Mga Landas Tungo sa Kalayaan (1) Dante L. Ambrosio

March 9, 2010 by  
Filed under article

martial-law-110x110Unang Bahagi: Pananakop ng US at Pagtatanggol ng Bayan

Nahuli ng mga Amerikano sa Palanan, Isabela noong Marso 1901 si Hen. Emilio Aguinaldo. Nang sumunod na buwan  sumumpa siya ng katapatan sa Estados Unidos at tinawagang sumuko ang iba pang lumalaban.  Inakala ng mga Amerikano  na tapos na ang armadong paglaban at pagtutol ng mga Pilipino sa pananakop ng Estados Unidos. Isang taon makaraan, opisyal ngang ipinahayag ng Estados Unidos ang pagtatapos ng tinagurian nitong insureksyon noong Hulyo 1902.

Pinatunayan, gayunman, ng mga sumunod na taon na hindi pa tapos ang digmaan ng pagtatanggol. Kung tutuusin, patuloy na isinulong ng nakibakang mamamayan ang adhikaing kalayaan sa buong panahon ng pananakop ng mga Amerikano sa iba’t ibang paraan. Magkaiba man ang pakahulugan sa kalayaan at ang mga anyo ng pagsusulong nito, patuloy na nagtulak sa nakibakang masa para mag-organisa, kumilos at makibaka ang adhikaing makamtan ito. Itinaguyod ito maging ng mga maykaya at edukadong nakipagkolaboreyt sa mga Amerikano sa pangunguna nina Manuel L. Quezon at Sergio Osmena.

Mula 1901 hanggang 1913, nagpatuloy ang armadong pagtatanggol ng mga tinawag ng mga Amerikano na  “bandido, panatiko at huramentado”. Kinailangan munang supilin ng Estados Unidos ang armadong pagtatanggol na ito bago naitatag ang soberaniya nito sa arkipelago. Bagaman nabigo ang armadong pagtatanggol, nagpatuloy rin ang pag-oorganisa at pagkilos ng mga mamamayan para sa kanilang kapakanan sa konteksto ng patuloy na pakikibaka  para sa kalayaan. Sa mga pagkilos na ito – armado at di-armado – itinaguyod ng nakibakang masa ang kalayaan at pagbabagong panlipunan na kinapapalooban ng pag-iral ng katarungan, kaginhawahan, pagkakapantay-pantay at pagkakapatiran.

Mula 1907, nakamit ng mga ilustrado mula sa Estados Unidos ang mga kahilingan nila na hindi ibinigay ng Espanya, kabilang ang paglahok sa pagpapatakbo sa pamahalaang kolonyal at pagpapaunlad ng lokal na ekonomiya. Bunga ng mga interes na ito na sinakyan ng mga Amerikano, nakuha ng huli ang kolaborasyon ng mga maykaya at edukadong Pilipino. Ipinagpatuloy ng mga ito, gayunman, ang pagtataguyod ng adhikaing kalayaan sa anyo ng pagpapalawak ng kapangyarihang isinasalin sa kanila ng mga Amerikano. Sa mga pagkakataong kausap ng mga maykaya at edukado ang mga tao, mahigpit ang kanilang paninindigan sa pagkakamit ng kagyat na kalayaan. Ngunit kung mga opisyal na Amerikano naman ang kausap nila, awtonomiya hindi kagyat na kalayaan ang inilalaban nila habang patuloy nilang ipinapakiusap sa Estados Unidos na ipangako ang pagbibigay ng kalayaan.

Simula 1919, nagkaanyo sa mga independence mission ang  pagkilos ng mga maykaya at edukadong Pilipino  sa pagtataguyod  ng kalayaan. Nag-lobby sa Estados Unidos para sa mga batas pangkalayaan ang mga misyong ito.  Unti-unti, napalawak ng mga maykaya at edukadong Pilipino ang kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomiya na nababahagi sa kanila ng kolonyal na pamahalaan hanggang sa maitatag ang awtonomiya sa ilalim ng pamahalaang Komonwelt noong 1935 at makamit ang pangakong kalayaan makaraan ang sampung taon..

Habang nakikipagkolaboreyt ang mga maykaya at edukadong Pilipino sa mga Amerikano, lumakas sa hanay ng mga nakibakang mamamayan ang mga samahang patuloy na nagtaguyod hindi lamang ng kalayaan kundi pati na ng pagbabagong panlipunan. Sa kabuuan, mga anakpawis ang nagtaguyod ng patuloy na armadong pagtatanggol makaraang magsukuan ang mga ilustradong pinuno nila. Kinatangian ng patuloy na pagtataguyod ng adhikaing kalayaan at pagbabagong panlipunan maging ang mga samahang binuo ng mga anakpawis para isulong ang kani-kanilang interes mula sa pagpihit ng siglo.

