Batas Militar: 1972-1986 (2)
Ni Dante L. Ambrosio (1951-2011)
Ikalawang Bahagi: Kilusang Antidiktadura
Hindi pa nakalipas ang isang linggo nang tugunin ng pagtutol ang batas militar. Unti-unting lumakas ang kilusang antidiktadura mula nang ipataw ang batas militar noong 1972 hanggang sa Pag-aalsang EDSA noong 1986.
May dalawang nagtutulungang bahagi ang kilusang ito – ang di-armadong pakikibaka at ang armadong pakikibaka. Binubuo ang di-armadong pakikibaka ng sama-samang pagkilos ng iba’t ibang sektor ng mamamayan. Binubuo naman ang armadong pakikibaka ng paglaban ng Communist Party of the Philippines (CPP) at ng hukbo nitong New People’s Army (NPA) at ng Moro National Liberation Front (MNLF) at ng hukbo nitong Bangsa Moro Army (BMA).
Unang tatalakayin sa yunit na ito ang pakikibaka ng bawat sektor ng mamamayan. Susundan ito, pagkatapos, ng multisektoral na pakikibaka – ang sama-samang paglaban ng mga mamamayan. Kapwa bahagi ito ng di-armadong pakikibaka. Sa ikatlong bahagi tatalakayin ang armadong pakikibaka ng CPP at MNLF.
Sa loob ng 13 taong pakikibaka sa diktadura, inaruga ng nakibakang taumbayan ang mga puwersa at salik na pabor sa pag-unlad ng pakikibakang antidiktadura. Sa huling pagtutuos, ang nagkakaisang mapanlikhang lakas ng taumbayan na nabigyang laya sa panahon ng pakikibaka ang siyang pangunahing dahilan ng pagbagsak ng rehimeng batas militar.
Aralin 1: Sektoral na Pakikibaka
Hindi magkakasabay ang pag-unlad ng pakikibaka ng mamamayan. Nakalaban agad iyong mga di-gaanong napinsala ng panunupil, iyong may malakas na pundasyong institusyonal at iyong naapektuhan agad ng programa ng pamahalaan. Kabilang dito ang mga taong-simbahan, mga tagapagtaguyod ng karapatang sibil, mga pulitikong kontra-Marcos, mga maralitang tagalungsod, mga manggagawa, at mga grupong etniko.
Lumipas ang panahon bago nakalaban sa rehimen ang mga napuruhan ng panunupil. Kabilang dito ang mga kabataan-estudyante, guro, magsasaka, mangingisda, at miyembro ng mas midya.
Lumaban na lamang sa diktadura ang mga nakinabang at sumuporta sa batas militar noong lumalakas na ang kilusang antidiktadura. Kabilang dito ang malalaking negosyante at ang isang bahagi ng militar. Tinalikuran ng gobyernong Estados Unidos ang diktadura, na sinuportahan nito sa loob ng 13 taon, sa huling-huling sandali na lamang.
Taong-Simbahan. Sa kabuuan, sinuportahan ng Simbahang Katoliko ang gobyernong batas militar. Gayunman, noong Setyembre 28, 1972. 16 na obispo ang nagpahayag ng pagkabahala. Nanawagan sila na igsian ang tagal ng batas militar at ibalik ang mga karapatan ng mamamayan. Anang isang obispo, dapat manindigan ang simbahan at “maging tinig ng mga taong inalsan ng tinig.”
Mahalaga ang ambag ng mga taong-simbahan – Katoliko, Protestante at iba pa – sa paglakas ng kilusang antidiktadura. Ginamit ng lumalabang mamamayan ang dasal, misa at prusisyon upang sama-samang maghain ng pagtutol, yamang bawal ang rali, demonstrasyon at martsa. Naglabas ng mga newsletter ang mga taong simbahan gaya ng Various Reports, Signs of the Times at Ichjhys para ipalaganap ang tunay na kalagayan ng bayan sa panahong kontrolado ng pamahalaan ang mas midya.
Nagbuo sila ng mga Basic Christian Communities (BCCs) na naging muog ng mga maralita hindi lamang para sa pananampalataya kundi para rin sa pakikibaka. Bumuo rin ang mga taong simbahan ng mga institusyon para tumulong sa kilusan ng mamamayan – Task Force Detainees, Friends of the Workers, Urban Missionaries.
Nag-alay ang simbahan ng mga martir sa kilusang antidiktadura: Fr. Zacarias Agatep, Fr. Jeremias Aquino, Fr. Pites Bernardo, Sister Asuncion Martinez at maraming iba pa. Nagawa ng mga taong-simbahan na makapanindigan agad dahil nasa isang matibay na institusyon sila na itinaguyod ng mamamayan at ng katutubong kultura.
Maralitang Tagalungsod. Lumaban agad ang mga maralitang tagalungsod dahil dinedemolis ang bahay nila para sa mga development project at beautification campaign ng rehimen. Nagmartsa ang mga maralita ng Zone One Tondo Organization (ZOTO) noong Nobyembre 1973 tungong Malakanyang para tutulan ang demolisyon. Nagbarikada naman ang mga taga-Tatalon, Bagumbayan at Ugong Norte sa Quezon City noong buwan ding ito at noong Disyembre 1974.
Nagsanib ang mga protesta ng maralita noong Enero 1976 sa martsa sa Malabon kung saan tinutulan ng Alyansa ng Maynila at Karatig-Pook Laban sa Demolisyon ang pagwasak sa kanilang mga tahanan. Iniharap nila ang alternatibang on-site development sa halip na ipatapon sila sa malayong lugar na walang trabaho. Anila, kung development talaga ang habol, bakit hindi sila isinasama ng pamahalaan sa proyekto?
Manggagawa. Para ipaglaban ng mga manggagawa ang mga karapatan nila, sinubukan nila ang iba’t ibang anyo ng sama-samang pagkilos dahil bawal ang piket, rali, at welga. Ginamit nila ang petisyon, delegasyon at sabay-sabay na pagdarasal para tutulan ang pagpako ng kanilang suweldo at masamang palakad sa loob ng pabrika.
Noong 1974 nagmartsa ang mga manggagawa ng Gelmart, pagawaan ng damit sa Parañaque, para lang makapagpulong. Nagmartsa rin ang mga batilyo at nagdaos ng misa noong 1974 sa Navotas bilang pagtutol sa pagpapatalsik sa kanila sa trabaho at komunidad bunga ng proyektong modernong daungan ng pamahalaan.
Binasag ng welga ng La Tondeña noong Oktubre 1975 ang “katahimikan” ng batas militar. Umalingawngaw ang welga ng La Tondeña sapagkat hayagan nitong hinamon ang lahat ng mga ipinagbabawal ng rehimen – kahit trak-trak na ikinulong ng militar ang mga welgista. Matapos ang welga ng La Tondeña, bumuhos ang mga welga at iba pang sama-samang protesta ng mga manggagawa mula Oktubre 1975 hanggang Enero 1976. Isinigaw ng mga manggagawa: “Sobra na! Magwewelga na kami!”
Detenidong Pulitikal. Tinatayang mahigit 50,000 ang ikinulong ng rehimen pagsapit ng 1975. Sila ang tinawag na detenidong pulitikal. Ikinulong sila mula isang araw hanggang sampung taon o higit pa may kaso man o walang kasong isinampa sa hukuman.
Naglunsad ng unang hunger strike noong 1973 ang mga detenido sa Fort Bonifacio. Isa sa mga kahilingan nila ang pagpapalaya sa dalawang nagdadalangtao. Noong Disyembre 1974 mga pari namang ikinulong sa Kampo Olivas, Pampanga ang nag-hunger strike. Halos isang buwang nag-hunger strike ni Sen. Benigno Aquino Jr. bilang pagtutol sa paglilitis sa kanya ng hukumang militar noong Abril 1975.
Koordinado at sabay-sabay na hunger strike ang inilunsad noong Disyembre 1975 ng mga detenido sa 5th CSU sa Kampo Crame, sa Youth Rehabilitation Center (YRC) sa Fort Bonifacio at sa HPC Stockade 4 sa Kampo Crame. Unang pagkakataon ito na nagawa ang sabay-sabay na kilos-protesta sa loob mismo ng kampo militar. Noong Hunyo at Oktubre 1976 nag-hunger strike muli ang mga detenido sa “gintong hawla” ng rehimen – ang Bicutan Rehabilitation Center sa Taguig – kung saan mahusay diumanong tinatrato ang mga detenido.
Sa paghuli at pagkulong ng libu-libong mamamayan, nakabuo ang pamahalaang batas militar ng isang tanging grupo na tumutol sa diktadura. Sa buong panahon ng batas militar, naging muog ng pakikibaka ang sarili nitong bilangguan.
Kalinga, Tinguian at Bontoc. Umarangkada ang pakikibaka ng mga taga-Cordillera sa Hilagang Luson noong maagang bahagi ng dekada 1970. Bunga ito ng pagtatayo ng Chico Dam at pagpasok ng Cellophil Resources na nagbabantang wasakin ang teritoryo at kultura ng mga Kalinga, Tinguian at Bontoc.
Sa Chico Dam, itinaboy noong 1974 ng mga kababaihang Kalinga ang mga nagsasarbey na empleyado ng National Power Corporation (NPC). Bilang tanda ng pagkakaisa, nagsagawa ng bodong ang iba’t ibang grupo sa Cordillera. Isa itong kasunduan ng kapayapaan at pagkakaisa.
Uminit ang laban noong 1976 nang tapatan ng NPA, na marami’y mula sa grupong etniko, ang panggigipit ng militar. Tumindi pa lalo ang kalagayan nang patayin ng militar noong Abril 24, 1980 si Macliing Dulag, lider ng mga kontra sa proyekto.
Lumawak ang paglaban nang magsagawa rin ng bodong ang mga Tinguian at Bontoc noong Enero 1979 laban sa Cellophil Resources. Nang taon ding ito nakipagbodong din ang mga lumalabang taga-Cordillera sa mga kapanalig at simpatisador sa kapatagan. Kumbinasyon ng di-armado at armadong paglaban ang ginamit ng mga taga-Cordillera lalo’t lumakas sa pusod ng kabundukan ang NPA.
Magsasaka. Nakatuon ang paglaban ng mga magsasaka sa mga programang Masagana 99 at Samahang Nayon, problema sa lupa, usura, di-pantay na hatian sa ani, polusyon, mataas na presyo ng pestisidyo, tumitinding militarisasyon at dumaraming paglabag sa mga karapatang pantao. Dagdag rito ang pagpapatalsik sa mga magsasaka sa mga lupaing ginamit sa mga proyektong industriyal gaya ng Bataaan Export Processing Zone (BEPZ) sa Bataan, PHIVIDEC Industrial Estate sa Misamis Oriental, NDC-Guthrie sa Agusan at iba pa.
Tumindi ang di-armadong pakikibakang magsasaka sa pagpasok ng dekada 1980. Isa sa mga tampok na aksyon ang paghiling ng may 5,000 magsasaka sa kagyat na pag-ilit ng Hacienda San Antonio-Sta. Isabel sa Isabela noong 1980-1981. Isang 12-kilometrong martsa ang ginawa noong Abril 1981 upang tutulan ang panggigipit ng militar sa mga magsasaka at para pabilisin ang pag-ilit ng asyenda na iniutos na ni Presidente Marcos nang nakaraang buwan.
Sa Gitnang Luson, pinangunahan ng Alyansa ng mga Magsasaka sa Gitnang Luson (AMGL) na binuo noong Nobyembre 1981 ang pagpapababa ng presyo ng mga gamit-pansaka. Sa unang pagkakataon sapul nang magbatas militar, dinala ng mga magsasaka ang usapin sa Maynila nang 2,000 miyembro ng AMGL ang nagdemonstrasyon sa Ministri ng Agrikultura noong Disyembre 1981.
Mangingisda. Nagpamalas ng sektoral na pagkilos ang mga mangingisda, na karaniwang magsasaka rin, noong 1977 nang tutulan ng mga mangingisda ng Samar ang operasyon ng malalaking trawler sa mga pangisdaan. Sa Bulacan at Laguna de Bay, nilabanan ng mga mangingisda ang pagtatayo ng ilegal na pispen at ang polusyon ng mga pangisdaan.
Kabataan at Estudyante. Isa sa mga napuruhan ng panunupil ng batas militar ang sektor ng kabataan at estudyante na siyang bumuo ng pinakamalaking puwersa sa kilusang protesta bago magbatas militar. Marami sa kanila ang hinuli at ikinulong ng pamahalaan, ngunit marami rin ang lumahok sa kilusang lihim o nagpalakas ng armadong pakikibaka sa kapuluan.
Nang magbukas ng klase noong Oktubre 1972, kagyat silang nagsagawa ng mga protesta kontra batas militar gaya ng tahimik na pagmamartsa (silent march) at maramihang pag-iingay (noise barrage). Nang mga sumunod na taon, itinuon nila ang pagkilos sa pagbawi ng mga karapatan nila – karapatan sa pag-oorganisa, pahayagan at konseho.
Noon lamang Hunyo-Hulyo 1977 bumulwak ang protestang estudyante dahil sa pagtaas ng matrikula. Gumulong ang kilusang boykot sa mga unibersidad at kolehiyo sa Kamaynilaan – UP, UE, GAUF, Adamson, Feati, PCC, PWU, Trinity College at UST. Bunga ng pagsigla ng kilusang estudyante, muling naging aktibo ang Kabataang Makabayan bilang isang lihim na samahang kabataan-estudyante. Binuo rin ang League of Filipino Students (LFS) at ang Youth for Nationalism and Democracy (YND).
Sumikad uli ang kilusang estudyante noong 1980 bunga ng pagtutol sa Education Act. Noong Setyembre 1981, inilunsad ang “Araw ng Protesta ng mga Estudyante” nang sabay-sabay sa Maynila, Baguio, Cebu at Davao bilang pagtutol sa pagsupil sa mga demokratikong karapatan at sa pananatili ng batas militar.
Mamamahayag at Mas Midya. Kinontrol agad ng rehimeng batas militar ang mas midya. Maraming dyaryo ng kilusang lihim ang nagsikap na maglantad ng tunay na kalagayan ng bansa sa ilalim ng batas militar. Kabilang dito ang Liberation, Taliba ng Bayan, at Balita ng Malayang Pilipinas (BMP).
