Kabilugan at Katunawan: Buwan sa Kabihasnang Pilipino
Ni Dante L. Ambrosio
Departamento ng Kasaysayan
Unibersidad ng Pilipinas-Diliman
Buod
Bagaman tila napakapangkaraniwan na ng buwan sa langit at naisasaisantabi ito ng modernong sistema ng pamumuhay, patuloy na pinapahalagahan at sinasangguni ng mga kulturang Pilipino ang buwan sa iba’t ibang gawain gaya ng pagpapanahon, pagtatanim, pangingisda, paglalakbay, pagtatayo ng bahay, pagsasagawa ng mga ritwal, at iba pa. May nabuo ang mga ito na mga paniniwala, kaalaman at kaugalian ukol sa buwan na gumabay sa kanilang pag-iisip, pagkilos at pamumuhay sa paglipas ng panahon. Bahagi ang mga ito ng kanilang pananaw at kaalamang astronomiko ukol sa iba’t ibang penomena sa kalangitan at nagpapamalas, kung gayon, ng kanilang pag-unawa sa kanilang ugnay sa kapaligiran.
Gaya ng maraming bagay sa kapaligiran, napakapangkaraniwan ng buwan kaya tila hindi na ito gaanong binibigyang pansin laluna ng mga nasa kalunsuran. Ngunit sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, marami pa rin ang sumasangguni rito. Halimbawa, tinitiyak pa rin ng mga karpintero at tukang na sinisimulan ang pagtatayo ng bahay at paggawa ng kumpit sa kabilugan ng buwan. Kinukunsulta pa rin ito ng mga babaylan at imam para sa tamang panahon ng pagpapakasal, paglalakbay, pagsisimula ng negosyo at pakikipag-usap sa malalaking tao. Nakatimo sa kamalayan at kabihasnang Pilipino ang mga paniniwala at kaugaliang ganito ukol sa buwan gaano man ito magmukhang napakapangkaraniwan.
Sa iba, mga pamahiing walang batayan at hindi maka-agham ang mga paniniwala at kaugaliang ito. Ngunit mga siyentipiko mismo ang nagsasabing makabuluhan at lehitimo ang ganitong mga paniniwala. May sariling lohika at salalayan ang mga ito na nagamit ng tao para mabuhay mula noong panahong sinauna at nagpapamalas ng pag-unawa ng bawat kultura sa ugnay nila sa kanilang kapaligiran (USNC/IUHPS 2001).
Sa kasalukuyan, lumalalim ang interes ng modernong agham sa tinaguriang sistema ng katutubong kaalaman o indigenous knowledge system kung saan nakapaloob ang ganitong mga paniniwala at kaugalian. Dumarami ang mga subdisiplinang may unlaping ethno – ethnoscience, ethnomedicine, ethnoecology, ethnobotany, ethnozoology, ethnohistory, ethnoforestry, ethnoastronomy. Itong huli ang subdisiplinang nag-aaral sa mga katutubong paniniwala, kaalaman, at kaugalian ukol sa mga penomena sa langit, kabilang ang buwan.
Ang ethnoastronomiya – at ang arkeoastronomiya – ay mga subdisiplinang umunlad sa nakaraang 40 taon mahigit mula nang maunawaan ang oryentasyong astronomiko ng Stonehenge ng Ingglatera noong dekada 1960. Kinapapalooban ang mga subdisiplinang ito ng pag-aaral at pagsusuri sa mga pananaw, paniniwala, kaalaman at kaugaliang kaugnay ng astronomiya ng mga sinaunang kabihasnan gayundin ng kontemporaryong astronomiya ng mga grupong etnolingwistiko. Isang bunga ng ganitong pag-aaral ang mas malalim na pag-unawa sa sinauna at katutubong sistema ng kalendaryo o pagpapanahon, mga pagbabago sa pag-unawa sa konsepto ng panahon at espasyo, mga kaalaman sa nabigasyon o paglalayag, pagpaplano ng lungsod, pagtatakda ng mainam na panahon sa mga gawain gaya ng pagtatanim, pangingisda, pangangaso, pagtatayo ng bahay, pagnenegosyo, iba pa. Nakakapag-ambag ang ganitong pag-aaral sa pag-unawa ng ugnay ng tao sa kalikasan sa paglipas ng panahon, sa kanilang pananaw sa sandaigdigan at sa impluwensya ng mga ito sa kanilang pag-iisip, pagkilos at pamumuhay (Center for Archaeoastronomy 1991).
Isa sa mga penomenang astronomiko na nasa sentro ng mga paniniwala at kaugalian ng mga kulturang Pilipino ang buwan. Sa mga sumusunod na pahina, sisikaping ilahad ang ilang pananaw, paniniwala, kaalaman, at kaugalian ng mga kulturang Pilipino ukol sa buwan: sa partikular, ang mga katutubong paniniwala ukol sa buwan; ang mga katutubong kaalaman na patuloy na pumapatnubay sa pag-iisip at pagkilos ng mga ito; at, ang mga katutubong kaugalian na naging bahagi ng buhay, kabihasnan at kasaysayan ng mga ito.
Araw, Buwan at Bituin
Maagang naging bahagi ng buhay ng mga Pilipino ang buwan. Kagyat itong makikita sa halos magkakahawig na tawag dito sa buong kapuluan – buwán, búlan, vúgan, buran. Magkakahawig din ang tawag sa dalawa pang penomena sa langit na kaugnay ng buwan – ang araw at bituin. ‘Adlaw, ‘áldaw, ‘algáw, ‘ágiw, gindaw ang mga tawag sa araw; bitú’un, bitú’on naman ang bituín (tingnan ang Kahon 1). Mauugat ang ganitong pagkakahawig sa paglaganap sa arkipelago ng mga taong nagsasalita ng wikang Austronesyano simula dakong 3000 BC.
