Mga Landas Tungo sa Kalayaan (3) Dante L. Ambrosio

March 9, 2010 by admin  
Filed under article

dante pix-TawitawiIkatlong Bahagi – Paglakas ng mga Kilusang Panlipunan

Na iba ang kalayaang hinangad ng maykaya at edukadong Pilipino sa kalayaang minimithi ng mga anakpawis ay ipinamalas nga ng mga pag-aalsa at pagkilos ng huli noong mga dekada 1920-1940 nang hilingin nila hindi lamang ang kalayaan kundi pati na pagbabagong panlipunan. Kahit sa panahong malaya na ang Pilipinas, nagtuos  muna ang mga anakpawis ng Gitnang Luson at ang mga maykayang kinatawan ng bagong buong pamahalaan bago tuluyang makapamayani ang huli.

Unang lumakas ang militanteng kilusang manggagawa sa gitna ng patuloy na pakikidigmang gerilya laban sa Estados Unidos noong 1902. Sa taong ito itinatag ang unang pederasyon ng mga manggagawa – ang Union Obrera Democratica (UOD) sa pamumuno nina Isabelo de los Reyes at Hermenigildo Cruz. Inilunsad ng mga panahong ito ang mga welga ng mga manggagawa sa imprenta at tabako. Kasabay ng mga welga ang pagpapalabas ng mga sarsuwelang bumatikos sa pananakop ng mga Amerikano at nagtaguyod sa kalayaan ng Pilipinas.

Kahit sinupil ng kolonyal na pamahalaan, nagpatuloy ang militanteng katangian ng kilusang manggagawa sa pangunguna ni Dominador Gomez na humalili kay de los Reyes. Pinangunahan niya ang Union Obrera Democratica Filipina (UODF). Kapwa bahagi ng paglaban sa mga Kastila sina de los Reyes at Gomez. Sa ilalim ng mga Amerikano, ipinagpatuloy ni Gomez ang pagbibigay ng makabayang katangian sa mga aktibidad ng kilusang manggagawa ngunit, gaya ng nabanggit, naging instrumento siya ng mga Amerikano sa pagpapasuko sa mga lumalaban pang gerilya.

Hindi lamang pinaunlad ng mga welga ang kalagayan ng mga manggagawa. Naging entablado nga ito ng  mga makabayang dula at tumulong sa pangkalahatang paglaban sa pananakop yamang malakas pa rin ang kilusang gerilya. Hininala nga ng pinuno ng Philippine Constabulary na si Hen. Henry Allen na pinag-uugnay ng mga lider ng paggawa na sina de los Reyes at Gomez ang UOD, Partido Nacionalista, simbahang Aglipayano,  kilusang gerilya at ang mga welga ng mga manggagawa para makapaglunsad ng patuloy na kaguluhan laban sa kolonyal na pamahalaan. Mula 1902 hanggang 1906 militanteng ipinaglaban ng mga manggagawa ang kanilang mga kahilingan.

Gaya ni de los Reyes, narahuyo rin si Gomez na pumaloob sa sistema ng kolonyal na pamamahala ng mga Amerikano nang pasukuin niya sina Sakay at lumahok siya sa pulitikang binuksan ng mga Amerikano. Sa ilang panahon pagkatapos na supilin ng mga Amerikano ang UOD at UODF, natuon ang kilusang manggagawa sa mga usaping pang-ekonomiya at pang-organisasyon.

Radikalisasyon ng Kilusang Paggawa

Noong dekada 1920, gayunman, lumitaw ang mga bagong radikal na lider manggagawa sa pangunguna nina Crisanto Evangelista at Antonino Ora.  Bilang miyembro ng unang independence mission noong 1919, nakasalamuha ni Evangelista sa Estados Unidos ang mga radikal na manggagawang naakit ng sosyalismo at Marxismo. Sa buong dekada 1920, pinangunahan niya ang pagpapadalo sa mga lider manggagawa sa mga kumperensyang internasyonal ng mga radikal na samahang manggagawa. Inatupag niya ang pagbubuo ng isang kilusang manggagawa na may layunin at katangiang sosyalista.

