Batas Militar: 1972-1986 Dante L. Ambrosio
Ikatlong Bahagi: Pag-aalsang EDSA
Malaki na nga ang iniunlad ng pakikibakang antidiktadura sa pagpasok ng dekada 1980. Pati na ang pampulitika at pang-ekonomiyang kabuhayan ay tila nagbabadya ng di magandang hinaharap para sa rehimeng batas militar.
Mula pa huling dekada ng 1970, tinutulak na ng gobyernong Estados Unidos sa ilalim ng administrasyong Carter ang rehimen tungo sa “normalisasyon” – tungo sa pagbabalik ng mga pormal na institusyon ng demokrasya. Kasama sa proseso ng “normalisasyon” ang ginanap na eleksyon para sa interim Batasang Pambansa noong 1978, ang pormal na pag-aalis ng batas militar noong Enero 1981 at ang pagdaraos ng eleksyong presidensyal noong Hunyo 1981. Lahat nang ito, gayunman, ay ginawa ayon sa mga kundisyong itinakda ni Presidente Marcos.
Nagsimula na ring tumindi ang krisis pang-ekonomiya na ipinamalas at pinalubha pa ng pagtakas ng isang negosyanteng di makabayad ng utang sa mga bangko. Umabot ang utang sa daang milyong piso na kinasangkutan ng may 80 kumpanya at bangko. Di biro ang epekto nito sa negosyo sa bansa. Maging ang malalaking negosyanteng sumuporta sa rehimen sa simula ay nagpamalas ng pagkabahala sa lumulubhang krisis. Gayon na lamang ang tindi ng suliraning pangkabuhayan kung kaya pumailalim ang gobyerno sa programang istruktural ng IMF na lalo lamang nagpahigpit sa pagkasakal ng huli sa bansa.
Samantala, bagaman may paghupa sa armadong pakikibaka ng MNLF, bigla namang sumigla iyong sa CPP sa iba’t ibang dako ng bansa laluna sa Samar at Mindanao. Bukod sa lumaganap ang mga kilos-protesta ng mamamayan higit pa itong naging koordinado kung kaya nakapaglunsad din ng mga pambansang aksyon kabilang ang mga unang mga welgang bayan sa Davao, Negros at Bataan noong 1984. Anupa’t sa lahat ng larangan, nalagay sa alanganin ang katayuan ng rehimen.
Tatalakayin sa bahaging ito ang mga kagyat na pangyayaring nagbunga ng pagbagsak ng rehimeng batas militar simula sa pagpatay kay Sen. Benigno Aquino Jr. noong 1983, sa pagdaraos ng eleksyong snap noong 1986 at sa apat na araw na Pag-aalsang EDSA noong Pebrero 22-25, 1986.
Aralin 1: Pagpatay kay Sen. Benigno Aquino Jr.
Kung hindi idineklara ang batas militar noong 1972, magkakaroon sana ng eleksyong presidensyal noong 1973. Ito na ang katapusan ng dalawang terminong panunungkulan ni Presidente Marcos. Sa ilalim ng Konstitusyong 1935, hindi na siya maaaring tumakbo bilang presidente.
Noon pa man, ang inaasahan nang humalili sa kanya bilang presidente ay ang batang senador na si Benigno Aquino Jr. ng Partido Liberal. Ngunit di ito naganap. Sa halip na manungkulan sa Malakanyang, sa mga bilangguan ng gobyernong batas militar nakulong ang senador. Isa siya sa mga unang hinuli nang ideklara ang batas militar.
Sa halip na makipagtulungan, pinili ng senador na labanan ang diktadura mula sa loob ng bilangguan. Binatikos niya ang paglilitis sa kanya na isang sibilyan ng hukumang militar. Sa isang pagkakataon, pinaabot niya ang pagtutol sa pagsasagawa ng hunger strike ng mahigit isang buwan. Kahit na pinatawan sila ni Kumander Dante ng NPA ng parusang kamatayan, kapwa nila ipinagpatuloy ang pagbatikos sa rehimeng batas militar.