Bukod sa mga dyaryo ng kilusang lihim, ang Philippine Collegian ng UP at ang Various Reports, Signs of the Times at Ichthys ng mga taong-simbahan ang naglathala ng mga balitang di kinarga ng midyang kontrolado ng gobyerno. Mga huling taon na ng dekada 1970 nang lumitaw ang tinawag na mosquito o alternative press. Kinatawan ito ng mga pahayagang We Forum at Ang Pahayagang Malaya, ng mga magasing WHO, Panorama, at Mr. & Ms.
Dumanas ang mga ito ng iba’t ibang anyo ng sensura at panunupil, kabilang ang pagbilanggo sa istap ng Philippine Collegian noong 1976 at ng We Forum noong 1982. Pinatay rin ang maraming mamamahayag gaya nina Henry Romero at Alex Orcullo.
Bumuhos noong Hulyo 1980 ang paglaban sa sensura at pagsupil ng kalayaan ng pamamahayag nang imbitahan at ipailalim sa interogasyon ng militar si Ma. Ceres Doyo bunga ng kanyang artikulo ukol sa pagpatay kay Macliing Dulag. Noon ding taong ito, pinuwersang magbitiw ang patnugot ng Panorama bunga ng mga artikulong kritikal sa gobyerno. Noong Disyembre 1982, bukod sa pagsasara sa WE Forum at pagbilanggo sa tagapaglathala at istap nito, inimbitahan din ng National Intelligence Board ang walong babaeng manunulat. Dahil dito gumulong ang protesta laban sa pagsupil sa malayang pahayagan.
Tagapagtaguyod ng Kalayaang Sibil at Pulitikong Kontra-Marcos. Bunga ng pagsuspindi ni Presidente Marcos sa mga eleksyon, pagsasara ng Kongreso at pagpilay sa Korte Suprema, nawalan ng tradisyonal na daluyan ng pagtutol ang mga tagapagtaguyod ng kalayaang sibil at ang mga pulitiko.
Sa mga pulitikong kontra-Marcos, mahigpit ang pagtutol ni Sen. Benigno Aquino Jr. kahit siya nakabilanggo. Tinutulan niya ang pagkulong at paglilitis sa kanya ng hukumang militar. Sa halip na sumuko sa kagustuhan ng diktador, minabuti niyang labanan ito mula sa loob ng bilangguan. Gaya nang dati, nagsilbing inspirasyon ng mga nakikibaka si Sen. Jose W. Diokno na nanguna sa Free Legal Assistance Group (FLAG) sa pagtatangol sa mga detenidong pulitikal. Gabay ng mga nakibaka ang kanyang makabayang pagsusuri sa mga maiinit na usapin sa ilalim ng batas militar, kabilang iyong ukol sa mga base militar at programang pang-ekonomiya.
Kahit na pinilay ng batas militar ang Korte Suprema, dito rin legal na hinamon ng mga tagapagtaguyod ng kalayaang sibil ang mga aksyon ng pamahalaan kabilang ang Proklamasyon 1081 mismo. Hindi pinalampas nina dating mahistrado J.B.L. Reyes, Sen. Lorenzo Tañada, Sen. Jovito Salonga at ng Civil Liberties Union of the Philippines (CLUP) ang mga hakbang ng diktadura nang hindi ito hinaharapan ng kaso sa Korte Suprema.
Isa sa mga unang okasyon ng pagtutol sa batas militar ang ginawang pagboto ng “No” ng 16 na delegado ng Kumbesyong Konstitusyonal sa konstitusyong binuo nila sa ilalim ng batas militar. Sa panahon ng plebisito para aprubahan ang konstitusyong ito noong 1973, tumindig sa mga rali laban sa konstitusyon ang ilang delegado kabilang si Aquilino Pimentel Jr.
Kahit ipinagbabawal ang pamamahagi ng pamplet kontra batas militar, nagpamahagi ng pagsusuri ang ilang bantog na personalidad. Inilabas ni Sen. Diokno ang kanyang “Three Years of Martial Law”, pinirmahan naman nina Sen. Salonga at iba pang mga matataas na pinuno ng simbahan, abogado at propesyonal ang isang “Message of Hope” na bumabatikos din sa kalagayan sa ilalim ng batas militar.
Sa pagbubukas ng eleksyon para sa interim Batasang Pambansa (IBP) noong 1978, nagkaroon muli ng plataporma ang maraming pulitiko para makabahagi sa kapangyarihang pampulitika. Sinamantala ng mga pulitikong kontra-Marcos ang eleksyon para harapin ang rehimen sa isang di pantay na laban.
Sa rehiyon ng Metro Manila, binuo ang Lakas ng Bayan (LABAN) sa pangunguna ni Sen. Tañada at ni Sen. Aquino na nakakulong pa rin. Sa Bicol, binuo ang Bicol Saro, itinatag sa Cebu ang Pusyon Bisaya samantalang lumaban sa eleksyon sa Mindanao ang Mindanao Alliance. Bagaman sinadyang ilampaso ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ni Presidente Marcos sina Sen. Aquino sa Metro Manila, ilang oposisyonista sa Bicol, Bisaya at Mindanao ang hinayaang manalo. Nanatiling rubber stamp, gayunman, ng diktadura ang IBP.
Guro, Manggagawang Pangkalusugan, Empleyado ng Gobyerno. Habang tumitindi ang krisis pang-ekonomiya noong dekada 1970, lumakas naman ang pagtutol ng mga karaniwang empleyado sa loob at labas ng gobyerno. Isang tanging grupo na nagsimulang tumutol at humiling ng pagbabago ang mga guro, manggagawang pangkalusugan at empleyado ng gobyerno. Bunga ng mga piket, hunger strike, demonstrasyon, at iba pang kilos protesta, nabuo ang mga samahang gaya ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), Alliance of Health Workers (AHW) at Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE) mula huling bahagi ng dekada 1970 hanggang simula ng dekada 1980.
Kababaihan. Sa panahon ng batas militar lumakas ang kilusang pagpapalaya ng kababaihan. Bahagi na ang mga kababaihan sa pagtutol sa batas militar sa simula pa lamang sa pamamagitan ng Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) na binuo bago pa magbatas militar. Nang lumaon, kinilala ang mahalagang papel ng kababaihan hindi lang sa pakikibaka laban sa diktadura kundi sa pagbabago ng buong lipunan. Tumampok sa mga pagkilos ang mga usaping pangkababaihan hanggang sa maorganisa ang mga samahang kababaihan sa ilalim ng General Assembly Binding Women for Reforms, Integrity, Equality, Leadership and Action o GABRIELA.
Pilipino sa Labas ng Bansa. Maagang nag-organisa ang mga Pilipinong laban sa diktadura sa labas ng bansa. Isa sa mga unang nabuo sa Estados Unidos ang National Committee for the Restoration of Civil Liberties in the Philippines (NCRCLP) at ang Katipunang Demokratiko ng mga Pilipino (KDP). Nilabanan nito hindi lamang ang diktadura kundi pati na ang patuloy na pagsuporta ng pamahalaang Estados Unidos sa rehimeng batas militar. Sa Estados Unidos, Europa at ibang bansa gaya ng Australia at Japan, binuo ang maraming solidarity group gaya ng Friends of the Filipino People na tumulong sa pakikibakang antidiktadura.
Negosyante. Nagsimulang bumatikos sa rehimen ang malalaking negosyante noon na lamang lumala ang krisis pangkabuhayan simula 1980. Natuwa at nabiyayaan sila ng “katahimikang” hatid ng batas miltar. Nabiyayaan din sila ng mga insentibong ibinigay ng rehimen para sa pagpapaunlad ng industriya.
Noong Agosto 1982, nanawagan ang Makati Business Club ng pangangailangan ng “katapatan, integridad, katiwasayan at karagdagang pagtitiwala sa pamahalaan, pagpigil sa pang-aabusong militar at katiwalian sa gobyerno at kroniyismo.” Sa halip na sundin ang kanilang payo, kinastigo sila ni Presidente Marcos. Naging aktibo sa oposisyon ang maraming negosyante nang patayin si Sen. Aquino noong 1983. Ilan ang tumulong at nag-udyok sa mga “repormistang militar” na magkudeta laban sa pamahalaan.
“Repormistang” Militar. Nagsimulang lumantad ang mga repormistang militar noon na lamang Pebrero 1985 nang manawagan sila ng reporma sa AFP. Noong Abril 1985 tinawag ang grupo na Reform the AFP Movement (RAM). Noong eleksyong snap sinuportahan ng mga negosyante ang proyektong Kamalayan 1986 ng RAM para ikampanya ang isang “:malaya, patas at malinis na halalan.”
Tinangka nilang magkudeta noong Pebrero 1986 ngunit nabisto sila ng pamahalaan. Naligtas lamang sila nang saluhin at protektahan sila ng mamamayan sa Pag-aalsang EDSA. Sa ilalim ng pamahalaang Aquino, gayunman, ilang ulit nilang tinangkang agawin ang kapangyarihan mula kay Presidente Corazon Aquino.
Estados Unidos. Hindi bahagi ng sektor ng mamamayan ang pamahalaang Estados Unidos ngunit mapagpasya ang papel nito sa pagsuporta sa rehimeng batas militar. Sa loob ng may 13 taon, mahigpit nitong sinuportahan ang diktadura sa pamamagitan ng mga tulong pang-ekonomiya at pangmilitar. Sabi ng isang dating presidente, walang maaaring maging presidente ng Pilipinas nang walang basbas ng Estados Unidos. Kapalit ng mga tulong, pinanatili ni Presidente Marcos ang mga base militar ng Estados Unidos at pinangalagaan ang mga pang-ekonomiyang interes nito sa bansa.
Kahit na nagbabatikusan ang magkabilang panig, gaya ng pagbatikos ng gobyernong Carter sa paglabag ng pamahalaang Marcos sa mga karapatang pantao at ng pagbabanta ng huli ng aksyon laban sa pananatili ng mga base, nanatiling mahigpit ang pagsuporta ng Estados Unidos sa diktadura. Ito ang panahong itinaguyod ng Estados Unidos ang mga lumitaw na diktadurang militar sa Asya at Latin Amerika.
Kahit na noong kasagsagan na ng Pag-aalsang EDSA, nagtangka pa rin ang pamahalaang Reagan na iligtas ang rehimen sa pamamagitan ng pagmumungkahi ng kasunduan sa pagitan ng pamahalaang Marcos at ng mga lider ng Pag-aalsa – sina Kalihim Enrile, Hen. Ramos at Gng. Aquino. Nang di mapigilan ang pagdagsa ng tao at ang pagtutol ng mga lider sa kasunduan ng pakikihati ng kapangyarihan kay Presidente Marcos, saka lamang iniwan ng Estados Unidos ang huli.
Aralin 2: Multisektoral na Paglaban
Habang pinapaunlad ng bawat sektor ang kani-kanilang paglaban, pana-panahon namang nagbubuklod ang mga ito para magkasamang tutulan ang mga imposisyon ng rehimen. Sa kabila ng pagbabawal sa sama-samang kilos protesta, unti-unting binawi ng masa ang lansangan mula sa diktadura. Sa paglipas ng panahon, nabuo ang malaking puwersang multisektoral na bumuhos sa EDSA noong 1986. Mamamalas ang mga pagbubuklod na ito sa mga multisektoral na paglaban, bukod pa sa mga samahang multisektoral na nabuo.
Kampanyang “Botong Hindi” sa Plebisito ng 1973
( Nobyembre 1972-Enero 1973)
Ito ang kauna-unahang pagtatangka sa multisektoral na pagkilos sa panahon ng batas militar. Para sa plebisito ng Enero 1973, kung saan pinaaprubahan sa mga tao ang Konstitusyong 1973, nagdeklara ang pamahalaan ng mahigit isang buwang “malayang talakayan”. Sinamantala ito ng mga lumalabang mamamayan para maglunsad ng mga rali sa loob at labas ng mga gusali.
Tampok sa mga sama-samang pagkilos sa panahong ito ang mga misa-rali sa mga simbahan ng Sta. Cruz at Binondo. Sa simpleng pagtataas ng kamay ng mga tao na tinipon sa tinaguriang citizens’ assembly, pinaaprubahan ng pamahalaan ang konstitusyong nagbigay kay Presidente Marcos ng napakalawak na kapangyarihan.
Kampanyang Kontra-PD 823
(Nobyembre 1975-Enero 1976)
Bunga ng mapangahas na welga ng La Tondeña noong Oktubre 1975, muling ipinagbawal ng diktadura ang lahat ng welga sa lahat ng uri ng industriya. Bunga ito ng katwiran ng mga manggagawang hindi naman vital industry ang La Tondeña kung saan ipinagbawal ng batas militar ang welga.
Higit pa rito, ipinagbawal ng PD 823 ang pagtulong ng ibang sektor sa mga welgista nang walang pahintulot ng pamahalaan. Bunga naman ito ng pag-ayuda ng mga maralita at, laluna, ng mga taong-simbahan sa welga ng La Tondeña.
Dahil sa mga pagbabawal na ito, lalong tumutol ang mga nakikibakang manggagawa at mamamayan. Sa pagkakataong ito, pati na ang simbahan ay tumutol. Sinasagkaan diumano ng batas ang misyon ng simbahan. Lumahok sa kampanya ang mga manggagawa, taong simbahan, maralitang tagalungsod, kabataan-estudyante, mga tagapagtaguyod ng kalayaang sibil at iba pang personalidad. Lalo pang lumakas ang alingawngaw na nalikha ng welga ng La Tondeña bunga ng dekreto ni Presidente Marcos.
Bukod sa bugso ng mga welga, tampok na pangyayari ang misa-prusisyon nang Nobyembre 23 mula simbahang Sta. Cruz tungong Plaza Miranda. Isinabay sa pista ng Kristong Hari ang kilos-protesta. Isang planong misa sa simbahan ng Bustillos sa Sampaloc at prusisyon patungong Malakanyang ang naging rali-martsa noong Disyembre 6 , 1975 nang pigilan ng mga awtoridad ang misa at prusisyon. Mula sa Plaza Bustillos kung saan idinaos ang rali, nagmartsa ang mga nagprotesta sa mga kalye ng España, Morayta, Recto at Avenida Rizal patungong Plaza Miranda. Ito ang kauna-unahang martsa-demonstrasyon sa pusod ng Maynila sa ilalim ng batas militar. Dito binawi ng mamamayan ang lansangan mula sa rehimen.