Hanggang sa mga panahong ito, walang sariling partidong pampulitika ang kilusang manggagawa. Kumakabit lamang ito sa mga establisadong partido, pangunahin ang Partido Nacionalista nina Quezon. Noong 1922, itinayo ni Ora ang Partido Obrero bilang hiwalay na partidong pampulitika ng mga manggagawa. Pagsapit ng 1925, kaalyado na nito ang mga unyon ng mga manggagawa na kinabilangan ni Evangelista at ang unyon ng mga magsasaka na binuo ni Jacinto Manahan. Nagpatuloy ang radikalisasyon nito simula kalagitnaan ng dekada 1920.

Sa manipesto noong 1925, tinuligsa ng Partido Obrero ang dalawang pangunahing partidong pampulitika ng panahong ito.  Anito, “kumbinsido na” ang mga anakpawis ng Pilipinas “na ang mga taktikang ipinamalas ng mga partidong Nacionalista at Democrata sa pakikipaglaban para sa ating karapatang lumaya ay walang iba kundi isang kahiya-hiyang pagmamaniobra  para lamang makuha ang simpatya ng mga mamamayan…, na ang pangunahing layon ay hindi mahigpit na makipaglaban para sa kalayaan ng mga mamamayan at para sa pagtatatag ng isang demokratiko at malayang Republikang Pilipino kundi para mamonopolisa ang lahat ng gawaing pampamahalaan para matugunan ang pinakanakahihiyang ambisyon ng mga bumubuo nito.” Inudyukan nito ang mga manggagawa na “agawin ang pampulitika at pang-ekonomiyang kapangyarihan sa uring kapitalista at pawiin ang lahat ng mga paghahati at paghaharing makauri.”.

Pinangunahan ni Evangelista ang pagbubuo ng mga radikal na unyon na nakapaloob sa Congreso Obrero de  Filipinas (COF) bukod sa pagiging kalihim ng Partido Obrero. Nang mahati ang pederasyon noong 1929, binuo nina Evangelista ang Katipunan ng mga  Anak-Pawis ng Pilipinas  (KAP). Namuno ito sa kilusang welga na naghangad hindi lamang ng pag-unlad sa kalagayan  ng mga manggagawa kundi pati na ng kalayaan ng Pilipinas mula sa mananakop na Amerikano. Noong 1930, binuo nina Evangelista mula sa kilusang manggagawa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). Bagaman kagyat na hinuli at ipinatapon sa probinsya ang mga lider nito at ipinagbawal ang partido noong 1932, pinamunuan nito mula sa andergrawnd ang mga sumunod na pagkilos ng mga manggagawa kabilang ang Malaking Welga ng 1934 ng mga tabakero at tabakera.

Mga welga at pagkilos ng kilusang manggagawa

Bunga ng depresyong 1929 sa Estados Unidos, lubhang naapektuhan ang ekonomiya ng Pilipinas lalo’t mahigpit na itong naipaloob sa kolonyal na sistema ng kalakalan. Isa ito sa mga pangunahing tulak sa  mga welgang manggagawa at pag-aalsang magsasaka noong dekada 1930. Isa sa mga dumanas ng paghihirap ang mga sakada, manggagawa at magsasaka ng Iloilo at Negros.

Noong 1930-1931, apat na welga ang inilunsad ng mga manggagawa sa daungan ng Iloilo at plantasyon ng Negros sa pangunguna ng Federacion Obrera de Filipinas (FOF). Bunga ng matagumpay na welgang inilunsad sa Iloilo, tumampok sa Bisaya ang  FOF at ang pinuno nitong si Jose Nava. Nabigo man ito sa mga sumunod na welga, nanatiling isang malakas na pederasyon ang FOF sa Bisaya ng mga panahong ito. Hindi ito nahiwalay sa mga radikal na unyon sa Maynila na sinamahan nito kalaunan.