Hindi maaaring talakayin ang buwan nang hindi nababanggit ang araw at bituin. Magkakaugnay ang mga ito sa kamalayang Pilipino. Madalas ilarawan ng mga grupong etniko ang araw, buwan at bituin bilang mag-anak: ama ang araw, ina ang buwan at anak o mula sa kanilang anak ang mga bituin (Eugenio 1994:114-141). May iba ring salaysay, gayunman, na nagsasabing magkapatid, magkaibigan o magkaribal ang araw at buwan (Cole 1915:192; Eugenio 1994:115, 117-118, 135; Jenks 1905:221-222; Sals 1955:73; Vanoverbergh 1972:90, 110).
Binabanggit sa mga salaysay na ito ang pagkakagalit ng araw at buwan para ipaliwanag ang kanilang paghihiwalay. Ngunit nagkagalit man at naghiwalay, nanatili ang kanilang pagiging mag-anak. Magkakasama sila sa langit kahit sumisikat sila nang magkaibang panahon. Madalas na kasama ng ina ang kanyang mga anak, kaya laging magkasama sa langit ang buwan at ang mga bituin. Patuloy na inaamo ng ama ang nakagalit na ina, kaya tila laging hinahabol ng araw ang buwan sa langit.
Sa ganitong paglalarawan, kagyat na madarama ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa araw, buwan at mga bituin. Kanilang inihambing ang naobserbahang ugnayan ng tatlo sa isa sa mga pinahahalagahan nilang institusyong panlipunan. Sa paghahambing sa tatlong penomena sa mag-anak, itinatak nila ang sariling kabihasnan sa langit.
Itinuturing din ng ibang kulturang Pilipino na kinatawan ng diwata kung hindi man diwata mismo ang buwan. Kaya inaalayan ito ng mga ritwal at dinadasalan ng mga katutubo. Ayon kina Plasencia (1979:229), Chirino (1969:298) at Morga (1990:291), sinasamba, halimbawa, ng mga Tagalog ang buwan laluna ang katunawan nito na sinasabayan nila ng pagsasaya. Ang pagtatabi diumano ng buwan at araw sa panahon ng katunawan hanggang bagong buwan ay panahon ng pagsisiping ng dalawa kung kaya nagdaraos ng handaan sa pagkakataong ito.
Gaya ng araw at mga bituin, batis din ang buwan ng liwanag laluna sa gabing madilim. Ang paglaki nito tungo sa kabilugan ay binibigyan ng kahulugan ng pagkabuhay samantalang ang pagliit nito tungo sa katunawan ay kamatayan naman. Sa maraming kultura, magandang pangitain ang hatid ng lubos nitong pagbilog kaya madalas na itakda ang mga gawain sa pagbibilog ng buwan.
Pagbabago ng Anyo ng Buwan
Isa sa mga katangian ng buwan na sinusubaybayan ng mga Pilipino ang regular na pagbabago ng anyo nito. Walang malinaw na paliwanag sa pagbabagong ito liban sa iniulat ni Benedict (1916: 47) na paniniwala ng mga Bagobo na dumaraan ang buwan sa walong butas sa langit sa pagsikat at paglubog nito. Kinakatawan marahil ng hugis ng bawat butas ang anyo ng buwan habang panahunang dumaraan ito sa bawat isa. Sa iba, inihahalintulad ang pagbabago ng anyo nito sa ikot ng buhay at kamatayan – pagkabuhay ang pagtungo nito sa lubos na kabilugan at pagkamatay naman ang pagtungo sa lubos na pagkawala sa langit (Porras 1919:9-12).
Sa modernong agham, ipinapaliwanag ito batay sa pagbabago ng laki ng bahagi ng buwan na naliliwanagan ng araw habang umiikot ang una sa daigdig. Kabilugan ng buwan kapag nasisinagan ng araw ang buong mukha ng buwan na nakaharap sa daigdig. Nagaganap ito kapag magkaibayo ang araw at buwan sa langit. Katunawan naman ng buwan kapag hindi naaarawan ang mukha nito. Sa pagkakataong ito, magkatabi sa langit ang araw at buwan. Kalahati ang buwan kapag kalahati lamang ng mukha nito ang nasisinagan ng araw. Makikita ito kapag eksaktong nasa tuktok ang buwan sa paglubog at pagsikat ng araw.
May tawag ang mga sinaunang Pilipino sa iba’t ibang anyo ng buwan. Tinukoy nina San Buenaventura (1613:395) at San Antonio (2000:134, 263, 276) ang tawag ng mga Tagalog noong siglo 17 sa mga ito (tingnan ang Kahon 2). May sariling tawag din noong siglo 17 ang mga sinaunang Bisaya (Scott 1994:121-122) sa iba’t ibang anyo ng buwan (tingnan ang Kahon 3). Pansinin ang ginawa nilang paghahambing ng itsura at tawag sa buwan sa mga bagay sa kanilang kabihasnan – kilay, karit, suklay, alimango.
May 13 anyo ng buwan ang mga sinaunang Tagalog samantalang may 15 naman ang mga sinaunang Bisaya. Bakit ganito karami ang pagtukoy sa mga anyo ng buwan? Bukod sa kapansin-pansin sa mga gabing walang ibang liwanag kundi iyong nagmumula sa buwan, ang pagbabagong-anyong ito ang nagsisilbing kalendaryo ng mga sinaunang Pilipino. Inoorasan nito ang paglipas ng panahon na mas mahaba sa maghapong paglalakbay ng araw sa langit.
Hindi nawala sa mga Tagalog ang pagtukoy sa nagbabagong anyo ng buwan. Iniulat ito nina Noceda at Sanlucar sa kanilang bokabularyong Tagalog noong gitnang siglo 18 (1860:62-63). Binanggit din ito sa diksyunaryong tinipon ni Serrano-Laktaw (1965:139) noong siglo 19 bagaman di kasingdami.