Mga Anti-Diktadurang Demontrasyon ng Oktubre 1976
Kung tutuusin, mga pagkilos para sa mga sektoral at pangkabuhayang kahilingan ang mga nakaraang multisektoral na pagkilos. Kaiba sa mga ito ang mga demonstrasyon ng Oktubre 1976 na itinutok mismo sa isyu ng batas militar at ng diktadura. Isinabay ito sa reperendum ng Oktubre 1976 at sa kumbensyon ng IMF sa Maynila.
Tatlong malalaking rali-demonstrasyon ang ginanap sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan: sa St. Paul’s College-Manila noong Oktubre 3, sa Plaza Miranda noong Oktubre 10 at sa kalye San Marcelino, Maynila noong Oktubre 16. Di gaya sa mga nakaraang multisektoral na pagkilos, tumampok sa mga martsa-raling idinaos ang mga antidiktadurang panawagan: Ibagsak ang batas militar! Ipaglaban ang demokrasya! at Marcos-Hitler- Diktador-Tuta!
Kampanyang LABAN ng Eleksyong 1978
Kaugnay ng programang normalisasyon ng gobyernong Marcos na inudyukan ng gobyernong Carter ng Estados Unidos, nagsagawa ng eleksyon para sa lehislatura ang diktadura. Naganap ang eleksyon sa panahong nakabawi na ang iba’t ibang puwersang antidiktadura sa epekto ng pagkapataw ng batas militar. Hinarap ng mga multisektoral na pagkilos ng mamamayan ang tinawag na eleksyon para sa interim Batasang Pambansa (IBP).
Nagbuo ang mga pulitiko ng mga pangrehiyong partido – Lakas ng Bayan (LABAN) sa Metro Manila, Bicol Saro sa Bicol, Pusyon Bisaya sa Bisaya at Mindanao Alliance sa Mindanao. Sa Metro Manila, ipinakita ang lakas ng mga samahang masa nang isama sa tiket ng LABAN na pinangunahan ni Sen. Aquino ang mga kinikilalang lider noon ng mga samahang ito – si Alex Boncayao sa mga manggagawa, si Trining Herrera sa mga maralitang tagalungsod at si Jerry Barican sa mga kabataan-estudyante.
Batid ng mga lumahok na dadayain ng rehimen ang eleksyon. Gayon nga ang nangyari. Tinalo ang buong tiket ng LABAN sa Metro Manila ng tiket ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL) na pinangunahan ni Unang Ginang Imelda Marcos. Ilang oposisyonista sa ibang rehiyon ang hinayaang manalo.
Higit sa eleksyon at mga raling inilunsad kaugnay ng kampanya ang pagtutol na iniharap ng mga mamamayan. Noong Abril 6, bisperas ng eleksyon, bumoto sa pamamagitan ng kanilang paa ang mga mamamayan ng Metro Manila. Maingay na noise barrage at mga martsa sa pusod ng Maynila ang sabay-sabay na inilunsad ng mga nakibakang mamamayan. Bukod sa pag-iingay na ito, sinabayan ang buong 45-araw na kampanya ng isa pang bugso ng welga ng mga manggagawa.
Kampanyang Boykot sa Plebisito ng Abril at Eleksyon ng Hunyo 1981
Bilang bahagi ng kampanya ng normalisasyon at pagsunod sa presyur ng Estados Unidos, pormal na inalis ni Presidente Marcos ang batas militar noong Enero 17, 1981 nang hindi binibitawan ang mga kapangyarihan niya sa ilalim ng batas militar. Batas militar pa rin, kung tutuusin. Nawala ang pangalan, hindi ang pinangalanan.
Bahagi ito ng paghahanda ng diktadura para sa plebisito noong Abril 1981 at eleksyong presidensiyal noong Hunyo 1981 para ipakita sa daigdig na balik na uli sa normal ang Pilipinas at suportado ng mamamayan ang gobyernong batas militar. Kaugnay nito at ng pagdalaw ni Pope John Paul II, tatlong multisektoral na alyansa ang binuo ng mga puwersang antidiktadura.
Noong Pebrero 1981 binuo ang People’s Assembly for the Pope’s Arrival (PAPA) ng ilang organisasyong masa, ng mga samahan ng mga taong-simbahan at ng mga samahan sa karapatang pantao. Naging okasyon ang pagbisita ng Papa para ihayag ang mga problema ng bayan at ang mga paglabag ng rehimen sa mga karapatang pantao. Iniharap sa Papa at sa daigdig ang kalagayang umiiral sa bansa sa ilalim ng isang pamahalaang awtoritaryan.
Noong Marso 1981 hinalinhan ang PAPA ng People’s Opposition to the Plebiscite and Election (PEOPLE). Isang mas malawak na alyansa ito na nangampanya para boykotin ang plebisito at eleksyong binabalak ng rehimen. Bago ang eleksyong presidensyal noong Hunyo, nabuo ang isa pang higit na mas malawak na alyansa – ang People’s Movement for Independence, Nationalism and Democracy (PEOPLE”S MIND). Binuklod nito ang PEOPLE, ang LABAN na kinatawan ni Sen. Lorenzo Tañada at ang United Nationalist Democratic Organization (UNIDO) ni Sen. Salvador Laurel na tumalikod na noon sa pakikipagtulungan sa rehimen.para iboykot ang eleksyong presidensyal.
Ang tatlong alyansang ito ang mga sumunod na ekpresyon ng pagbubuklod ng iba’t bang puwersang antidiktadura pagkatapos ng kampanya at karanasan ng LABAN noong 1978. Pinakatampok sa pagbubuo ng PEOPLE’S MIND ang paglagda ng mga kalahok sa kasunduan noong Mayo 1981 na tinawag na “A Compact for a Democratic and Independent Philippines”. Sa unang pagkakataon, binatikos ng isang malawak na alyansa ang papel ng Estados Unidos sa pagsuporta sa diktadura.
Dahil sa pagboykot ng oposisyon sa eleksyon, napilitan si Presidente Marcos na maghanap ng kalaban. Natagpuan naman niya ito sa isang dating gerilya noong panahon ng Hapon na hindi na kilala ng tao noong 1981. Mangyari pang nanalo sa eleksyon si Presidente Marcos. Sa kanyang inagurasyon, idineklara niya ang pagtatatag ng Ika-apat na Republika – isang bagong islogan na humalili sa dating islogang Bagong Lipunan.
Justice for Aquino, Justice for All Movement (JAJA) ng 1983
Bunga ng pagkapatay kay Sen. Aquino noong Agosto 1983, bumuhos sa kalye ng Maynila ang maraming mamamayang nasobrahan sa nangyari. Nanilaw ang Makati sa mga confetti sa inihagis mula sa matataas na gusali bilang pagtutol sa pagpatay sa dating senador.
Isang malawak na alyansang humiling ng katarungan hindi lamang para kay Sen. Aquino kundi para sa lahat ng mga biktima ng batas militar ang binuo ng mga puwersang antidiktadura. Ito ang Justice for Aquino, Justice for All Movement (JAJA). Sa malalaking martsa-demonstrasyong ginanap, tumampok ang mural ng limang biktima ng batas militar bilang kinatawan ng lahat ng mga pinatay sa ilalim ng rehimen – sina Macliing Dulag, Dr. Remberto de la Paz, Edgar Jopson, Dr. Juan Escandor at Benigno Aquino Jr.
Kasabay ng krisis pang-ekonomiyang dinaranas ng Pilipinas ang krisis pampulitikang tumambad sa rehimen bunga ng pagkapatay kay Aquino. Kung tutuusin, masasabing ito na ang simula ng pagbagsak ng diktadura.
Mga Welgang Bayan ng 1984
Tila hudyat ang pagpasok ng dekada 1980 ng paglakas ng kilusang antidiktadura at ng pakikibaka ng mamamayan – di-armado at armado. Di gaya noong dekada 1970, isa na muling elemento ng buhay sa Pilipinas ang mga martsa-demonstrasyon ng mamamayan. Hindi lamang kabuhayan ang naapektuhan ng mga welgang manggagawa kundi pati na ang kalagayang pampulitika.
Bunga ng paglakas ng kilusang protesta noong dekada 1980 at ng pagpatay kay Sen. Aquino, isang bagong anyo ng kilos protesta ang sinimulan noong 1984. Tinawag itong welgang bayan. Pagtigil ito ng karaniwang aktibidad ng mamamayan bilang protesta sa diktadura. Malalaking welgang bayan ang inilunsad sa Davao, Negros at Bataan ukol sa iba’t ibang usapin – lahat ay tumutuhog sa rehimeng batas militar. Nasa ganitong anyo na ng pagkilos ang mga puwersang antidiktadura sa mga bayan-bayan nang maganap ang mga kagyat na pangyayaring humantong sa Pag-aalsang EDSA ng 1986 at sa pagbagsak ng diktadura.
Aralin 3: Armadong Pakikibaka
Hindi maihihiwalay sa di-armadong pakikibaka ng mga mamamayan ang armadong pakikibakang inilunsad ng Communist Party of the Philippines (CPP) at ng Moro National Liberation Front (MNLF). Kung tutuusin, tumulong ito sa pagpapahina sa diktadura sa buong panahon ng pananatili nito.
Bagaman sinasabing mapayapang naibagsak ng mga Pilipino sa Pag-aalsang EDSA ang diktadura, hindi lubos na totoo ang paniniwalang ito. Malaking halaga sa pagpapabagsak ng rehimen ang armadong pakikibaka ng mamamayan. Maging ang kumprontasyon sa EDSA sa pagitan ng mga nagtutunggaling puwersa ay kinapalooban ng armas. Hindi maaaring ihiwalay ang di-armadong pakikibaka sa armadong paglaban na nagpataas ng moral ng mga nakikibaka at nagpahina naman sa kakayahang manupil ng diktadura.
Armadong Pakikibaka ng CPP
Ang paglakas ng CPP ang isang ginamit na dahilan ni Presidente Marcos para ideklara ang batas militar. Ngunit noong 1972, napakahina pa ng armadong puwersa ng CPP na binubuo ng hukbo nitong New People’s Army (NPA). May ilang iskwad lamang ito sa Tarlac, Isabela at Bicol. Noong 1972, gayunman, naging napakapopular ng NPA sa hanay ng mga nagpoprotestang kabataan-estudyante kung kaya para bang napakalakas na nga nito talaga. Nang ipataw ang batas militar, maraming kabataan ang namundok at sumama sa NPA. Sa paghahanap ng NPA, natuklasan nila sa maraming lugar na sila ang unang grupo ng NPA sa mga inakyat nilang bundok.
Layunin ng CPP. Sa pananaw ng CPP, nananatiling kontrolado ng mga dayuhan at ng mga katutubong mapagsamantala ang Pilipinas. Dito nag-uugat ang mga saligang suliranin ng bansa. Kailangang palayain ito, kung gayon, mula sa dayuhan at katutubong pagsasamantala. Sa tingin nito, ang diktadurang US-Marcos ang konsentradong manipestasyon ng pagsasamantalang ito. Kaya itinutok nito ang buong lakas sa pagpapabagsak sa diktadurang US-Marcos.
Para magawa ito, kailangan ng isang pambansang rebolusyon na magpapalaya sa bansa sa kamay ng mga dayuhan. Kailangan ng demokratikong rebolusyon na magpapalaya sa mamamayan, pangunahin sa mga magsasaka, sa kahirapang dulot ng sistemang piyudal at sa pasismong pinakawalan ng rehimeng batas militar. Isang pambansa-demokratikong rebolusyon ang inilunsad ng CPP.
Sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan, inaasahan ng Partido na makabuo ng malakas na puwersa sa kanayunan para kubkubin ang kalunsuran. Binubuo ang digmang bayan ng paglulunsad ng rebolusyong agraryo sa kanayunan, ng pagtatayo ng mga baseng gerilya at ng mga organo ng kapangyarihan ng mamamayan at ng pagsasagawa ng mga opensibang militar.
Sa pagsasakatuparan nito, mayroong tatlong sandatang pinanghahawakan ang CPP – ang partido o ang CPP bilang lider ng rebolusyon, ang hukbo o ang NPA bilang armadong puwersa, at ang nagkakaisang prente o ang National Democratic Front (NDF) para sa pagbubuo ng isang nagkakaisang hanay laban sa kaaway. Pinagkakaisa ng CPP ang mga manggagawa, magsasaka, petiburgesya at pambansang burgesya laban sa Estados Unidos, malalaking panginoong maylupa, komprador at malalaking burukrata.
Ganito ang layunin at estratehiya ng CPP nang itatag ito noong Disyembre 26, 1968. Itinatag nito ang NPA noong Marso 29, 1969. Nabuo naman ang NDF noong Abril 24, 1973 sa panahon na ng batas militar.
Paglakas ng Armadong Pakikibaka. Gaya nang nabanggit, maliit at mahina ang CPP at ang NPA nang ideklara ang batas militar noong 1972. Ngunit dahil na rin sa pagtugis ng rehimen sa mga aktibista, dumami ang puwersang naipadala ng CPP sa iba’t ibang panig ng bansa para mamahala sa pagpapalaganap ng armado at d-armadong pakikibaka ng mamamayan. Pinalakas nito ang mga panrehiyong organo ng CPP na namahala sa pag-unlad ng pakikipaglaban sa Hilagang-kanlurang Luson, Hilagang-silangang Luson, Kordilyera, Gitnang Luson, Timog Luson, Bikol, Silangang Kabisayaan, Kanlurang Kabisayaan at Mindanao.
Hanggang noong 1977, mayroon lamang isang libong malalakas na riple ang NPA. Kalat sa maraming sandatahang yunit pampropaganda ang mga tauhan nito. Sa halip na gawaing armado o militar, mas inatupag ng mga yunit na ito ang pag-oorganisa ng mga mamamayan sa kanayunan. Kaya hanggang sa taong ito, tila nanahimik maging ang kanayunan liban sa manaka-nakang ulat ng sagupaan sa pagitan ng AFP at yunit ng NPA. Sa kalunsuran at kanayunan, masikhay na gawaing masa ang inasikaso ng mga kabilang sa kilusang pambansa-demokratiko.