Isa pang tampok na welgang manggagawa ang anim na linggong  Malaking Welga ng 1934. Bunga  ng depresyong dinanas ng Estados Unidos mula 1929, bumaba ang benta at presyo ng iniluluwas na tabako ng Pilipinas. Nagbawas ng trabahador at suweldo ang mga pabrika ng tabako. Dahil dito, nagkaroon ng mga pagkilos para ipagtanggol ng mga manggagawa ang kanilang kabuhayan. Iniluwal nga nito ang Malaking Welga ng 1934 na nilahukan  ng may 30 pabrika at mahigit na 11,000 manggagawa sa Maynila at karatig na probinsya.

I sa mga direktang  resulta ng Malaking Welga ng 1934 ang pag-aalsang Asedillo sa Laguna-Tayabas.  Isa sa mga tinugis sa welgista si Teodoro Asedillo, dating guro, hepe ng pulis at pinuno ng KAP sa kanyang bayan sa  Longos,  Laguna. Nagtungo siya sa Maynila bilang bahagi ng KAP para sumuporta sa welga. Nang sumiklab ang kaguluhan sa pabrika ng La Minerva na ikinasawi ng apat at ikinasugat ng 20 katao, tinugis ng mga maykapangyarihan ang mga pinaghihinalaang pinuno ng welga. Mula sa Maynila, bumalik ng Laguna si Asedillo, nakipagkaisa sa grupo ng itinuturing na tulisan na si Kapitan Kulas (Nicolas Encallado) at namuno sa armadong paglaban sa pamahalaan hanggang sa mapatay siya ng mga konstabularyo noong  1935.

Pagkilos at pag-aalsa ng kilusang magsasaka

Habang lumalakas ang militanteng kilusang manggagawa at maraming welga ang inilunsad sa kabila ng pagpapatapon sa marami nitong lider, nagkaroon din ng malaking pagbabago sa kilusang magsasaka. Noong dekada 1920 at 1930 sumiklab ang mga pag-aalsang magsasaka na ang iba ay inilunsad ng mga samahang milenaryo. Sa mga dekadang ito rin lumitaw ang maraming sekular na samahang magsasaka na nanguna  sa mga pag-aalsa.  Sa pagkakatatag noong 1933 ng Partido Sosyalista ng Pilipinas na pinamunuan ni Pedro Abad Santos, pumaloob sa kilusang magsasaka ang kaisipang sosyalista.

Bago pa ito, binuo noong 1919 ang unang unyon ng mga magsasaka sa Bulakan – ang Union de Aparceros de Filipinas sa pamumuno ni Manahan. Tinutulan nito ang mga pagpapatalsik sa mga magsasaka sa mga lupain, usura, di pantay na hatian sa ani, mababang pasahod, at abuso ng mga panginoong maylupa. Binuklod sa unyon hindi lamang ang mga magsasaka kundi pati na ang mga kasama at manggagawang pambukid. Sa Gitnang Luson, lumakas naman ang samahang Aguman ding Maldang Tagapag-obra (AMT) na nagbuklod din sa mga magsasaka, kasama at manggagawang pambukid. Ang Union de Aparceros ang naging ubod ng mas malaking samahang Kalipunang  Pambansa ng mga Magbubukid sa Pilipinas (KPMP). Layunin ng KPMP hindi lamang ang pagbabago sa kalagayan ng mga magsasaka kundi  ang “pagkaisahin ang mga magsasaka sa kilusan para sa ganap na pambansang pagpapalaya sa Pilipinas.

