Bakit buhay pa ang babaylan at laging babae ang aswang

January 20, 2013 by  
Filed under blogs

(Muling inilalathala ng philippinehistory.ph ang artikulong ito bilang pagkilala sa mga kababaihan ngayong Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan)

Ni Gloria Esguerra Melencio

Nawala ang salitang babaylan sa pang-araw-araw na wika ng mga Waray sa Leyte at Samar. Ngunit nanatili ang salitang katuuran, nangangahulugang katotohanan ngayong ika-21 dantaon. Noong ika-17 dantaon, katuuran ang tawag sa pinakamataas na babaylan, ayon sa paring si Ignacio Alcina na nanirahan sa Samar nang matagal na panahon.

manananggal-110x110

Guhit ni James Liwanagan

Naging magsingkahulugan ang mga salitang katuuran at babaylan. Banta sila sa pagtatanim ng Katolisismo sa Kabisayaan. Ang mga babaylan ang nagbabala sa mga taong “bubunutin” ng mga dayuhan ang ugat ng kanilang paniniwala sa mga diwata, anito at sa mga namatay na ninuno. Maaari ring paaalisin sila sa lupaing kinagisnan (na siyang ginawa ng mga dayuhan nang ipatupad ang reduccion, encomienda at hacienda).

Makapangyarihan at iginagalang ang mga babaylan dahil sila ang pinaniniwalaang tagapag-ugnay sa pisikal na daigdig at ispiritwal na mundong hindi nakikita ng dalawang mata. Sila ang nakapagsasabi kung ano ang mangyayari sa hinaharap.

Bukod sa pamumuno sa mga ritwal, pagdarasal at pagluluksa, nagiging tambalan (tagagamot) rin ang mga babaylan. Sa pamamagitan ng ritwal na tinatawag na agaw-tawag-bawi – na isinasagawa noong ika-16 na dantaon at isinasagawa pa rin hanggang ngayon – inaagaw ng babaylan ang kalag (kaluluwa) ng maysakit sa pamamagitan ng pagtawag sa mga ispiritu ng ninuno at pagbawi sa kaluluwa ng maysakit upang gumaling ito.

Sa tangan nilang kapangyarihan sa lipunang Waray, kailangang lipulin ng mga conquistador at frayle ang mga babaylan. Tinawag nila ang mga itong bruja katulad ng pagtawag nila sa mga witches sa mga babae sa Europa sa panahong ipinatutupad ng Espanya ang Inquisition. Marami silang ipinagbawal. Isa rito ang pagdarasal tuwing kabilugan ng buwan. Makapangyarihan ang buwan para sa mga sinaunang Bisaya. Sa katunayan, may 50 itong yugtong dinaraanan bago ang kabilugan nitong tinatawag sa wikang Waray na dayaw. Dito nagmumula ang Katolikong dasal na gindadayaw ka namon (sinasamba ka namin).

Kinukuha ng mga Bisaya ang pangalan ng mga babaylan sa 50 yugtong ito ng buwan bago magdayaw. Kung ipinagbawal ang pagdarasal sa kabilugan ng buwan, ipinagbawal rin ang 50 pangalang ito ng mga babaylan. Ipinagbawal rin ang pagtataas ng patay na katuuran sa malalaking puno, kabilang ang punong balite. Noong ika-16 na dantaon, may seremonyang isinasagawa ang mga babaylan sa paglilibing sa kanilang katuuran: Itinataas ito sa malaking puno (tinatawag na pagpasaka sa Waray, pagpapaakyat sa Tagalog) hanggang sa maagnas ang bangkay. Pagkatapos ng ilang buwan, ibababa ang kalansay, lilinisan at ibabaon sa tabi ng punong sinasambahan ng katuuran noong nabubuhay pa siya.

Sa pagpasok ng kalendaryong Gregoryanong nakabatay sa araw (solar), pinahina nito ang kapangyarihan ng buwan (lunar); pinahina rin ang imahe ng mga babaeng babaylang humuhugot ng lakas sa buwan.