Mula sa binuong pederasyon na Union Obrera Democratica (UOD) noong mga unang taon ng bagong siglo hanggang sa itinayong Partido Komunista noong ikaapat na dekada ng siglo, hindi nilubayan ng mga militanteng manggagawa ang pakikipaglaban para sa kalayaan at pagbabagong panlipunan. Sa hanay ng mga magsasaka lumitaw ang mga bagong samahang sekular at muling nag-ibayo ang pagkilos ng mga samahang milenaryo na kapwa nagsulong din ng pagbabagong panlipunan. Makaraan ang digmaan ng pagtatanggol, muling namalas ang lakas at tindi  ng pakikibaka para sa mga adhikaing ito sa mga pag-aalsang magsasaka at mga welgang manggagawa noong mga dekada 1920 at 1930. Inabot nga nito ang  rurok sa muling pagsiklab ng armadong pag-aalsa noong dekada 1950, makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Di gaya ng mga maykaya at edukadong Pilipino, di natamasa ng mga nakibakang anakpawis ang bunga ng mga adhikaing ipinaglaban nila noong Himagsikan. Nakamit ng mga maykaya at edukadong Pilipino ang mga pampulitika at pang-ekonomiyang layunin nila sa kamay ng Estados Unidos habang di nakamit ng mga nakibakang anakpawis ang inadhikang kalayaan at pagbabagong panlipunan. Dito mauugat ang malaking bahagi ng pagkakaiba ng landas na tinahak ng karamihan ng mga maykaya at edukado sa landas na hinawan ng nakibakang anakpawis.

Habang nagaganap ang patuloy na pagtataguyod ng nakikibakang masa sa inaadhikang kalayaan at pagbabagong panlipunan, ipinagpatuloy ng Estados Unidos ang paglalatag ng mga institusyon, proseso at iba pang hakbang para makontrol at  mapamahalaan ang Pilipinas. Sa gawaing ito, katulong ng Estados Unidos ang mga maykaya at edukadong Pilipino na tumahak nga sa landas ng kolaborasyon at pakikiusap upang makamit ang minimithing awtonomiya tungong independensya.

Pananakop ng Estados Unidos

Tinalo ni Commodore George Dewey ang plotang Espanyol sa Look ng Maynila noong Mayo 1, 1898. Halos dalawang buwan ding naghintay ng karagdagang tropa ang mga Amerikano sa Pilipinas habang  nagpapatuloy ang Digmaang Espanyol-Amerikano. Noong Agosto 13, 1898, pinasok ng mga sundalong Amerikano ang Intramuros nang di kasama ang rebolusyonaryong puwersa ng mga Pilipino. Sila ang tumanggap ng pagsuko ng mga Espanyol nang di kalahok at di kaharap sina Hen. Aguinaldo. Sa mga aksyong  ito, lumitaw na may sariling balak ang Estados Unidos sa Pilipinas na hindi nito ipinabatid  sa mga kaalyadong Pilipino.

Nang makipagnegosasyon ang Estados Unidos sa Espanya para sa pagtatapos ng Digmaang Espanyol-Amerikano, hindi pinaupo ang pamahalaang Aguinaldo sa kabila ng pagsisikap ng huli na katawanin ang interes ng Rebolusyong Pilipino. Nang lagdaan ng Estados Unidos ang Kasunduang Paris noong Disyembre 10, 1898 kung kailan inilipat ng Espanya sa Estados Unidos ang soberanidad nito sa Pilipinas, hindi rin isinama ang rebolusyonaryong pamahalaang Pilipino. Wala nang kaduda-duda ang layunin ng Estados Unidos na sakupin ang  Pilipinas o ang ilang bahagi nito.

Kung may nag-aalinlangan pa man sa balak ng Estados Unidos sa Pilipinas, pinawi ang lahat ng pag-aalinlangan ng pahayag ng Disyembre 21, 1898 ni Presidente William McKinley. Sa proklamasyon niya ng Benevolent Assimilation, kanyang inatasan ang gobyernong militar ng Estados Unidos sa Pilipinas na ipalaganap  sa buong arkipelago ang soberanidad nito.

