Batas Militar: 1972-1986 (1)
Ni Dante L. Ambrosio (1951-2011)
Unang Bahagi: Isa itong pahapyaw na pasada sa panahon ng batas militar ng Pilipinas na sinulat noong 1997 para sa isang teksbuk ng Kasaysayan ng Pilipinas. Sa kasamaang palad, di ko na nalaman ni natuklasan kung natuloy ang proyekto, yamang wala na akong narinig sa mga kausap ko makaraang maisumite ito sa kanila. Inilalabas ito rito para magsilbing panimulang tulong sa sinumang maaaring magkaroon ng gamit sa artikulong ito.
Bahagi pa ng kasalukuyan ang isinasaysay rito kung kaya mahirap pang isulat ang tiyak na kasaysayan nito. Mahirap pang lubos na maunawaan ang mga naganap, lalo’t marami pang pangunahing tauhan ang hindi pa nagsasalita at marami pang mahahalagang impormasyon ang hindi pa nalalantad sa mata ng nagsusuri. Hindi ito hadlang, gayunman, sa paggawa ng panimulang paglalahad sa paksang ito lalo’t marami na rin namang nagsulat ukol dito o sa mga bahagi nito. Isang pagtatangka ang sumusunod para magsilbing panimulang gabay sa mga mag-aaral ng kasalukuyang panahon.
Tumitingkad sa sumusunod na salaysay kung ano ang magagawa ng nagkakaisang mapanlikhang lakas ng mamamayan kung ito lamang ay hahayaang mamukadkad, gaya nang naganap noong panahon ng diktadura. Minsan nang ipinamalas sa pakikibakang antidiktadura kung ano ang magagawa ng mapanlikhang lakas ng bayan. Nakapanghihinayang na hindi ito lubos na nabigyang laya nang manumbalik ang tradisyonal na sistema ng pulitika at ekonomiya pagkaraan ng Pag-aalsang EDSA.
Hindi madilim, gayunman, ang kasalukuyan at hinaharap ng Pilipinas. Batis ng liwanag at pag-asa ang pakikibaka sa diktadura. Nagsimula sa maliit at mahina ang puwersang antidiktadura. Sa paglipas ng panahon, lumaki ito at lumakas hanggang mapabagsak ang diktadura.
Sa pagpapaunlad ng bansa, muling makakaasa ang bayan sa sarili nitong mapanlikhang lakas. Maaaring maliit at mahina ngayon ang puwersang nagtataguyod nito. Ngunit asahang sa matiyagang pagsisikap, lalaki at lalakas ang puwersang ito. Kung paano lumaki at lumakas ang puwersang antidiktadura, gayundin lalaki at lalakas ang puwersa ng pagkakaisa at pagpapalaya – mayaman at mahirap, bata at matanda, lalake at babae, makabayang negosyante at militanteng manggagawa, naliliwanagang may-ari ng lupa at nakikibakang magsasaka….
Unang Bahagi: Deklarasyon ng Batas Militar
Sa pagpasok ng dekada 1970, pumasok ang Pilipinas sa panahon ng malaking pagkakahati at kaguluhan bunga ng mga natipong suliranin mula nang makamit ang kalayaan. Manipestasyon ng paghahati ang lumaking agwat sa pagitan ng iilang mayayaman at ng napakaraming mahihirap, ang pagbubuo ng mga pulitiko ng private army, ang pag-aaway ng mga naghaharing makapangyarihan sa bansa at ang pagkapit sa armas ng mahihirap na nag-aalsa.
Bunga ng lumulubhang krisis panlipunan, malaking bahagi ng mamamayan ang nahiwalay sa tradisyonal na daloy ng buhay panlipunan. Pangunahin dito ang mga kabataang naghanap ng ibang alternatiba sa buhay. Marami sa kanila ang napabilang sa lumaking grupo ng nagprotesta sa lansangan o lumahok sa armadong paglaban sa kanayunan.
