec 2010 5:08 PM
Kayang-kaya mo pa iyan basta matulog ka lang nang maaga. Ituloy mo lang ang pamamanata mo.
Bernie on Wed, 8th Dec 2010 7:26 PM
Hahahahaha! Kaya pala hindi ako mahilig sa simbang gabi ay isa itong imposisyon. Pero natutuwa ako sa intensyon mo May sa pagkumpleto ng simbang gabi. Maaari talagang gamitin ng tao sa mabuting paraan alinmang nanggaling sa hindi magandang kasaysayan. Ika nga, ang mga leksyon ng lupit ng buhay ang may pinakamatinding marka sa ating mga puso. Uy, ang layo na noon sa simbang gabi ah.
Maligayang pasko!
patris_osm on Wed, 15th Dec 2010 3:54 PM
i wonder if what you wrote can pass as a serious article. please check your sources and be responsible in writing. gossip is interesting, but it it obscures the mind.
patris_osm on Wed, 15th Dec 2010 3:59 PM
in case you want to be enlightened, please visit the UST ecclesiastical library and look for a dissertation on simbang gabi. good luck.
admin on Wed, 15th Dec 2010 5:59 PM
I am inviting you to write a “serious article” (not just a blog) about Simbang Gabi based on the dissertation you were recommending. Please enlighten us.