Sa eleksyong 1978 para sa interim Batasang Pambansa, binuo niya ang partidong LABAN kasama ang iba pa para hamunin ang partido Kilusang Bagong Lipunan (KBL) sa Metro Manila. Halatang-halata ng mamamayan ang pandaraya, dahil hindi pinalusot ng rehimen sa eleksyong ginawa kahit si Aquino na napakapopular pa rin noon.
Bunga ng kanyang pagkakasakit, pinayagan siya ng gobyerno na pumunta ng Estados Unidos para magpagamot noong 1980. Ginamit niya ang pagkakataon para sangguniin ang iba pang mga pulitiko at grupong antidiktadura sa Estados Unidos. Bagaman sinabi niyang isa sa mabungang bahagi ng kanyang buhay ang pananatili sa Estados Unidos, nadama naman niyang nalalayo siya sa kasagsagan ng mga pangyayari sa Pilipinas.
Naisip niyang bumalik sa Pilipinas noong 1983 nang mabalitang may malubhang sakit si Presidente Marcos. Nabalita na rin ang paglalabanan ng mga pangkat sa loob ng gobyerno. Diumano’y pumoposisyon na ang mga ito kung aling pangkat ang mamamayani sakaling mamatay ang Presidente. Malinaw na usapin, kung gayon, ang problema ng hahalili kay Presidente Marcos dahil walang malinaw na sistema ng paghalili. Lalong magkakagulo ang bansa kung sakali.
Higit sa lahat, lumalakas nga ang paglaban ng mga mnamamayan simula taong 1980. Sa pagkakataong ito, pinili ni Sen. Aquino na bumalik ng bansa upang maging bahagi ng mga pag-aayos para sa hahaliling pamahalaan sakaling mamatay nga sa sakit si Presidente Marcos. Iminungkahi niya na magbuo ng konseho ng mga tagapayo o ng mga nakakatanda upang ayusin ang sistema ng transisyon. Ngunit binalewala ng Presidente ang kanyang mungkahi.
Sa kanyang pagbabalik, batid ni Aquino ang mga panganib na kanyang susuungin. Agosto 21, 1983 nang lumapag sa Manila International Airport (MIA) ang eroplanong kinasasakyan ni Marcial Bonifacio – ang alyas na ginamit ni Aquino. Habang pababa siya ng eroplano, kasabay ang mga military escort na kumaon sa kanya, binaril at pinatay ang Senador.
Laking pagkabigla ng mga Pilipino nang ibalita ang walang patumanggang pagbaril at pagpatay sa Senador. Ayon sa gobyerno, isang paupahang mamamatay-tao – si Rolando Galman – ang bumaril sa Senador. Binaril din at pinatay si Galman nang oras ding iyon. Mga komunista ang pumatay kay Aquino, sabi ng gobyerno. Walang naniwala sa pamahalaan.
Sa bigat ng seguridad sa paliparan at sa pangyayaring mga militar ang nakapaligid kay Sen. Aquino, at mga militar din ang mga huling kasama ni Galman, naniwala ang lahat na may kinalaman ang gobyerno at militar sa pagpatay kay Aquino. Pinatibay ang paniniwalang ito ng resulta ng imbestigasyon ng Komisyong Agrava na binuo ng gobyerno para siyasatin ang pangyayari. Itinuro ng resulta ang militar bilang siyang may kasalanan sa pagpatay sa dating Senador.
Habang isinasagawa ang imbestigasyon, bumuhos ang malawak na simpatya ng mamamayan kay Sen. Aquino. Nais nilang ipahayag ang kanilang niloloob: “Sobra na!” Sa burol ng Senador sa simbahang Santo Domingo, mahabang pila ng mga tao ang nagtiis ng init ng araw at patak ng ulan para makiramay at masilayan ang labi ng dating Senador. Sa paghahatid ng bangkay sa Tarlac at pagbabalik nito sa Maynila, daan-daang libo ang humanay sa lansangan para ito saksihan. Sa araw mismo ng libing, daan-daang libo rin ang sumama sa paghahatid sa dating Senador sa huling hantungan.