Sa gitna ng mga pagbabawal ng mga frayle, palihim pa ring lumalabas ng bahay ang mga Bisaya sa gabi. Hindi umubra ang mga parusa sa kanila upang sugpuin ang mga paniniwala ng mga tao sa pamumuno ng mga babaylan. Dito na pumasok ang pananakot ng mga pari sa iba’t ibang anyo: may aswang raw sa puno ng balite. Sa isang dokumento sa Biblioteca de Madrid na nasusulat sa wikang Espanyol,  isang diwata si Asuang at hindi ang kinatatakutang aswang sa kasalukuyang panahon.

Matindi ang labanan ng mga pari at babaylan noong ika-17 dantaon. Kailangang magtulong ang mga datu at babaylan upang maigupo ang mga armadong Espanyol. Nagtayo si Bangkaw ng sambahan sa kabundukan ng Carigara sa Leyte katuwang ang babaylang si Pagali.  Ngunit kinanyon ito ng mga dayuhan, sinunog at pinugutan ng ulo sina Bangkaw at Pagali. Sa Samar naman, tinadtad ng mga Lutao sa utos ng mga Espanyol ang katawan ng ina ni Sumuroy. Anak si Sumuroy ng isang babaylan at namuno sa paglaban upang maitigil ang sapilitang pagpapagawa sa mga lalaking Bisaya ng mga barko sa daungan ng Cavite. Pinugutan ng ulo si Sumuroy.

Gayundin sa Capiz, may babaylang dumukot sa isang frayle. Dinala niya ang frayle sa kuweba, sinaksak ang dibdib at dinukot ang kanyang puso.

Habang isinasagawa ang tahasang paglipol sa mga babaylan sa pamamagitan ng dahas, patuloy naman ang mga pari sa pananakot sa mga tao sa kanilang mga pulpito sa nakapangingilabot na pagkain umano ng aswang sa atay (ito ang karaniwang kuwento sa mga Bisaya) ng sinumang maging biktima nito. Naging aswang ang larawan ng babaylan, mga babae sa karamihan, na lumilipad sa may punong balite tuwing kabilugan ng buwan.

Pinaghalawan:

Alcina, Ignacio Francisco S.J. Translated, edited and annotated by Cantius J. Kobak, O.F.M. and Lucio Gutierrez, O.P. History of the Bisayan People in the Philippine Islands, Volume I. UST Publishing House, Manila, Philippines, 2002.

Ambrosio, Dante L. Balatik: Etnoastronomiya, Kalangitan sa Kabihasnang Pilipino. The University of the Philippines Press, Diliman, Quezon City, 2010.

Arens, Richard. The Tambalan and his Medical Practices in Leyte and Samar, Part VI. Folk Practices and Beliefs of Leyte and Samar. Leyte-Samar Studies. Divine Word University of Tacloban, Vol. V  Nos. 1 and 2, 1971

Brewer, Carolyn. Shamanism, Catholicism and Gender Relations in Colonial Philippines, 1521-1685. Burlington, USA: Ashgate Publishing Company, 2004.

Cruikshank, Bruce. Pilgrimage and Rebellion on Samar (1884-1886). Wisconsin Papers on Southeast Asia Center for Southeast Asian Studies. University of Wisconsin-Madison, September 1979.

Guerrero, Milagros C.The Babaylan in Colonial Times: Bodies Desecrated.  In Gender/Bodies/Religions, Sylvia Marcos (Editor). Mexico: ALER Publication, 2000.

Salazar, Zeus. Ang Babaylan sa Kasaysayan ng Pilipinas. Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi, 1999.

Scott, William Henry. Barangay: Sixteenth-Century Philippine Culture and Society.  Ateneo de Manila University Press, 1994.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Share

Comments

10 Comments on "Bakit buhay pa ang babaylan at laging babae ang aswang"

  1. prescilla tulipat on Sun, 20th Jan 2013 8:56 PM 

    Ang mga ganitong detalye sa kasaysayan ng mga babaylan ay lubhang nakakapagmulat sa ating kababaihan kung paano tayo naisantabi sa kasaysayan. Mabuhay ka sa iyong pagsisikap na mabigyang liwanag ang mga ganitong nakatagong dilim sa ating kasaysayan!

  2. admin on Mon, 21st Jan 2013 4:50 AM 

    Mabuhay ang kababaihan! Mabuhay tayong lahat!