Lumaganap ang kilusang protesta. Sinamantala ito ng mga nais sumolo sa kapangyarihan. Lalo silang naghasik ng kaguluhan sa tangkang malikha ang kalagayan para sa deklarasyon ng batas militar. Umabot ang paglikha ng artipisyal na kalagayan hindi lamang sa mga pambobomba kundi pati na sa gawa-gawang pag-ambus sa Kalihim ng Tanggulang Bansa noong 1972.
Sa unang bahagi, tatalakayin ang mga dahilan kung bakit ipinataw ni Presidente Ferdinand E. Marcos ang batas militar. Ilalatag din ang mga unang hakbang na ginawa ng gobyerno upang ipatupad ang mga layunin nito.
Sa susunod, tatalakayin ang mga ibinunga ng batas militar makaraan ang may 13 taong pag-iral nito. Dito makikita ang mga nagawa nito at ang mga dahilan ng paglakas ng pagtutol at paglaban sa diktadura.
Aralin 1: Proklamasyon 1081
Setyembre 21, 1972 nang pirmahan ni Presidente Marcos ang Proklamasyon 1081 na nagpataw ng batas militar sa buong bansa. Setyembre 23, 1972 nang ipaalam niya ito sa mamamayan. Sa araw na ito, naikulong na ang kanyang mga kalaban at iba pang tutol sa patuloy niyang pamamahala.
Sa simula, ginamit niyang dahilan sa pagpataw ng batas militar ang paglakas diumano ng kilusang komunista sa buong bansa at ng kilusang sesesyonista sa Mindanao. Nang lumaon, isinama rin niya ang banta mula sa kanan – mula sa oligarkiya – na binubuo ng kanyang mga kalaban na kumokontrol sa pulitika at ekonomiya ng Pilipinas. Ayon kay Presidente Marcos, layunin ng batas militar na “iligtas ang Republika” at “itatag ang isang bagong lipunan”. Mga layunin itong labas sa itinakda ng Konstitusyong 1935 para sa pagpapailalim ng bansa sa batas militar.
Sa pananaw ng marami, walang ibang kahulugan ang pagpataw ng batas militar kundi walang pakundangang pag-agaw at pagsolo ng kapangyarihan ng pangkating Marcos. Ginamit ni Presidente Marcos ang krisis at nag-imbento ng mga kaguluhan – gaya ng mga pambobomba at ng ambus sa Kalihim ng Tanggulang Bansa Juan Ponce Enrile – para agawin at solohin ang kapangyarihan.
Totoong may malubhang problema sa katahimikan at kaayusan. Totoo ring dumaranas ang bansa ng malubhang krisis pang-ekonomiya. Totoo ring lumalala ang problemang pampulitika. At totoong may krisis panlipunan. Wika ng ilang tagamasid, para diumanong nakaupo ang Pilipinas noong 1972 sa tuktok ng isang bulkan na handa nang pumutok anumang oras. Ngunit, sa tantya ng mga ito, hindi kailangan ng ekstraordinaryong hakbang para harapin ang mga suliranin. Subalit ginamit nga ito ni Presidente Marcos para manatili sa kapangyarihan nang lampas sa itinadhana ng Konstitusyong 1935.
Iba’t iba ang pananaw sa krisis na dinaranas ng bayan at kung paano ito haharapin. May ibang umasa sa Kumbensyong Konstitusyonal ng 1971 at sa repormang magagawa nito sa pag-ugit ng bagong saligang-batas. Kabilang dito ang mga moderato o repormista na nakakakita pa ng pag-asa sa sistemang umiiral. May ibang nanangan sa rebolusyong panlipunan para malutas ang mga saligang suliranin ng sambayanan. Kabilang dito ang mga radikal ng kilusang pambansa-demokratiko at ang muling itinatag na Communist Party of the Philippines (CPP). Mayroon ding nagpahayag ng “rebolusyon mula sa sentro” para lutasin ang suliranin ng bayan. Si Presidente Marcos at ang kanyang mga kapanalig ang nagtaguyod ng huling pananaw na ito.
