Pananaw ng mga Pilipino sa Sandaigdigan

April 26, 2011 by  
Filed under article, features

21858_324591178307_741943307_3562640_3407739_nni Dante L. Ambrosio – Mula sa ulat ng mga Espanyol, sa mga vocabulario ng mga wika sa Pilipinas na tinipon nila, mula sa mito at epiko ng mga pangkat etniko sa Pilipinas at mula sa mga etnograpikong pag-aaral ng siglo 20, ating masisilip ang pananaw sa sandaigdigan ng mga Pilipinong dinatnan ng mga Espanyol sa arkipelago. Kahit na nagkaroon ito ng mga pagbabago bunga ng pagpasok ng mga elementong Kristiyano at Kanluranin, sa malaking bahagi ay nananatili ang mga batayang sangkap ng pananaw na ito. Sa pinakabuod, masasabing may limang katangian ang sandaigdigan ng mga matatandang Pilipino:

Ang sandaigdigang ito ay:

1. sandaigdigang buo, pisikal at ispiritwal.

2. sandaigdigang binubuo ng  mga sapin at rehiyon.

3. sandaigdigang nalalakbay ng mga diwata, babaylan at ibang nilalang.

4. sandaigdigang maritimo.

5. sandaigdigang tropikal.

Nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan ang mga pananaw, paniniwala at gawi ng mga matandang Pilipino kaugnay ng sandaigdigan. Hindi lamang ito nangangahulugan na nagpapatuloy ang dating sistema ng pamumuhay – pagsasaka, pagkakaingin, at pangingisda, halimbawa – kundi dahil sa hindi pa rin ito lubusang hinahalinhan ng mga bagong pananaw, paniniwala at gawi na kaugnay ng bagong sistemang nakabatay sa industriyalisasyon at makabagong edukasyon. Kung tutuusin, sa pana-panahon, nagkakaroon ng pag-angkop at pag-angkin ang mga Pilipino sa mga bagong pananaw, paniniwala at gawi sa paraang nananatili, sa halip na mahalinhan, ang mga dati. Ilang halimbawa ang tatalakayin para ilinaw ang bagay na ito.

A. Sandaigdigan

Isang kaalamang mahalaga sa paggagap sa kabuuan ng kapaligiran at ang papel dito ng tao ang pananaw sa sandaigdigan. Sa bagay na ito, walang gaanong pagbabago sa batayang pananaw ng mga Pilipino. Maaaring pumaloob ang Islam, Kristiyanismo o modernong agham sa kaisipang Pilipino kaya nagkaroon ng ilang pagbabago sa pananaw na ito. Ngunit sa pinakaubod, nananatili ang matandang pananaw sa sandaigdigan:

Buo ang sandaigdigan ng mga Pilipino; ibig sabihin, magkasama ang mundong pisikal at ispiritwal nito. Kaya kasa-kasama nila sa mundo ang mga di nakikitang nilalang na nakakaapekto sa kanilang pamumuhay. Bunga nito, nagkaroon ng ibayong halaga sa kanilang buhay ang mga babaylan, imam at pari. Kaugnay nito ang kahalagahan din ng mga dasal, ritwal at alay, sa isang panig, at ng mga agimat, anting-anting at putikaan, sa kabila. Kinakailangan ang lahat ng ito upang magkaroon ng mahusay na ugnayan ang mga tao sa mga di nakikitang nilalang at upang magkaroon ng balanse, kung baga, sa kabuuan ng sandaigdigan. Halimbawa, kung dadaan sa masukal na lugar, bakit kailangang magpasintabi ang isang Tagalog: ”Tabi, tabi po!”? Ang isang Ilokano ay nagsasabi ng ”Bari, bari, apo!”.

Sapin-saping daigdig ang isang batayang pananaw ng mga Pilipino sa sandaigdigan. Sa pinakamababa, binubuo ito ng tatlong sapin: ang langit, ang lupa at ang ilalim ng lupa o ang kaitaasan, kalagitnaan at kailaliman. Saklaw ng sandaigdigang ito kapwa ang mga pisikal at ispiritwal na daigdig ng mga matandang Pilipino gaya nang nabanggit.