Noon na lamang 1979 naging madalas ang mga pananambang ng mga laking-platun na pormasyon ng NPA laluna sa Samar. Noong 1980 iniulat na may 26 na larangang gerilya na ang NPA sa 11 rehiyon sa labas ng Maynila-Rizal. May 4 sa Hilagang Luson, 7 sa Gitnang Luson, 2 sa Timog Luson, 7 sa Bisaya at 6 sa Mindanao. Ang mga larangang gerilyang ito ay nasa 4,000 baryo sa 300 bayan sa 40 probinsya ng Pilipinas.
Noong 1981, mga laking-kumpanya na ng NPA ang nagsasagawa ng mga opensibang taktikal sa ilang rehiyon, laluna sa Mindanao. Nang patayin si Sen. Aquino noong 1983, malaganap na ang pagsalakay ng mga laking-kumpanyang pormasyon ng NPA. Mayroon na rin itong mahigit 5,000 malalakas na riple. Sa pagbagsak ng diktadura, tinatayang 12,000 baryo o malaking bahagi ng 800 munisipalidad sa 63 prubinsya ng Pilipinas ang may mga NPA.
Bukod sa paglulunsad ng mga pananambang, inasikaso ng CPP at NPA ang pamamahagi ng lupa o pagpapababa ng upa sa lupa sa kanayunan. Nagbuo ito ng mga samahan ng mamamayan, gayundin ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Sa isang panahon, sinasabing umabot sa 10 milyong mamamayan ang baseng masa ng CPP sa lunsod at sa nayon. Tinaya naman ng AFP na sa kalakasan ng NPA, umabot ito sa 27,000 gerilya.
Epekto ng Armadong Pakikibaka ng CPP. Malaking puwersa at rekurso ng rehimeng batas militar ang iniukol nito sa pagsupil sa armadong pakikibaka ng CPP sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan. Hindi lamang umabala sa rehimen ang armadong pakikibaka kundi nagbigay ng lakas ng loob sa mga nakikibakang mamamayan. Habang lumalakas ang armadong pakikibaka, lalong nalalantad ang kahinaan ng rehimen at lalo namang sumisigla ang masa sa paglulunsad ng kanilang di-armadong paglaban. Bawat paglakas naman ng di-armadong paglaban ay di lamang nagdudulot ng sigla sa mga gerilya kundi nagpapaluwag pa ng larangang kanilang kinikilusan.
Ang ganitong pampulitika at pangsikolohiyang epekto ng digmang gerilya ng NPA ay di lingid sa mga naghaharing uri sa lipunan, sa diktadura at sa gobyernong Estados Unidos. Batid nilang nasa ubod ng di-armado at armadong oposisyon ang CPP at ang buong kilusang pambansa-demokratiko. Habang sinisikap nilang manatili sa kapangyarihan, sinisikap din nilang mailihis ang oposisyon sa alternatibang inihahain ng CPP at ng buong kilusang pambansa-demokratiko.
Nang ibagsak ang diktadura sa Pag-aalsang EDSA, walang kinatawan sa humaliling pamahalaan ang CPP at ang kilusang pambansa-demokratiko. Bagaman nasa ubod ng pakikibaka simula sa pagpataw ng batas militar ang kilusang pambansa-demokratiko, naisantabi ito nang mapatalsik ang diktadura. Bukod sa pagboykot sa eleksyong snap, naisantabi ito dahil hindi sang-ayon sa rebolusyong panlipunang itinataguyod ng kilusan ang mga nangibabaw na puwersa sa Pag-aalsa.
Sa tingin ng kilusan, binubuo pa rin ang mga namayaning puwersa ng mga malalaking asendero at komprador na may mahigpit na ugnay sa Estados Unidos. Di nakapagtataka kung nagpatuloy man sa pagbatikos at paglaban ang CPP at ang kilusang pambansa-demokratiko sa mga humaliling administrasyon.
Armadong Pakikibaka ng MNLF
Binuo ang Moro National Liberation Front (MNLF) noong 1969 sa pamumuno ni Nur Misuari. Sa isang banda. kagyat na bunga ito ng pagmasaker sa mga Muslim na bahagi ng planong Jabidah, ang lihim na plano ng pagsalakay ng pamahalaang Marcos sa Sabah. Sa malaking bahagi, resulta ang pagbubuo ng MNLF ng patuloy na paghihirap ng mga Muslim ng Mindanao, ng pagkasiphayo ng mga kabataang Muslim sa mga tradisyonal na lider na Moro at ng paglitaw ng idea ng isang Bangsa Moro.
Kinondena ng MNLF ang “imperyalistang” pananakop ng Maynila sa Mindanao. Layunin nito na humiwalay sa Republika ng Pilipinas para magbuo ng malayang bansa mula sa mga prubinsya ng Mindanao, Sulu at Palawan. Dahil hindi ito makukuha sa mapayapang paraan, nagsanay at nagbuo ng sariling hukbo ang MNLF sa tulong ng ilang bansang Muslim. Ito ang Bangsa Moro Army (BMA).
Sa pagdeklara ng batas militar na malinaw na nakatutok sa kilusang sesesyonista, malakas na armadong paglaban ang inilunsad ng MNLF at BMA. Noong Oktubre 1972, malawak na pag-aalsa ang inilunsad sa Marawi. Lumaganap ito sa Basilan, Cotabato, Zamboanga, Sulu at Tawi-Tawi. Noong Marso 1973 tinatayang 17 bayan ng Cotabato ang naagaw at sinakop ng MNLF. Tatlong araw ding sinakop ng may 2,000 mandirigma ng MNLF ang Jolo noong Pebrero 1974. Nasunog at nawasak ang lungsod ng Jolo noong 1974 bunga ng ganting salakay ng AFP.
Bunga ng mga paglaban, malaking puwersa ng AFP ang ibinuhos ng rehimen sa Mindanaw. Tinatayang sa isang panahon, may 100,000 sundalo ng AFP ang nakatalaga sa Mindanao at gumagasta ang gobyerno ng $275,00 kada araw. Tinatayang may 14,000 ang mga regular na sundalo ng MNLF noong 1973 ngunit bumaba na lamang ito sa 7,000 noong 1976.
Mga taong 1973-1974 ang kalakasan ng armadong pakikibaka ng MNLF. Bunga ng mga pagkabigo sa larangan, hindi na nito hinarap sa labanang posisyonal ang AFP. Gaya ng NPA, labanang gerilya ang ginamit nito sa paglaban sa AFP. Pagkaraan ng kalakasang ito, nalipat ang larangan ng pakikibaka sa la mesa. Sa payo ng Organization of Islamic Countries (OIC), pumasok ang MNLF sa pakikipagnegosasyon sa gobyerno. Sa negosasyong ito, nilutas ang “usaping Muslim” sa loob ng balangkas ng Republika ng Pilipinas. Ibig sabihin, hindi independensya ang pag-uusapan kundi awtonomiya para sa mga teritoryong nais buuing hiwalay na bansa noong una ng MNLF.
Sa Kasunduang Tripoli noong 1976, nagkasundo ang dalawang panig na magkaroon ng tigil-putukan at awtonomiya ang 13 probinsya sa Mindanao at Sulu. Gayunman, pamamahalaan pa rin ng gobyernong sentral ang usaping panlabas, tanggulang bansa at mga minahan. Noong Marso 1977, idineklara ni Presidente Marcos ang awtonomiya ng 13 probinsya na binuo sa ilalim ng isang pangrehiyong pamahalaang awtonomus. Sa mahabang panahon, gayunman, hindi naipatupad nang lubusan ang kasunduan. Nanatili ang labanan sa Mindanao bagaman hindi na kasing tindi noong 1973-1974.
Bagaman nakasentro lamang sa katimugan ang armadong pakikibaka ng MNLF, may epekto itong lampas sa teritoryong saklaw ng labanan. Sa buong panahon ng pag-iral nito, malaking puwersa ng AFP at rekurso ng diktadura ang hinatak nito palayo sa ibang lugar. Sa gayon, hindi nito napuruhan ang iba pang puwersang lumalaban sa diktadura. Hanggang ngayon, lubos ang pagkilala ng CPP at NPA sa ganitong ambag ng pakikibakang Muslim. Sa panahong inaatake rin ito ng mga kaaway, nagawa ng CPP at NPA na magpalakas at magreorganisa habang abala sa Mindanao ang bulto ng puwersa ng diktadura.
Nang bumagsak ang diktadura at maiupo ang bagong pamahalaan, muling nakipagnegosasyon ang MNLF sa pamahalaan. Nagbunga ito noong 1996 nang magpirmahan ng kasunduan ng kapayapaan ang gobyerno at ang MNLF. Ginawang tagapangulo ng bagong buong Southern Philippine Council for Peace and Development (SPCPD) at iniluklok na gobernador ng Awtonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) si Misuari.
(Mababasa ang ilang dokumento sa http://dlambrosio.multiply.com at sa aking facebook account.)
Batas Militar: 1972-1986 (3)
Ni Dante L. Ambrosio (1951-2011)
Ikatlong Bahagi: Pag-aalsang EDSA
Malaki na nga ang iniunlad ng pakikibakang antidiktadura sa pagpasok ng dekada 1980. Pati na ang pampulitika at pang-ekonomiyang kabuhayan ay tila nagbabadya ng di magandang hinaharap para sa rehimeng batas militar.
Mula pa huling dekada ng 1970, tinutulak na ng gobyernong Estados Unidos sa ilalim ng administrasyong Carter ang rehimen tungo sa “normalisasyon” – tungo sa pagbabalik ng mga pormal na institusyon ng demokrasya. Kasama sa proseso ng “normalisasyon” ang ginanap na eleksyon para sa interim Batasang Pambansa noong 1978, ang pormal na pag-aalis ng batas militar noong Enero 1981 at ang pagdaraos ng eleksyong presidensyal noong Hunyo 1981. Lahat nang ito, gayunman, ay ginawa ayon sa mga kundisyong itinakda ni Presidente Marcos.
Nagsimula na ring tumindi ang krisis pang-ekonomiya na ipinamalas at pinalubha pa ng pagtakas ng isang negosyanteng di makabayad ng utang sa mga bangko. Umabot ang utang sa daang milyong piso na kinasangkutan ng may 80 kumpanya at bangko. Di biro ang epekto nito sa negosyo sa bansa. Maging ang malalaking negosyanteng sumuporta sa rehimen sa simula ay nagpamalas ng pagkabahala sa lumulubhang krisis. Gayon na lamang ang tindi ng suliraning pangkabuhayan kung kaya pumailalim ang gobyerno sa programang istruktural ng IMF na lalo lamang nagpahigpit sa pagkasakal ng huli sa bansa.
Samantala, bagaman may paghupa sa armadong pakikibaka ng MNLF, bigla namang sumigla iyong sa CPP sa iba’t ibang dako ng bansa laluna sa Samar at Mindanao. Bukod sa lumaganap ang mga kilos-protesta ng mamamayan higit pa itong naging koordinado kung kaya nakapaglunsad din ng mga pambansang aksyon kabilang ang mga unang mga welgang bayan sa Davao, Negros at Bataan noong 1984. Anupa’t sa lahat ng larangan, nalagay sa alanganin ang katayuan ng rehimen.
Tatalakayin sa bahaging ito ang mga kagyat na pangyayaring nagbunga ng pagbagsak ng rehimeng batas militar simula sa pagpatay kay Sen. Benigno Aquino Jr. noong 1983, sa pagdaraos ng eleksyong snap noong 1986 at sa apat na araw na Pag-aalsang EDSA noong Pebrero 22-25, 1986.
Aralin 1: Pagpatay kay Sen. Benigno Aquino Jr.
Kung hindi idineklara ang batas militar noong 1972, magkakaroon sana ng eleksyong presidensyal noong 1973. Ito na ang katapusan ng dalawang terminong panunungkulan ni Presidente Marcos. Sa ilalim ng Konstitusyong 1935, hindi na siya maaaring tumakbo bilang presidente.
Noon pa man, ang inaasahan nang humalili sa kanya bilang presidente ay ang batang senador na si Benigno Aquino Jr. ng Partido Liberal. Ngunit di ito naganap. Sa halip na manungkulan sa Malakanyang, sa mga bilangguan ng gobyernong batas militar nakulong ang senador. Isa siya sa mga unang hinuli nang ideklara ang batas militar.
Sa halip na makipagtulungan, pinili ng senador na labanan ang diktadura mula sa loob ng bilangguan. Binatikos niya ang paglilitis sa kanya na isang sibilyan ng hukumang militar. Sa isang pagkakataon, pinaabot niya ang pagtutol sa pagsasagawa ng hunger strike ng mahigit isang buwan. Kahit na pinatawan sila ni Kumander Dante ng NPA ng parusang kamatayan, kapwa nila ipinagpatuloy ang pagbatikos sa rehimeng batas militar.
Sa eleksyong 1978 para sa interim Batasang Pambansa, binuo niya ang partidong LABAN kasama ang iba pa para hamunin ang partido Kilusang Bagong Lipunan (KBL) sa Metro Manila. Halatang-halata ng mamamayan ang pandaraya, dahil hindi pinalusot ng rehimen sa eleksyong ginawa kahit si Aquino na napakapopular pa rin noon.
Bunga ng kanyang pagkakasakit, pinayagan siya ng gobyerno na pumunta ng Estados Unidos para magpagamot noong 1980. Ginamit niya ang pagkakataon para sangguniin ang iba pang mga pulitiko at grupong antidiktadura sa Estados Unidos. Bagaman sinabi niyang isa sa mabungang bahagi ng kanyang buhay ang pananatili sa Estados Unidos, nadama naman niyang nalalayo siya sa kasagsagan ng mga pangyayari sa Pilipinas.
Naisip niyang bumalik sa Pilipinas noong 1983 nang mabalitang may malubhang sakit si Presidente Marcos. Nabalita na rin ang paglalabanan ng mga pangkat sa loob ng gobyerno. Diumano’y pumoposisyon na ang mga ito kung aling pangkat ang mamamayani sakaling mamatay ang Presidente. Malinaw na usapin, kung gayon, ang problema ng hahalili kay Presidente Marcos dahil walang malinaw na sistema ng paghalili. Lalong magkakagulo ang bansa kung sakali.