Higit pa sa mga ito ang di inaasahang naganap. Sa unang pagkakataon, bumuhos sa mga lansangan ng Makati – ang sentro ng negosyo at pinansya ng bansa – ang mga dilaw na confetti na tanda hindi lamang ng pakikiramay at pakikidalamhati. Pagtutol at paglaban sa katalampasanan ang ipinamalas ng gitnang puwersang kinatawan ng mga empleyado at negosyante ng Makati nang kanilang sabuyan ng dilaw na confetti ang libing at ang mga protestang ginanap dito.
Sobra nga ang ginawang pagbaril at pagpatay sa dating Senador kung kaya tila nagising ang taumbayan sa katalampasanang nagaganap sa ilalim ng rehimeng batas militar. Lalo pang ginatungan ng rehimen ang poot na naglalatang sa dibdib ng mamamayan. Kinabukasan, pagkatapos ng libing, hindi man lamang nabasa sa dyaryo o napanood sa telebisyon ang walang katulad na libing. Garapal na pagtatakip ang ginawa ng pamahalaan. Lalo itong nagpangitngit sa mamamayang lubhang nakakabatid na ngayon ng katotohanan. Humulagpos sa mga malawakang rali at demonstrasyon ang damdaming kaytagal na kinimkim para singilin ang rehimen sa mga kasalanan sa taumbayan.
Nagsilbing titis na nagpaliyab sa paglaban sa diktadura ang pagpatay kay Sen. Aquino. Kagyat na napasalansangan ang libu-libong mamamayang nagpoprotesta. Justice for Aquino, Justice for All (JAJA) ang sigaw ng mga biktima ng gobyernong batas militar. Ito rin ang pangalang ginamit ng kilusang nagkoordina sa mga kilos-protesta. Sa unang pagkakataon, sumanib ang mga gitnang puwersa ng lipunan sa mga puwersa ng mamamayang kay laon nang nakikibaka laban sa diktadura.
Sinikap ng mga puwersang antidiktadura na bumuo ng malawak na samahan o koalisyon na magsusulong sa paglaban sa rehimen. Mula sa JAJA, nabuo ang Coalition of Organizations for the Restoration of Democracy (CORD). Noong 1985, sinikap na pag-isahin sa isang mas masinsing organisasyon ng mga puwersang antidiktadura sa pagbubuo ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN). Ngunit bunga ng mga di pagkakaunawaan, dalawang samahan sa halip na isa ang nabuo. Isa nga ang BAYAN na ang ubod ay binubuo ng mga pambansang demokrata at isa pa ang Bansang Nagkaisa sa Diwa at Layunin (BANDILA) na ang ubod ay binubuo ng mga sosyal demokrata.
Iba’t ibang anyo ng protesta ang inilunsad ng mga mamamayan. Bukod sa mga malawakang rali at demonstrasyon, nagsagawa ng mga tinawag na jogging for justice, pasyalan sa Ayala, window shopping sa Rustan’s, misa at prusisyon. Kapag sa Makati ginanap ang kilos protesta, hindi nawawala ang mga dilaw na confetti na naging tatak na ng protesta. Naganap noong 1983-1984 ng mga protestang sa lawak ay di pa nasaksihan sapul nang panahon ng batas militar o bago pa ito.
Noong 1984, pinasinayaan ang isang bagong anyo ng protesta ng mamamayan – ang welgang bayan. Ito ang paghinto ng mga normal na aktibidad ng mamamayan bilang protesta. Naglunsad ng welgang bayan sa Davao kaugnay ng usapin ng Pagkain at Seguridad. Nagsagawa ng welgang bayan sa Negros kaugnay ng usapin ng karapatang pantao. Welgang Bayan din ang inilunsad sa Bataan kontra sa plantang nukleyar. Sa huling welgang bayang ito unang nasaksihan ang pagpigil ng mga tao sa armed personnel carrier (APC) ng AFP – pagpigil ng mga sibilyan na muling ginawa sa mas malaking aksyon ng mga mamamayan sa EDSA.