Naniwala ang mga tao na tinitirhan ang bawat sapin at ang kabuuan ng kapaligiran ng iba’t ibang di nakikitang nilalang at ispirito na tuluy-tuloy na nakikipag-interaksyon sa mga tao. Sa matayog na langit na tila di maabot ng tao pinaniwalaan nilang nananahan si Bathala, Kabunian, Pamulak Manobo o anupamang pangalang itinawag nila sa pinakamataas nilang diyos. Bawat sapin ay may mga “nilalang”, na ang iba’y may kapangyarihan o kakayahang magpalipat-lipat ng sapin – diyos, ispirito, taong makapangyarihan, ordinaryong tao, ordinaryong hayop, higanteng hayop, lamang-lupa at iba’t iba pang uri ng mga nilalang. Sa iba’t ibang paraan, nagkakaugnay at may interaksyon ang mga nilalang na ito hindi lamang sa bawat sapin kundi sa pagitan ng mga sapin-saping daigdig.

Maaaring magsilbing tulay ang balangaw o bahaghari, ang ilog o ang baging sa pagitan ng mga sapin. Maaari ring may pakpak gaya ng mga diwata, may kapangyarihan gaya ng mga diyos at taong mala-diyos at iba pang ispirito o may mga sasakyang gaya ng bangka para makalipat sa ibang sapin. Sa pagitan ng langit at lupa, maaaring tumawid nang diretso papataas sa pamamagitan ng pagsunod sa ilog na patungong bundok o umakyat sa bahaghari na parang hagdan. Maaari ring bumaba sa ilalim ng lupa sa pamamagitan ng butas sa lupa at pangungunyapit sa baging o muling sumunod sa ilog patungo sa pusod ng dagat pababa sa ilalim ng lupa. Maaari ring pumasok sa yungib na may mga lihim na daanan patungo sa kaitaasan o kailaliman. Maaari ring sumakay sa sasakyang dagat na nakakapaglayag hindi lamang sa mga ilog at dagat kundi sa papawirin din.

Sa langit nananahan si Bathala. Sa ilalim naman ng lupa karaniwang napupunta ang mga masasama kasama ang iba pang lamang lupa. Sa kalupaan, nagkalat sa paligid ang mga ispirito, kasama na ang mga anito o namatay na ninuno. Bawat bagay nga sa lupa ay may mga mabuti at masamang ispirito. Nakagawian na, kung gayon, ng mga tao na makisama kapwa sa mabubuti at masasamang ispirito. Iba’t ibang ritwal ang kanilang ginagawa upang patuloy na makuha ang pagpapala ng mabuting ispirito at upang di sila gawan ng masama ng masasamang ispirito.

Bunga ng pagiging kapuluan, may mahalagang papel na ginampanan ang tubig sa kabihasnan ng mga Pilipino gayundin ang puwesto nito sa rehiyong tropikal ng mundo. Sandaigdigan ng kabihasnang maritimo at tropikal ang sandaigdigan ng mga Pilipino kaya matatagpuan ang tubig sa iba’t ibang sapin ng kanilang sandaigdigan gayundin ang iba’t ibang uri ng hayop, puno at halaman na singdami at singyabong mapalupa, mapalangit o mapailalim ng lupa man.

Kung tutuusin, hindi naman nabago ang batayang pananaw na ito sa sandaigdigan ng mga Pilipino gaya nang makikita sa mga halimbawa. Nang pumasok ang Islam, nanatili ang sapin-saping daigdig. Lamang, nagkaroon na ito ng maraming dibisyon – pito na ang sapin ng langit na tinawag na sulga at pito rin ang sapin ng ilalim ng lupa na tinawag na narka. Nanatili sa gitna ang lupa na may ilan ding dibisyon. Hinalinhan man ni Allah si Tuhan nanatili itong huli na pinakamataas na diyos – iisa nga lang si Allah at si Tuhan. Pinakamataas dahil nanatili pa rin ang paniniwala sa iba’t ibang uri ng ispirito na kinabibilangan na ngayon ng mga anghel at ng mga tinatawag na saitan at jinn. Sa huling pagtutuos, makakasama pa rin ng mga mabubuting tao sa paraiso – na dili iba’t ang langit – si Allah.