Para kay Presidente Marcos, kailangang tanganan ng gobyerno – ng kanyang gobyerno – ang inisyatiba sa pagharap sa krisis na dinaranas ng bansa. Kinakailangan ng matatag na pamumuno para ipagtangol ang republika at itatag ang bagong lipunan. Sa pananaw niya, kailangan ng batas militar para magawa ito.
Sa pamamagitan ng tinaguriang Rolex 12, – ang dalawang sibilyan at 10 opisyal militar na tagapayo ng Presidente – pinagpasyahan at isinakatuparan ang pagpataw ng batas militar sa pamamagitan ng Proklamasyon 1081. Inako ni Presidente Marcos ang lahat ng kapangyarihan ng pamamahala:
Ako, si Ferdinand E. Marcos, Presidente ng Pilpinas… ay nagpapahayag na aking pamamahalaan ang buong bansa, at pamamatnugutan ang operasyon ng buong gobyerno, kabilang ang lahat ng mga ahensya at instrumentalidad nito.”
Pagliligtas sa Republika
Upang iligtas ang Republika sa mga komunista, sesesyonista, oligarkiya at kriminal, kagyat na hinuli at ikinulong ang mga diumano’y kaaway ng Republika. Isinara, sinuspindi, kinumpiska at ipinagkait ng gobyernong batas militar ang mga inaakalang daluyan ng impluwensiya at kapangyarihan ng mga ito. Sa ibang salita, ikinulong ng gobyernong Marcos ang mga kalaban nito at ipinagkait sa mga mamamayan ang mga tradisyonal na daluyan ng pagtutol, kasama ang mga batayang kalayaang sibil na ginagarantiyahan ng konstitusyon.
Naging mabilis ang mga pangyayari. Sa gabi ng Setyembre 22-23, hinuli ng militar ang mga lider ng Kongreso kabilang sina Sen. Jose W. Diokno at Sen. Benigno Aquino Jr. Dinakip ang mga lider estudyante, mga unyonista, mga tagapagtaguyod ng kalayaang sibil, mga mamamahayag at tagapaglathala ng pahayagan, mga pari at iba pang kontra-Marcos. Sinasabing sa mga unang oras ng batas militar, may 8,000 kagyat ang naikulong ng gobyerno. Hanggang noong 1975, umabot sa may 50,000 detenidong pulitikal mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang nagpalipas ng panahon sa mga kulungang militar.
Ikinandado ng pamahalaang Marcos ang Kongreso at sinuspindi ang mga eleksyon. Pinilay ang Korte Suprema at hiningan ng mga liham ng pagbibitiw ang mga huwes ng mababang hukuman, mga liham na hinawakan ni Presidente Marcos hanggang 1983. Isinara ang mga pahayagan, radyo at telebisyon pati na mga paaralan. Kinontrol ng pangkating Marcos ang mas midya. Pinayagang maglathala at magbrodkas iyon lamang hawak ng mga kroni nito.
Ipinagbawal ang lahat ng anyo ng sama-samang protesta – rali, martsa demonstrasyon, at welga. Itinakda ang curfew simula alas-10 ng gabi at nagtayo ng mga checkpoint sa mga pangunahing lansangan. Sinona ang mga komunidad ng maralita at hinuli nang walang mandamyento de aresto ang mga pinaghihinalaan ng kung anong krimen. Sa isang iglap, sinuspindi ng gobyernong batas militar ang mga kalayaang sibil ng mamamayan.
