Oblak

October 5, 2010 by admin  
Filed under blogs

Hernan-weblog110x110SARI-SARING gimik ang kelangan para mapansin ka ngayong mga araw. Kabi-kabila kasi ang mga isyu nahihilo at nalilito na ang mga tao.

Isang gimik na medyo nag-klik at napag-usapan rin nang kung ilang araw e itong ginawa ni Caloy Celdran. Isinuot niya ang costume ni Charlie Chaplin at sinabing siya kunyari si Joey Rizal; tapos nagpunta sa loob ng Manila Cathedral kung saan may ginagawang banal na bagay ang mga obispo. Hindi agad nakuha ng mga naroon ang ibig niyang mangyari nang itaas niya ang plakard na may nakasulat na “Damaso.” Akala siguro nila e hinahanap lang niya ang aso niya o yung drayber niyang Damaso ang pangalan.

Nang sumigaw lamang siya laban sa pakikialam ng mga obispo sa pulitika nalaman kung ano ang pakay niya. Gusto pala niyang magpakulong para mapansin ang sinusuportahan niyang reproductive health bill na tinubuan na ng uban sa Kongreso e hindi pa rin makapasa. Laging kasing nabubutata ng mga alagad ng Simbahan.

Ngayon naman, isang grupong may kinalaman sa OFWs ang magpapakalbo raw para mapansin ang kanilang maraming hiling sa gobyerno. Isa sa mga hiling ang pagbabalik ng pondo para sa legal na depensa ng mga OFWs na may kaso o problema sa ibang bansa.

Ginawa na ito ng mga kakampi nilang magsasaka at mga militanteng tutol sa pagmimina.

Ang gusto ko lang itanong sa mga may panahong sumagot: may epekto pa ba ito? Alam kong malakas ang epekto nung mga naghuhubad sa kalsada. Naalala ko yung isang grupo ng kababaihan na pinta lamang ang suot na pang-itaas. Nakalimutan ko na kung ano ang ipinaglalaban nila pero walang makalilimot sa ginawa nila.

Ganun din yung tatlong babaing sinabayan ang oblation run sa UP at maskara lamang ang isinuot.

Pero ang pagpapakalbo? Noong unang panahon pwede pa. Meron pa itong “shock value.” Pero ngayon na uso ang Mohawk at pagpapatato sa ulo? Hindi na sir. Mga ilang taon pa lang nag nakalilipas OK yun. Katunayan, may kasama ako sa opisina noon na lagi naming tinutuksong kalbo dahil hindi niya sinasadyang maging kalbo siya. Natural na lumalapad at kumikintab ang noo niya. Hindi pa naman kasi noon sikat si Jason Statham.

Dapat siguro magpulong-pulong ang mga aktibista natin at rebisahin ang nilulumot nang manual para maiba-iba naman. Ang problema lamang sa mga modelo sa ibang bansa, mga bayolente sila; malayo sa kultura ng Pinoy na sanay sa matahimik na mga protesta. Hindi ko sinasabing gayahin natin ang mga nanununog ng mga kotse at naninira ng mga ariarian sa Europa. May maiisip naman siguro ang mga tibak natin bukod sa pagpapakalbo.

Share
Enter Google AdSense Code Here

Comments

One Comment on "Oblak"

  1. Jay Gotera on Tue, 5th Oct 2010 11:25 PM 

    Oo nga puro papansin ang mga tao ngayon. Kulang sa atensyon. Kaya ang media sinasamba – at minsan sinusuhulan – pero kung hindi makuha sa suhol, tinotodas.
    Gimik ang kulay ng buhay ngayon. Para sa mga OFW, ang pinaka epektibo sigurong gimik na pihadong mapapansin ang kanilang hinanaing eh, hindi yung magpa-kalbo (laos na yun) kundi kalbuhin sa inis ang gobyerno sa pag gamit ng pinaka matalas na sandata nila — ang dollar remittance power nila — para ipaglaban ang kanilang karapatan.

Tell us what you're thinking...
and oh, if you want a pic to show with your comment, go get a gravatar!