Sinikap ng gobyerno na pahupain ang galit ng mamamayan. Ngunit nagtuluy-tuloy ang mga protesta habang lalo pang lumakas sa buong kapuluan ang armadong paglaban. Bagay na nakabahala hindi lamang sa gobyernong batas militar kundi pati na sa gobyernong Estados Unidos. Isang bahagi nito, kabilang ang Departamento ng Estado, ang nabahala sa paglakas ng impluwensya ng CPP at buong kilusang pambansa-demokratiko sa nagaganap na mga protesta. Nagtangka ang mga ahensya ng Estados Unidos na padaluyin ang mga protesta sa paraang naihihiwalay ang CPP at ang kilusang pambansa-demokratiko habang napapanatili ang impluwensya ng Estados Unidos sa mga nagaganap.
Ngunit ganoon na lamang ang pagkasiphayo ng mga pulitikong kontra-Marcos sa pagsuporta ng Estados Unidos sa rehimen kung kaya pumirma sila sa kasunduan ng mga oposisyonista na tumututol sa pananatili ng mga baseng militar ng Estados Unidos sa bansa. Isa pa naman ito sa mga sensitibong interes ng Estados Unidos at isa sa mahalagang dahilan ng pakikialam nito sa mga nagaganap sa bansa.
Aralin 2: Eleksyong Snap
Bunga ng paglakas ng mga protesta at aksyong militar ng CPP-NPA, gayundin ng lumalakas na katangiang anti-imperyalista ng mga pagkilos, lubha ngang nabahala ang Estados Unidos sa nagaganap sa Pilipinas. Mangyari pang pangunahing pinangangalagaan nito ang mga base militar at iba pang pang-ekonomiyang interes nito sa bansa. Sa buong panahon ng 1985, dating nang dating sa bansa ang mga sugo ng pamahalaang Amerikano kabilang ang pinuno ng CIA na si William Casey at ang pangunahing tagapayo ni Presidente Ronald Reagan na si Paul Laxalt.
Pati na mga ahensya ng gobyernong Amerikano ay nag-isip ng mga paraan upang pahupain ang mga protesta kabilang ang pagpapanukala ng normalisasyon, negosasyon at rekonsilasyon sa pagitan ng mga nagtutunggaling puwersa, basta mawala sa eksena ang CPP at ang buong kilusang pambansa-demokratiko na may mahigpit na paninindigang anti-imperyalista. Nagpanukala rin ang Estados Unidos ng eleksyong snap para maipakita ang patuloy na pagsuporta ng taumbayan sa pamahalaang Marcos.
Sa harap ng mga presyur sa gobyernong Marcos, gumawa ito ng sariling mga hakbang para bawasan ang presyur mula sa mga nagpoprotesta at sa pamahalaang Estados Unidos. Kabilang nga sa mga hakbang na ito ang eleksyon noong 1978 para sa interim Batasang Pambansa, pormal na pag-aalis ng batas militar noong Enero 1981, pagdaraos ng eleksyong presidensyal noong Hunyo 1981 at ang pinakahuling eleksyon para sa regular na Batasang Pambansa noong Mayo 1984.
Gayunman, hindi nabawasan ang presyur. Ipinapalagay ng mga maimpluwensyang sektor sa Estados Unidos na nawawala na ang suporta ng mamamayan sa pamahalaang Marcos. Noong Nobyembre 1985, bigla na lamang ipinahayag ni Presidente Marcos sa interbyu sa telebisyong Amerikano na ginanap ng madaling araw kung kailan tulog ang maraming Pilipino ng kahandaan niyang magdaos ng eleksyong snap para patunayang suportado pa siya ng mamamayang Pilipino.