Higit sa lahat, lumalakas nga ang paglaban ng mga mnamamayan simula taong 1980. Sa pagkakataong ito, pinili ni Sen. Aquino na bumalik ng bansa upang maging bahagi ng mga pag-aayos para sa hahaliling pamahalaan sakaling mamatay nga sa sakit si Presidente Marcos. Iminungkahi niya na magbuo ng konseho ng mga tagapayo o ng mga nakakatanda upang ayusin ang sistema ng transisyon. Ngunit binalewala ng Presidente ang kanyang mungkahi.
Sa kanyang pagbabalik, batid ni Aquino ang mga panganib na kanyang susuungin. Agosto 21, 1983 nang lumapag sa Manila International Airport (MIA) ang eroplanong kinasasakyan ni Marcial Bonifacio – ang alyas na ginamit ni Aquino. Habang pababa siya ng eroplano, kasabay ang mga military escort na kumaon sa kanya, binaril at pinatay ang Senador.
Laking pagkabigla ng mga Pilipino nang ibalita ang walang patumanggang pagbaril at pagpatay sa Senador. Ayon sa gobyerno, isang paupahang mamamatay-tao – si Rolando Galman – ang bumaril sa Senador. Binaril din at pinatay si Galman nang oras ding iyon. Mga komunista ang pumatay kay Aquino, sabi ng gobyerno. Walang naniwala sa pamahalaan.
Sa bigat ng seguridad sa paliparan at sa pangyayaring mga militar ang nakapaligid kay Sen. Aquino, at mga militar din ang mga huling kasama ni Galman, naniwala ang lahat na may kinalaman ang gobyerno at militar sa pagpatay kay Aquino. Pinatibay ang paniniwalang ito ng resulta ng imbestigasyon ng Komisyong Agrava na binuo ng gobyerno para siyasatin ang pangyayari. Itinuro ng resulta ang militar bilang siyang may kasalanan sa pagpatay sa dating Senador.
Habang isinasagawa ang imbestigasyon, bumuhos ang malawak na simpatya ng mamamayan kay Sen. Aquino. Nais nilang ipahayag ang kanilang niloloob: “Sobra na!” Sa burol ng Senador sa simbahang Santo Domingo, mahabang pila ng mga tao ang nagtiis ng init ng araw at patak ng ulan para makiramay at masilayan ang labi ng dating Senador. Sa paghahatid ng bangkay sa Tarlac at pagbabalik nito sa Maynila, daan-daang libo ang humanay sa lansangan para ito saksihan. Sa araw mismo ng libing, daan-daang libo rin ang sumama sa paghahatid sa dating Senador sa huling hantungan.
Higit pa sa mga ito ang di inaasahang naganap. Sa unang pagkakataon, bumuhos sa mga lansangan ng Makati – ang sentro ng negosyo at pinansya ng bansa – ang mga dilaw na confetti na tanda hindi lamang ng pakikiramay at pakikidalamhati. Pagtutol at paglaban sa katalampasanan ang ipinamalas ng gitnang puwersang kinatawan ng mga empleyado at negosyante ng Makati nang kanilang sabuyan ng dilaw na confetti ang libing at ang mga protestang ginanap dito.
Sobra nga ang ginawang pagbaril at pagpatay sa dating Senador kung kaya tila nagising ang taumbayan sa katalampasanang nagaganap sa ilalim ng rehimeng batas militar. Lalo pang ginatungan ng rehimen ang poot na naglalatang sa dibdib ng mamamayan. Kinabukasan, pagkatapos ng libing, hindi man lamang nabasa sa dyaryo o napanood sa telebisyon ang walang katulad na libing. Garapal na pagtatakip ang ginawa ng pamahalaan. Lalo itong nagpangitngit sa mamamayang lubhang nakakabatid na ngayon ng katotohanan. Humulagpos sa mga malawakang rali at demonstrasyon ang damdaming kaytagal na kinimkim para singilin ang rehimen sa mga kasalanan sa taumbayan.
Nagsilbing titis na nagpaliyab sa paglaban sa diktadura ang pagpatay kay Sen. Aquino. Kagyat na napasalansangan ang libu-libong mamamayang nagpoprotesta. Justice for Aquino, Justice for All (JAJA) ang sigaw ng mga biktima ng gobyernong batas militar. Ito rin ang pangalang ginamit ng kilusang nagkoordina sa mga kilos-protesta. Sa unang pagkakataon, sumanib ang mga gitnang puwersa ng lipunan sa mga puwersa ng mamamayang kay laon nang nakikibaka laban sa diktadura.
Sinikap ng mga puwersang antidiktadura na bumuo ng malawak na samahan o koalisyon na magsusulong sa paglaban sa rehimen. Mula sa JAJA, nabuo ang Coalition of Organizations for the Restoration of Democracy (CORD). Noong 1985, sinikap na pag-isahin sa isang mas masinsing organisasyon ng mga puwersang antidiktadura sa pagbubuo ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN). Ngunit bunga ng mga di pagkakaunawaan, dalawang samahan sa halip na isa ang nabuo. Isa nga ang BAYAN na ang ubod ay binubuo ng mga pambansang demokrata at isa pa ang Bansang Nagkaisa sa Diwa at Layunin (BANDILA) na ang ubod ay binubuo ng mga sosyal demokrata.
Iba’t ibang anyo ng protesta ang inilunsad ng mga mamamayan. Bukod sa mga malawakang rali at demonstrasyon, nagsagawa ng mga tinawag na jogging for justice, pasyalan sa Ayala, window shopping sa Rustan’s, misa at prusisyon. Kapag sa Makati ginanap ang kilos protesta, hindi nawawala ang mga dilaw na confetti na naging tatak na ng protesta. Naganap noong 1983-1984 ng mga protestang sa lawak ay di pa nasaksihan sapul nang panahon ng batas militar o bago pa ito.
Noong 1984, pinasinayaan ang isang bagong anyo ng protesta ng mamamayan – ang welgang bayan. Ito ang paghinto ng mga normal na aktibidad ng mamamayan bilang protesta. Naglunsad ng welgang bayan sa Davao kaugnay ng usapin ng Pagkain at Seguridad. Nagsagawa ng welgang bayan sa Negros kaugnay ng usapin ng karapatang pantao. Welgang Bayan din ang inilunsad sa Bataan kontra sa plantang nukleyar. Sa huling welgang bayang ito unang nasaksihan ang pagpigil ng mga tao sa armed personnel carrier (APC) ng AFP – pagpigil ng mga sibilyan na muling ginawa sa mas malaking aksyon ng mga mamamayan sa EDSA.
Sinikap ng gobyerno na pahupain ang galit ng mamamayan. Ngunit nagtuluy-tuloy ang mga protesta habang lalo pang lumakas sa buong kapuluan ang armadong paglaban. Bagay na nakabahala hindi lamang sa gobyernong batas militar kundi pati na sa gobyernong Estados Unidos. Isang bahagi nito, kabilang ang Departamento ng Estado, ang nabahala sa paglakas ng impluwensya ng CPP at buong kilusang pambansa-demokratiko sa nagaganap na mga protesta. Nagtangka ang mga ahensya ng Estados Unidos na padaluyin ang mga protesta sa paraang naihihiwalay ang CPP at ang kilusang pambansa-demokratiko habang napapanatili ang impluwensya ng Estados Unidos sa mga nagaganap.
Ngunit ganoon na lamang ang pagkasiphayo ng mga pulitikong kontra-Marcos sa pagsuporta ng Estados Unidos sa rehimen kung kaya pumirma sila sa kasunduan ng mga oposisyonista na tumututol sa pananatili ng mga baseng militar ng Estados Unidos sa bansa. Isa pa naman ito sa mga sensitibong interes ng Estados Unidos at isa sa mahalagang dahilan ng pakikialam nito sa mga nagaganap sa bansa.
Aralin 2: Eleksyong Snap
Bunga ng paglakas ng mga protesta at aksyong militar ng CPP-NPA, gayundin ng lumalakas na katangiang anti-imperyalista ng mga pagkilos, lubha ngang nabahala ang Estados Unidos sa nagaganap sa Pilipinas. Mangyari pang pangunahing pinangangalagaan nito ang mga base militar at iba pang pang-ekonomiyang interes nito sa bansa. Sa buong panahon ng 1985, dating nang dating sa bansa ang mga sugo ng pamahalaang Amerikano kabilang ang pinuno ng CIA na si William Casey at ang pangunahing tagapayo ni Presidente Ronald Reagan na si Paul Laxalt.
Pati na mga ahensya ng gobyernong Amerikano ay nag-isip ng mga paraan upang pahupain ang mga protesta kabilang ang pagpapanukala ng normalisasyon, negosasyon at rekonsilasyon sa pagitan ng mga nagtutunggaling puwersa, basta mawala sa eksena ang CPP at ang buong kilusang pambansa-demokratiko na may mahigpit na paninindigang anti-imperyalista. Nagpanukala rin ang Estados Unidos ng eleksyong snap para maipakita ang patuloy na pagsuporta ng taumbayan sa pamahalaang Marcos.
Sa harap ng mga presyur sa gobyernong Marcos, gumawa ito ng sariling mga hakbang para bawasan ang presyur mula sa mga nagpoprotesta at sa pamahalaang Estados Unidos. Kabilang nga sa mga hakbang na ito ang eleksyon noong 1978 para sa interim Batasang Pambansa, pormal na pag-aalis ng batas militar noong Enero 1981, pagdaraos ng eleksyong presidensyal noong Hunyo 1981 at ang pinakahuling eleksyon para sa regular na Batasang Pambansa noong Mayo 1984.
Gayunman, hindi nabawasan ang presyur. Ipinapalagay ng mga maimpluwensyang sektor sa Estados Unidos na nawawala na ang suporta ng mamamayan sa pamahalaang Marcos. Noong Nobyembre 1985, bigla na lamang ipinahayag ni Presidente Marcos sa interbyu sa telebisyong Amerikano na ginanap ng madaling araw kung kailan tulog ang maraming Pilipino ng kahandaan niyang magdaos ng eleksyong snap para patunayang suportado pa siya ng mamamayang Pilipino.
Nagdaos si Presidente Marcos ng eleksyong snap, kung gayon, hindi para bigyan ng pagkakataong makapamili ng presidente ang mamamayang Pilipino kundi para payapain ang mga maimpluwensyang sektor ng Estados Unidos. Sa palagay ng Presidente, kontrolado pa niya ang sitwasyon lalo’t hawak niya ang mga institusyong panghalalan sa bansa pati na ang gobyernong lokal.
Bilang tugon, iniharap na kandidato ng oposisyon ang balo ni Sen. Aquino, si Corazon Cojuangco Aquino. Hindi malinaw noong una ang kandidato ng oposisyon lalo’t determinado si Salvador Laurel ng UNIDO na tumakbo sa pagkapresidente. Matapos ang mga negosasyon na sinangkutan ni Jaime Cardinal Sin ng Simbahang Katoliko, napagpasiyahang tumakbo sa pagkapresidente si Aquino at pagkabise si Laurel. Samantala, nagkaisa rin ang KBL, makaraan din ang mga pagtatalo, sa kandidatura ni Arturo Tolentino bilang bise ni Presidente Marcos.
Sa mga pagtatalo sa loob ng pangkating Marcos, napaisantabi ang administrador ng batas militar na si Kalihim Enrile. Sa pagtatalong naganap, namayani ang pangkat nina Gng. Imelda Marcos at Heneral Fabian Ver. Sa harap ng pagkakaisantabing ito, kinonsolida ni Kalihim Enrile ang sariling puwersa sa Ministri ng Tanggulang Bansa na kinabilangan ng mga pangunahing lider ng RAM. May plano na sila noon na magkudeta sa Enero 1, 1986 bago ipinahayag na magkakaroon ng eleksyong snap. Ngunit dahil sa eleksyon, ipinagpaliban ang kudeta. Sa halip, naglunsad ang RAM ng kampanya para sa malinis at patas na halalan.
Nagkaroon din ng mga pagtatalo sa loob ng CPP at ng kilusang pambansa-demokratiko kaugnay ng eleksyong snap. Nahati sa panig ng boykot at panig ng partisipasyon ang kilusan. Sa huli, pinagpasyahan ng kilusan na iboykot ang eleksyong snap sa kabila ng masiglang pagtangkilik dito ng mga mamamayang kontra-Marcos. Sa palagay ng CPP, pakana ng diktadurang US-Marcos ang eleksyon para iligaw ang mamamayang nag-aalsa at gawing lehitimo ang pananatili ni Marcos sa kapangyarihan. Sa pagboykot, gayunman, napasaisantabi ang CPP at ang kilusang pambansa-demokratiko na siyang layunin din ng pamahalaang Estados Unidos.
Na ang kampanya sa eleksyon ay ginawa hindi lamang sa hanay ng mamamayang Pilipino, kundi laluna sa kapakinabangan ng mga maimpluwensyang sektor sa Estados Unidos ay ipinamalas ng isang mahalagang hakbang ni Gng. Aquino. Sa susog ng kanyang mga tagapayo at ng kumpanyang Amerikano sa public relations, binawi si Gng. Aquino ang pagtutol sa mga base militar ng Estados Unidos. Sa halip, nanindigan siya sa patakarang “open options” sa usapin ng base. Dahil dito, naging madali ang “pagbebenta” ng kandidatura ni Gng. Aquino sa mga Amerikano.
Sa buong kampanya, napatunayan ang malakas na suporta ng mga tao sa kandidatura ni Gng. Aquino. Ang lakas na ginamit sa pagpoprotesta ang siya ring lakas na ginamit para sa kampanya ni Gng. Aquino. Sa mismong araw ng halalan, Pebrero 7, masiglang ipinagtanggol ng mga tao ang balota sa harap ng mga panlalansi at pandaraya ng KBL. Inamin mismo ni Kalihim Enrile ang mga ginawang pandaraya noong talikuran niya ang pamahalaang Marcos.