Hinuli ang mga kilalang kriminal at pinilay ang mga kilalang pulitikong warlord. Kinumpiska rin ang daang libong sandata. Nagbuo ng mga hukumang militar para litisin ang mga sibilyang inaresto, kabilang si Sen. Aquino. Inalis din sa tungkulin ang mga pinaghihinalaang tiwaling empleyado ng gobyerno. Para ipakitang seryoso sa gawaing reporma ang gobyernong batas militar, pinayring-iskwad ng militar ang sinasabing drug lord na si Lim Seng.
Kinumpiska ng administrasyong Marcos ang mga ari-arian ng oligarkiya. Kinuha, halimbawa, ang ABS-CBN, Meralco at Manila Chronicle mula sa pamilyang Lopez at ipinamahagi ito sa mga kroni ni Presidente Marcos. Naglunsad ng mga kampanya ng pagkubkob sa ilang yunit ng NPA sa Isabela, Tarlac at Bikol. Nagbuhos din ito ng maraming tropa ng militar sa Mindanao para supilin ang pag-aalsa ng MNLF.
Sa pagkawala ng oposisyon, nakuha ni Presidente Marcos ang lahat ng pagkakataon para isakatuparan ang mga nais niyang gawin. Tiniyak niya ang salalayang legal ng kanyang patuloy na solong paghahari. Tinawag niya itong awtoritaryanismong konstitusyonal dahil nakasalig diumano ito sa saligang batas. Tiniyak niya ang kanyang lubos at malawak na kapangyarihan sa Konstitusyong 1973 at sa mga reperendum na kanyang idinaos sa pakunwaring pagkonsulta sa mga tao.
Pagbubuo ng Bagong Lipunan
Pagsasakatuparan ng mga reporma ang isa pang dahilan ng pagpataw ng batas militar. Sa simula pa lamang ng Bagong Lipunan, inilatag agad ng gobyernong batas militar kung ano ang dapat gawin ng mamamayan: “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.” Ibig sabihin, kailangang sundin ng mamamayan ang itinakda ng gobyernong batas militar kung nais nila ng kaunlaran.
Para ipakita ang repormistang tunguhin ng batas militar, kagyat na ipinahayag ni Presidente Marcos na land reform area ang buong Pilipinas. Kanyang ipinagmalaki na ang reporma sa lupa ang siyang magiging sukatan ng tagumpay ng Bagong Lipunan at ng kanyang administrasyon. Kaugnay nito, naglunsad ang gobyerno ng mga programa sa pagpapaunlad ng sakahan gaya ng Masagana 99 na nagpatupad ng bagong teknolohiya sa pagsasaka.
Inilunsad din nito ang isang agresibong programang pang-ekonomiya para mahango sa kahirapan ang mayorya ng mamamayan. Nakasandal ito sa pag-akit sa dayuhang kapital at pagbubukas ng bansa sa pandaigdigang kalakalan. Upang maakit ang mga dayuhan at malalaking negosyante, tiniyak nito ang kapayapaan sa industriya sa pagbabawal ng protesta ng mga manggagawa. Nagbigay ito ng maraming insentibo kabilang ang mga bawas sa buwis at ang mura, maamo at sanay na lakas paggawa.
Nagtakda rin ang pamahalaan ng mga proyektong industriyal gaya ng 11 malalaking proyektong pang-industriya na magtutulak sa bansa sa landas ng industriyalisasyon. Itinaguyod nito ang rasyonalisasyon at pangrehiyong pagpapalaganap ng mga industriya. Kabilang dito ang pagrereestruktura ng industriya ng tela at ang pagtatatag ng mga export processing zone at industrial estate sa iba’t ibang panig ng arkipelago.
Upang libangin ang taumbayan at ipagmalaki ang martial law, Philippine-style sa daigdig, naglunsad ng mga engrandeng palabas ang rehimen. Ilan dito ang Miss Universe Contest, Ali-Frazier Thrilla in Manila, kampeonato sa ahedres at mga pandaigdigang kumbensyon gaya ng kumbensyon ng IMF noong 1976.