Bunga ng pananatili o pagkakahawig ng mga katawagang Tagalog sa mga anyo ng buwan sa paglipas ng panahon, maipapalagay na pareho o kahawig din ng mga kasalukuyang katawagan ng ibang grupong etniko ang mga sinaunang katawagan nila rito. Limang anyo ng buwan, halimbawa, ang iniulat ni Hannaway (1996:302) para sa mga Subanen ng Midsalip, Zamboanga del Sur noong 1996 bagaman walong anyo ang iniulat ni Christie (1909:110) para sa mga Subanen ng Sindangan Bay noong 1909 (tingnan ang Kahon 4).
Sa tradisyong Sama-Tausug, sinusubaybayan ang 30 anyo o edad ng buwan mula sahali bulan (unang gabi mula katunawan) hanggang ganap katluan bulan (ika-30 gabi o katunawan ng buwan). Ginagamit nila ito sa kanilang putikaan, ang sistema ng pag-alam sa mga suwerte o malas na araw para sa iba’t ibang gawain ((Ambrosio 2000:102). Dahil may ganito ring sistema ng pagtaya ng kapalaran ang mga Bisaya, gabi-gabi rin nilang binabantayan ang edad o anyo ng buwan (Porras 1919:9-12).
Buwan sa Buhay ng mga Pilipino
Kaugnay ng nabanggit na kaalaman ang isang pagpapahalagang iniukol ng mga sinauna at kasalukuyang Pilipino sa buwan. Sinusubaybayan nila ang pagbabagong-anyo nito dahil nagsisilbi itong patnubay sa kanilang pamumuhay.
Pagpapanahon. Pagpapanahon ang isang pangunahing gamit ng pagbabagong-anyo ng buwan para sa mga sinauna at kasalukuyang Pilipino. Sa pagtantya ng panahon na mas mahaba sa isang araw, buwan ang ginagamit na panukat. Sa loob ng 30 gabi, unti-unting lumalaki ang buwan tungo sa kabilugan bago unti-unti namang lumiliit tungo sa katunawan. Ayon kay San Antonio (2000:171-172), manilong o maningas ang tawag ng mga sinaunang Tagalog sa pagbabalik ng buwan sa isang tiyak na anyo nito.
Ginagamit ng mga Pilipino ang kabilugan ng buwan sa pagsukat ng panahong mas mahaba sa ilang araw. Ayon sa ulat ni Cavalleria (1886:263-264), buwan ang binibilang ng mga Moro ng Basilan sa pagtaya ng panahon. Halimbawa, sinasabi nilang “dalawang buwan pa lamang ang nakakaraan” o “ganito ang ating gagawin tatlong buwan mula ngayon”. Tinutukoy rito kung ilang kabilugan ng buwan ang nakaraan o darating.
Ganito rin ang pagbilang ng panahon sa mga epiko gaya ng Hinilawod ng Panay. Ilang kabilugan ng buwan ang binilang bago marating ng biday ni Humadapnon ang destinasyon sa paglalakbay-dagat. Buwan din ang pagitan ng matagal na di pagkikita ng mga tauhan ng epiko o ng tagal ng pagkakulong ni Humadapnon sa kuweba ng mga binukot (Jocano 2000:99, 113).
Sa Darangen ng mga Maranao, gabi ang pinapalipas at buwan ang ipinapanukat para sa pagdaraos ng mahahalagang okasyon. Halimbawa, sa katapusan ng pagluluksa kay Diwata Ndaw Gibon, unang pinuno ng Bembaren, ganito ang ipinahayag: “Makalipas ang 15 gabing may buwan at 15 gabing madilim, at kapag sumikat na ang kabilugan ng buwan, ito na ang tamang panahon para simulan ang pestibal sa Bembaren” (Folklore Division 1986:55).
Gaya sa Darangen, gabi ang binibilang ng mga Bukidnon sa paglipas ng panahon: may 15 “maliliwanag na gabi” at may 15 “madidilim na gabi” sa isang buwan. Minsan, 14 lamang ang “maliliwanag na gabi”. Tinutukoy rito ang mga panahong mayroon at walang buwan (Cole 1956:125). Hanggang siglo 20, ginagamit pa rin ng mga grupong etniko ang buwan sa pagtaya ng panahon bagaman unti-unti na itong nawawala bunga ng paggamit ng kalendaryong Gregoryano, relo, radyo at iba pang paraan ng pagtaya ng oras.
Hinahati ng mga Bontoc Igorot ang isang ikot ng panahon sa dalawa: Chakon, panahon ng pagtatanim hanggang pag-ani ng palay, at Kasip, panahon makaraan ang pag-ani at bago muling magtanim ng palay. May limang buwan (moon) ang Chakon at may walong buwan (moon) ang Kasip. Sa kabuuan, may 13 buwan ang isang ikot ng panahon ng mga Bontoc Igorot. Nakaugnay ang mga paghahati at katawagan ng mga buwan sa pagtatanim ng palay (Jenks 1905:219).
May mga pagkakataong tinutukoy ng ilang mananaliksik ang pangalan ng mga buwan (month) ng mga grupong etniko. Tila nagmumula ito sa paghahanap ng katumbas ng mga buwan ng kalendaryong Gregoryano. Ngunit hindi naman hinahati ng mga tao ang isang taon sa 12 o 13 buwan gaya ng kalendaryong Gregoryano. Ang buong pagbabago ng anyo ng buwan ang sinusubaybayan at ang muling paglitaw ng kabilugan o katunawan nito ang binibigyang pansin nila.
Paghahanap-buhay. Nagsisilbi rin ang buwan sa paghahanap-buhay laluna sa pangingisda at pagkakaingin. Naniniwala ang mga sinaunang Bisaya na may kinalaman ang mga anyo ng buwan sa paglago ng mga yamang dagat at halaman. Sa paglaki at pagliit ng buwan ganoon din, diumano, lumalaki at lumiliit ang starfish at tumitigas o lumalambot ang alimasag. Lumalaki ang mga pagong na dilaw kung may buwan, ang mga maitim na pagong sa pagdilim ng buwan at ang mga puting pagong sa araw (Scott 1994:124).