Nagdaos si Presidente Marcos ng eleksyong snap, kung gayon, hindi para bigyan ng pagkakataong makapamili ng presidente ang mamamayang Pilipino kundi para payapain ang mga maimpluwensyang sektor ng Estados Unidos. Sa palagay ng Presidente, kontrolado pa niya ang sitwasyon lalo’t hawak niya ang mga institusyong panghalalan sa bansa pati na ang gobyernong lokal.
Bilang tugon, iniharap na kandidato ng oposisyon ang balo ni Sen. Aquino, si Corazon Cojuangco Aquino. Hindi malinaw noong una ang kandidato ng oposisyon lalo’t determinado si Salvador Laurel ng UNIDO na tumakbo sa pagkapresidente. Matapos ang mga negosasyon na sinangkutan ni Jaime Cardinal Sin ng Simbahang Katoliko, napagpasiyahang tumakbo sa pagkapresidente si Aquino at pagkabise si Laurel. Samantala, nagkaisa rin ang KBL, makaraan din ang mga pagtatalo, sa kandidatura ni Arturo Tolentino bilang bise ni Presidente Marcos.
Sa mga pagtatalo sa loob ng pangkating Marcos, napaisantabi ang administrador ng batas militar na si Kalihim Enrile. Sa pagtatalong naganap, namayani ang pangkat nina Gng. Imelda Marcos at Heneral Fabian Ver. Sa harap ng pagkakaisantabing ito, kinonsolida ni Kalihim Enrile ang sariling puwersa sa Ministri ng Tanggulang Bansa na kinabilangan ng mga pangunahing lider ng RAM. May plano na sila noon na magkudeta sa Enero 1, 1986 bago ipinahayag na magkakaroon ng eleksyong snap. Ngunit dahil sa eleksyon, ipinagpaliban ang kudeta. Sa halip, naglunsad ang RAM ng kampanya para sa malinis at patas na halalan.
Nagkaroon din ng mga pagtatalo sa loob ng CPP at ng kilusang pambansa-demokratiko kaugnay ng eleksyong snap. Nahati sa panig ng boykot at panig ng partisipasyon ang kilusan. Sa huli, pinagpasyahan ng kilusan na iboykot ang eleksyong snap sa kabila ng masiglang pagtangkilik dito ng mga mamamayang kontra-Marcos. Sa palagay ng CPP, pakana ng diktadurang US-Marcos ang eleksyon para iligaw ang mamamayang nag-aalsa at gawing lehitimo ang pananatili ni Marcos sa kapangyarihan. Sa pagboykot, gayunman, napasaisantabi ang CPP at ang kilusang pambansa-demokratiko na siyang layunin din ng pamahalaang Estados Unidos.
Na ang kampanya sa eleksyon ay ginawa hindi lamang sa hanay ng mamamayang Pilipino, kundi laluna sa kapakinabangan ng mga maimpluwensyang sektor sa Estados Unidos ay ipinamalas ng isang mahalagang hakbang ni Gng. Aquino. Sa susog ng kanyang mga tagapayo at ng kumpanyang Amerikano sa public relations, binawi si Gng. Aquino ang pagtutol sa mga base militar ng Estados Unidos. Sa halip, nanindigan siya sa patakarang “open options” sa usapin ng base. Dahil dito, naging madali ang “pagbebenta” ng kandidatura ni Gng. Aquino sa mga Amerikano.
Sa buong kampanya, napatunayan ang malakas na suporta ng mga tao sa kandidatura ni Gng. Aquino. Ang lakas na ginamit sa pagpoprotesta ang siya ring lakas na ginamit para sa kampanya ni Gng. Aquino. Sa mismong araw ng halalan, Pebrero 7, masiglang ipinagtanggol ng mga tao ang balota sa harap ng mga panlalansi at pandaraya ng KBL. Inamin mismo ni Kalihim Enrile ang mga ginawang pandaraya noong talikuran niya ang pamahalaang Marcos.