  3. gina on Tue, 22nd Jan 2013 5:32 AM 

    sadyang napakalalim ng ating kasaysayan..sa katagalugan, ang kaalaman tungkol sa mga babaylan ay isang alamat (o bahagi lang).Mabuhay ka sa pagsisikap na maibahagi ang ilang kaganapan/pangyayari sa ating kasaysayan…

  4. admin on Sun, 27th Jan 2013 5:59 AM 

    May pag-aaral na rin tungkol sa mga catalonan sa katagalugan. Mababasa rin natin ‘yan sa hinaharap. Maraming salamat sa pagmamalasakit.

  5. Borja Alvin S.(HOLY ANGEL UNIVERSITY) on Fri, 1st Mar 2013 6:02 PM 

    Mula sa mga pananaliksik ng ating mga kapwa Pilipino patungkol sa ating mga sinaunang sibilisasyon,namumulat ang tunay na pigura/picture o tunay larawan ng ating mga ninuno na niruyakan at dinugisan ng mga dayuhan,sa patuloy na pagtuwid ng mga kaalaman sa ating kultura tuluyang nabubuklat ang ating mga kaisipan at mga mata na nabulag at nabangun-got sa mga maling panukala at mga katuruan ng ilan.naway patuloy na isiwalat na mga sinaunang Pilipino ay mga tunay na LAHING-PILIPINO na tunay mayaman sa kaalaman,makulay na kultura at maipagmamalaki saan mang sulok ng daigdig..

    —-MABUHAY ANG MGA PILIPINONG KATULAD KO!

  6. Tan,Trisha Z.(HOLY ANGEL UNIVERSITY) on Sat, 2nd Mar 2013 1:53 PM 

    naka tulong ito sa pag unawa ko ngayon ng gnitong uri ng mga kwento oh usapan dahil sa paraan ito naliwanagan ako kung ano ba talaga sila at kung ano ang pakay nila sa mundong ating ginagalawan.

  7. Ybanez, Ruselle E. on Wed, 6th Mar 2013 10:33 PM 

    Madami akong natutuhan sa artikulo na ito na hindi man lang sumagi sa isip ko noon. Mga kwento na nakakatawa para sa ilan pero maron palang malalim na pinagmulan. Makikita rin na noon pa man mahalaga ang respeto sa paniniwala ng iba. Kailangan nating matuto sa kasaysayan kung saan nakita natin na hindi palaging totoo ang sinasabi ng nakararami. Dapat tayong magtimbang timbang ng mga katibayan bago humusga o pumanig sa kahit anong usapin.

  8. Daniel on Fri, 23rd Aug 2013 10:00 PM 

    I am a waray and still the traces of animism and occultism here in SAMAR is obvious, specially in the remote barangays beside the far flung rivers. Being branded as ASWANG can really affect your LIFE, those who are called or believed to be aswang are those under the poverty line, either they are discriminated or they are victims of a prejudice society.Being in a state of extreme poverty, misery, and ignorance these people are in a bondage to slavery by evil spirits, they may not know it for the curse can be hereditary nevertheless it is a choice. The only thing that can set them free physically, soulically, and spiritually is the one who paid the sin of the world. The answer is not exorcism, killing, humiliation etc. I believe that this people are precious and the time will come that the light of the gospel will shine on them. Jesus is the WAY, the TRUTH, and the LIFE.(Jn 14:6)

    It akon pagampo ha akon mga igkasi waray: makita nera an tinuod nga tagapagsalbar ngan era makarawat an ungod nga katalwasan nga nagtitikang han aton Ginoo nga Hi Hesu-Kristo AMEN!!!

  9. Jelly on Sat, 7th Sep 2013 8:47 PM 

    Hindi man malinaw sa atin ang mga babaylan o aswang, kasaysayan parin ang makakapagsabi kung totoo ang mga ito o hindi.

  10. Jelly on Sat, 7th Sep 2013 8:51 PM 

    Hindi man malinaw sa atin ang mga babaylan, di man natin talagang alam kung ano sila, kasama parin sila sa kasaysayan natin. At kasaysayan na mismo ang makapagsasabi tungkol sa mga ito.

    Holy Angel Univesty
    Jelly Lacanlale
    R-117

Tell us what you're thinking...
and oh, if you want a pic to show with your comment, go get a gravatar!





Copy Protected by Chetan's WP-Copyprotect.