Maraming ganitong paniniwala ang gumagabay pa rin sa paghahanapbuhay ng mga Pilipino. Sumasabay sila sa ritmo ng buwan, lalo’t may impluwensya ito sa ibang penomena gaya ng pagkati at paglaki ng tubig. Naiugnay ng mga mangingisda ang galaw ng mga isda at iba pang yamang dagat sa anyo ng buwan na naghahatid ng liwanag o dilim sa pangisdaan.
Sa kabilugan ng buwan (bulan allum) nangingisda ang mga Sama ng Tawi-tawi sa dakong silangan dahil sa panahong ito nagtitipon ang mga isda sa mga bahura sa paligid ng isla ng Bilatan. Sa panahon ng bagong buwan (bulan anak), lumilipat sila sa kanluran sa paligid ng Sanga-sanga para sa pangingisdang gumagamit ng lambat. Namamana sila at nangingilaw sa panahong walang buwan (bulan matai) (Nimmo 2001:82, 92).
Sa Sibutu, sa bulan allum din dumadako sa baybay-dagat ang mga isdang limburuk kaya maraming namumulot nito. Ginagamit itong okasyon para magtipon at magsaya (Ambrosio 2000:39). Dahil sa pagtitipon ng maraming tao sa mga lugar pangisdaan, isinasabay na rin ng mga Sama ang pagdaraos ng mga ritwal. Buwan ang sinasangguni sa pagtatakda ng petsa ng mga okasyong ito.
Iniaayon ng mga magsasaka ang ilang yugto ng pagtatanim sa anyo ng buwan. Sa pagtatanim ng kamote, ginagawa ng mga Ipugaw ang paglilinis (mangu’ma) sa panahon ng tiyalgo’, ang ikalawang buwan bago anihin ang palay, o sa panahon ng lawa’ng, ang ikaapat o ikatlong buwan bago magtanim ng binhi (Lambrecht 1957:3). Sa oras ng mendawan o kabilugan ng buwan, sinisimulan ng mga Subanen ang pagtatrabaho sa lupa. Hinihinto nila ang pagtatrabaho ng dalawa hanggang tatlong araw makaraan ang kabilugan dahil sa paglabas ng mga hayop na sumisira ng mga pananim gaya ng daga, unggoy at baboy damo. Makaraan ang ikatlong araw saka nila ipinagpapatuloy ang pagtatrabaho sa lupa (Hannaway 1996:303).
Mas tiyak ang pagtaya ng mga Manobo sa pagtatanim nila, bagay na personal na nasaksihan ng mga nag-ulat. Umuulan diumano nang malakas bago ang katunawan at kabilugan ng buwan. Kaya pinakamainam magtanim siyam na araw bago katunawan at isang araw bago kabilugan. Sa pagtatanim ilang araw bago ang mga anyong ito ng buwan, matutubigan nang husto ang mga butong itinanim o ang bagong umuusbong na halaman dahil sa pag-ulan. Ayon kina Hires at Headland (1977:70), umulan nga ng apat hanggang anim na araw bago kabilugan at katunawan ng buwan sa lugar na pinag-aaralan nila.
Ano ang kinalaman ng anyo ng buwan sa hanapbuhay ng mga Pilipino, sinauna at kasalukuyan? Wala pang nagagawang siyentipikong pag-aaral sa Pilipinas para tiyakin ang ugnay ng buwan sa mga gawaing gaya ng pagsasaka at pangingisda. Ngunit sa mga impormasyong nakalap, anyo at liwanag ng buwan ang nagsisilbing pananda sa paghahanap-buhay dahil sumasabay rito ang ilang mga kalagayang mainam at di-mainam sa pagtatrabaho. Sa mga mangingisda, matagal nang batid ang kaugnayan ng buwan sa paglaki at pagkati ng tubig na nagtatakda ng galaw at buhay ng mga yamang-dagat, laluna ng mga isda. May kinalaman din ang mismong liwanag o kawalan ng liwanag ng gabi sa galaw ng mga isda, bagay na natatantya rin sa anyo o edad ng buwan. Bagaman sinasangguni rin sa pagtatanim ng palay ang buwan, mga bituin ang nagsisilbing pananda ng mga katutubo sa ganitong gawain na nangangailangan ng panahong mas mahaba sa isang buwan.
Pagsasagawa ng Ritwal. Anyo rin ng buwan, karaniwa’y kabilugan, ang ginagamit sa pagtatakda ng mga ritwal. Itinuturing ng mga Kankanaey at Ibaloi ng Cordillera na pinakamainam na panahon para sa mga ritwal ang beska/balal. Ito ang unang paglitaw ng hating buwan. Kung paanong lumalaki ang buwan, ganoon din diumano umuunlad ang isang pamilya. Dahil dito kaya ginagawa ang mga ritwal sa panahong palaki ang buwan. Sa panahon ding ito nagbabalik ang mga anito sa kanilang tahanan mula sa paglalakbay kaya madali silang matawagan (Sacla 1987:161).
Laging magkasama sa mga dasal at pag-aalay ng mga Kankanaey ang araw at buwan. Sa dasal kaugnay ng sabusab, isang pag-aalay upang pagalingin ang may sakit, isinalaysay ang pag-aaway ng araw at buwan (Vanoverbegh 1972:90, 110). Kabilugan ng buwan kung idaos nila ang pakde, pag-aalay na humihiling kay Kabunian na pangalagaan ang mga pananim at ang komunidad mula sa bagyo, taggutom at iba pang kalamidad. Iniuugnay nila ang kabilugan ng buwan sa magandang pananim at masaganang ani (Picpican 1974:502).
May mga ritwal ang mga Tagbanua ng Palawan na ginagawa sa kabilugan ng buwan. Isa rito ang seremonya ng bilang na alay sa kaluluwa ng kamag-anak na nagdulot ng sakit sa isang miyembro ng pamilya. Ginagawa rin sa kabilugan ng buwan ang seremonya ng pagdiwata para kay Mangindusa, ang pinakamataas nilang diwata. Pasasalamat ito sa ginawang anihan at paniyak sa kagalingan ng mga taong lumahok sa seremonya. Madali raw makita ng mga diwata ang ginagawang ritwal sa kabilugan ng buwan (Fox 1982:190, 212).