Hindi rin nabago ang batayang pananaw na ito nang sinakop ng mga Espanyol ang Pilipinas at ginawang Kristiyano ang malaking bahagi nito. Nanatili ang sapin-saping daigdig na binubuo na ng langit, lupa at impiyerno. Gaya nang dati, may mga nilalang pa ring nananahan sa mga ito at patuloy pa ring nag-uugnayan ang mga ito sa iba’t ibang paraan. Hindi rin naman nawala ang mga ispirito – masama at mabuti – sa kalupaan kung kaya nagpatuloy ang mga ritwal gaya ng pagbabasbas ng mga bagong bahay na ginagawa ng mga paring Kristiyano. Pati na ang pananampalataya sa mga likha o larawan (gaya nang naging pagtrato sa Sto. Niño ng Cebu) ay nanatili bagaman mga estatwa na ng mga santo at santa ang humalili sa mga ito.

Pumasok ang modernong siyensya at natutunan ng mga edukado ang modernong larawan ng sandaigdigan. Ngunit bilang mga Muslim, Kristiyano at katutubong Pilipino, bilib pa rin sila sa sapin-saping daigdig. Mayroon pa ring langit, lupa at impiyerno (o ilalim ng lupa). Ngunit kasabay nito ang paniniwala sa unibersong bukas at patuloy na lumalawak, hindi sarado at pirmes gaya ng sapin-saping daigdig. Walang hanggan ang  uniberso, gaya rin naman ng langit. Ang ilalim ng lupa’y  tunaw at mainit na mainit, gaya rin naman ng larawan ng impiyerno. Nawala man ang mga ispirito sa kalupaan, hinalinhan naman ito ng iba’t ibang puwersang pangkalikasan na kailangan pa ring matutunang gagapin at gamitin ng mga tao para sa kanilang pangangailangan. Sa pagkakataong ito, umiiral ang idea ng modernong agham ukol sa sandaigdigan nang sabay sa dating pananaw na ngayo’y sinaniban ng mga pananaw na Muslim at Kristiyano.

Bangang Manunggul

Isa sa mga pinakatampok na artifact ng matandang panahon sa kapuluan ang Bangang Manunggul na natagpuan sa Yungib Manunggul, kuwebang bahagi ng Kompleks ng mga Yungib Tabon sa Lipuun Point, Quezon, Palawan.

Tinatayang nilikha ang Banga sa pagitan ng 890-710 BC na siyang petsang natukoy para sa Yungib. Ibig sabihin, mga 2,150 taon bago pa pumaloob ang Islam sa Mindanao at Sulu o mga 2,550 taon bago pumaloob ang Kristiyanismo sa kapuluan. Mahalaga ang bagay na ito para sa paglalarawan ng paniniwalang ispiritwal ng mga sinaunang Pilipino na mamamalas na buo na 2,000 taon bago pa pumaloob ang Islam at Kristiyanismo sa katutubong kabihasnan.

Kapwa materyal at ispiritwal na katangian ng kabihasnan ng matandang Pilipinas ang ipinapamalas ng Banga. Ilan sa mga ito ang sumusunod:

1. Mataas na ang antas ng kasanayan sa pagpapalayukan nang mga panahong ito. Natagpuan sa Bolobok Rockshelter sa Sanga-sanga, Tawi-tawi ang mga unang ebidensya ng palayok sa kapuluan na tinatayang mga 6000 BC, ang sinasabing simula ng panahong Neolitiko sa kapuluan.

May kalakihan ang Bangang Manunggul sa mga karaniwang banga. Kinulayan ito ng hematite (iron oxide) kaya mamula-mula. May desensyo itong tila titik-S na tila mga alon, desenyong laganap nang mga panahong ito sa Timogsilangang Asya. Bagay na nagpapahiwatig naman ng ugnay ng kapuluan sa mga bayan ng rehiyon.