Tumayong gulugod ng Partido Obrero, at pagkatapos, ng Partido Komunista sa hanay ng mga magsasaka ang KPMP. Samantala, ang AMT naman ang tumayong gulugod ng itinatag na Partido Sosyalista. Noong 1938, nagsanib ang Partido Komunista at Partido Sosyalista. Sa ganitong pangyayari, napagsanib nina Evangelista at Abad Santos ang mga militante at malaking seksyon ng mga organisadong manggagawa at magsasaka sa ilalim ng isang partido.

Marami pang ibang samahang sekular ang umakit sa mga magsasaka bukod sa KPMP at PSP. Kung tutuusin, noong dekada 1920 at 1930 parang mga kabuteng nagsulputan ang mga ito. Sa mga panahong ito, lubhang nabalisa ang pamahalaan sa mga “kaguluhang” inihasik ng mga ito. Kabilang sa mga samahang ito ang Philippine National Association nina Pedro Calosa at Cesario Abe na  naglunsad ng pag-aalsa sa Tayug, Pangasinan noong 1931 at ang Lapiang Sakdalista na naghimagsik noong 1935 sa Timog Luson.  Nakabahala rin sa mga awtoridad ang mga aktibidad ng samahang Tanggulan noong 1931 sa Gitna at Timog Luson na nagbunga rin ng malawakang pagsupil sa samahan bunga ng balitang mag-aalsa ito.

Ang mga pag-aalsang magsasaka na naganap, kung tutuusin, ay bunga ng matagal nang suliranin sa lupa. Ilang daan taon nang ipinaglalaban ng mga magsasaka ang pag-aari ng lupa subalit lagi silang binibigo ng mga maykapangyarihan, dayuhan man ito o kapwa Pilipino. Pinalubha pa ito ng kawalang katiyakan ng pamumuhay dulot ng mga presyur na labas sa kanilang kontrol gaya ng pagbagsak ng ekonomiya dulot ng depresyon sa ibang bansa. Tila sa mga dekada ng 1920-1930 muling bumulwak ang paghihimagsik  ng loob ng mga magsasaka. Habang malinaw na kinarga ng mga sekular na samahang magsasaka at manggagawa ang adhikaing kalayaan, ganito rin ang ipinamalas ng mga samahang milenaryo kung saan naging bahagi ito ng kanilang mga paniniwalang milenaryanista.

Kilusang Milenaryo at Kilusan sa Cordillera at Mindanao

Samantala, kung inakala ng mga awtoridad na napatahimik na noong 1913 ang mga kilusang milenaryo, nagkamali sila. Noong Enero-Pebrero 1924, muling sumiklab ang pag-aalsa ng mga milenaryanista. Sa pagkakataong ito, ang malayong prubinsya ng Surigao sa Mindanao ang pinangyarihan ng pag-aalsa. Sa mga naganap na labanan, 37 pulis at sundalo ang namatay. Sa panig ng mga kolorum, 200 ang nagbuwis ng buhay at ilan pa ang naparusahang mabilanggo kabilang ang ilang pinuno nila. Noong 1925  nag-alsa ang Kapisanang Makabola Makasinag sa Nueva Ecija at Pangasinan sa pangunguna ni Pedro Kabola. Noong Mayo 1927, ang Negros naman ang naging saksi ng mga pag-aalsa bunga ng pangangaral  ni Flor Intrencherado.

Sa Cordillera, nagkaroon ng mga pagkilos ang mga Igorot kaugnay ng pagtatanggol ng kanilang lupain at kultura. Noong 1933, nagreklamo ang mga naninirahan sa Samoki at Bontoc bunga ng pagpasok ng mga kumpanya ng mina sa kanilang teritoryo. Pirmado ang reklamo ng 600 marka ng hinlalaki ng mga nagpetisyon. Sa iba namang pagkakataon, mga kababaihang Igorot ng Belwang, Sacasacan ang nakipagtagisan sa mga nagmimina at sundalo. Tinanggal nila ang kanilang tapis at humarap nang hubad sa mga ito, aksyong hawig sa ginawi ng kababaihang Igorot na lumaban sa pagtatayo ng Chico Dam 40 taon  sa hinaharap.