Sa kontekstong ito mauunawaan ang pagsiklab noong Pebrero 4, 1899 ng Digmaang Pilipino-Amerikano. Kailangan munang gapiin ng Estados Unidos ang pamahalaan at hukbo ng isang bagong layang bansa na handang lumaban at magtanggol bago nito naitatag ang sariling soberanya sa buong arkipelago. Kailangan ding makipagkasundo ng Estados Unidos sa mga pinunong Muslim at marahas na supilin ang iba pang nagpatuloy sa digmaan ng pagtatanggol.

Malaking pagbabagong pampulitika ang naganap sa buong bansa sa mahigit 40 taong pananakop ng Estados Unidos. Sa panahong ito, higit na naging malinaw  ang kabuuang teritoryong sinaklaw ng bansa ayon sa mga pandaigdigan at kolonyal na kasunduang pinasok ng Estados Unidos.  Sa panahong ito itinatag ang mga institusyong pampulitika at pang-administratibo na umiral sa bansa kahit matapos bigyan ng kalayaan ang Pilipinas noong 1946. Sa panahon ding ito sinanay, inaruga,  at iniugnay sa interes ng Estados Unidos ang  pampulitika at pang-ekonomiyang elite na siyang namahala sa bansa makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ginawa ito sa pamamagitan ng pagbibigay sa elite ng mga kahilingan nilang hindi ibinigay ng Espanya sa larangang pampulitika, pang-ekonomiya, pangkultura at panlipunan. Sa hanay ng elite ng bansa nakatagpo ang Estados Unidos ng mga pinunong hayag na nakipagtulungan sa pamamalakad ng kolonyal na sistema.  Sa panahon ding ito, gayunman,  patuloy na sumilang at lumakas ang mga grupong pampulitika at panlipunan na hayag na lumaban sa mga mananakop at elite para sa pagbabagong panlipunan, isang penomenon na hindi nawala sa Pilipinas kahit sa panahon ng republika at ng diktadura.

Teritoryong Saklaw ng Pilipinas

Isang resulta ng kolonyalismong Kanluranin ang paglitaw ng mga bansa sa mga lupaing kanilang sinakop. Isa nga sa mga bansang ito ang Pilipinas. Kung saklaw na teritoryo ang pag-uusapan, inangkin  ng kolonyalismong Espanyol ang mga islang pinanganlan nitong Pilipinas bilang  pag-aaring kolonyal. Mula sa Maynila, sinikap na maipailalim sa  kontrol nito ang mga bayang naging Kristiyano sa Luson, Bisaya at Mindanaw.  Nagpadala rin ang kolonyal na pamahalaan ng mga ekspedisyon sa mga teritoryo ng mga di-Kristiyanong mamamayan laluna sa Cordillera at sa mga teritoryong saklaw ng mga Muslim sa Mindanaw  at Sulu.

Sa Kasunduan ng Paris, inilipat ng Espanya sa Estados Unidos ang soberanidad sa mga teritoryong saklaw nito sa Pilipinas. Ito ang kasunduang internasyonal na kumilala sa saklaw na teritoryo ng Pilipinas sa pagpasok ng ika-20 siglo. Nadagdag sa inilipat na teritoryo ang mga islang bumubuo sa Cagayan de Sulu (Mapun ngayon) at Sibutu ayon sa kasunduan ng Estados Unidos at Espanya noong Nobyembre 1900.[1] Nabilang din sa Pilipinas ang Turtle Islands sa kasunduang Estados Unidos at Gran Britanya noong Enero 1930.

Noong Agosto 1899, pumasok din sa isang kasunduan ang Estados Unidos sa Sultan ng Sulu. Ito ang tinawag na Kasunduang Bates, sunod sa ngalan ni Hen. John C. Bates.  Sa ilalim ng kasunduan, kinilala ng Sultan at mga datu ng Sulu ang soberanidad ng Estados Unidos. Itinatwa ito, gayunman, ng mga taga-Sulu ayon diumano sa bersyong Tausug ng kasunduan. Makaraang pawalang bisa ang kasunduan, hinalinhan ito ng Kasunduang Kiram-Carpenter noong Marso 1915 kung saan malinaw nang kinilala ng Sulu ang soberanidad ng Estados Unidos kasabay ng pagkilala ng huli sa Sultan bilang pinuno ng relihiyong Islam sa nasasakupan nito.[2]

Sa ganitong pormal na paraan naitakda ng Estados Unidos ang pamamayani nito sa buong arkipelago ng Pilipinas. May kasunduan man o wala, kailangang marahas muna itong ipatanggap  ng Estados Unidos sa mamamayan bunga ng armadong pagtatanggol sa iba’t ibang bahagi ng arkipelago. Nagawa lamang ng Estados Unidos na papangyarihin ang kapangyarihan nito sa Pilipinas makaraan ang halos isang dekada ng armadong pagtatanggol ng mga Pilipino.  Kailangan nitong supilin ang armadong paglaban at sabay na akitin ang elite sa panig nito para  mailatag ang kapangyarihang sibil sa bansa.

