Bagong luma o lumang bago

September 23, 2010 by  
Filed under blogs

Hernan-weblog110x110NAHIHINDIK at naeeskandalo ang mga katoto natin sa midya tungkol sa nagaganap sa mga deportation center sa Saudi na pinagkukulungan ng mga kababayan natin.

Hindi na bago ang kasong ito pero kumbaga sa pigsa sa pwet, sumasakit ito tuwing nagagalaw. Ngayong may mga kabayan tayong naglakas-loob na kunan ng bidyo ang kahabag-habag na kalagayan ng mga nakakulong doon at naipuslit ito at inilabas ng Channel 2, muling sumakit ang pigsa. Kinakalkal ngayon ang sugat at muling binabatikos ang mga dapat batikusin at pinagmamadali ang mga opisyal ng gobyerno. Ulit.

Syempre, dahil kinakalikot ang sugat, nangangako kaliwa’t kanan ang mga opisyal ng DOLE, OWWA, POEA at DFA. Parang sinilihan ang tumbong na hindi sila mapakali. Pero pasasaan ba’t magrerelak ulit ang mga ito kapag nagsawa na tayo’t hindi na nakatingin, o mabaling ang pansin sa iba pang isyu. Palibhasa’y hindi sanay ang maraming Pinoy na mag-multitasking paisa-isang isyu lamang ang kaya nating bigyan ng atensyon.

Alam na ng lahat ng nakapag-Saudi ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga kabayan natin sa kulungan doon. At hindi na sila natatawa sa birong tayong mga Pinoy ang laging may kasalanan kapag nadidisgrasya dahil punta kasi tayo nang punta roon. “Kung hindi ka nagpunta rito, hindi ka mababangga,” “Kung hindi ka nagpunta rito, hindi ka mare-rape,” ang karaniwang sinasabi ng mga Saudi sa mga Pinoy. Nakaiinis na nakatatawa pero totoo. Ganyan talaga kakitid ang isip ng ilan sa kanila.

Hindi lang makitid ang isip ng ilang opisyal doon, madali rin silang mapikon at hindi pa kinikilala ang mga opisyal natin. Katunayan, isang Pinoy welfare officer sa Riyadh ang ikinulong kamakailan dahil lamang isinugod niya sa ospital ang isang manganganak na buntis na sa kasamaang palad ay namatay. Noong kararating ko pa lamang noon sa Saudi, nachismis na binatukan ng isang pulis sa airport ang consul general ng Pinas sa Jeddah at pinagmumura pa. Wala raw nagawa ang consul general. Natural, itinanggi ito ng gobyerno natin pero maraming sumumpang totoo raw ang nangyari.

Totoo man o hindi ang chismis tungkol sa counsul general, ang katotohanan ay parang lumalakad sa sahig na may bubog ang mga opisyal ng gobyerno natin sa Saudi dahil maraming patakaran ang Saudi na hindi katanggap-tanggap sa kulturang Pinoy pero sila ang natutupad doon dahil teritoryo nila iyon.

Kung gusto nilang latiguhin ang mga nagkasalang Pinoy at Pinay, wala tayong magagawa kundi kagatin na lang ang ating mga labi o kaya’y magdasal na sana’y maligaw sa Pinas ang mga nagpaparusa at mahulog sa kamay ng pulis natin sa Tondo.

Nagpapadala tayo ng mga manggagawa roon. Hindi tamang inaapi sila dahil nakakatulong sila sa paglago ng ekonomiyang Saudi. Pwedeng daananin sa diplomasya ang relasyon ng dalawang bansa pero nagkakaroon ng problema sa implementasyon lalo na at may mga legal na usapin, gaya ng pagtakas at mga akusasyon ng pang-aabuso at pagnanakaw. At dahil sila ang nasa kapangyarihan at hindi nirerespeto ng ilan sa kanila – lalo na yung mga nasa mababang ranggo – ang mga opisyal natin, nagdurusa ang mga kabayan natin.

Dapat magmuni-muni nang husto ang gobyerno natin at pag-isipang mabuti kung ano ang dapat isagot sa pagmamalabis sa mga kababayan natin. Dapat talagang ibasura ang labor export policy pero long term iyon. Kelangan din ng dagliang lunas para sa pigsa.

Share

Comments

Tell us what you're thinking...
and oh, if you want a pic to show with your comment, go get a gravatar!





Copy Protected by Chetans WP-Copyprotect.