Para magpalakas ng kapangyarihan ang mga djinn o babaylan ng mga Sama ng Sulu at Tawi-tawi, idinaraos nila ang seremonya ng djinn tuwing ikatlong buwan. Nagtitipon-tipon sila sa ika-15 gabi ng buwan (kabilugan) para sa ritwal. Habang nagsasayaw, pinapasok sila ng kapangyarihang tinawag din na djinn. Ito ang tumutulong sa pagsugpo sa mga masasamang ispirito na dahilan ng mga sakit (Nimmo 1975:4).
Sa tuwing papalaki ang buwan ginagawa ng mga Gubatnon Mangyan ng Mindoro ang ilan nilang ritwal. Nag-aalay sila ng taunang sakripisyo na tinawag na biyaya bago magtanim sa pagitan ng Abril at Hunyo upang humiling ng masaganang ani. Makaraan ang anihan ng Nobyembre at Disyembre, naghahanda sila at nag-aalay naman ng pagkain o atuy para hilingin ang mabungang produksyon nila ng pulut-pukyutan (Kasberg 1994:117-126).
Pagdiuatahan o panawagtawag ang seremonyang idinadaos ng mga Mamanua ng hilaga-silangang Mindanaw sa kabilugan ng buwan. Ito ang laganap na “nocturnal prayer ceremony” na may mga dasal na hinihinuhang nasa sinaunang wika nila. Sa oras ng seremonya, manaka-nakang tumitingin sa sumisikat na buwan ang tambayon, ang manggagamot ng mga Mamanua (Maceda 1957:278, 282; Rahmann 1985:267-275).
Karaniwang Enero ginagawa ang seremonyang ginem ng mga Bagobo. Idinaraos ito sa simula ng paglitaw ng buwan sa kanluran sa panahon ng bagong buwan o sa pagtatapos ng unang kwarto o kaya ay sa kabilugan nito sa silangan. Pagpapasalamat ito sa mga diwata, pag-iwas sa sakit at iba pang panganib, at pagtataboy sa mga masasamang ispirito (Benedict 1916:95; Cole 1913:111).
May dalawang dahilan kung bakit bahagi ng mga katutubong ritwal ang buwan. Unang dahilan ang pagtingin dito bilang diwata o kinatawan ng diwata. Sa ganitong pagtingin inaalayan ng mga ritwal at dasal ang buwan. Ikalawang dahilan ang paggamit sa buwan sa pagtatakda ng panahon. Karaniwang itinatakda ang mga ritwal sa panahong papalaki o papaliwanag ang buwan. May nagpaliwanag na panahon ito na nasa kanilang tahanan ang mga anito o diwata kaya madaling maugnayan. Naniniwala rin ang ilan na madaling makita ng mga ito ang mga ritwal sa liwanag ng bilog na buwan.
Kapalaran at Putikaan. Noong siglo 18, iniulat ni Ortiz (1731:110). na naniniwala sa mga buwenas at malas na araw ang mga Indio. Sinabi niyang may mga sinasangguning manuskrito o libreto ang mga ito na kailangang sunugin. Sinusugan ito ni Cavalleria (1886:262) noong siglo 19 nang iulat niya na sinasangguni ng mga Moro ng Basilan ang mga libretong tinatawag na cuticaan para malaman kung magiging maganda o hindi ang kanilang biyahe. Kitab-pakutikan ang tawag ni Blumentritt (1895:66) sa mga libretong kinokonsulta ng mga Maguindanao para malaman ang mainam na oras para maglakbay.
Hanggang ngayon, ito pa rin ang sinasangguni ng ilang grupo ng mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan. May sanggunian ng kapalaran ang mga taga-Quezon, Panay at Tawi-tawi na hawig sa isa’t isa at sa mga ginagamit sa ibang bahagi ng daigdig ng Malayo. Putikaan ang tawag dito sa Tawi-tawi. Nakahanay rito ang gabi-gabing anyo/edad ng buwan at ang mga katumbas na hayop at kapalaran.
Sa Signosan ng Panay, hinati sa dalawang bahagi ang 30 gabi ayon sa edad/anyo ng buwan: odto an bulan at hi kamatayon ng bulan. May hayop na nakatakda para sa bawat gabing edad/anyo ng buwan na nagsasabi ng kapalaran ng tao (Porras 1919:9-12).
Ang unang araw ng paglitaw ng buwan mula kamatayan o katunawan, halimbawa, ay sinasabing araw ng kabayo. Maganda diumano ang araw na ito para sa lahat ng gawain – magiging maayos ang paglalakbay, madaling makita ang mga bagay na kailangan, madaling tumubo ang anumang itatanim, magandang tiyempo ito sa pagharap sa maykapangyarihan, at magiging masunurin sa magulang at Panginoon ang ipapanganak sa oras na ito bukod sa magiging mahaba ang buhay dahil sa abilidad (Porras 1919:9).
Malas na araw naman ang ikapitong gabi ng paglaki ng buwan na iniugnay sa sarabawa (labuyo?). Hindi mababayaran ang ipinautang, mahihirapan namang makabayad kung mangungutang, at mabibingit sa kamatayan ang sinumang magkasakit sa panahong ito (Porras 1919:10).
Hawig ang Signosan ng mga Bisaya sa isa sa mga putikaan na nakuha ko sa Tawi-tawi liban sa pangyayaring Kristiyano ang mga tauhang binabanggit sa una. Nasa Kahon 5 ang paghahambing ng mga hayop na kaugnay ng bawat gabi o edad ng buwan.
Bagaman may mga inilalathalang sanggunian ng kapalaran gaya ng Signosan at may kani-kaniyang kopya ang mga nakausap kong taga-Tawi-tawi, mga piling tao pa rin ang karaniwang sinasangguni sa bagay na ito gaya ng mga babaylan, imam o matatagumpay na mga tao.