Isang linggo makaraan ang botohan, hindi pa rin inaanunsyo ang nanalo sa halalan. Malaki ang pagkakaiba sa bilang ng boto ng COMELEC at ng National Movement for Free Election (NAMFREL) na muling ginawang aktibo para subaybayan ang halalan. Nasira ang kredibilidad ng tabulasyon ng COMELEC nang magwalk-out noong Pebrero 9 ang mga computer tabulator dahil di nila masikmura ang pandaraya sa bilangan. Samantala, ang lider ng kinatawan ng kongreso ng US – si Sen. Richard Lugar – na nag-obserba sa halalan ay nagpahayag ng pagdududa sa naging takbo nito.
Sa kabila ng mga anomalyang iniulat, ayaw pa ring bitawan ng gobyernong Reagan ang pagsuporta sa rehimen. Nang iproklama ng Batasang Pambansa na nanalo sa halalan ang tambalang Marcos-Tolentino noong Pebrero 15, ipinadala pa ng gobyernong Reagan ang isang sugo, si Philip Habib, para lumikha ng kasunduan sa pagitan ni Presidente Marcos at Gng. Aquino. Ngunit yari na ang pasya ni Gng. Aquino na ituloy ang laban.
Noon Pebrero 16, ipinahayag ng milyong mamamayan sa Luneta ang tagumpay ni Gng. Aquino sa halalan. Inilunsad nang araw ding ito ni Gng. Aquino ang isang malawak na kampanya ng civil disobedience, kabilang ang di pagbabayad ng buwis at pagboykot sa mga produkto ng mga kroni ni Presidente Marcos.
Habang gumagawa ng hakbang si Presidente Marcos na ipaloob ang oposisyon sa kanyang pamamahala sa mungkahing pagbubuo ng Council of Elders kung saan may inilaang puwesto kay Gng. Aquino, lumarga naman ang kampanya ng civil disobedience nito. Samantala, ang kilusang pambansa-demokratiko na napaisantabi sa panahon ng kampanya dahil sa posisyong boykot ay naghanda naman para sa malaking pagkilos sa katapusan ng buwan ng Pebrero sa pakikipag-ugnayan sa iba pang puwersang antidiktadura.
Nasa ganitong yugto ng pagtutuos ang mga puwersang nagtutunggali nang maganap ang Pag-aalsang EDSA.
Aralin 3: Pag-aalsang EDSA
Nabigla ang marami sa sumunod na pangyayari. Wala sa hinagap ng mga nagsusuri ang naganap. Hindi ito kabilang sa mga senaryong kanilang inisip. Pebrero 22, Sabado – sa press conference na tinawag nina Kalihim Enrile at Hen. Fidel Ramos sa Kampo Aguinaldo, ipinahayag nila ang kanilang paghiwalay sa pamahalaang Marcos. Dito inamin ni Kalihim Enrile na hindi totoo ang ambus sa kanya noong 1972 na ginamit na dahilan sa pagpataw ng batas militar. Inamin din niya na daan-daang libong boto sa Lambak Cagayan ang ginamit para dayain sa eleksyong snap si Gng. Aquino.
Ayon sa kanya, pinili nilang gawin sa Kampo Aguinaldo at Kampo Crame ang kanilang huling tindig laban sa pamahalaang Marcos. Handa nilang tanggapin ang anumang mangyayari. Batid niyang maaaring mangahulugan ng kamatayan ang kanilang ginawa. Hiniling niya sa mamamayan ang suporta nito.
Ano ang nangyari at umurong sa dalawang kampo sina Kalihim Enrile? Natuklasan ni Presidente Marcos ang planong kudeta ng RAM na nakatakda sa Pebrero 23, Linggo. Ipinagtapat ito ng mga nahuling lider ng RAM. Bagaman di batid ng pamahalaan ang lawak ng plano, gumawa ng mga panimulang hakbang sina Presidente Marcos. Pebrero 20 pa lang ay dinagdagan na ang depensa ng Malakanyang. Inaresto rin ang mga sundalong guwardiya ng Ministro ng Kalakalan Roberto Ongpin na nakatalaga sa Ministri ng Tanggulang Bansa. Dahil sa mga naobserbahang kilos ng Malakanyang, nagbago ng plano ang RAM.
