Konting hingi

January 28, 2010 by admin  
Filed under blogs

Hernan-weblog NATUTULOG akong nakaupo sa harap ng computer nang bigla akong magising dahil narinig ko ang boses ng misis ko.

“Galing sa ‘konting hingi’ ang salitang ‘tingi’ at dito lang sa Pilipinas merong mga tingi-tingi,” anya.

“A, ganun ba?” ikako na medyo inaantok pa. Historian ang misis ko kaya alam kong alam niya ang sinasabi niya. Sabagay, naniniwala naman akong hango nga sa “kaunting hingi” ang salitang “tingi.” Mula sa pagiging libreng hingi, nagkaroon ito ng bayad at naging tingi-tingi. At ngayo’y laganap na nga sa buong bansa at nanuot na sa ating kultura sa porma ng mga produktong nakalagay sa plastic na kung tawagin sa Ingles e “sachet” (bigkas: sa-shey).

At naalala ko ito nang mabasa ko ang reklamo ni Sen. Mar Roxas na tingi-tingi raw ang solusyon ng Malakanyang sa problema sa edukasyon. Hindi ko masyadong maintindihan kung bakit “tingi” ang tawag niya dito gayong ang tinutukoy niya e ang maliit na pondo para sa edukasyon at pawardi-wardi o sabay-sabay na pagtutok sa samu’t-saring problema.

Actually, ang solusyong gusto niyang gawin ang pwedeng tawaging tingi-tingi dahil gusto niyang tutukan muna ang mga problema sa grade one sa buong taon, susunod ang grade two ng isa ring taon, hanggang umabot sa grade six. Lutas anya ang problema sa ikaanim na taon. Hindi ko masasabing mali ang solusyong ito pero ito ang talagang dapat tawaging tingi-tingi.

Ang tingi, gaya nga ng sinabi ng misis ko e nagmula sa sinaunang kaugalian ng mga Pinoy na humingi ng maliit na paninda gaya ng ilang pirasong sili, ilang butil ng bawang, sangkurot na asin, atbpa. kasabay ng mga binibili. Konting hingi na kalauna’y naging tingi o maliliit na kantidad ng paninda na may bayad na.

Masasabing patay na ang kaugalian ng mga Pinoy na manghingi ng konti sa paninda, pero nang mapadpad ako sa Saudi, nagulat akong umiiral pa rin ito roon – kahit unti-unti na ring nawawala sa uso. Kapag namamalengke kami roon, nakakahingi kami ng sili, bawang, asin at kung anu-ano pa. Kung tawagin naman ito roon e “bakshis.” Doon kumapal ang mukha ko. Wala kasing Pinoy doon na hindi humihingi ng bakshis kapag namimili sa palengke.

Nadala ko pa nga rito ang pagtawad-tawad sa pamimili, kahit ako mismo e nagugulat sa sarili.
Pero alam kong maglalaho na rin ang ugaling ito sa Saudi Arabia dahil sa paglaganap ng mga supermarket doon na walang tawad-tawad. Nagkakaroon pa rin ng tawaran sa mga tindahan sa mall pero dumarami na rin ang mga ayaw magpatawad – lalo na kung walang kasalanan ang bumibili.

Dito sa Pinas, piso na ang isang piraso ng siling labuyo at mamumulubi ang tindera kapag mamigay pa siya. Dahil sa mahal ng mga bilihin kaya nauso ang tingi-tingi at meron nito kahit sa supermarket sa porma ng maliliit na sachet. At mukhang dito nga lang sa Pinas may ganitong kultura ng tingi-tingi.

Share
Enter Google AdSense Code Here

Comments

Tell us what you're thinking...
and oh, if you want a pic to show with your comment, go get a gravatar!