Nabagong Pagpapahalaga sa Buwan
May kahalagahang pangrelihiyon, praktikal, at pangkamalayan ang buwan para sa mga sinauna at kasalukuyang Pilipino. Kabilugan o katunawan nito ang mga mahahalagang panahon sa mga gawaing pangritwal at panghanapbuhay. Binigyan ng magandang pakahulugan ang papalaking buwan kaya sa panahong ito ginagawa ang mga ritwal at ang iba’t ibang gawain. Ito rin ang panahon para sa pagpapaibayo ng kakayahan at kapangyarihan ng mga piling tao gaya ng mga babaylan. Itinakda ng tiyak na pagbabagong-anyo ng buwan ang ritmo ng buhay ng mga sinauna at kasalukuyang Pilipino nang mas mahaba sa isang araw.
Kristiyanismo ang isang dahilan ng pagbabago ng pagpapahalaga sa buwan ng mga Pilipino. Nang supilin ng mga paring Kristiyano ang katutubong relihiyon, kasamang naging biktima ang buwan yamang maraming katutubong ritwal ang kaugnay nito. Iniugnay ito ng mga Espanyol sa kadiliman at sa mga bagay na sinasaklaw ng demonyo. Bunga ng pag-aakalang sinasamba ng mga katutubo ang buwan, tuwiran itong ipinagbawal gaya nang pagbabawal sa pagsamba sa mga anito, bato at likha. Ani Oliver: “Dalita pala nang banal na tauong Christiano, na morahin ang P.D.s nang mga hunghang na tauo, Christiano man, di man Christiano, caya ybig nila na houag nauang liñgonliñgonin nang tauo ang Anito, ang Bouan, ang Bato, houag ariing D.s ang hindi D.s….” (Oliver 1995:7).
Pero hindi lubusang nawalan ng halaga ang buwan dahil kinikilala rin ito ng Kristiyanismo na batis ng liwanag gaya ng araw at mga bituin. Ginamit din itong simbolo ng simbahang Katoliko. Makikita sa mga retablo at patsada ng mga simbahan ang buwang may mukha, kasama ang mga bituin at araw na may mukha rin. Bilang sagisag, nanatili sa mga kilusang milenaryo ang kahalagahan ng buwan. Sa mga ito nagkaroon ng puwesto sa watawat ang buwan gaya nang inilagay ng Moncado Alpha and Omega sa Hilagang Cotabato na tatlong hating-buwan sa tabi ng tatlong bituin sa watawat ng Pilipinas (Paluga 2000:29-30).
Mangyari pang di nawawala sa mga Muslim ang kahalagahan ng buwan. Sa unang pagkakita sa buwan makaraang mawala ito ng ilang gabi sa panahon ng Ramadan sinisimulan ang kanilang pag-aayuno. Makikita rin ang patuloy na pagpapahalaga sa buwan sa hanay ng iba pang mga grupong etniko. Sa hanay ng mga ito madarama ang patuloy na sentrong papel ng buwan sa mga paniniwala, ritwal at pang-araw-araw na buhay nila gaya nang mga nabanggit. Patuloy itong dinadasalan, sinasangguni at ginagawang sagisag.
Hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa ring ipinagtatanggol ng mga katutubo ang buwan laban sa mga ahas na lumululon dito tuwing may eklipse – ang ahas na bakunawa ng mga Bisaya at Bikolano at ang ahas na laho ng mga Tagalog, Sama at Tausug. Ganito pa rin kahalaga sa kanila ang buwan. Ayaw nila itong mawala sa kanilang buhay.
Pagbubuod
Ang pag-aaral ng etnoastronomiya ay pag-aaral kung paanong ang mga pananaw at kaalaman ukol sa mga penomenang astronomiko ay nagsilbing patnubay ng mga grupong etniko sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Sa maigsing papel na ito, inilahad ang ilang halimbawa kung paanong inimpluwensyahan ng mga paniniwala at kaalaman ng ilang kulturang Pilipino ukol sa buwan ang kanilang sistema ng pagpapanahon, paghahanap-buhay, pagsasagawa ng ritwal at pag-alam ng kapalaran, bukod pa sa pananagisag.
Mamamalas mula rito ang malaking pagpapahalaga ng mga sinauna at kasalukuyang Pilipino sa buwan. Nagkaroon ng pagbaba sa pagpapahalagang ito bunga ng pagpasok ng Kristiyanismo, kalendaryong Gregoryano at ng tinaguriang modernong sistema ng pamumuhay sa katutubong kultura kabilang ang mga kanluraning paniniwala at kaalaman. Sa kabila nito, nananatili ang mataas na pagsasaalang-alang sa buwan laluna ng mga grupong etniko, Muslim at kilusang milenaryo na matagal na itinuring na labas sa pangunahing daloy ng buhay pambansa.
Sa kabuuang pag-aaaral at pag-unawa ng kasaysayan ng pagbabago ng kamalayan at kabihasnang Pilipino, gayunman, hindi maaaring isantabi ang malaking bahagi ng mamamayang bumubuo ng bansa. Hindi maaaring isantabi ng mga edukado at urbanisado ang sistema ng katutubong kaalaman na patuloy na pumapatnubay sa pag-iisip, pagkilos at pamumuhay ng malaking bahagi ng mamamayan. Kung tutuusin, bahagi rin ito ng sistema ng kaalamang gumagabay sa kanilang pag-iisip, pagkilos at pamumuhay.