Dahil sa pagkatuklas ng planong kudeta, nagpasya si Kalihim Enrile na magkuta sa Kampo Aguinaldo. Sa harap ng bantang pagsalakay ng puwersa ni Presidente Marcos, nanawagan ng tulong sa mamamayan sina Kalihim Enrile. Nanawagan din si Cardinal Sin sa mamamayan na magtungo sa dalawang kampo at ipagtanggol ang mga nasa loob.Kagyat na tumugon ang August Twenty-One Movement (ATOM) ni Butz Aquino. Nagbantay sila sa pinto ng dalawang kampo.
Kagyat din ang naging pagtugon ng mga tao. Sa loob ng apat na araw, pinuno nila ang harap ng mga kampo at ang mahabang bahagi ng EDSA. Nang dumating ang mga marino at mga APC na sasalakay sa kampo, hinarang nila ang mga ito. Katawan nila ang ginamit nilang barikada para mamagitan sa dalawang armadong puwersa. Mula Pebrero 23-25, tinatayang may 2 milyong mamamayan ang nagbantay sa EDSA.
Dito lubos na namukadkad ang tinaguriang People Power. Iniharang ng milyong mamamayan ang kanilang katawan sa pagpigil sa mga sundalo at APC na lulusob sa dalawang kampo. Naghanda sila at namigay ng pagkain sa dalawang magkaharap na puwersa, laluna sa mga nagkukuta sa loob ng dalawang kampo militar. Naghandog sila ng mga bulaklak sa mga sundalo, laluna sa mga sundalong palusob sa dalawang kampo. Nagdasal sila sa gitna ng EDSA. Kung dumanak ang dugo sa EDSA, malamang dugo ng mga karaniwang mamamayan ang pumatak at umagos sa EDSA. Kung sakaling nangyari ito, tiyak na mahihirapang panghawakan ninuman ang mga susunod na pangyayari.
Habang nagtatagal, kumikiling ang balanse ng puwersa sa mga nasa EDSA. Unti-unti, naglipatan sa panig ng mga nag-alsa ang mga yunit ng pulis at militar. Lalong malaking pagbabago sa balanse ng puwersa ang naganap nang dumating sa Kampo Aguinaldo ang mga helikopter ng Air Force para sumama sa pag-aalsa. Ang lakas na dati’y nasa panig ng rehimeng Marcos ay naagnas unti-unti nang di ito makagawa ng mapagpasyang aksyon laban sa mga mamamayang nagtipon sa EDSA.
Sa Club Filipino sa San Juan, sumumpa sina Aquino at Laurel bilang mga bagong halal na presidente at bise-presidente ng Pilipinas noong Pebrero 25. Nagbuo sila ng gobyerno habang patuloy na nahihiwalay sa daigdig ang pamahalaang Marcos. Kahit ipinahayag ng Batasan na nanalo si Presidente Marcos sa eleksyon, walang gobyerno ng ibang bansa ang kumilala rito liban sa isa. Nahiwalay si Marcos hindi lamang sa loob kundi pati na sa labas ng Pilipinas. Ang gobyernong Reagan lamang ang nagtatangkang iligtas pa ang kanyang pamahalaan.
Bunga ng di pagkilos agad para supilin ang mga magkukudeta habang kaunti ang tao sa EDSA, nawala sa rehimeng Marcos ang inisyatiba sa EDSA. Sa lalong pagdami ng tao sa EDSA at sa paligid ng Malakanyang, muling humiling ng suporta ang pamahalaang Marcos sa Estados Unidos. Sa simula, sinikap ng pamahalaang Reagan na makabuo ng huling kompromiso sa pagitan nina Presidente Marcos, Kalihim Enrile at Gng. Aquino. Ngunit nabigo ang mga huling pagtatangka.