Isang linggo makaraan ang botohan, hindi pa rin inaanunsyo ang nanalo sa halalan. Malaki ang pagkakaiba sa bilang ng boto ng COMELEC at ng National Movement for Free Election (NAMFREL) na muling ginawang aktibo para subaybayan ang halalan. Nasira ang kredibilidad ng tabulasyon ng COMELEC nang magwalk-out noong Pebrero 9 ang mga computer tabulator dahil di nila masikmura ang pandaraya sa bilangan. Samantala, ang lider ng kinatawan ng kongreso ng US – si Sen. Richard Lugar – na nag-obserba sa halalan ay nagpahayag ng pagdududa sa naging takbo nito.
Sa kabila ng mga anomalyang iniulat, ayaw pa ring bitawan ng gobyernong Reagan ang pagsuporta sa rehimen. Nang iproklama ng Batasang Pambansa na nanalo sa halalan ang tambalang Marcos-Tolentino noong Pebrero 15, ipinadala pa ng gobyernong Reagan ang isang sugo, si Philip Habib, para lumikha ng kasunduan sa pagitan ni Presidente Marcos at Gng. Aquino. Ngunit yari na ang pasya ni Gng. Aquino na ituloy ang laban.
Noon Pebrero 16, ipinahayag ng milyong mamamayan sa Luneta ang tagumpay ni Gng. Aquino sa halalan. Inilunsad nang araw ding ito ni Gng. Aquino ang isang malawak na kampanya ng civil disobedience, kabilang ang di pagbabayad ng buwis at pagboykot sa mga produkto ng mga kroni ni Presidente Marcos.
Habang gumagawa ng hakbang si Presidente Marcos na ipaloob ang oposisyon sa kanyang pamamahala sa mungkahing pagbubuo ng Council of Elders kung saan may inilaang puwesto kay Gng. Aquino, lumarga naman ang kampanya ng civil disobedience nito. Samantala, ang kilusang pambansa-demokratiko na napaisantabi sa panahon ng kampanya dahil sa posisyong boykot ay naghanda naman para sa malaking pagkilos sa katapusan ng buwan ng Pebrero sa pakikipag-ugnayan sa iba pang puwersang antidiktadura.
Nasa ganitong yugto ng pagtutuos ang mga puwersang nagtutunggali nang maganap ang Pag-aalsang EDSA.
Aralin 3: Pag-aalsang EDSA
Nabigla ang marami sa sumunod na pangyayari. Wala sa hinagap ng mga nagsusuri ang naganap. Hindi ito kabilang sa mga senaryong kanilang inisip. Pebrero 22, Sabado – sa press conference na tinawag nina Kalihim Enrile at Hen. Fidel Ramos sa Kampo Aguinaldo, ipinahayag nila ang kanilang paghiwalay sa pamahalaang Marcos. Dito inamin ni Kalihim Enrile na hindi totoo ang ambus sa kanya noong 1972 na ginamit na dahilan sa pagpataw ng batas militar. Inamin din niya na daan-daang libong boto sa Lambak Cagayan ang ginamit para dayain sa eleksyong snap si Gng. Aquino.
Ayon sa kanya, pinili nilang gawin sa Kampo Aguinaldo at Kampo Crame ang kanilang huling tindig laban sa pamahalaang Marcos. Handa nilang tanggapin ang anumang mangyayari. Batid niyang maaaring mangahulugan ng kamatayan ang kanilang ginawa. Hiniling niya sa mamamayan ang suporta nito.
Ano ang nangyari at umurong sa dalawang kampo sina Kalihim Enrile? Natuklasan ni Presidente Marcos ang planong kudeta ng RAM na nakatakda sa Pebrero 23, Linggo. Ipinagtapat ito ng mga nahuling lider ng RAM. Bagaman di batid ng pamahalaan ang lawak ng plano, gumawa ng mga panimulang hakbang sina Presidente Marcos. Pebrero 20 pa lang ay dinagdagan na ang depensa ng Malakanyang. Inaresto rin ang mga sundalong guwardiya ng Ministro ng Kalakalan Roberto Ongpin na nakatalaga sa Ministri ng Tanggulang Bansa. Dahil sa mga naobserbahang kilos ng Malakanyang, nagbago ng plano ang RAM.
Dahil sa pagkatuklas ng planong kudeta, nagpasya si Kalihim Enrile na magkuta sa Kampo Aguinaldo. Sa harap ng bantang pagsalakay ng puwersa ni Presidente Marcos, nanawagan ng tulong sa mamamayan sina Kalihim Enrile. Nanawagan din si Cardinal Sin sa mamamayan na magtungo sa dalawang kampo at ipagtanggol ang mga nasa loob.Kagyat na tumugon ang August Twenty-One Movement (ATOM) ni Butz Aquino. Nagbantay sila sa pinto ng dalawang kampo.
Kagyat din ang naging pagtugon ng mga tao. Sa loob ng apat na araw, pinuno nila ang harap ng mga kampo at ang mahabang bahagi ng EDSA. Nang dumating ang mga marino at mga APC na sasalakay sa kampo, hinarang nila ang mga ito. Katawan nila ang ginamit nilang barikada para mamagitan sa dalawang armadong puwersa. Mula Pebrero 23-25, tinatayang may 2 milyong mamamayan ang nagbantay sa EDSA.
Dito lubos na namukadkad ang tinaguriang People Power. Iniharang ng milyong mamamayan ang kanilang katawan sa pagpigil sa mga sundalo at APC na lulusob sa dalawang kampo. Naghanda sila at namigay ng pagkain sa dalawang magkaharap na puwersa, laluna sa mga nagkukuta sa loob ng dalawang kampo militar. Naghandog sila ng mga bulaklak sa mga sundalo, laluna sa mga sundalong palusob sa dalawang kampo. Nagdasal sila sa gitna ng EDSA. Kung dumanak ang dugo sa EDSA, malamang dugo ng mga karaniwang mamamayan ang pumatak at umagos sa EDSA. Kung sakaling nangyari ito, tiyak na mahihirapang panghawakan ninuman ang mga susunod na pangyayari.
Habang nagtatagal, kumikiling ang balanse ng puwersa sa mga nasa EDSA. Unti-unti, naglipatan sa panig ng mga nag-alsa ang mga yunit ng pulis at militar. Lalong malaking pagbabago sa balanse ng puwersa ang naganap nang dumating sa Kampo Aguinaldo ang mga helikopter ng Air Force para sumama sa pag-aalsa. Ang lakas na dati’y nasa panig ng rehimeng Marcos ay naagnas unti-unti nang di ito makagawa ng mapagpasyang aksyon laban sa mga mamamayang nagtipon sa EDSA.
Sa Club Filipino sa San Juan, sumumpa sina Aquino at Laurel bilang mga bagong halal na presidente at bise-presidente ng Pilipinas noong Pebrero 25. Nagbuo sila ng gobyerno habang patuloy na nahihiwalay sa daigdig ang pamahalaang Marcos. Kahit ipinahayag ng Batasan na nanalo si Presidente Marcos sa eleksyon, walang gobyerno ng ibang bansa ang kumilala rito liban sa isa. Nahiwalay si Marcos hindi lamang sa loob kundi pati na sa labas ng Pilipinas. Ang gobyernong Reagan lamang ang nagtatangkang iligtas pa ang kanyang pamahalaan.
Bunga ng di pagkilos agad para supilin ang mga magkukudeta habang kaunti ang tao sa EDSA, nawala sa rehimeng Marcos ang inisyatiba sa EDSA. Sa lalong pagdami ng tao sa EDSA at sa paligid ng Malakanyang, muling humiling ng suporta ang pamahalaang Marcos sa Estados Unidos. Sa simula, sinikap ng pamahalaang Reagan na makabuo ng huling kompromiso sa pagitan nina Presidente Marcos, Kalihim Enrile at Gng. Aquino. Ngunit nabigo ang mga huling pagtatangka.
Sa loob mismo ng gobyernong Reagan, unti-unti ring nakapangibabaw ang mga nagpapanukalang alisan ng suporta si Presidente Marcos para maisalba ang kalagayan pabor sa patakarang panlabas ng Estados Unidos. Sa harap ng Pag-aalsang EDSA at sa lumitaw na mga moderatong lider nito, nagpasya ang pamahalang Reagan na talikuran na ang rehimeng Marcos. Sa interbyu sa telepono na isinahimpapawid sa radyo, malinaw ang payo ni Laxalt kay Presidente Marcos – “cut and cut cleanly”. Walang nasabi si Marcos kundi: “I’m so very, very disappointed.” Ganito nagwakas ang rehimeng batas militar. Sa Estados Unidos pa rin nanggaling ang huling salita!
Nang gabi ng Pebrero 25, tumakas ng Malakanyang sina Presidente Marcos. Ngunit hindi pa rin siya lubusang pinabayaan ng gobyernong Estados Unidos. Dinala siya at ang kanyang pamilya ng helikopter sa ligtas na lugar ng Clark Air Base bago itinuloy sa Hawaii. Dito siya pinatira ng pamahalaang Reagan hanggang sa mamatay. Bago tumakas, sumumpa sa pagkapangulo sa Malakanyang si Presidente Marcos noong Pebrero 25.
Samantala, pagkarinig sa pagtakas ni Marcos, lumuha at nagtatalon sa kasiyahan ang maraming nagbantay sa EDSA. Tagumpay ang pag-aalsa laban sa rehimen!
Ilang Sanggunian
1. Ambrosio, Dante L. “Militanteng Kilusang Manggagawa sa Kamaynilaan: 1972-1982 Paghupa, Pag-ahon, Pag-agos,” di-nakalathalang MA Tisis sa Kasaysayan, UP, 1992.
2. Arillo, Cecilio T. Breakaway. Mandaluyong: CTA and Associates, 1986
3. Bello, Walden, David Kinley at Elaine Elinson. Development Debacle: The World Bank in the Philippines. San Francisco, California: Institute for Food and Develoment Policy, 1982.
4. Civil Liberties Union of the Philippines. Three Years of Martial Law. Makati: CLUP, 1975.
5. Javate-de Dios, Aurora, Petronilo Bn. Daroy, at Lorna Kalaw-Tirol. Dictatorship and Revolution Roots of People Power. Metro Manila: Conspectus, 1988.
6. Schirmer, Daniel B. at Stephen R. Shalom, pat. The Philippines Reader A History of Colonialism, Neocolonialism, Dictatorship and Resistance. Quezon City: KEN, Inc. 1987.
7. Seagrave, Sterling. The Marcos Dynasty. New York: Harper and Row, Publishers, 1988.
8. Timberman, David G. A Changeless Land. Makati: The Bookmark, 1991.
9. Youngblood, Robert L. Marcos Against the Church. Quezon City: New Day Publishers, 1993.
(Mababasa ang ilang dokumento sa http://dlambrosio.multiply.com at sa aking facebook account.)
The Filipino is Multilingual (In Answer to James Soriano)
When I was born in 1949, my father, Jose V. Aguilar, was conducting what became known as the Sta. Barbara Language Experiment. Before I turned two years old, he had already proven through this experiment in a remote town in Iloilo, the island of Panay, that pupils who were taught in their mother tongue during the first two years of school learned better than those who were shocked into learning through the medium of English.
But that does not mean that I grew up entirely using my mother tongue, Hiligaynon. My father was wise enough to speak to me purely in English, while he bid my mother and siblings to speak to me purely in Hiligaynon.
Did I grow up confused? No. I grew up versatile in both languages. When I transferred to U.P. Diliman with my family at the age of four, I learned my Tagalog from playmates. By the time I reached Grade 1, I was speaking it fluently.
When, at the age of 25, I was assigned to the underground of Mindanao and consciously mingled with the urban poor, I learned Cebuano in a month. When I made a week-long foray into the hinterlands of Samar at the age of 34, shortly before I left my beloved movement, I was able to get the rudiments of Waray and would not have forgotten it had I stayed in Samar a bit longer.
I also know a smattering of Kapampangan and Ilokano from friends both within and without the underground.
The Filipino is multilingual. You can see that from 10 million Filipinos all around the world, learning the languages of their adopted countries so quickly, you could hardly hear them stuttering. And most of these Filipinos aren’t rich; they’re masa, domestic helpers, drivers, janitors, seamen, nurses with hungry mouths to feed.
As to whether they become grammatical or not is not the point. The point is, they could communicate with anyone in any language.
So what’s this “revelation” about living a princely life with English?
There is nothing new to it. During the Spanish times, the conquistadores herded the datus and their families into town centers and cut them off from their barangays, the better to prevent them from staging rebellions. They brainwashed those datu families into thinking they were a privileged lot by teaching them Spanish, among other things.
The datu families began to think they were princes, living a princely life using Espanggol.
No different from our “princes” today, who think they’re so lucky to be born privileged.
But then this shows that life today is no different from life centuries ago. We still have a privileged class bragging about how good they are in the language of the conquistador.
This is not to disparage James Soriano, a young man who may have learned German, but hasn’t yet seen the world in all its gritty detail. I wouldn’t quarrel with him, especially since I’m a very old woman of 62; but I would love for him to learn a thing or three about his country.
In English, because that is the language he understands. But I could very well switch to Filipino, which serendipitously combines all languages with Tagalog as base; or Hiligaynon, or Cebuano. But he wouldn’t understand.
I have written underground tracts in Tagalog and even tried to translate Bible verses into Filipino right on Facebook, so James can’t say that our languages are meant only for informal conversations. And has he heard U.P. professors teaching biology, physics and chemistry in Pilipino?
Truth is, English is not necessarily the language of connection, because a full three-quarters of the world don’t speak it anyway. One does not have to connect using English; one connects by communicating with the eyes using one’s Filipino smile. The language, whatever language that is, comes after.
That is what Filipinos all over the world, from Europe to Asia to the Middle East to Latin America to Africa, have discovered.
Oh yes — I left out the U.S. That’s because it’s perhaps one of the few countries in the world left that is largely monolingual, and bilingual only among first and second generation immigrant families. That they’re teaching second languages like Spanish now is a recognition not only of their Latin American migration problem but of their scientific finding that monolingualism makes for a dumb population.
No, English is not a universal language, I teach in TESOL. Does God, who rules the universe, and the multiverses as well, speak in English? Of course not. He speaks to you Spirit to spirit, in any language you can accept with all your heart, mind, soul, and strength.