Kapalit ng pagsupil sa mga saligang karapatan ng mamamayan at ng pananatili sa kapangyarihan, ipinangako ng rehimeng batas militar ang katahimikan at kaunlaran sa taumbayan.
Aralin 2: Ilang Ibinunga ng Batas Militar
Sa simula, tila natutupad ng rehimeng batas militar ang ipinangako nito sa mamamayan kapalit ng kanilang mga kalayaang sibil. Nagkaroon ng katahimikan at nabawasan ang kriminalidad.
Bagaman nagkaroon ng problema sa suplay ng bigas at nagkaroon ng krisis sa langis noong 1973-1974, tumaas naman sa pandaigdigang pamilihan ang presyo ng eksport ng Pilipinas gaya ng asukal at kopra. Nalampasan ng bansa ang krisis sa langis at nagkaroon ng sapat na suplay ng bigas pagdating ng 1976.
Sa unang limang taon ng batas militar, lumaki ang GNP ng bansa ng average na 6.5%. Nagkaroon din ng pagbabago sa mga produktong eksport. Lumaki ang eksport na damit at produktong elektroniko, gayundin ang mga di tradisyonal na produktong agrikultural gaya ng saging.
Ipinagpatuloy ng pamahalaan ang mga proyektong impraistruktura na naglatag ng mabilis na ugnay sa pagitan ng mga rehiyon ng bansa. Lumawak din ang ugnay ng Pilipinas sa ibang bansa nang magbukas ang gobyernong Marcos ng diplomatikong relasyon sa Unyong Sobyet, Tsina at iba pang sosyalistang bansa ng silangang Europa.
Ang mga nagawang ito ng gobyerno, gayunman, ay hindi nagpatuloy. Mula 1978 hanggang sa unang hati ng dekada 1980, lumubha ang krisis pangkabuhayan sa bansa. Lumiit ang taunang GNP hanggang maging negatibo ito noong simula ng dekada 1980. Isang dahilan ang pagbagsak ng presyo ng mga pangunahing eksport ng Pilipinas. Umunlad man ang ekonomiya noong gitnang bahagi ng dekada 1970, hindi ito naramdaman ng mga karaniwang tao. Napilitan ang maraming Pilipino na humanap ng trabaho sa ibang bansa. Sa panahon ng batas militar, naging pangunahing eksport ng Pilipinas ang mga Pilipinong manggagawa at propesyonal.
Hindi lamang ang paglubha ng krisis pang-ekonomiya ang naging masamang epekto ng 13 taong pamamahala ng gobyernong batas militar. Labis na natipon ang kapangyarihan sa pangkating Marcos. Lumakas ang kapangyarihan ng militar at ng mga kroni ni Presidente Marcos. Responsable ang una sa mabibigat na paglabag sa karapatang pantao, samantalang kinamkam ng huli ang yaman ng bansa sa mga di matagumpay na proyekto at industriyang kanilang pinamahalaan. Bunga ng malubhang krisis at pagpapailalim ng ekonomya at pulitika ng bansa sa International Monetary Fund (IMF), lumakas din ang kontrol ng mga teknokrata sa gobyerno.
Konsentrasyon ng Kapangyarihan
Nabanggit na ang pag-ako ni Presidente Marcos ng lahat ng kapangyarihan sa pagpataw ng batas militar. Bukod sa militar, mahigpit na kontrolado ng Malakanyang ang gobyernong lokal. Sa pamamagitan ng mga dekreto, si Presidente Marcos mismo ang gumawa ng batas matapos na isara ang Kongreso at gawing rubber stamp ang itinatag na interim Batasang Pambansa noong 1978. Kahit may Batasan na, hindi binitiwan ni Presidente Marcos ang kapangyarihang magpatibay ng batas. Nanatili sa posisyon ang mga huwes ayon sa kagustuhan ng Presidente, lalo’t hawak niya ang mga liham ng pagbibitiw ng mga ito.