Sa loob mismo ng gobyernong Reagan, unti-unti ring nakapangibabaw ang mga nagpapanukalang alisan ng suporta si Presidente Marcos para maisalba ang kalagayan pabor sa patakarang panlabas ng Estados Unidos. Sa harap ng Pag-aalsang EDSA at sa lumitaw na mga moderatong lider nito, nagpasya ang pamahalang Reagan na talikuran na ang rehimeng Marcos. Sa interbyu sa telepono na isinahimpapawid sa radyo, malinaw ang payo ni Laxalt kay Presidente Marcos – “cut and cut cleanly”. Walang nasabi si Marcos kundi: “I’m so very, very disappointed.” Ganito nagwakas ang rehimeng batas militar. Sa Estados Unidos pa rin nanggaling ang huling salita!
Nang gabi ng Pebrero 25, tumakas ng Malakanyang sina Presidente Marcos. Ngunit hindi pa rin siya lubusang pinabayaan ng gobyernong Estados Unidos. Dinala siya at ang kanyang pamilya ng helikopter sa ligtas na lugar ng Clark Air Base bago itinuloy sa Hawaii. Dito siya pinatira ng pamahalaang Reagan hanggang sa mamatay. Bago tumakas, sumumpa sa pagkapangulo sa Malakanyang si Presidente Marcos noong Pebrero 25.
Samantala, pagkarinig sa pagtakas ni Marcos, lumuha at nagtatalon sa kasiyahan ang maraming nagbantay sa EDSA. Tagumpay ang pag-aalsa laban sa rehimen!
Ilang Sanggunian
1. Ambrosio, Dante L. “Militanteng Kilusang Manggagawa sa Kamaynilaan: 1972-1982 Paghupa, Pag-ahon, Pag-agos,” di-nakalathalang MA Tisis sa Kasaysayan, UP, 1992.
2. Arillo, Cecilio T. Breakaway. Mandaluyong: CTA and Associates, 1986
3. Bello, Walden, David Kinley at Elaine Elinson. Development Debacle: The World Bank in the Philippines. San Francisco, California: Institute for Food and Develoment Policy, 1982.
4. Civil Liberties Union of the Philippines. Three Years of Martial Law. Makati: CLUP, 1975.
5. Javate-de Dios, Aurora, Petronilo Bn. Daroy, at Lorna Kalaw-Tirol. Dictatorship and Revolution Roots of People Power. Metro Manila: Conspectus, 1988.
6. Schirmer, Daniel B. at Stephen R. Shalom, pat. The Philippines Reader A History of Colonialism, Neocolonialism, Dictatorship and Resistance. Quezon City: KEN, Inc. 1987.
7. Seagrave, Sterling. The Marcos Dynasty. New York: Harper and Row, Publishers, 1988.
8. Timberman, David G. A Changeless Land. Makati: The Bookmark, 1991.
9. Youngblood, Robert L. Marcos Against the Church. Quezon City: New Day Publishers, 1993.
(Mababasa ang ilang dokumento sa http://dlambrosio.multiply.com at sa aking facebook account.)
jerome on Sat, 19th Feb 2011 12:37 PM
ang hirap naman makita yung nagwakas ang batas militar
geanne on Sat, 11th Feb 2012 12:59 PM
wala namang pagtatapos ng batas militar dito eh..
jane on Mon, 20th Feb 2012 10:50 AM
ang hirap nman basahin..
at uala vhanq kataposan anq batas militar ?
Kano on Tue, 21st Feb 2012 8:22 PM
Ano byan!
glenda on Thu, 23rd Feb 2012 9:32 AM
hi 2 oll
jannel on Tue, 12th Feb 2013 5:53 PM
i hate this…i dont even know where to star about marshall law..