Armadong Pagtatanggol ng mga “Bandido, Panatiko at Huramentado”

Hindi naging madali para sa Estados Unidos na pairalin ang kapangyarihan nito sa Pilipinas. Una, naitatag na ng pamunuang Aguinaldo ang mga pormal na institusyon ng malayang pamahalaan na umaangkin ng soberanya sa buong arkipelago. Nagawa ito sa pamamagitan ng deklarasyon ng kalayaan noong Hunyo 12, 1898,  ng pagbubuo ng  Konstitusyon ng Republika noong Setyembre 1898, ng pagpapasinaya ng isang pamahalaang Republika noong Enero 1899 at ng pagdaraos ng mga eleksyong pangmunisipyo at pamprobinsya mula 1898.  Ibig sabihin, kahit hindi pa kinikilala sa pandaigdigang saklaw, nailatag ng pamunuang Aguinaldo ang isang malayang pamahalaang handang magpatibay ng kapangyarihan nito sa buong bansa.

Ikalawa, buo ang armadong hukbo ng pamahalaang Aguinaldo na handa namang magtanggol sa bagong kalayaang nakamit mula sa mga mananakop na Espanyol.  Kailangang supilin ng Estados Unidos ang pamahalaan at hukbong ito para maitatag ang sariling kapangyarihan sa arkipelago. Bukod pa rito ang ibang puwersang pinamunuan ng mga sultan at datu na  malaya sa kapangyarihan ng mga Espanyol, ng Estados Unidos at ng pamahalaang Aguinaldo na armado ring nagtanggol laban sa panghihimasok ng bagong mananakop.

Naganap nga ang Digmaang Pilipino-Amerikano kung saan ipinagtanggol ng pamahalaang Aguinaldo ang soberanidad nito sa arkipelago. Nakipagkasundo naman ang Sultan ng Sulu sa Estados Unidos bilang sarili nitong paraan ng pagtatanggol ng sariling kapangyarihan sa saklaw nitong teritoryo.

May dalawang taon ding lumaban ang pamahalaang Aguinaldo sa hukbong Amerikano. Tumagal din ng may dalawang taon ang tinagurian ng mga Amerikano na  insureksyon na noong simula’y inasahan nilang matapos sa loob lamang ng ilang linggo. Nangailangan ng kabuuang 120,000 tauhang  Amerikano ang digmaang  inilunsad ng Estados Unidos sa Pilipinas. Ipinakita ng Estados Unidos sa giyerang ito ang mga kalupitang ginamit rin nito  sa Biyetnam noong dekada 1960 – panununog ng mga baryo gaya sa “howling wilderness” ng Samar na pinairal ni Gen. Jacob Smith, patakarang rekonsentrasyon  na ginamit ni Maj. Gen.  Franklin Bell sa Batangas at Marinduque kung saan pinaalis sa kanilang tirahan ang mga tao at  sapilitang pinatira sa mga kampo,  pagtortyur sa mga gerilya at sibilyan, kampanya ng depopulasyon sa Abra kung saan sinunog ang mga baryo at winasak ang mga pagkain at  pagmasaker sa mga bata at matanda na kayang magbitbit ng armas.

Nagwakas ang armadong pagtatanggol ng  pamahalaang Aguinaldo nang mahuli si Aguinaldo at manawagan siya sa mga kasamahan na sumuko noong Abril 1901. Sumuko naman ang mga lider at tauhan ni Aguinaldo habang ipinatapon sa Guam ang ibang tumanggi  na  sumumpa ng katapatan sa Estados Unidos gaya nina Apolinario Mabini, Artemio Ricarte at Maximino Hizon. Opisyal na idineklara ng Estados Unidos na tapos na ang digmaan noong Hulyo 1902.