Kahon 1: Mga Katawagan sa Araw, Buwan at BituinAraw Buwan Bituin Tagalog (Tag) ‘áraw buwán bituín Cebuano (Seb) ‘adlaw búlan bitú’on Ilokano (Ilk) init búlan bitúin Hiligaynon (Hil) ‘adlaw búlan bitú’on Bikol (BklN) ‘áldaw búlan bitú’on Samar-Leyte (SL) ‘adlaw búlan bitú’on Pampango (Pmp) ‘áldo búlan batwín Pangasinan (Png) ‘ágiw bulán bitiwin Itbayat (IvtI) ‘áraw vúgan vituin Ivatan (Ivt) ka/araw vohan vitohin Bontoc Guinaang (BonG) ‘algíw bólan taláw Ipugaw, Batad (IfgBt) ‘algáw bu:lan bittu:an Inibaloi (Ibl) ‘akiw bólan talaw Isneg (Isg) ‘algaw bu:la:n bittuwan Kalinga, Guinaang (KlaG) ‘algáw bulán bitúwon Kankanaey (KnkN) ‘agiw bówan taláw Sambal, Botolan (SblBt) ‘alló búwan bitú’in Tagbanua, Kalamian (TbwK) kaldaw búlan dumakil Maranao (Mar.) daw/n/daw ‘olan bíto’ón Maguindanao (Mgd) ‘adlaw ‘ulan bitú’on Subanen, Sindangan (SubS) gindaw búlan bitún Sama (Sml) illaw búlan mamahi Tausug ((Tsg) ‘adlaw búlan bitú’un Manobo, Ilianen (MbI) ‘andiw búlan bitú’in Binukid (Bkd) ‘áldaw búlan bítu’in Mansaka (Msk) ‘allaw buran bitú’un Batis: Yap 1977:21, 64, 81 |
Kahon 2: Mga Anyo ng Buwan ng mga Sinaunang Tagalog1. bagong bouan – katunawan ng buwan 2. bagong cungmilay – bagong silay o muling pagpapakita ng buwan (parang kilay) 3. malacarit – paglaki ng buwan mga tatlo o apat na gabi mula sa muling pagsilay; manipis pa at para ngang talim ng karit ang itsura 4. malasuclay – patuloy ang paglaki ng buwan; parang suklay na 5. palaba, nagpapalaba bouan – pabilog ang buwan 6. pagdadamag – kabilugan ng buwan; buong magdamag na sumisikat ang buwan 7. laibna – papaliit na ang buwan; tatlo o apat na araw makaraan ang kabilugan ng buwan 8. pingas na; nagcolang na – nabawasan na ang kabilugan ng buwan at simula na ng pagliit nito 9. molan dilim – patuloy na pagdilim ng gabi bunga ng patuloy na pagliit ng buwan 10. marororogna – simula ng pagkadurog o pagkatunaw ng buwan 11. saicapat bouan 12. saicatlon bouan 13. matotonao na – pawala na ang buwan; sa pagkakataong ito, inuusal diumano ng mga Tagalog: “Bouang panginoong co payamanin mo aco.” Batis: San Buenaventura 1613:395; San Antonio 2000:134, 263, 276 |
Kahon 3: Mga Anyo ng Buwan sa mga Sinaunang Bisaya1. subang – katunawan ng buwan o kilat-kilat; tila kapirasong kidlat ang buwan 2. gimata – “pagbukas ng mata,”1 parang karit ang buwan makaraan ang isa o dalawang gabi; “ungut,” pagsasara ng bibig ng bata habang sumususo sa ina 3. hitaas na an subang – mataas na ang buwan; tatlong araw na ito 4. balirig – ikaapat o ikalimang gabi ng buwan 5. odto – malapit na sa tuktok ang buwan 6. odto na an bulan – nasa tuktok ang buwan; maliwanag ang kalahati; unang kwarto 7. lakad – simula ng pagbilog ng buwan; lampas na sa balakid 8. maalimangona – higit na sa kalahati ang buwan; parang alimango 9. paghipono, takdul, ugsar, dayaw – kabilugan ng buwan2 10. madulumdulum – pagliit at pagdilim isa o dalawang gabi makaraan ang kabilugan; tinatawag ding banolor dahil sa paglubog nito sa kanluran bago magbukang- liwayway (parang taong namatay bago isilang ang anak o apo). 11. parik – ikaapat o ikaanim na gabi ng pagliit; pagpatag ang ibig sabihin: dahil matagal bago sumikat ang buwan, mahaba ang oras ng kadiliman para sa pagsasayaw ng mga mangkukulam, bagay na nakakapatag ng lupa. 12. maalimangona – papaliit; parang alimango 13. katin - huling kwarto ng buwan 14. lakad na an magsag-uli – lampas na sa ikalawang balakid sa ika 24 o ika-25 gabi kaya tuluy-tuloy na sa pagkatunaw 15. malasumbang – simula ng kamatayan o katunawan ng buwan ika-29 na gabi; nawawala ang buwan ng isa o dalawang gabi na nangangahulugan na namatay ito, nawala o nangaso Batis: Scott 1994:121-122 1. “Gumising”o “magbukas ng mata,” ayon kay P. Francisco Alcina (Fernandez at Koback 1985, 473). 2. Daiao kay Alcina. Ibig sabihin, “buo na at karapat-dapat na purihin” (Fernandez at Koback 1985, 473). |
Kahon 4: Kasalukuyang Katawagan sa mga Anyo ng Buwanbilog ¾ paliit ½ paliit ¼ paliit tunaw ¼ palaki ½ palaki ¾ palaki Itbayat tuxud parang du samurang parang du Batanes ka’pus katuvu (Yamada 1967: 161) Bontoc Igorot1 fitfitay-eg katolpakana/ kisulfikana signaana/ limeng/ fiskana manowa/ katnowana/ (Jenks 1905:219) tilpakan kafanikana maamas’ malang’ad napno’ Kankanaey2 inat manbakas lened beska (Sacla 1987:8) Ibaloi pingil dened nedned balal (Sacla 1987:8) Ibaloi maipingil/ apignisan mangka akootik nedned/ ixai taddo mangka (Scheerer 1904: abuknol kootik dened balalto balalto buknal 158, 162) Ipugaw nuntamung langad lanup nakayang (Wilson 1955:8) Ibanag mappannu zilam bagu-vulan tuguiram (Gatan 1981: 93-94) Samar-Leyte kabog-os kawara gimata maghiabot (Arens 1971:4-5) Palawan magdarakla alut bungal at kurang at lanad timbuwan bungal tilug (Revel 1990: talikwad maguli bungal pinataj labu 190-194) uli timbuwan Subanen mendawan su gektu su gepuus gletaw gektu bata’ (Hannaway 1996: gulang bulan 299-306) bulan Subanen mandawan gektu minsan liu dua liu mipupus bata gektu bata minsan liu (Christie 1909: gulang gulang bulan bulan 110) bulan bulan 1. Naglista rin si Nolasco ng mga anyo ng furan (buwan) ng mga Khininaang Fontok: feskarna (new moon), katluna (quarter moon), kadwana (half moon), chakerna (full moon), kafan-ikhana (¾ moon), kadwana (half moon), lemeng (no moon) (Nolasco n.d:11). 