Pag-igib at pag-ibig
Tuwing nagkakaroon ng krisis sa tubig – gaya ngayon – naaalala ko ang kabataan ko sa Navotas na laging lubog sa tubig pero hirap naman sa tubig.
Kapag high tide, lubog ang gitnang bahagi ng kalsada sa lugar namin, at para namang binibiro kami ng tadhana nagkataong sa harap lang iyon ng tinitirahan namin. Napakaraming tubig pero wala kang mainom, ika nga nitong si pareng Coleridge sa tula niyang “Rime of the Ancient Mariner.”
Ewan ko kung marami nang may sariling koneksyon ng tubig doon pero noong panahon ko e kokonti lang ang “panginoong may tubig” sa Navotas at naghahari-harian sila lalo na sa panahong taghirap sa tubig.
Sabagay, balita pa rin ngayon na nagkakainitan sa mga pilahan ng tubig sa Metro Manila. Ibig sabihin, luho pa rin para sa maraming Pinoy ang magkaroon ng tubig na dumadaloy sa sarili nilang gripo.
Dahil ako ang madalas maiwan sa bahay noon, ako ang taga-igib sa pamilya. Katunayan, ito ang sinisisi ko kung bakit ang tatangkad ng mga kapatid ko samantalang ako’y hindi; kahit pa madalas kong lagyan ng margarinang “pampatangkad” ang kanin ko.
Buti na lang at bespren ko ang isang anak ng panginoong maytubig sa amin kaya hindi masyadong malungkot ang pag-iigib. Kung minsan, tinutulungan pa niya akong magtulak ng kariton ng tubig hanggang sa bahay namin habang nagkukwentuhan. Labindalawang containers – tambor kung tawagin – ang laman ng isang kariton at kinakailangang buhatin ito mula sa pinto ng bahay hanggang sa kusina na kinalalagyan ng bakal na dram.
Meron ding poso na libre ang tubig pero superhaba ang pila. Parang sa pelikula na meron ding nag-aaway at nagliligawan sa pila. Sa mga hindi masyadong pamilyar, doon galing ang salitang “pila-balde” na ginagamit na rin ngayon sa ilang bagay lalo na sa di kanais-nais na… k’wan… yung may isang babae at maraming lalaki.
Kung akala n’yo ay sa probinsya lang nangyayari ang pinag-iigib ang babaeng nililigawan, nangyayari rin ito sa syudad lalo na kapag namamayagpag si El Ninyo. Hindi ko naman naranasan iyon pero isang kabarkada ko ang gumawa noon. Kung hindi nga lang LPG ang kalan ng nililiyag niyang chikas e baka pinagsibak din niya ito ng kahoy.
Ang konswelo de bobo na lang sa kahindik-hindik na kwentong ito ng kakulangan sa tubig para sa mga Pinoy, e mas mahirap ang tubig sa ibang parte ng mundo, lalo na sa Africa at sa disyerto ng Saudi Arabia.
Mas mahal ang tubig kesa sa gasolina sa Saudi at naranasan ko na ring mag-igib doon dahil madalas mawalan ng tubig ang tinitirahan naming apartment. Sa tindi ng kakulangan ng tubig doon, madalas magpatawag ang hari ng maramihang pagdarasal para sa ulan.
At hirap ang mga Pinoy na maghanap ng matitirahan doon dahil ayaw ng mga may-ari ng apartment ng “magastos sa tubig.” Araw-araw nga naman kung maligo ang mga Pinoy kaya madaling matuyo ang imbakan nila.
Comments
Tell us what you're thinking...
and oh, if you want a pic to show with your comment, go get a gravatar!