Habang itinatatag ng mga Amerikano ang pamamahalang sibil sa pakikipagkolaborasyon ng mga kinilalang lider ng rebolusyonaryong pamahalaan at ng elite sa kabuuan,  tinugis at sinupil  ang mga patuloy na lumaban. Naglabas ng mga batas na nagpahigpit sa kontrol sa pahayagan at entablado gaya ng Sedition Law ng 1901. Itinakda nitong kataksilan ang pagtataguyod ng kalayaan sa panahon ng giyera. Noong 1907 ipinagbawal ng Flag Law ang pagwawagayway ng  bandila ng Katipunan at ng Pilipinas. Ipinatupad din ang Brigandage Act noong 1902 na nagbansag sa mga patuloy pang lumalaban na mga bandido, tulisan at ladron. Isinabatas din ang Reconcentration Act noong 1903 na nagtakdang legal ang puwersahang  pagpapatira sa mga magsasaka sa mga hamlet o kampo para hindi nila diumano masuportahan ang mga gerilya.

Sa pagtugis sa mga gerilya, lumahok ang dati nilang mga lider na nasa panig na ng mga Amerikano at humahawak na ng posisyon at kapangyarihang pampamahalaan.  Si Teodoro Sandiko, gobernador ng Bulakan, ang tumugis kay Apo Ipe. Si Heneral Cailles, gobernador  ng Laguna, ang tumugis kina Sakay palabas ng probinsya. Si Licerio Geronimo, bayani ng labanan sa Bundok Puray noong 1898 at nakapatay kay Hen. Henry Lawton noong 1899, ang tumugis kina Faustino Guillermo bilang  tenyente ng konstabularyo. Katulong sina Quezon at Osmena sa pagtugis sa mga kolorum at pulajanes ng Tayabas at Cebu. Si Dominador Gomez, pinuno ng militanteng samahang manggagawang Union Obrera Democratica Filipina (UODF), ang nagpasuko kina Sakay at Carreon.

Paglaban makaraan ang Digmaang Pilipino-Amerikano

Inabot pa ng isang dekada ang armadong pagtatanggol ng mga rebolusyonaryo kahiman tinawag na silang bandido, panatiko at huramentado ng kolonyal na pamahalaan at tinugis sila ng dati nilang mga lider. Nang magsukuan ang mga heneral at tauhan ni Aguinaldo, bumitaw din ang mga maykaya at edukadong Pilipino sa armadong pagtatanggol at tinahak nila ang landas ng kolaborasyon sa mga Amerikano. Naiwan sa kamay ng iba’t ibang grupo ng mga anakpawis sa iba’t ibang lugar sa arkipelago ang pagpapatuloy ng laban.

Sa Katagalugan, pinili si Hen. Luciano San Miguel  ng mga gerilya ng Bulakan, Cavite, Batangas, Laguna at Tayabas para humalili kay Hen. Miguel Malvar bilang pinuno ng armadong pagtatanggol.  Si Hen. Malvar ang humalili kay Hen. Aguinaldo nang mahuli ito ng mga Amerikano. Nang sumuko si Malvar noong Abril 1902, si San Miguel ang ipinalit sa kanya ng mga gerilya noong Oktubre 1902.

Sa panahong ito, muling tumampok ang mga katipunerong kasa-kasama ni Andres Bonifacio sa simula ng Katipunan ngunit napasaisantabi nang panahon ni Aguinaldo. Kabilang sa mga lider ng gerilya sa Katagalugan na naghalal kay San Miguel sina Alejandro Santiago, Apolonio Samson at Faustino Guillermo. Kabilang ang mga ito sa mga unang pinuno at kasapi ng Katipunan na di nagkaroon ng mataas na tungkulin sa pamahalaang Aguinaldo. Bukod sa pagiging taga-Maynila, kilala silang malapit kay Bonifacio at di  kabilang sa mga maykayang naging pinuno  ng pamahalaang  Aguinaldo.

Nang mapatay si San Miguel sa Marikina noong Marso 1903, ipinagpatuloy nina Macario Sakay at Francisco Carreon, mga dati ring kasamahan ni Bonifacio,  ang pamumuno sa mga natirang gerilya simula Mayo 1903.  Binuo nila ang Republika ng Katagalugan kasama sina Santiago at ipinagpatuloy ang gawaing gerilya sa mga kabundukan at kanayunan ng Katagalugan. Natigil lamang ang paglaban nang makumbinsi sila ng mga edukadong Pilipino at Amerikano na tanggapin ang amnestiya noong 1906. Sa kabila ng mga garantiya ng pamahalaang kolonyal hinuli sina Sakay at Carreon, kasama sina Lucio de Vega, Benito Natividad, Leon Villafuerte at Julian Montalan nang bumaba sila ng bundok. Binitay sina Sakay at de Vega noong 1907 habang ibinilanggo nang matagal na panahon ang iba pa.