Mas mahalaga, may lilok sa takip ng Banga na bangkang may sakay na dalawang tao. Hindi lamang pagpapalayok kundi pati na paglililok at pagdedesenyo ang dalawa pang kasanayang itinatanghal ng Banga. At hindi lamang palayok, kundi pati na bangkang may sagwan at layag, ang likhang gamit noong araw na ipinapamalas ng banga.

Mangyari pang ipinapahiwatig ng mga ito ang mga kaalamang kinakailangan na taglay ng mga matatandang tao para makalikha ng banga, bangka, sagwan at layag. Halimbawa ang kaalaman ukol sa mga angkop na materyales na gagamitin at kung saan makukuha ang mga ito. O ang mga kaalaman at kasanayan sa paglikha mismo ng mga kasangkapang kailangan sa paggawa. O ang mga kaalaman sa pagpoproseso ng mga materyales at paglikha ng mga kundisyon para magawa ang mga ito lalo na ang banga na kailangan pang lutuin upang maging matibay.

Anupa’t malinaw na itinatanghal ng Bangang Manunggul ang mga kaalaman ng mga sinaunang tao sa kapuluan sa paggawa at paggamit ng banga at bangka gayundin ng mga kasanayan sa pagpapalayukan, pagbabangka, paglililok at pagdedesenyo.

2. Ipinahihiwatig ng banga ang praktis kaugnay ng sinaunang paraan ng paglilibing na ipinapamalas din ng mga sumunod na paghuhukay at ulat etnograpiya. Sa kaso ng Bangang Manunggul, inilibing muna ang namayapa bago muling hinuhukay at nililinis ang buto saka inilalagay sa loob ng banga. Inilagak naman ang banga sa loob ng yungib na nasa isa sa pinakamataas na bahagi ng mga Yungib Tabon, isang pagpapamalas ng kahalagahan at sagradong pananaw sa mga yungib ng mga sinaunang nanahan sa kapuluan.

3.  Ipinamamalas din ng Bangang Manunggul ang ilang paniniwalang ispiritwal ng mga sinaunang Pilipino na sinusugan ng ibang mga paghuhukay at ulat etnograpiya sa Palawan at sa ibang bahagi ng kapuluan. Ilang pananaw ang kagyat na mababanggit:

a. May kaluluwa na ang mga matandang Pilipino mahigit 2,000 pa bago pumaloob ang Islam at Kristiyanismo sa kapuluan. Sinasabing ang tao sa unahan ng bangka sa takip ng Bangang Manunggul ang kaluluwa ng namayapa. Ang dalawang kamay nito ay magkakrus sa harap ng dibdib at may tali ito sa ulo hanggang ilalim ng baba na siya pa ring kaugalian hanggang sa kasalukuyan.

b. May sumusundo o naghahatid sa kaluluwa sa huling hantungan at hindi ito isang nakatalukbong na kalansay na may hawak na karit kundi isang diwata o anito na sumasagwan sa isang bangka. Ito ang ikalawang tao  sa takip ng Banga. Sa mga taga-Panay, ang sumusundo sa kaluluwa ay ang diwatang si Maguayen sakay ng kanyang barangay samantalang sa mga Tagbanwa ng Palawan mismo, ang sumusundo ay si Sumurutun sakay ng mas malaking adyong dahil maraming kaluluwang namatay sa epidemya ang kanyang sinusundo.

c. Bangka ang ginagamit na panundo dahil ito na ang sasakyan sa paglalakbay na gamit noong araw. Mapapansin na ang panolong o unahan ng bangka ay may mukha. Bangkang-kaluluwa ang itinawag dito ng mga taga-National Museum. Gaya ng nabanggit, barangay ang gamit ni Maguayen sa paglalakbay sa ilog patungo sa ilalim ng lupa samantalang adyong naman ang gamit ni Sumurutun na naglalakbay sa hangin patungo sa pagitan ng langit at mga ulap na hantungan ng mga namatay sa epidemya.