Dahil sa ganitong konsentrasyon ng kapangyarihan, hindi nakapagtataka kung pati na ang mga napakaliit na bagay ay iakyat sa Presidente para desisyunan. Sa maagang yugto pa lamang ng batas militar, alam na ng mamamayan kung kanino ihaharap ang mga suliranin nila mula sa problema sa loob ng pabrika hanggang sa problema sa mga proyektong pangkaunlaran ng gobyerno.
Hindi lamang kay Presidente Marcos natipon ang kapangyarihan. Nakibahagi rin pati na ang Unang Ginang Imelda Marcos bilang Gobernador ng bagong buong Metro Manila at Ministro ng Human Settlements. Gaya nang mababanggit sa ibaba, nakibahagi sa konsentrasyon ng kapangyarihan ang militar, ang mga kroni ni Presidente Marcos at ang mga teknokrata.
Paglakas ng Militar
Militar ang pangunahing suhay ng gobyernong batas militar. Bunga ng pagsandig dito ni Presidente Marcos, mabilis na pinarami ang mga tauhan nito mula 62,000 noong 1972 hanggang 160,000 noong 1975. Lumobo rin ang badyet nito mula sa P880 milyon noong 1972 hanggang sa P4 bilyon noong 1975. Pinalakas ang seguridad ng Presidente sa pagpapalaki ng Presidential Security Command (PSC), gayundin ng mga ahensya sa pangangalap ng impormasyon gaya ng National Intelligence and Security Authority (NISA) at iba pang katulad na yunit.
Pinasok din ng militar ang mga puwestong dati’y laan lamang sa mga sibilyan. Ipinuwesto ni Presidente Marcos ang mapagkakatiwalaan niyang mga opisyal militar – aktibo at retirado – sa mga ahensya ng gobyerno, mga korporasyong gobyerno at mga negosyong kinumpiska sa mga kalaban ng rehimen. Ipinadalang sugo sa ibang bansa ang iba pa. Binuo rin ang mga hukumang militar para litisin ang mga kasong kinasasangkutan ng mga sibilyan.
Anupa’t nagkaroon ng malaking papel sa pulitika ng bansa ang militar bunga ng mga hakbang na ginawa ni Presidente Marcos. Ang papel na ito, gayunman, ay hindi naging kaaya-aya para sa taumbayan. Kung tutuusin, sa paglawak ng pakikialam ng militar sa buhay sibilyan, lumawak din ang mga pang-aabuso nito sa mga karapatang pantao.
Sa simula pa lamang ng batas militar, lumaganap agad ang mga pang-aabuso. Bukod sa walang katwirang pag-aresto at pagkulong sa mga pinaghihinalaan nang walang kasong isinasampa, tinortyur ng militar ang kanilang mga hinuli. Kabilang sa mga karaniwang tortyur ang tinawag na NAWASA treatment at MERALCO treatment. Kinapalooban ang una ng paggamit ng tubig para hindi makahinga ang tinotortyur. Sa ikalawa nama’y kinukuryente ang ari ng detenido hanggang sa sumuka ito at mawalan ng malay-tao. Bukod pa ang mga ito sa panggagahasa at pang-aabusong sekswal sa mga detenidong babae.
Liban sa tortyur, pinatay na lang basta ang ibang hinuli. Sa ilalim ng gobyernong batas militar, binago ang kahulugan ng salitang salvage – iligtas talaga ang kahulugan nito ngunit naging patayin sa panahon ng diktadura. Bangkay na kung matagpuan ang mga dinakip. Ang iba namang hinuli ay hindi na natagpuan hanggang ngayon. Sila ang tinawag kalaunan na mga desaparecido, tawag sa Latin Amerika sa mga nawala habang nasa kamay ng militar. Ipinapalagay na sinalbeyds din sila ng militar, bagaman nakabitin sa hangin hanggang ngayon ang naging kapalaran nila. Hanggang ngayon, hinihintay pa ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan ang muli nilang pagbabalik o paglitaw.