Hindi rin natigil ang mga tinaguriang “kaguluhan” sa Mindanao kahit noong panahon na ng pamamahalang Amerikano. Ayon kay Tan, ang isang dahilan ng mga kaguluhan ay  ang pagtutol sa pamamalakad ng gobyerno kinatawan man ito ng mga Amerikano,  Pilipinong Kristiyano o pinunong Muslim mismo.

Itinaguyod nga ng mga samahang magsasaka at manggagawa ang adhikaing kalayaan ng mga mamamayan. Kahit mga kagyat na usaping pangkabuhayan ang ipinaglaban nila sa mga welga at pag-aalsa, lagi nang karga ng kanilang pakikibaka ang pagtataguyod sa kalayaan. Para sa kanila, kinatangian ang kalayaang ito ng pagkakapatiran, pagkakapantay-pantay, katarungan at kaginhawahan nababalot man ang mga ito sa mga ideang makabayan, milenaryo o sosyalista. Ibang-iba ito sa kalayaang ipinaglaban ng elite na nakapokus sa paghahabol  sa kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomiya.

Bagaman nakapagdulot ng pagkabalisa ang mga pag-aalsang ito sa mga awtoridad, hindi nito inilagay kailanman sa alanganin ang pundasyon ng kolonyal na pamamahala. Sa halip, itinulak nito ang kolonyal na pamahalaan na pag-ibayuhin ang pag-akit hindi lamang sa elite kundi pati na sa mga lumitaw na lider ng mga samahang masa. Nagsagawa rin ito ng mga hakbang tungo sa pagremedyo sa mga reklamong inihain upang mapigil ang mga pagpoprotesta, kabilang na ang pag-aayos ng sistema ng relasyong industriyal at ang paglulunsad ng programa sa katarungang panlipunan gaya nang ginawa ni Quezon.

Pagbalik-tanaw sa Nakaraan; Pagsilip sa Hinaharap

Bunga ng sistema ng edukasyon na inilatag ng mga Amerikano, ng mga gawaing pambayan na isinagawa ng kolonyal na administrasyon, ng “mapagpalang” pakikitungo ng mga kolonyal na administrador sa mga Pilipino, ng pangako ng pagbibigay ng kalayaang inasam ng balana at ng pagtataguyod ng Estados Unidos sa interes ng mga maykaya at edukadong Pilipino, nagkaroon ng magandang pagtingin ang maraming mamamayan sa Estados Unidos. Tumanaw ng malaking utang na loob ang mga Pilipino sa Estados Unidos lalupa nang palayain nito ang bansa sa pananakop ng Hapon.  Nakalimutan na nang lubos ang marahas na pagsupil nito sa mga nakibaka at nagtanggol sa kalayaang nakamit noong Himagsikan.

Ilang dekada pa ang lilipas bago tingnan ng mga Pilipino ang Estados Unidos mula sa ibang perspektiba – bilang isang imperyalistang bansa na nagsasamantala at nang-aapi sa mamamayang Pilipino. Ang ganitong pananaw, gayunman, ay hindi naging ganoon kalaganap lalo’t nanatili – at tila dumarami  pa – ang maraming ugnay ng mga Pilipino sa Estados Unidos.  Hanggang ngayon may panghihinayang pang ginugunita ng mga may edad 80 anyos pataas ang pistaym, ang panahon ng pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas bago sumalakay ang Hapon. Kay Renato Constantino, bunga ito lahat  ng misedukasyon ng mga Pilipino sa kamay ng Estados Unidos at ng mga humaliling maykapangyarihan.

