Eid Mubarak!
NAGDIRIWANG ang mga kapatid nating Muslim ngayong araw ng tinatawag na Eid Al-Adha o pista ng sakripisyo.
Ito ang pinakarurok ng Haj o banal na paglalakbay (pilgrimage) sa Makkah, Saudi Arabia na isa sa limang haligi ng paniniwalang Islam. Sa araw na ito nagbabatian ang mga Muslim ng “Eid Mubarak!” (Maligayang Eid) bilang pagsasaya sa banal na sandaling ito.
Maraming Pinoy ang hindi masyadong nakaaalam na iisa lamang ang pinaniniwalaang Diyos ng mga Kristiyano at Muslim at ang mga tauhan sa Bibliyang Kristiyano e nasa Qur’an din. Kaya kung tutuusin e konti lang ang talagang hindi pinagkakasunduan ng dalawang relihiyon at iyon e pwede namang pag-usapan nang walang patayan.
Naniniwala rin, halimbawa, ang mga Muslim kay Hesus pero hindi bilang Diyos kundi isang propeta na tulad ni Muhammad at Moses (Mousa). Kung sa tingin ng iba ay panlalait ito kay Kristo, dapat malamang malaki ang pagpapahalaga ng mga Muslim sa kanya, kaya nga pantay sila ni Muhammad.
Si Abraham, na kung tawagin ng mga Muslim e Ibrahim, at ang tangkang pagsakripisyo niya ng anak na si Ishmael (Ismail) ang sentro ng pagdiriwang sa panahon ng Haj. Nagsasakripisyo ang mga Muslim ng tupa tulad ng ginawa ni Ibrahim noon matapos siyang awatin ng Diyos sa pagsasakripisyo ng sariling anak. Pwede na raw ang tupa sa halip na anak.
Napag-uusapan ang sakripisyo, mukhang malaking sakripisyo ang hinaharap ng OFWs dito sa bagong batas tungkol sa kanilang insurance. Maitatanong tuloy kung pinag-isipan ba nang todo ang usaping ito bago ito isinabatas.
Batay sa reaksyon ng mga grupong OFW, mukhang hindi naman nila hiningi ito. Meron lang ilang pulitiko na gustong magpapogi at inakalang matutuwa ang mga OFW kapag binigyan sila ng insurance na “walang gastos.” Ibig sabihin ang mga employer at recruiter ang gagastos.
Ngayon, nagkakaletse-letse ang buong industriya ng labor recruitment. Unang nagreklamo ang mga employer sa ibang bansa gaya ng Hong Kong at Taiwan. May probisyon na raw ang batas nila na bigyan ng insurance ang mga manggagawa nilang dayuhan bakit pa sila papatungan ng bagong gastusin?
Sumunod na nagreklamo ang recruitment agencies. Kung ayaw magbayad ng employers (at hindi naman sila mapipilit dahil hindi naman sila sakop ng batas natin) recruiters ang sasagot. Kaso, mataas daw ang singil sa kanila ng mga kumpanya ng insurance. Tatlong kumpanya ang pinayagan ng gobyernong magbigay ng insurance, pero mga kartel daw sila, sabi ng mga recruiter. Pare-pareho ang singil nila: $72 para sa isang taong kontrata at $144 sa dalawang taong kontrata. Kadalasang dalawang taon ang kontrata ng manggagawa Pinoy sa abroad kaya $144. Kung $300 ang pwede nilang singilin sa paalis na OFW, halos kalahati raw agad ang mapupunta sa insurance company.
Nag-alburoto nga ang recruiters kaya simula kahapon tumigil na silang mag-proseso ng paalis na manggagawa bilang protesta.
Sabi naman ng POEA, wala itong magagawa kundi ipatupad ang batas. Walang lalabas na contract workers nang walang insurance.
Sa bandang huli, mga OFW ang uuwing luhaan dito. Siguradong matutulad ito sa placement fees na dapat e binabayaran ng employer pero sa tunay na buhay e sila ang nagbabayad. Kalaunan, dahil batas nga ito, mapipilitan silang bayaran ito kung gusto nilang magtrabaho sa labas ng bansa. Tsk, tsk.
august ico on Tue, 16th Nov 2010 5:57 PM
narito ako sa Qatar, employer ko ang nagbigay ng life insurance sa akin (wala bayad mula sa akin). Bakit pa kailangan ang dagdag na insurance para sa OFW, eh member na sya ng OWWA? Ibig ba sabihin, may dagdag na insurance na libre para sa OFW ang batas na bagong akda? Alam ko pangarap at hangin lang ang libre sa mundo ngayon….papatong lang yang insurance sa gastosin ng OFW
admin on Fri, 19th Nov 2010 10:50 AM
Totoo, hindi ka nananaginip, Ka August. Nasa batas talaga ngayon na kailangang may insurance ang OFWs na daraan sa recruitment agencies. Wala raw gastos ang OFW, sabi sa batas, dahil sasagutin daw ito ng employer o recruiter.
Kaso, wala namang employer na sumusunod sa batas natin. Maswerte ka at mabait ang employer mo at binigyan ka ng insurance.
Ang recruiter, syempre, hindi magpapalugi kaya malamang ipapasa nila iyon sa OFW.
Nagtataka nga ako kung bakit ngayon lang nagrereklamo ang Migrante gayong matagal itong pinag-usapan sa Kongreso.
Hernan