Mula 1973 hanggang 1985, mahigit 2,000 biktima ng salbeyds ang naidokumento ng Task Force Detainees. Mula 1974-1983, may 634 ang iniulat nitong nawawala at napabilang sa mga desaparecido. Bukod sa tinatayang 50,000 ikinulong hanggang noong 1975, may iniulat ding inaresto noong 1977-1985 na 18,000 katao. Karamihan sa mga inaresto ay ikinulong nang walang kaso at pinalaya rin makaraang magpalipas ng ilang oras hanggang ilang taon sa kulungan. Sa bisa ng Presidential Commitment Order (PCO) o Preventive Detention Action (PDA), hinuhuli na lang basta at ikinukulong ang sinuman nang walang takdang panahon.
Bunga ng mga operasyong militar sa kanayunan, maraming tagabaryo ang naging biktima ng mga pambobomba at ng iba pang restriksyong militar. Dumami ang mga tinaguriang internal refugee – mga sibilyang nagbakwet para iwasan ang mga operasyong militar. Noong dekada 1980, sinimulan ng militar ang strategic hamletting kung saan pilit itinira ang mga sibilyan sa mga komunidad malapit sa bayan upang hindi nila mabigyang suporta ang NPA. Ginawang free-fire zone ang mga dating tirahan nila – ibig sabihin, maaaring barilin ang sinumang nasa labas ng hamlet lalo’t walang pahintulot ang militar. Mangyari pang nagdulot ito ng maraming kahirapan sa taumbayan, kabilang na sa mga bata na karaniwang dinadapuan ng sakit na ikinamatay ng ilan.
Bilang panlaban sa mga NPA, binuo at sinuportahan ng militar ang mga grupong paramilitar at mga antikomunistang kulto. Kabilang sa mga grupong paramilitar ang Civilian Home Defense Force (CHDF) na may mahabang listahan ng paglabag sa karapatang pantao. Binuwag ito ngunit, sa katunayan, pinalitan lang ito ng pangalan. Isa pa sa mga grupong paramilitar na itinayo at sinuportahan ng militar ang Kuratong Baleleng na napatanyag bilang mga kidnapper at holdaper noong dekada 1990. Samu’t saring antikomunistang kulto rin ang sinuportahan ng militar. Isa sa pinakatanyag ang Sagrado Corazon Señor na lalong kilala sa bansag na Tadtad. Tinatadtad muna nila ang kanilang biktima bago patayin.
Bukod sa mga problemang pangkabuhayan, ang mga malulubhang paglabag sa karapatang pantao ang isa sa mga mahahalagang usaping nagtulak sa taumbayan para tumutol at lumaban.
Paglakas ng mga Kroni at ng mgaTeknokrata
Bukod sa militar, isa pang sinandigan ng gobyernong batas militar ang mga kroni ni Presidente Marcos. Ito ang mga kaibigan ng Presidente na nakinabang sa mga pang-ekonomiyang patakaran ng gobyerno. Sila ang kumamkam ng mga ari-arian ng mga kalaban ni Presidente Marcos at binigyan ng mga insentibo para magpalawak ng interes sa iba’t ibang negosyo. Ginarantiyahan ng gobyerno ang mga inutang nila sa mga dayuhan at lokal na bangko. Nang bumagsak ang kanilang mga negosyo, ang gobyerno – o mas tumpak, ang taumbayan na nagbabayad ng buwis – ang sumalo sa kanilang pagkakautang.