d. May kabilang buhay na patutunguhan ang mga kaluluwa ng mga namayapa. Bagaman nasa mga yungib ang mga labi ng mga namayapa, ang kanilang kaluluwa ay nagtutungo o inihahatid sa ibang lugar sa kabilang buhay. Maaaring ito ay nasa kaitaasan, nasa mga matataas na bundok sa kalupaan gaya ng Madyaas ng Panay o kabundukan ng Kalimantan sa Borneo o nasa kailaliman ng lupa gaya nang sa mga Bagobo. Saan man sila mapunta, ang mga kaluluwa ay may sariling buhay sa kabilang buhay.

e. Sa kabuuan, kung pagsasamahin ang mga ipinahihiwatig ng Bangang Manunggul, ng mga dokumentong sinulat ng mga Espanyol at iba pang ulat etnograpiya, matitiyak na may sariling pananaw ang mga matandang Pilipino sa kapaligiran at sa sandaigdigan. Isa itong mundong binubuo ng kaitaasan kung saan naroroon ang langit, ang kalagitnaan o kalupaan kung saan nakatira ang mga tao at ang kailaliman kung saan naman nananahan din ang ibang nilalang at isa nga sa mga rehiyong pinatutunguhan ng kaluluwa.

Mga Sanggunian

1.  Ambrosio, Dante L. ”Balatik: Kalangitan Bilang Isang Saligan ng Kabihasnang

Pilipino,” Disertasyon sa PhD Kasaysayan, UP-Diliman, 2003.

2. Fox, Robert B. The Tabon Caves. Manila: National Museum, 1970.

3. Jocano, F. Landa. Sulod Society: A Study of Kinship and Social Organization of a

Mountain People of Central Panay. Quezon City: UP Press, 1968.

4. Fox, Robert B. Religion and Society among the Tagbanuwa of Palawan Island,

Philippines. Manila: National Museum, 1982.

Share

Comments

2 Comments on "Pananaw ng mga Pilipino sa Sandaigdigan"

  1. prescilla on Wed, 27th Apr 2011 8:43 AM 

    Lubhang napakasagrado talaga ang pagtingin ng sinaunang Pilipino sa buhay sa lupa. Hindi naman siya nawala kaya lang siya ay pinabulaanan ng mga hindi naniniwala sa ganitong ‘ispiritu’ ng buhay. Sinamangpalad, sila rin yung mga nanunungkulan o nasa kapangyarihan kaya siguro napawalang bisa ang mga naunang pinahahalagahan natin. Makabubuti sigurong mapanatili ang pagpapahalaga sa ispiritu ng buhay sa malawakang lipunan, kung paano ay di ko pa alam sa ngayon. Sa palagay ko ito ay lubhang makakatulong upang maging mas mapayapa ang daigdig…

  2. admin on Wed, 27th Apr 2011 1:21 PM 

    Walang aayaw sa kapayapaan. Unibersal itong pangarap ng mga lipunan. Pinasukan nga lang ng kumpetisyon ng mga lipunang ayaw magpatalo sa isa’t isa. Sa tunggaliang ito nagkakasamaan ng loob, nagkakasakitan at nagkakamatayan. Ang pagkagahaman at paglagpas sa mga itinatakdang pangangailangan sa sarili ang puno at dulo ng pagsakop ng mga nangongolonyang bansa sa Pilipinas. Gayunpaman, naigigiit pa rin ng mga Pilipino sa nakababang saray ng lipunan ang tunay na kakanyahan sa sarili kung kaya nabubuhay pa ang mga likas na paniniwala sa maraming aspekto ng buhay – kahit may impluwensya ang dayuhan sa panlabas na anyo. O sabi nga ng maraming historyador, “inangkin” ng mga Pilipino ang anumang mapapakinabangan sa dayuhang impluwensya at ipinasok ito sa sariling kakanyahan. Idinagdag sa kung anuman ang nariyan na sa mahabang panahon.

Tell us what you're thinking...
and oh, if you want a pic to show with your comment, go get a gravatar!





Copy Protected by Chetan's WP-Copyprotect.