2. May mga pagkakaiba ang mga katawagang ginagamit ni Sacla: naging beskal ang balal ng Ibaloi sa pahina 160; naging teke ang Kankanaey inat sa pahina 160; naging dened ang Ibaloi nedned sa pahina 160; naging mekidaw ang Ibaloi dened sa pahina 160. Iba-iba marahil ang ininterbyu ni Sacla kaya iba-iba ang katawagan. Sana’y pinansin niya ito at ginawan ng paliwanag (Sacla 1987, 8, 160). |
| Kahon 5
Panay Signosan Tawi-tawi Putikaan Malay Rejang (Porras 1919: 9-12) (Ambrosio 2000:102) (Skeat 1965: 664)
2. ikaduha nga lati – tidy duahali bulan – kedjang kijang (usa) 3. ikatlo nga lati - tigre tallohali bulan – halimaw harimau (tigre) 4. ikapat nga lati – pusa upathali bulan – kuting kuching (pusa) 5. ikalima nga lati – baka limahali bulan – sapih (baka) sapi (baka) 6. ikan-um nga lati – karabaw unumhali bulan – kabaw (kalabaw) kerbau (buffalo) 7. ikapito nga lati - sarabawa pitohali bulan – ambaw (daga) tikus (daga) 8. ikawalo nga lati – anwang walohali bulan – lamboh lembu (ox) 9. ikasiam nga lati – ayam siyamhali bulan – iroh (aso) anjing (aso) 10. ikapulo nga lati – naga hangpu kasubangan bulan – naga (dragon) naga (dragon) 11. ikapulo kag isa nga lati – kanding tag-isa kasubangan bulan – kambing kambing (kambing) 12. ikapulo kag duha nga lati - baboy tagdua kasubangan bulan – bagaybay mayang (palm-blossom) 13. ikapulo kag tatlo nga lati – gadya agtu kasubangan bulan – gadja (elepante) gajah (elepante) 14. ikapulo kag apatnga lati – leon tag-upat kasubangan bulan – singah (shell) singa (leon) 15. ikapulo kag lima (ugsad) – datong esda damlag - estah (isda) ikan (isda) 16. nahauna nga himatayon – bagaybay tambulbod – baboy babi (baboy) 17. ikaduha nga himatayon – banog duakupan bulan – sambulaan (agila) lang (agila) 18. ikatlo nga himatayon- talimbaga ukupan bulan – lahipan (alupihan) lipan (alupihan) 19. ikap-at nga himatayon – banag patkupan bulan – payokan (pawikan) baning (pagong) 20. ikalima nga himatayon – talonanon ganap kauhan bulan – hanto (sakit ng paa) hantu (ghost) 21. ikan-um nga himatayon – oling siyam kamatayan bulan – papao (kape) arang (uling) 22. ikapito nga himatayon – tao walo kamatayan bulan – taho (luya?) orang (tao) 23. ikawalo nga himatayon – yawa pito kamatayan bulan – ullang laut (laot) 24. ikasiam nga himatayon – labilabi unum kamatayan bulan – pagi pari (pagi?) 25. ikapulo nga himatayon – lansang lima kamatayan bulan - pasok (kahoy) pasik? 26. ikapulo kag isa nga himatayon – apan upat kamatayan bulan – mamayang gunong (bundok)) 27. ikapulo kag duha nga himatayon - aborra tu kamatayan bulan – binatang (hayop) gula (asukal) 28. ikapulo kag tatlo nga himatayon - tiyan dua kamatayan bulan – hilam (lamok) punai (kalapati) 29. ikapulo kag apat nga himatayon – kahoy hang kamatayan bulan – ayam (manok) daun (dahon) 30. ikapulo kag lima nga himatayon – danaw ganap katluan bulan – Nabi Mohammad sani (langgam) |
Ang artikulong ito ay unang nalatlaha sa Daluyan Journal ng Wikang Filipino Tomo 23, 1-2 (2006), pp. 87-101.
alitaptapndcity on Tue, 2nd Feb 2010 9:18 AM
can i print a copy of this sir dante? kristine here. your former student in Kas 116 and 112. thanks. i know i still owe you a copy of my thesis. ill get it to you asap. salamat po.
admin on Tue, 2nd Feb 2010 4:41 PM
Hello, alitaptapndcity (I like your name). I will relay your message to him. Your Sir Dante will get back to you as soon as I am able to call or text him.
Thanks for visiting the website.
dante ambrosio on Tue, 23rd Feb 2010 8:33 PM
Oo, alitaptapndcity. Puwede mong i-print ang artikulo ko.
Sir Dante
ricamae par on Sun, 1st Aug 2010 5:48 AM
can i copy this sir dante.
Dante Ambrosio on Mon, 2nd Aug 2010 10:27 AM
Oo, maaari mong kopyahin. Pakilagyan lang ng source. Salamat.
Dante
Jairene on Mon, 14th Feb 2011 2:09 AM
Hello there! I was wondering if you have any other articles that were written by Dr. Dante L. Ambrosio, aside from the ones posted here. You see, the more I read his articles, the more curious I become of our pre-colonial history. Does he have any books published? Please let me know via email. Thank you so much!
admin on Wed, 16th Feb 2011 11:40 AM
He has a book titled Etno-Astronomiya published at the UP Press in 2010.
He also wrote Kasaysay: The Story of the Filipino People.
Thanks for your interest.