Ibinigay ng Estados Unidos ang kalayaan ng Pilipinas noong Hulyo 4, 1946. Mula noon ito ang ipinagdiwang na araw ng kalayaan ng Pilipinas. Ngunit binago ito ni Presidente Diosdado Macapagal noong 1962 at ginawang Hunyo 12, sunod sa idineklara ni Hen. Aguinaldo sa Cavite noong Hunyo 12,  1898. Nang gunitain ang ika-100 taon nito, deklarasyon ng kalayaan at hindi ang mismong kalayaan ang ipinagdiwang. Hindi pa rin ito lubos na maituring na araw ng kalayaan dahil sinundan nga ng mahigit 40 taong pananakop ng Estados Unidos at ng Hapon. Isang dahilan ito kaya patuloy na naririnig ang mga  idea ng “di  tapos na rebolusyon” at  ng “di-kumpletong kalayaan”.

Sa isang banda, masasabing bunga rin ito ng pangyayaring  patuloy ang tunggaliang nagaganap sa lipunang Pilipino. Bunga naman ito ng paniniwalang  di pa nakakamit ng nakibakang anakpawis  ang adhikaing ipinaglaban noon pang una. Iba’t iba ngang landas tungo sa kalayaan ang tinalunton ng mga naghangad nito noong panahon ng pananakop ng Estados Unidos. Isang bahagi ang nakapagtamasa ng  bunga ng itinuring na kalayaan samantalang isa pang bahagi ang nanatiling bitin sa kanilang inadhika.

Kung babalikan ang kalagayan mula 1899 hanggang mga dekada 1940, may makikitang tatlong puwersa,  sa pinakamababa, na nagharap sa entablado ng kasaysayang Pilipino: ang imperyalistang Estados Unidos, ang mga maykaya at edukadong Pilipino at ang mga nakibakang anakpawis. Idagdag pa rito ang karamihan ng mga mamamayan na naabot sa iba’t ibang paraan ng impluwensya at pagkilos ng tatlong puwersang nabanggit.

Marahas na inagaw ng Estados Unidos sa mga Pilipino ang kalayaang nakamit ng paghihimagsik laban sa Espanya. Ginamit nito kapwa ang karahasan at pang-aakit para maitatag nito ang soberanya sa buong arkipelago. Sa malaking bahagi, ibinigay nito sa mga maykaya at edukadong Pilipino ang mga kahilingan nito na di ibinigay ng Espanya noong kilusang reporma. Higit pa nga rito ang ibinigay ng Estados Unidos – iniakma nito ang  kolonyal na pamamahala sa interes at adhikain ng elite ng bansa. Di kataka-taka na di mapag-iba ng mga pinunong Pilipino, pampulitika at pang-ekonomiya, ang interes ng Pilipinas sa interes ng Estados Unidos; sa maraming pagkakataon, inangkin pa ngang interes din ng Pilipinas ang interes ng Estados Unidos.

Sa ganitong pagtingin, hindi rin kataka-takang isipin ng mga maykaya at edukadong Pilipino na nagwakas na ang pakikibaka para sa kalayaan nang kilalanin  ng Estados Unidos ang kalayaan ng Pilipinas noong 1946.  Nakamit nga ng elite ang lahat ng adhikain nilang ipinahayag noong kilusang reporma at ipinaglaban maging noong Himagsikan. Minana pa nga  nila mula sa Estados Unidos ang buong sistema ng kolonyal na pamamahala na siya nilang ginamit mula 1946  hanggang ngayon. Para sa kanila, kailangan na lamang ipagtanggol ang kalayaang nakamit at isulong ang kaunlaran ng bansa.