Itinala sa isang aklat, Some Are Smarter Than Others, ang mga kroni ni Presidente Marcos at ang mga negosyong kinasangkutan ng mga ito. Inilahad sa aklat kung paano nila nakuha at napalago ang kanilang mga negosyo bunga ng pagiging malapit nila sa Presidente. Kabilang sa mga kroni ang mga Benedicto na kumontrol sa kalakalan ng asukal, gayundin sa mas midya. Kasama rin si Eduardo Cojuangco, isa sa Rolex 12, na siya namang kumontrol sa kalakalan ng kopra at iba pang negosyo. Maging ang mga proyektong impraistruktura ay pinakinabangan din ng mga kroni, pangunahin ng mga Cuenca na nasa industriya ng konstruksyon.
Habang diumano’y winawasak ng gobyernong batas miltar ang oligarkiya, nagbuo naman ito ng sariling monopolyo sa pamamagitan ng mga kroni. Nang bumagsak ang mga negosyo nila, nagbigay ang gobyerno sa kanila ng bagong pautang para isalba ang mga ito. Halimbawa, nang kunin ng gobyerno ang naluluging Construction and Development Company of the Philippines (CDCP) mula sa mga Cuenca noong 1983, nakapagpasok na ito ng $460 millyon sa kumpanya na bumubuo sa 90% ng kapital nito.
Hindi si Presidente Marcos ang unang nagpasok sa pamahalaan ng mga teknokrata – mga itinuturing na mahuhusay na manedyer at ekonomsita. Ngunit sa administrasyong Marcos lumaki ang papel nila sa pamamahala laluna sa panahon ng batas militar at sa panahon ng pagpapailalim ng bansa sa programa ng IMF. Kabilang sa mga teknokrata sina Cesar Virata, Jaime Laya, Vicente Paterno, Alejandro Melchor, Gerardo Sicat.
Noong dekada 1980, nang lumubha ang krisis pangkabuhayan at pumailalim sa programa ng IMF ang Pilipinas kapalit ng mga pautang, iniupong Punong Ministro si Kalihim Virata. Pinamahalaan niya ang pagtatangka ng gobyerno na isalba ang ekonomiya sa tulong ng mga pandaigdigang institusyong pampinansya. Bunga ng paglubha ng kalagayang pampulitika kasunod ng pagpatay kay Sen. Aquino, walang nangyari sa programa. Nahuli pa ng mga institusyong pampinansya ang pagdoktor sa estadistikang pampinansya ng gobyerno ng isa sa mga teknokrata ng pamahalaan.
Sa pagbubuo at pagpapatupad ng programa sa kaunlaran ng rehimen, inasahan ng gobyernong batas militar ang mga teknokrata nito. Sa iba’t ibang kadahilanan, nabigo ang mga programa na paunlarin ang bansa at hanguin sa kahirapan ang mayorya ng mamamayan. Kahit sa panahong sila na mismo ang nagpapatakbo ng gobyerno sa pagtataguyod ng mga pandaigdigang institusyong pampinansya, hindi nila nakuhang isalba ang bansa sa krisis.
Iba’ ibang grupong nakapaligid kay Presidente Marcos ang nagkaroon ng kapangyarihan sa panahon ng batas militar. Ito ang inasahan ng gobyerno na mamahala sa pagtiyak ng katiwasayan at pagpapaunlad sa bansa. Kabaligtaran ang naganap. Lalo lamang lumakas ang paglaban ng mga mamamayan – armado at di-armado – sa diktadura. Lalo lamang dumanas ng kahirapan ang mayorya ng mamamayan. Ginatungan pa ito ng sukdulan nilang pang-aabuso sa kapangyarihan at kayamanan ng bansa na di man nila inilingid sa mga mamamayang naghihirap.
Hindi sinuklian, sa madaling salita, ng rehimeng batas militar ang pagsolo ng kapangyarihan at pagsupil sa karapatan ng mamamayan ng ipinangako nitong katahimikan at kaunlaran. Lalo lamang bumigat ang pasanin ng taumbayan at lumaganap ang diskontentong nagsilbing gatong sa paglakas ng kilusang antidiktadura.
Comments
Tell us what you're thinking...
and oh, if you want a pic to show with your comment, go get a gravatar!