Bukod kina Sakay, tinagurian ding mga bandido ng mga Amerikano sina Cornelio Felizardo at Aniceto Oruga na kumilos sa Cavite at si Simeon Mandac na nanguna sa pag-aalsa noong 1910 sa Nueva Vizcaya.  Nagpatuloy  ng pagpaplano ng pagpapabagsak sa kolonyal na pamahalaan ang ibang rebolusyonaryo, laluna si Ricarte,  kahit hanggang noong 1914. Kanyang kinomisyon ang ilang dating rebolusyonaryo gaya ni  Manuel Tomines ng Isabela para ipagpatuloy ang pakikipaglaban. Naglunsad nga ng pag-aalsa si Tomines sa Isabela ngunit nahuli rin siya at binitay noong 1905.

Kilusang Milenaryo

Sa ibang bahagi ng arkipelago, ipinagpatuloy ng mga kilusang milenaryo ang pakikibaka para sa pagbabago. Ilan dito ang pinangunahan ng mga dating pinuno ng rebolusyonaryong hukbo. Isa na rito ang Santa Iglesia sa Gitnang Luson na binuo ni Felipe Salvador o Apo Ipe, dating koronel sa hukbong rebolusyonaryo. Lumawak ito mula Bulakan hanggang Pangasinan. Noong Setyembre 1903 naganap ang unang pakikipaglaban nito sa San Jose, Nueva Ecija. Lumaganap ang pakikipaglaban sa pitong probinsya ng Gitna at Timog Luson noong 1906. Nahuli sa Pampanga si Apo Ipe noong Hulyo 1910 at binitay noong 1911. Nagpatuloy, gayunman, ang pamana ni Apo Ipe sa pagsiklab ng iba pang pag-aalsang magsasaka sa mga sumunod na dekada.

Sa Tayabas, nagbuo ng sariling samahan si Ruperto Rios o Papa Rios na isa namang dating tenyente koronel sa rebolusyonaryong hukbo. Isang kahong may tatak na  “Kalayaan” ang lagi niyang dala. Aniya, mabubuksan at makakamit lamang ng mga tao ang kalayaan  minsang mapatunayan nilang karapat-dapat sila. Ayon sa isang nahuling miyembro, mawawala diumano ang mga paghihirap, ang mga buwis at ang mga bilangguan minsang lumabas sa kahon ang “Kalayaan”. Mawawala rin ang mga konstabularyo na sumusupil sa kanila. Nahuli ng mga Amerikano si Papa Rios sa Laguna. Binitay siya sa Atimonan, Tayabas noong Disyembre 1903.

Samantala, ipinagpatuloy rin ni Papa Isio o Dionisio Magbuela ang paglaban sa Negros na pinamunuan niya bago pa ang Rebolusyong 1896. Pinatunayan niya ang pagiging tapat sa pakikibakang anti-kolonyal at anti-asendero nang tuluy-tuloy niyang pamunuan ang paglaban sa mga Espanyol, sa mga Amerikano at sa mga asenderong nakipagtulungan sa mga mananakop. Bigo man ang paglusob ng kanyang puwersa sa Bacolod noong 1902, nagpatuloy pa rin ang kanyang paglaban hanggang 1907.  Sinentensyahan siya ng kamatayan nang mahulog siya sa kamay ng pamahalaang kolonyal. Ibinaba ito, gayunman, sa pagkabilanggong habang buhay. Matanda na siya nang kanyang wakasan ang mahabang panahon ng pakikibaka.

Sa Samar at Leyte,  nakilala ang mga kolorum at pulajanes bilang  mga samahang matagal na lumaban sa pamamahalang kolonyal. Pinamunuan sila ng mga lider-milenaryo gaya nina  Papa Otoy, Papa Pablo at Papa Faustino. Sa Cebu, ang magkapatid na Quintin at Anatalio Tabal ang nanguna sa mga pulajanes hanggang mapasuko sila noong 1906. Mga kilusang milenaryo ito na ang paghahangad ng panlipunang pagbabago ay sinaniban ng paghahangad ng kalayaan mula sa mga dayuhang mananakop.