Kaiba sa mga maykaya at edukadong Pilipino ang pananaw ng mga nakibakang anakpawis. Sa pagbibigay ng kalayaan noong 1946, hindi nila nakamit ang lupang ipinaglaban, halimbawa, noong paghihimagsik laban sa Espanya at ng pakikibaka laban sa Estados Unidos at Hapon. Ni hindi pa nga nila ito nakakamit hanggang ngayon.  Ang mga hangarin ng pagkakapatiran at pagkakapantay-pantay, gayundin ang kaugnay nitong mga  prinsipyong moral, na itinaguyod ng Katipunan at ng mga kilusang milenaryo, iba pang kilusang anakpawis at maging ng mga partido komunista at sosyalista, ay di rin nakapangibabaw nang kilalanin ang kalayaan noong 1946. Sa panghihilakbot ng nakibakang anakpawis, mga kolaboreytor pa nga noong panahon ng Hapon ang marami sa naluklok sa kapangyarihan.  Mas grabe pa, pinuntirya sila ng mga  maykapangyarihan para supilin. Tiningnan sila bilang mga kaaway na sagabal sa pagsusulong ng interes at aspirasyon ng mga maykaya at edukadong Pilipino, na itinaguyod nitong huli na siya mismong interes at aspirasyon ng buong sambayanang  Pilipino.

Hindi nakapagtatakang hindi nawala ang tunggalian sa mga sumunod na panahon. Nagpatuloy ang paglaban ng mga anakpawis. Patuloy silang nagprotesta. At hindi lang sila nagprotesta; nag-alsa rin ang ilan sa kanila – nag-alsa ang mga Huk, nag-alsa ang mga NPA, nag-alsa ang MNLF, nag-alsa ang Cordillera.

Pagkatapos ng mga pakikibaka, iyon ding mga maykaya at edukadong Pilipino bukod pa ang mga kolaboreytor at mga kalabang nananatili sa poder, ang naluklok sa kapangyarihan. Kaya naman sa bawat pagkakataon, kinailangang maglunsad ng mga kampanya ng panunupil ang mga naluklok sa kapangyarihan laban sa mga nagpatuloy ng pakikibaka. Kung paanong sinupil ng mga Amerikano at ng mga Pilipinong elite, kabilang ang mga dating pinunong rebolusyonaryo, ang mga tinaguriang “bandido, panatiko, at huramentado” gayundin  sinupil ang mga nagpatuloy ng pakikibaka na tinawag naman ngayon na  mga “subersibo, komunista at terorista”.

At hindi lamang kampanya ng panunupil ang inilunsad ng mga maykapangyarihan. Hinawakan nila ang alaala ng bayan – binura, binaluktot at hindi ipinaalam sa mga sumunod na henerasyon ang maningning na kasaysayan ng pakikibaka ng mga anakpawis. Kaya nga halos walang alaala ng pagmamalupit ng Estados Unidos at ng mahigpit na pagtanggol ng mga anakpawis sa bagong kamit na kalayaan ang mga henerasyong nabuhay sa panahon ng mga Amerikano, gayundin ang mga henerasyong sumunod sa kanila.[1]


[1] Bagama’t may ibang konteksto, halos ganito rin ang naganap pagkatapos ng may 13-taong paghahari ng diktadurang Marcos at ng Pag-aalsang EDSA. Nanatili sa kapangyarihan ang mga responsable sa pag-iral ng diktadura at patuloy pa ngang tinugis ang mga naging masigasig sa pakikibaka. Para sa elite na kontra-diktadurang Marcos, nakamit nila ang mga adhikaing ipinaglaban – nakabalik nga sila muli sa kapangyarihan. Sa kabuuan, madali silang nakipagkasundo sa mga elite na pro-Marcos, habang di nila nakasundo at giniyera pa nga ang nakibakang anakpawis na tila walang nakamit sa 13 taon nilang paglaban kundi ang tatak na subersibo at terorista. Gaya noong panahon ng mga Espanyol, Amerikano at Hapon, nagaganap ngayon ang tunggalian sa alaala ng bayan kaugnay ng pakikibakang kontra-diktadura.

Enter Google AdSense Code Here

Comments

Tell us what you're thinking...
and oh, if you want a pic to show with your comment, go get a gravatar!