At most, English is the language of world commerce. If that is what the upper classes of Philippine society need it for, then so be it. Let them deal with Japanese and Chinese CEOs in English.
But let me tell you what happened to this language of commerce in the 1950s, after my father had so painstakingly shown, through his Sta. Barbara Experiment, that the mother tongue is a better medium of instruction for efficient learning in Grades 1 and 2.
A man named Clifford Prator, from the University of California in Los Angeles, came up calling vehemently for a return to English as the medium of instruction on all levels in Philippine schools. His reason was, in a word, in my view, something like: Ah basta! English is superior. Subsequently, my father’s findings were twisted statistically to show that, indeed, his findings were wrong: English was really the better medium of instruction on all levels.
I’m sure these same tactics are being used and will be used again and again to push the superiority of the English language in the Philippine scene, including and especially in the Constitution.
Sige, go ahead. Meantime, I will use the language of the reconquistador to shout down its proponents.
So have I connected?
Apir!
‘Hero’ man o bayani, ‘mangangayaw’ pa rin ang OFW
Mahaba ang pinagdaanang ebolusyon ng salitang bayani. May ibang kahulugan ito noong sinaunang panahon (mula 5000 Bago kay Kristo hanggang 700 Bago kay Kristo), ayon sa historyador na si Dr. Zeus Salazar sa kanyang lekturang “Ang Austronesyanong baRani Hanggang sa Kasalukuyang Hugis ng Kapilipinuhan” na ipinirisinta niya sa pagdiriwang ng Linggo ng Kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas kamakailan.
Nakapaloob ang salitang ‘baRani’ (ipinaliwanag ng historyador na nagiging titik g, y at l ang malaking titik R kung kaya maaari itong maging baGani, baYani at baLani) sa wikang gamit ng mga sinaunang taong Austronesyano kung saan kabilang ang lahing Pilipino. Dala nila ang salitang ito magmula sa paglalakad at pandarayuhan ng mga Austronesyano galing sa Formosa (Taiwan ngayon) pababa sa Pilipinas hanggang sa umabot sa Polynesia sa rehiyong Samoa-Marquesa.
Kaugnay ng salitang bayani ang salitang ‘pangangayaw,’ ayon pa kay Dr. Salazar. Sa mga Proto-Austronesyano, tumutukoy ang ‘pangangayaw’ sa ‘kayaw’, ‘ma-nayaw’, ‘mangayaw’, ‘nayaw’ at ‘ngayaw.’ Pagtungo at pagdayo (hindi nangangahulugang pakikidigma sa ilang pagkakataon) ng bayani ito sa ibang pook upang may makuha siyang pagkain, alipin, at iba pang biyayang makapagpapaalwan at makapagbibigay-kaluwagan sa kanya at sa buhay ng ‘banua’ o ‘panua’. Nang sa gayon, nakakamit nila ang ‘ginhawa’ sa ‘banua’ o bayan. Nangangahulugan itong paghinga, buhay, kaluwagan at kaalwanan sa iba’t ibang wika sa Pilipinas.
Ito ang dalumat (konsepto) ngayon ng pagiging bayani ng mga overseas Filipino worker (OFW). Dumadayo (nangangayaw) sila ngayon sa ibang bansa upang maghanap-buhay at kumita ng pera para sa ikabubuti sa pangunahin ng kanilang pamilya. Nagnanais ang bawat OFW na guminhawa.
Tama bang tawagin silang ‘heroes’, tutal ay Araw naman ng mga Pambansang Bayani (National Heroes Day) sa Agosto 30?
“Don’t give us that crap!” sabi ng asawa kong OFW sa loob ng 13 taon, kasabay ng pag-aalimura sa sinumang umimbento ng pagiging bagong bayani ng mga OFW. Gusto lang daw silang pagkakitaan ng pera ng gobyerno kaya pilit silang tinatawag na bagong bayani samantalang mula pa lang sa ibang bansang pinagtatrabahuan ng mga OFW, alipin ang turing sa kanila ng mga embahada, gatasan sa airport at balon ng dolyar at pasalubong ng mga kamag-anak.
Mula noon hanggang ngayon, nanatili ang dalumat ng baRani. Ngunit, ayon kay Dr. Salazar, pumasok ang ideya ng ‘bagong bayani’ nang pumasok sa Pilipinas ang ideya ng ‘heroe’ ng mga Espanyol. Pinaigting ng Propaganda ang dalumat na itong may kasamang pag-aalay ng buhay para sa bayan. Hanggang sa naging ‘hero’ ito sa wikang Ingles. Ito ngayon ang umiiral at namamayani sa pampulitika, pang-ekonomya at pangkultural na mga usapin sa lipunang Pilipino.
Samantala, patuloy na nandarayuhan, nakikibaka, nakikipagbuno o nagpapala ng buhangin ang mga OFW sa ibang bansa upang makatikim naman ng ginhawa ang kanilang pamilya sa Pilipinas.
Huwag ipagdiwang ang buwan ng wika
ni Michael Charleston Chua (May permiso ng may akda ang paglalathala ng kanyang kolum na Walking History sa Good Morning Philippines)
Dahil kaarawan ngayon ng Pangulong Manuel Quezon na nag-adhika na magkaroon ng isang Pambansang Wika na batay pangunahin na sa Tagalog ngunit kabilang dapat ang mga salita mula sa ibang mga wika sa Pilipinas, kaibigan, tara, usap tayo… sa Filipino.
Madalas ako makakita ng mga karatula sa mga paaralan ngayon na ipinagmamalaki na “This is an English-Speaking Zone.” Diumano upang tayo ay maging “globally-competitive,” ipinatupad ng nakaraang administrasyon ang polisiya na halos lahat ng asignatura ay dapat itinuturo sa Ingles. Dito, kapag ikaw ay nagsasalita sa Ingles, kahit wala namang laman ang sinasabi mo, ang tingin sa iyo ay matalino. Sa isang mamahaling kolehiyo aming nakita minsan ni Dr. Zeus Salazar, “English is the language of leaders.” Sabi niya, “Bakit? Si Napoleon ba iningles ang mga Pranses? Si Mao ba iningles ang mga Tsino?”
Kahit marami ngayon ang “wrong grammar” sa paggamit ng Ingles, ipinagmamalaki natin na mas marami pa ring nagsasalita ng Ingles dito sa Pilipinas kaysa sa Inglatera. Kung totoo ito, bakit tila hindi tayo mga pinuno sa daigdig? Bakit tayo naghihirap? Bakit walang sapat na marangal na trabaho sa bansa na kinakailangan na matuto tayo ng Ingles upang magsilbi sa pangangailangan ng mga dayuhan sa mga kasambahay, nars at caregiver at tagasagot ng telepono? Bakit ang Hapon, Tsina, Europa ay mayaman kahit na maging ang mga CEO ng kanilang mga kumpanya ay bobo sa Ingles? Sapagkat ang biyaya ng edukasyon, ekonomiya at pulitika dito sa Pilipinas ay nananatili lamang sa mga marunong mag-Ingles. Ang may kontrol sa wika ay may bahagi sa kapangyarihan. Maraming dahilan kung bakit tayo mahirap, ngunit hindi ba’t kabilang dito ang katotohanang hindi talaga makasawsaw ang mas nakararami sa mga isyu ng pagkabansa? It’s the language, stupid.
Samahan niyo ako at hirayain natin (let’s imagine): Sa kabila ng iba’t ibang wika na nakapaloob sa Kapilipinuhan, tayo ay nagkakaintindihan sa isang wika na mula sa ating kapuluan. Ayon kay Dr. Salazar, “Gumagamit ng mga konsepto at ugali na alam natin lahat ang kahulugan, …pati ang relasyon ng mga kahulugang ito sa isa’t isa. Ito ay nangyayari lamang kung iisa ang ‘code’—ibig sabihin, may isang pangkabuuang pag-uugnay at pagkakaugnay ng mga kahulugan, kaisipan at ugali. Mahalaga (at pundamental pa nga) rito ang iisang wika.” Imbes na sa Ingles lamang nakalimbag ang Harry Potter o Twilight saga, ito ay isinasalin sa wikang mababasa na rin ng mas nakararaming Pilipino; na naglilimbag na tayo ng mga aklat ukol sa pilosopiya, quantum physics o quantum mechanics sa ating sariling wika; Na sa sistemang legal sa Pilipinas hindi na naagrabyado sa kaso ang mga mahihirap dahil wala silang maintindihan; Na naisasama na ang mahihirap sa biyaya ng ating ekonomiya dahil naiintindihan na nila ito; Na unti-unting nabubuo ang ating bansa dahil “nag-uusap tayo,” tulad ng sinasabi ni Boy Abunda, ukol sa ating sariling kasaysayan at karanasan, natutuklasan natin ang ating sariling lakas, at sa pagkakaintindihan nabubuo ang repseto sa isa’t isa, na nagbubunsod ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba. Hindi ba napakanda ng bansa natin kung ganoon?
Ito ang layunin ng Pantayong Pananaw at Bagong Kasaysayan, iskwelang pangkaisipan na sinimulan ni Dr. Salazar at patuloy na pinapanday ng mas nakababatang mga historyador (Para sa buong paliwanang, puntahan ang http://bagongkasaysayan.org), na sa pagbabalik-tanaw natin sa kasaysayan na “may saysay” sa atin, sa ating sariling wika, para sa bayan, mas maiintindihan natin ang ating sarili. Maliit kasi ang tingin natin sa ating sarili dahil sa mga “historia” na isinulat ng mga dayuhan sa kanilang perspektiba at nagturo sa atin na umasa lamang sa kanila. Bagama’t marami ang nagsusulat ukol sa ating kultura at kasaysayan, marami ang hindi nito naaabot dahil sa Ingles lamang nasusulat ang mga ito.
Hindi tayo maaaring maging “globally competitive” kung hindi tayo nagkakaintindihan bilang bansa at hindi matibay ang ating kultura. Sapagkat ang nais ng globalisasyon ay magkaroon ng isang kultura ang daigdig upang mabenta ang mga produkto ng mga dominanteng bansa. Magigising tayo minsan na wala na tayong pagkakakilanlan, na patay na ang ating pagkabansa tulad ng sinabi ni Simoun kay Basilio sa mga nobela ni Rizal. Imbes na mapakinabangan natin ang globalisasyon, magagamit lamang tayo nito.
May mga nag-adhika noon na Ingles na ang maging pambansang wika tulad nina Isidoro Panlasigui. Tinuruan na daw kasi ang Pilipino na magbasa ng Ingles, at may grupo na ayaw tanggapin ang Tagalog/Filipino bilang wikang pambansa. Ngunit, ibang usapan kasi kung naiintindihan talaga ang kayang basahin. Marami na sa kapuluan ang nakakaintindi ng Filipino dahil sa media. Ang wika kasi ay kultura. Ibig sabihin, hindi mairerepresenta ng isang dayuhang wika ang yaman ng ating kultura at damdamin tulad ng isang wika mula sa Pilipinas. Ang “rice” sa Ingles ay palay, bigas, kanin, bahaw, tutong, sinangag, lugaw at iba pa sa Filipino.
Kapuri-puri ang halimbawa ng Pangulong Noynoy Aquino na kausapin ang bayan sa wika nito. Nasa diwa siya ng kanyang ina na kahit elitista at Inglesera ay inutos sa kanyang Executive Order 335 na gamitin ang Filipino sa mga gawain ng estado. Ayon kay Adrian Cristobal noong 1988, “This…is what President Corazon Cojuangco Aquino can legitimately parade as her achievement…: That she has inducted the government and therefore the political realm into the same universe inhabited by the many….. It is her one true act of statesmanship, an act that bolder presidents couldn’t dare because of the loud objections of regional leaders…. This presidential act will do more for our nationhood than any gesture at leadership.” 1 Agosto kapwa namatay ang Pang Quezon (1944) at Pang. Cory (2009). Sana alalahanin din ang huli na tagapagtaguyod ng Wikang Pambansa sa buwan na ito at tunay na ipatupad ang kanyang magandang sinimulan.
Totoo, mahalaga pa rin sa akin ang matuto, magsulat at magsalita ng Ingles, at maganda pa nga matuto pa tayo ng Espanyol, Tsino, Aleman, Italiano, at iba pa. Ngunit mali na itaguyod ang dayuhang wika habang isinasakripisyo nating ang pag-usbong ng Filipino at mga wika sa Pilipinas hindi lamang sa akademya kundi sa pamahalaan at ekonomiya. Ito ay isang krimen sa ating kultura. Kung patuloy na ipapatupad ang “English Only Policy” sa mga paaralan, nag-aaksaya lang tayo ng panahon, huwag na nating ipagdiwang ang Buwan ng Wika.
Sa mga nagtataguyod ng Filipino at ng mga wika sa Pilipinas, huwag mag-alala. May kakampi tayo kay Emilio Jacinto, “tunay na [mahalaga ang] tao kahit laking-gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika.”
___
Sa Setyembre 15-16, magkakaroon ng taunang kumperensya ang Philippine Historical Association bilang pagdiriwang ng Linggo ng Kasaysayan ukol sa papel ng kasaysayan sa pagtuturo ng ibang disiplina sa mga agham panlipunan na gaganapin sa gusali ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa Daang Kalaw, Lungsod ng Maynila. Para sa impormasyon, tumungo sa aming bahay-dagitab, http://www.pha1955.blogspot.com.
Kung bakit hindi ginamit ni Teodora Alonzo ang apelyidong Rizal
Kung hindi ko nabasa ang pahayagang Renacimiento Filipino noong isang taon sa Philippine National Archives, lilipas ang Agosto 16 ngayong 2011 nang hindi ko maaalala ang kamatayan ni Teodora Alonzo y Quintos, ina ng ating bayaning si Dr. Jose Rizal. Eksaktong 100 taong patay na ang ina ng bayani. Kung babalikan ang pahayagang Renacimineto Filipino, makikita kung gaano kamahal si Teodora Alonzo ng mga Pilipino noong 1911.
Hindi mahulugang karayom ang sementadong kalsadang yari sa cobblestone (walang katumbas na salin sa wikang Filipino) sa Maynila sa araw ng kanyang libing sa dami ng mga taong nakikidalamhati sa pagpanaw ng 84 na taong gulang na ina ng bayani. Tulad ng nakaugalian noon, may banda ng musiko sa unahan at puno ng mga tao ang gilid ng kalsada. Marami ring taong nakasunod sa karwaheng hila ng kabayo. Sa likod ng karwahe, may mga taong nakasakay rin sa kabayo.