Sinasabing noong 1903, umabot sa 7,000 ang mga pulajanes sa Samar at mahigit 3,000 sa Leyte. Sa pagkukunwaring susuko, nagawang talunin ng mga pulajanes ang isang tropa ng mga sundalong Amerikano sa tinaguriang  labanan sa Mactaon, Samar. Noong 1906, isa sa mga lider na kalahok sa labanan, si Papa Pablo, ang napatay ng mga Amerikano. Sumunod na napatay noong 1907 si Papa Faustino samantalang nahuli naman noong 1911 si Papa Otoy. Nagpatuloy pa ang paglaban ng mga pulajanes hanggang 1913 nang ideklara ng kolonyal na pamahalaan na wala nang  panganib mula sa mga ito.

Malaking bahagi ng pag-aalsang magsasaka sa buong panahon ng mga mananakop na Amerikano ang isinagawa ng mga kilusang milenaryo. Mga samahang relihiyoso ito ng mga magsasaka na naniniwala sa pagdating ng manunubos sa panahon ng malaking pagbabago. Ngunit bago ang panahon ng pagtubos – na katatangian ng kalayaan, kaginhawan, katarungan, pagkakapantay-pantay at pagkakapatiran ng mga mamamayang taimtim na nananampalataya – kailangang ihanda ng bawat isa ang kalooban at lumahok sa mga pagbabagong magaganap. Ganito tiningnan ng mga “papa” ang mga pangyayari nang sumiklab ang Himagsikan. Aktibo silang lumahok at nagtaguyod rito kahit sa panahong sumuko na ang mga pangunahing pinuno ng Rebolusyon. Ayon kay Santiago Alvarez,  “liban sa mga dasalan, ang pagpapalagayan at pagsasamahan (ng mga kolorum) ay tulad na tulad sa Katipunan ng mga Anak ng Bayan noong kasalukuyang di pa nangasisira ang mga pag-iibigang-kapatid.”

Pakikibakang Muslim at Igorot

Bagaman nakuha ng mga Amerikano na makipagkasundo sa Sultan ng Sulu, hindi mapayapang tinanggap ng ilang lider ang panghihimasok ng mga Amerikano. Sa Lanao, itinaguyod   nina Datu Tunggul na napatay noong 1902 at  Datu Ampuanagus na napasuko noong 1903 ang armadong paglaban. Nagtayo ng mga cotta ang mga Moro sa Bayang, Bacolod at Calahui bilang mga moog ng pagtatanggol laban sa mga Amerikano.  Kailangan munang wasakin ng mga Amerikano ang mga cotta bago napayapa ang mga lumalabang Moro.

Kahit may  Kasunduang Bates sa pagitan ng Estados Unidos at ng  Sultan ng Sulu, may ilang tumutol at  nakipaglaban sa mga Amerikano. Kabilang dito si Panglima Hassan. Nagwakas ang paglaban ni Panglima Hassan nang mapatay siya noong 1905. Ngunit sinundan pa siya ng iba pa. Isang pag-aalsa ang nagbunga ng pagmasaker ng mga tropang Amerikano sa 600 Moro na  nagtanggol sa Bud Dajo sa Jolo noong 1906. Gaya sa Bud Dajo, minasaker din ng mga Amerikano ang mga Moro na nagtanggol sa Bud Bagsak noong 1913.

Nagkaroon din ng pagtatanggol sa Maguindanao sa pangunguna ni Datu Ali. Nagwakas ito sa pagkapatay sa kanya noong 1906. Noong 1912, nag-alsa naman si Datu Alamada na nagwakas sa kanyang mapayapang pagsuko. Gaya sa Luson at Bisaya, hindi tinantanan ng mga pag-aalsa ng mga Moro ang panahon ng pananakop ng mga Amerikano.

Kulang ang dokumentasyon ng mga paglaban ng mga Igorot ng Cordillera sa pananakop ng Estados Unidos.  Gayunman, maraming salaysay ukol dito ang nananatili pang bahagi ng kanilang kasaysayang pasalita.  Ilang paglaban ng mga tinaguriang “mababangis na tribo” sa Kalinga, Apayao at Ifugao ang iniulat sa peryodiko. Noong 1903, halimbawa, nilabanan ng mga taga-Lepanto ang mga konstabularyo na tumutugis sa isang grupo ng mga “kriminal” na kanilang kinupkop sa halip na isuko. Noong 1904, iniulat na may 462 ekspedisyon ang ginawa ng konstabularyo laban sa “mababangis na tribo”. Noong 1905 naman, 100 Igorot ang sinasabing nakipaglaban sa mga konstabularyo sa distrito ng Hapao. Dahil sa ganitong mga paglaban kaya tinawag ng mga Amerikano  na “mababangis na tribo” ang ilang naninirahan sa Cordillera.

