Sa ngalan ng ama
ARAW nila noong Linggo. Sila ang mga tinatawag na “haligi ng tahanan” na madalas pumundi sa “ilaw ng tahanan.”
Opo, mga ginang at ginoo, sila ang mga tatay na lahat tayo’y mayroon, kilala man natin o hindi, patay man o buhay, mabait man o salbahe.
Ang tatay ko mismo e hindi ko masyadong kilala dahil bihira siyang umuwi bilang seaman. Pero kahit ganoon, nagpapasalamat pa rin ako sa kanya dahil nabuhay ako sa mundong ito. Ang natatandaan ko sa kanya e tahimik lamang siya at bihirang magsalita. Kapag umuuwi para magbakasyon e madalas rin siyang nasa labas ng bahay kasama ng mga kaibigan. Sa kabila noon, malakas pa rin ang impluwensiya niya sa akin. Hindi siya nakatuntong ng hayskul pero nag-enrol siya sa isang correspondence school noong may-asawa na siya at nagtatrabaho, at nagtapos bilang inhinyero. Kahit hindi niya sinasabi sa akin, sa halimbawa niya natutunan kong walang imposible sa planetang ito na ating ginagalawan.
Namatay siya noong Pebrero 2001 sa kanser sa baga. Maging ito’y isa ring halimbawa sa aming magkakapatid. Agad tumigil ang tatlo kong kapatid sa paninigarilyo dahil sa takot na mangyari sa kanila ang sinapit ng tatay namin. Ako naman at ang isa ko pang kapatid e hindi nakaranas magbisyo ng yosi.
Ako mismo e tatay na rin naman at mahal ako ng mga anak ko; alam ko dahil binati rin nila ako kahapon ng “Happy Fathers’ Day.”
Medyo nakakaasiwa lamang itong Fathers’ Day na minana natin sa mga Amerikano. Pista opisyal ito sa Estados Unidos na unang ipinagdiwang doon eksaktong 100 taon na simula kahapon. Medyo nauna lamang maging pista opisyal ang Mothers’ Day doon dahil mas kawawa naman talaga ang mga babae noong unang panahon; nakatali sila sa mga gawaing bahay at nagtatrabaho nang walang sweldo.
Pero sa kasalukuyang panahon, hindi na masyadong nagkakalayo ang papel ng mga tatay at nanay. Marami na rin kasing babae ang nagtatrabaho sa labas – lalo na nang mauso ang pagpapakabayani sa ibayong dagat – at nagiging papel na rin ng maraming tatay ngayon ang maglaba, mamalantsa, maghugas ng pinggan at mag-alaga ng bata. Mga gawaing pambahay na hindi na lamang eksklusibong teritoryo ng mga bebang ngayon. Ang pagiging “housekeeper” e “okupasyon” na rin ng mga macho gwapito.
Nagrereklamo tayo sa “komersyalisasyon” ng mga nakaugaliang pagdiriwang, gaya ng Pasko at Bagong Taon. Pero kumbaga sa adik, kailangan natin ng “high” para maglibang at magkaroon ng dahilan para gumasta at magsaya. Kaya nga naging popular din ang mga okasyong hindi pista opisyal sa atin, gaya ng Valentine’s Day, Halloween at ito ngang Mothers’ Day at Fathers’ Day.
May katwiran ang ilan nating kababayan na pagdudahan ang mga kapitalista sa bansang ito sa pagdiriwang ng paparami at paparami pang mga okasyon para samantalahin ang pagiging emo o maramdamin ng mga Pinoy para sila pagkakitaan.
Hindi naman ako nagrereklamo. Basta ‘wag lang akong gumastos nang malaki e OK lang ’yan sa akin.
Comments
Tell us what you're thinking...
and oh, if you want a pic to show with your comment, go get a gravatar!