Parang dagat ng mga taong nakaputing may suot ring mga sinaunang sumbrero sa paligid. Maluwag ang kalsada ngunit puno ng mga tao. Malalaki ang mga bahay na yari sa kahoy at bato. Payat at di kataasan ang mga kahoy na poste sa gilid ng magkabilang kalsada.
Sa Santa Cruz, Maynila ipinanganak ang butihing matanda noong 9 Nobyembre 1827. Marami ang nakipaglibing sa kanya sa Maynila hindi lamang dahil sa ina siya ng isang bayani kundi dahil na rin sa kanyang mga sariling nagawang kabutihan sa kapwa at sa bayan.
Nasukat ang katatagan at lakas ng loob ni Teodora Alonzo sa katindihan ng pag-uusig ng mga Espanyol sa mga mapanlabang Pilipino. Sa panahong inuusig ang kanyang pamilya – mula sa matandang anak na si Paciano hanggang sa batang si Rizal (ikapito sa 11 anak niya) – pinanghawakan niya ang mga prinsipyong pinaghuhugutan rin ng lakas ng pambansang bayani.
Isa sa mga naging hamon sa matanda ang pagpapatawag sa kanya ng mga Espanyol dahil sa hindi niya paggamit ng apelyidong Rizal. Nangatwiran siyang hindi kaugalian ng mga Pilipinang gamitin ang apelyido ng kanilang asawa. Aral si Teodora Alonzo sa Colegio de Santa Rosa sa Maynila at mula sa pamilyang mga nakapag-aral rin at may kaya sa lipunang Pilipino noon kaya mas lalong pinalakas ng kanyang edukasyon ang kanyang paninindigan.
Idinagdag ito sa naunang kaso niya sa kanyang paglason umano sa kanyang hipag na napatunanayan namang hindi totoo sa hukuman. Ngunit hindi pa rin siya makaligtas sa galit ng mga Espanyol. Pinalakad nila ang matanda mula Ermita, Maalat, Pineda (Pasay sa kasalukuyan) hanggang Las Pinas.
Anang pahayagang Renacimiento Filipino: “ Sa bayang ito’y (Las Pinas) isinalin ng mga veterana sa guardia civil ang pagtatanod sa kanya. At noon di’y inilakad naman na ang pinagdaanan niya’y ang mga bayang Muntinglupa, San Pedro, Tunasan, Binyang, Sta. Rosa, Kabuyaw, Kalawang, Pila at Santa Cruz (Laguna).
Naawa sa kanya ang mga taga-Binyang, Laguna at nakiusap sa mga guardia civil na isakay sa duyan ang matanda at sila na lamang ang maglakad para sa kanya ngunit hindi natinag ang mga guardia civil. Markado na ang pamilya Rizal simula pa lamang noong 1872 nang maganap ang pag-aalsa sa Kabite at patayin ng mga Espanyol ang tatlong paring Gomez, Burgos at Zamora. Malapit na estudyante at nakatira si Paciano Rizal kay Padre Burgos noon.
Sinamsam ng mga Espanyol ang ari-arian ng pamilya Rizal sa Calamba noong 1890 kung kaya nagsilipat sila sa Maynila. Nakitira sila sa makabayang si Higinio Francisco sa Trozo (bahagi noon ng Binondo ngunit bahagi na ng Santa Cruz, Maynila ngayon), ayon pa sa pahayagan. Aabot pa hanggang sa ikatlong henerasyon ng kanilang angkan ang mga kasong ipapatong laban sa kanila (Encarnacion Alzona, Selected Essays and Letters of Jose Rizal, p. 31).
Bago pa ito mangyari, napaunlad ni Teodora Alonzo ang kanilang negosyong azucarera – (”nagmamatamis” ang ina ni Rizal, ayon sa pahayagan) at taniman sa Calamba. Inquilino o kasama (tenant) ang mag-asawang Rizal sa lupaing pinauupahan ng mga paring Dominikano sa Calamba ngunit dahil sa pag-aalsa ng mga magsasaka (may kinalaman kaya rito ang mga Rizal?) sanhi ng mataas na renta at buwis, nagalit ang mga Dominikano at nagtanim ng galit sa pamilya.
Bago mamatay ang butihing ina ng bayani, binigyan siya ng pabuya at pensiyon ng pamahalaan dahil sa mga nagawa ni Jose Rizal para sa bayan. Ngunit tinanggihan niya ito. Hindi umano siya nagpapabayad sa kanyang pagiging Pilipino. Kung marami rin lang umanong salapi ang pamahalaan kung kaya ipinamimigay ito, ipinapayo niyang babaan na lamang ang pagbubuwis sa mga mamamayan.
Hindi nakapagtataka kung bakit naging bayani si Jose Rizal.
Feisty priests allegedly hit, punch and shoot
By Hernan Melencio
We have heard of activist priests; even rebel priests. But pugnacious priests are rare.
However, recent incidents of Filipino Catholic priests figuring in scandalous outbursts have called attention to the conduct of the clergy in their dealings with lay people.
A priest, Father Ronnie Pillos of Dingras town in the northern province of Ilocos Norte, is now in hot water for reportedly punching a man in a cockfight.
Prior to that, three priests in the central Philippine region of Visayas were the subject of scandals. Father Jonathan Durano Lao of Danao City was arrested and jailed after allegedly shooting a criminology student by accident in February.
In March, Father Leopoldo Palacio Jr. of Cebu was accused of hitting an altar boy. Later, other altar boys complained him for alleged abuses.
Also in March, Father Wilfredo Genelazo of Cebu was accused of threatening a couple over a business matter. The priest admitted “cursing” the wife and her husband because they failed to pay him for the 45 pigs they bought from the priest’s family last December.
These incidents, of course, cannot be taken as a “trend” or even a worsening problem. Most of the cases were settled before they got to court.
But they certainly become an embarrassment as people expect these men of the cloth to “turn the other cheek.” (From http://blogs.ucanews.com/give-us-this-day/2011/06/16/)
June 15, 10:30 pm, 20 years ago
What happened at 10:30 pm on June 15, twenty years ago?
In fact, something stopped happening at that hour, on that date. According to scientists, that was the official end of the 1991 eruption of Mt. Pinatubo.
What happened since then has become part of one “most significant story” in my life – my lifelong journeying with the Aetas, the “first people” of the Philippines.
The eruption forced the Aetas to leave their homes, farms, and hunting grounds on the slopes of Mt. Pinatubo. Their clans and communities were dispersed into various resettlement areas. Up to now, the original residents of Barangay Villar which is considered the “mother barangay” of Aetas, live in in four or five different sites.
But 150 families belonging to LAKAS (Lubos na Alyansa ng Katutubong Ayta sa Sambales) decided they would stick together, even if it meant transferring 10 times to different temporary sites. They finally settled in a place, sitio Bihawo, from which they could see Mt. Pinatubo, where they believed Apo Namalyari dwelt.
Wherever they settled, they never stopped dreaming and hoping that they would return to the slopes of Mt. Pinatubo.
Aeta participants would draw details of this dream during the visioning exercises in the GLC – the Grassroots Leadership Courses run by ELF. That is where our life stories met.
I wasn’t in the Philippines when Mt. Pinatubo erupted. It was only in 1992 that I managed to return from an informal exile in Europe. That gave me the chance to set up the Education for Life Foundation with Girlie and activist-friends, using funds initially provided from Denmark.
Partly inspired by the ideas of Grundtvig on “education for life” and the Danish folkehojskole residential course, ELF’s core program was, and continues to be “grassroots leadership formation for grassroots community empowerment.”
We decided to start with participants from Central Luzon, because of the region’s history of militancy, and because our NGO partners like PRRM worked there.
We didn’t deliberately seek out the Aetas. NGO partners sponsored two Aeta participants for the first batch Unang Ani. In the succeeding batches, Aetas remained minorities among the mainly lowland participants of the GLCs.
But after a few courses, the Aeta leader-graduates requested for an All-Aeta course. We did, and that eventually led to the setting up of PBAZ – Paaralang Bayan ng Ayta sa Zambales – organized by Aeta leader-graduates of the GLCs.
Earlier the Aeta leader-graduates talked of starting an “Aeta Survival Folkschool.” The name reminded me of stories about Aetas training US soldiers in jungle survival skills during the Vietnam war.
Carling Domulot, the current president of LAKAS (the fifth in a series of elected leaders), is clear about what the Aetas need now and in the future: “We need to keep alive our indigenous culture and history, but we also need to acquire the knowledge and skills from the formal schools.”
Last week, we reminisced about our first encounters and the years of journeying together. He talked about a recent trek with a group of LAKAS and PBAZ leaders to the crater of Mt. Pinatubo, to develop a route for future eco-tourists who may want to climb from the Botolan side, rather than the existing route from Capas, Tarlac.
“We found clear running waters two hours from the crater,” he said. “It is in Yamot, the sitio of LAKAS before the eruption. That is where we can set up the nursery for indigenous trees, build huts and a community center, for our Aeta folkschool.”
In early 2010, the Aetas of Barangay Villar, Belbel, Burgos, and Moraza finally got their CADT – Certificate of Ancestral Domain Title – to over 15,000 hectares that include the crater of Mt. Pinatubo. Like other indigenous peoples communities that have acquired legal rights, the Aetas face the challenge of how to develop their ancestral domain.
There are denuded areas that need “rainforestation.” There are upland areas that are suitable for sloping agriculture. The twenty years since the eruption make the farm lands ideal candidates for organic agriculture.
But only a few families have settled back in their ancestral domain. Most remain in the resettlement areas. The older Aetas are eager to return as soon as we can build the ram pump that will bring water for drinking and irrigation to the chosen site for the barangay and their farms. But they acknowledge that many of the younger Aetas are ambivalent, wondering if they still want go back to the life their elders remember, before the eruption.
I asked Carling how he feels about what happened in 1991 and its aftermath.
“At first, I wondered what wrong we have done for Apo Namalyari to allow such suffering to happen to us,” he said. “But after 20 years, I think Apo Namalyari may have used the eruption as a way to broaden our world, and to learn new things that we need, so that we will survive.”
He enumerated the different people he has met, the different places he has visited, the different challenges he has met and different lessons he has learned. “Because of the eruption,” he added, “we have met. And I have learned a lot from you, and ELF, and those we have met through you.”
So did I, from Carling and the Aetas, and the learning still continues.
Looking back on the 20 years, I think of Soren Kierkegaard and his aphorism: “Life can only be understood backwards. But it must be lived forwards.”
Pahimakas
Pahimakas
(Para kay Dante Ambrosio)
I. Parola sa Malabon
Anak na sinisinta
ni Pedrong manggagawa
at Pacita Lacsamana.
Minumutyang kaputol
Nina Rollie sa Rusya,
At mas batang Anita,
Pati na ni Jun, bunso.
Taun-tao’y may taning
pusong pigil sa sinta
Hanggang beinte singko lang.
Hanggang maging singkwenta.
At may bonus pang siyam.
Gumiya sa pamilya,
Tulad mo ay parola.
Parolang umiilaw
Gabay ng mangingisda
Nagbigay ng pag-asa,
Batilyo sa Boulevard,
Tumigil sa paghila
Isdang banye-banyera.
Sasampu’y naging laksa.
Lakas ng manggagawa.
II. Taliba ka ng bayan
Sa tangang pluma’t papel.
Nagmimeograph sa newsprint,
Ng demo,martsa, welga.
Sa kasaysaya’y titik,
Bawat salita’y saltik.
Talahib kang may hagkis
Masa’y iyong binigkis.
Bandilyo kang bandilyo,
Taliba kang taliba.
Malalapad na palad,
Kay Abadillang pompyang
Hinding-hindi umubra.
Abadilla: “Taga-Philippine Science
High School ka?”
Dante: Walang sagot.
Abadilla: “Torres High School?”
Dante: Walang sagot.
Abadilla: “Atenista ka?”
Dante: Walang sagot.
Abadilla:”Taga-UP ka?”
Dante: Walang sagot.
Abadilla: “Ah, aktibista!”
Dante: Walang sagot.
Abadilla: “Komunista?”
Dante: Walang sagot.
Abadilla: “Bagsak ka!”
Dante (Buo ang tinig,
Kamao’y nakakuyom):
“Laging pasado ang tres!
III. Bahagharing nagtulay
Kulay, hiwa-hiwalay
Sa ‘king kaliwang-kaliwa.
O sa gitnang kaliwa.
O sa kanang kaliwa.
O nagrelihiyoso.
O sa nag-RX (relaxed),
O sa pinanawan na
Ng pagkilos, pag-asa.
Pula: Araw sa umaga
Kahel: Pumanatag ka
Dilaw: Ituloy, laban
Luntian: Buhay, masa
Bughaw: Di magsasawa
Indigo: Pagbabago
Lila: Lahat kasama.
IV. Bayani kang bituin.
Sinaunang kaalamang
Etnoastronomiya,
natuklasa’t binansagan.
Sa ami’y ipinakita
Ang pagkundap sa langit,
Moroporo, Balatik.
Tatlong Maria, Tres Marias
Sa sintang iniibig.
A, B, C? Pawang di pwede.
J, K, L? Bigo, basted.
S, T, U? Bitui’y sungkit.
Bituin kang bituin,
Kumikislap sa langit.
Sa kasaysayang baya’y
Bayani kang bayani.
Hayaan mong ihatid
Ka namin sa balangaw.
Landas patungong langit,
Masigalot, matarik.
Patunayan mong muli:
Payapa at tahimik.
Humayo, magliwanag.
Kaisa ng talampad.
Salamat at paalam,
Bayani kang bituin.
Padayon, Dante!
(Gloria Esguerra Melencio)
http://philippinehistory.ph
Pagpupugay sa Historyador ng Bayan
Nagluluksa ang http://philippinehistory.ph sa pagpanaw ni Propesor Dante L. Ambrosio, pangunahing founder ng website na ito. Pagpupugay sa Historyador ng Bayan. Maraming-maraming salamat. Hindi ka namin malilimutan.