Gaya nang nabanggit, tinatakan  ng mga Amerikano ang mga patuloy na lumaban na mga bandido, panatiko at huramentado o pirata. Tatak na hindi itinanggi ng mga pampulitikang lider na nakipagkolaboreyt sa mga Amerikano. Kung tutuusin, aktibo pa nga silang tumulong sa pagsupil sa mga ito. Kung hindi man nalimot ng mga sumunod na henerasyon ang mga bayaning ito ng armadong pagtatanggol laban sa pananakop ng mga Amerikano, naisalin naman sa kanila ang pagtingin sa mga ito na mga bandido kundi man mga kakatwang tao – laluna iyong mga gumamit ng anting-anting at paniniwalang milenarista sa kanilang paglaban.

Pinsalang Hatid ng Pananakop

Hindi naging madali para sa Estados Unidos ang pagsupil sa armadong pagtatanggol. Tinatayang 4,234 na sundalong Amerikano ang namatay at 2,818 ang nasugatan. Ginastusan ito ng halagang $600 milyon. Samantala tinatayang 20,000 gerilyang Pilipino ang napatay at 200,000 sibilyan ang namatay sa iba’t ibang kadahilanan. Mangyari pang maliit ang pagtantyang ito sa dami ng mga napinsalang Pilipino. Isang indikasyon ng malubhang pinsalang binalikat ng mamamayan ang pagkamatay ng 90% ng populasyon ng kalabaw. Ito ang pinakamahalagang  hayop sa pagsasaka na kung mawawala ay magbubunga ng malubhang kahirapan sa pagkain.

Sa isang panayam, tinantya ni  Hen. Bell na mahigit 600,000 ang namatay sa Luson lamang bunga ng labanan at sakit. Hindi pa kabilang sa tantyang ito ang mga naging biktima ng mga kampanya sa Panay, Samar at Batangas (na ginawa mismo ni Hen. Bell) at naganap makaraan ang interbyu  niya noong 1901 sa New York Times.

Habang nagpapatuloy ang armadong paglaban,  naglunsad naman ang iba ng sarili nilang ahitasyon para sa kalayaan. Kabilang dito ang pagpapalabas ng mga sarsuwelang nagtataguyod ng kalayaan at nagtatampok ng sentimyentong kontra Estados Unidos. Dalawa sa mga kilalang sarsuwelang ito ang sinulat ng mga katipunero – si Aurelio Tolentino at ang kanyang  “Kahapon, Ngayon at Bukas” at si Juan Matapang Cruz at ang kanyang “Hindi Aco Patay”. Naglabas naman ng mga itinuring na makabayang pahayagan sina Sergio Osmena (El Nuevo Dia) noong  1900 sa Cebu, Pascual H. Poblete (El Grito del Pueblo) noong  1900 at  Rafael Palma (El Renacimiento) noong  1901. Naging tuntungan nila ang mga ito sa pagkakamit ng posisyon at paglahok sa pulitika ng kolonyal na pamamahalang binuksan ng mga Amerikano sa  elite.

Gaya nang nabanggit na, umabot hanggang 1913 ang armadong paglaban bago nasupil ng mga Amerikano ang mga puta-putaking paghihimagsik ng mga  pulajanes pati na ng mga Muslim. Ngunit hindi rito natapos ang pagtatangkang makamit ang kalayaan sa pamamagitan ng armadong paglaban. Sa mga sumunod na dekada, muling sumiklab  sa iba’t ibang lugar ng arkipelago ang mga armadong pag-aalsa.


[1] May kopya ng Kasunduan ng Paris sa John Foreman, The Philippine Islands (Mandaluyong: Cacho Hermanos Filipiniana Reprint Series, 1985), 478-483.

[2] May kopya ng Kasunduang Bates sa Vic Hurley, Swish of the Kris (Mandaluyong: Cacho Hermanos Reprint, 1981), 156-159. Matatagpuan sa Peter Gordon Gowing, Mandate in Moroland (Quezon City: UP-PCAS, 1977) kapwa ang Kasunduang Bates, 347-349, at Kasunduang Kiram-Carpenter, 352-353.

Share

Comments

Tell us what you're thinking...
and oh, if you want a pic to show with your comment, go get a gravatar!





Copy Protected by Chetans WP-Copyprotect.