Paroo’t Parito ni Hernan Melencio
Pasko at pag-aalburoto
SA nobela ni Joey Rizal na Noli Me Tangere (Huwag Mo Akong Hipuan), namatay ang mahahalagang tauhan sa bisperas ng Pasko o Pasko mismo. May dahilan kung bakit ito ginawa ni Doc Joey: Masaya ang buong kapuluan kapag Pasko ang at ang isang trahedyang mangyayari sa panahong ito e mas masakit sa kalooban, kaya mas madrama.
Isipin din na hindi pa uso ang cellphone noon, pati iPod, facebook, twitter, ang buong Internet, at kahit nga ang nakakaburyong na radyo at telebisyon. Nakatuon noon nang husto ang atensyon ng buong sangkakristiyanuhan sa Pasko at sa dulot nitong ligaya na nakukuha sa ligawan sa simbahan, pagkain ng bibingka o puto bumbong, pamamasyal sa Bagumbayan, paglalaro ng piko o patintero sa liwanag ng buwan, pagpapalitan ng regalo, pagdalaw sa mga ninong at ninang, atbpa.
Tapos mamamatay ang mga bida sa panahong dapat nagsasaya ang lahat. O di ba mas masakit iyon? Yun ang gustong makuhang epekto ni Ka Joey sa nobela niya.
At nakuha naman niya ang epektong ito, nagalit nang todo-todo ang mga kontrabidang prayle at ipinagbawal ang pagbabasa nito. Hindi rin sinasadya, nagawa ni Ka Joey na pag-alabin ang mga dibdib ng mga kabayan – kasama na sina Andy Bonifacio at Emil Aguinaldo – para sila maghimagsik.
Ganoon sila noon, e paano naman tayo ngayon? Sa ngayon, maydagdag pa ring sakit ang trahedya kapag nangyayari ito sa Kapaskuhan. Nariyan ang masaker ng 57 katao sa Maguindanao, kabilang ang 30 kasama natin sa hanapbuhay; ang pag-aalburoto ng Mayon na nagtulak para sapilitang palayasin ang mga nasa paligid nito; ang hindi pagbibigay ng Christmas bonus sa mga empleyado ng gobyerno, lalo na sa mga guro; at ang pinakamalaking delubyo sa lahat, ang pananatili ng administrasyong Arroyo.
Pero konting sakit na lang ang dagdag dahil nasanay na tayo sa trahedya at namihasa naman ang mga kontrabida sa paglikha nito kaya parang ordinaryo na rin lang na magkahalong sakit at saya ang dinaranas natin tuwing Pasko.
At kung matagal ka ring natira sa Saudi Arabia, lalong magiging ordinaryong araw lang sa iyo ang Pasko. Mabuti-buti nga ngayon na Biyernes ang Pasko dahil Biyernes ang pinaka-“Linggo” ng mga Muslim. Ito ang araw ng pahinga nila kaya walang pasok sa mga opisina ng gobyerno at maraming pribadong kumpanya.
Kaya malayang makagagala si Kabayan sa mga mall, pasyalan at bahay ng mga kaibigan para kumain ng pansit, spaghetti o shawarma.
Bisperas ngayon ng Pasko at hanggang ngayon e umaasa pa rin ang mga guro sa pampublikong paaralan na makakahabol sa noche buena ang bonus na ipinangako sa kanila. Dapat e noon pa inihanda ng mga hinayupak na pinunong may hawak ng pitaka ng gobyerno ang pera nila. Ano kaya ang hinihintay nila, Pasko?
xamae on Thu, 14th Jan 2010 3:23 PM
hahaha.aux tong ginawa mong site.ü kakaaliw
hindi boring magbasa ng history kung ganito
ang babasahin mo.
saludo ako sau men
astiiiiig!
Dencio on Tue, 19th Jan 2010 12:31 PM
Ito na pala ang pinagkakaabalahan mo ngayon, kumpare ko. (hope you still remember me) Kumusta sa iyong maybahay at mga anak. It’s good to reconnect with the past…at tiempo namang history pa ang iyong isinusulat ngayon! Hope to get an email from you soon!
admin on Wed, 20th Jan 2010 2:48 PM
Hello, Dennis. Glo here. I forwarded your message to my husband. Actually, katabi ko lang siya ngayon. Expect an email from him. Busy lang dahil tatlo ang trabahong pinagsasabay-sabay plus meron pang volunteer work na philippinehistory.ph.
Thanks for reconnecting.