May bukas pa
MARAMING taon na ang nakararaan, isang kongresista – na marahil ay laging iniindiyan ng kausap sa mga tipanan – ang nagpanukalang gawing “synchronized” o magkapanabay ang oras sa buong kapuluan.
Nakalimutan ko na kung sino siya o kung ano ang kinahinatnan ng panukala niya (mas malamang sa wala), pero sinisi niya ang pag-iral ng anarkiya sa oras sa pangit na reputasyon ng “Filipino time.”
Iba’t-ibang pamantayan ang ginagamit ng mga Pinoy sa kanilang appointments at nagkakaroon ng kaguluhan dahil may mga relong atrasado at may adelantado. Walang relong nagsasabi ng eksaktong oras – maliban sa sira o patay na relos.
Kung natupad ang panukala, iisang ahensiya lang ng gobyerno ang magtatakda ng oras at ito ang susundin ng lahat, mula Malakanyang hanggang barangay. At dalawang beses isang taon, sabay-sabay nating itatama ang mga orasan. Pati istasyon ng radyo at telebisyon ay susunod dito.
Kaya wala na sanang dahilan para sabihing: “Oy hindi pa ako huli, ha? Alas-dos na nga sa ‘yo pero ala-una pa lang sa relos ko.”
Kapag oras mo na’y oras mo na talaga.
Pero palagay ko’y hindi pa rin malulutas ng pagsasabatas ng orasan ang pagiging atrasado ng Filipino time, na ang ugat ay kultural o pag-uugali hindi ang pagkakaiba sa oras. Namihasa na tayo na ‘pag sinabing alas-diyes, alas-onse iyon sa tunay na buhay. At ang mga programa ay laging may pataan na oras para pagbigyan ang ganitong sistema ng Pinoy.
Ang ugaling ito’y hindi naman taal na Pinoy. Ito’y minana natin sa mga Kastila na mahilig magsiyesta mula tanghali hanggang dapithapon. Ginaya ito ng mga ninuno nating sosyal at inakalang magandang halimbawa sa mga kabataan.
Pero may pag-asa pa naman siguro tayo, merong mas malala sa atin: ang mga Arabo. Kung mahilig tayo sa “mamaya na”, ang mga Arabo ay mahilig sa “bukra insha’la” (o bukas na). Ang orihinal nito ay “bukra insha Allah” (o bukas kapag pinag-adya ng Diyos) pero naging “bukra insha’la” o simpleng “inshala” na lang ngayon.
Imagine, hindi lang bukas, kundi bukas “kapag pinahintulutan ng Diyos!” Jos ko po, e kung hindi pahintulutan ni Allah,e di ’ala ka nang magagawa? At ganyan nga ang nangyayari sa mga Kabayang naniningil ng sweldo at benepisyo sa amo. Sa Saudi, karaniwan lang sa mga opisina ng gobyerno ang pipila ka ng ilang oras at pagdating sa iyo’y sasabihing “bukra inshala,” sabay sara ng bintana.
At akala mo ang “bukas” nila ay talagang bukas? Manigas ka. Ang “bukas” nila ay pwedeng sa isang linggo, sa isang buwan o sa isang taon!
Ang isang bagay lang na mabilis sila’y sa pagsentensiya at pagpugot ng ulo ng mga kriminal. Luma ang sistema ng hustisya sa Pinas. Kaya kung babagal-bagal ang gobyernong Pinoy sa pag-aapela para sa mga nahatulang Pinoy, maiiwan sila sa pansitan.
Syempre, hindi lahat ng Arabo e ganun, tulad din ng hindi lahat ng Pinoy e huling dumarating sa usapan. Ikinahihiya rin nila ang ganoong kaugalian at gusto rin nilang magbago. Sana tayo rin.
Comments
Tell us what you're thinking...
and oh, if you want a pic to show with your comment, go get a gravatar!