Sama-samang Pagkilos
Ito ang tawag noong simula ng batas militar sa mga kilos-protesta laban sa diktadura at sa mga pagkilos para sa pagbabago sa panahon ng martial law saan man ginagawa ang mga ito – sa mga paaralan, sa mga pabrika, sa mga komunidad, sa mga tanggapan ng gobyerno gaya ng Department of Labor and Employment (DOLE) o sa mga lansangan ng Metro Manila.
Anuman ang gawaing magsusulong sa kilusang antidiktadura at sa kilusang pambansa-demokratiko noon, mapasentro man ng lungsod o maging sa mga liblib na lugar sa kanayunan, sama-samang pagkilos ng taumbayan ang itinaguyod ng mga aktibista mula sa mga simpleng pagpupulong hanggang sa mga petisyon o pagpirma sa mga kahilingan at delegasyon o maramihang pagtungo sa mga opisina ng gobyerno; mula sa mga paglilinis ng mga kalye hanggang sa misa-prusisyon sa mga komunidad at mga rali- demonstrasyon at mga martsa at lakbayan sa mga punong-lungsod at bayan.
Ayon ito sa ilang pundamental na paniniwala. Di kakayanin ng iilan ang pagpapabagsak sa diktadura at ang paglutas sa mga suliranin ng bayan kaya kailangang palayain at umasa sa nagkakaisang lakas at mapanlikhang kakayahan ng masa sa pagharap sa marahas at, sa unang malas, ay nakakatakot na halimaw na batas militar at kailangan ding pandayin at sumandig sa matibay na pagkakaisa ng iba’t ibang sektor ng lipunan na naghahangad ng pagbabago.
Kung tutuusin, may malalim na salalayang pangkultura naman ang mga paniniwalang ito. Matatagpuan ito sa pagbabayanihan ng mga Pinoy. Hindi banyaga sa mga Pinoy ang pagtututulungán at pagdadadamayán sa pagharap sa anumang hamon, sa anumang suliranin, sa anumang gawain. Unti-unti ngang pinalaya ang lakas at kakayahang ito at pinaunlad ang pagkakaisang ito sa pamamagitan ng paglulunsad ng iba’t ibang anyo ng sama-samang pagkilos sa konteksto ng batas militar mula 1972 hanggang sa umabot ito sa rurok noong EDSA 1 ng 1986.
Di naman nawala o nalimot ang aral na ito makaraan ang EDSA 1. Kung tutuusin, isa sa mga naging buzzword pagkatapos ng EDSA 1 na hinango sa aral na ito ang nilalaman ng salitang Inggles na “empowerment.” Iyon nga lamang, di gaya nang panahon ng paglaban sa diktadura, di naisalin sa realidad ang salitang “empowerment”.
Sa halip na palayain ang mapanlikhang lakas at kakayahan ng masa at ipagpatuloy, palalimin, palawakin at paunlarin ang sama-samang pagkilos ng taumbayan, di ito minabuti ng mga may hawak ng kapangyarihan sa lipunang Pilipino noon lalo’t ginagamit ito laban sa patuloy nilang pamamayagpag. Kaya kahit wala nang batas militar, patuloy pa ring tinugis, ikinulong at pinatay ang mga nagtaguyod nito laluna iyong mga nasa probinsya at kanayunan.
Ngayong may iniupong bagong administrasyon, puno ng pag-asa ang mga naghahangad ng pagbabago. Gayunman, sila man ay naniniwalang di kakayanin ng isa o ng ilang tao na isakatuparan ang mga kinakailangang pagbabago. Kung di man lubos na napalaya ang mapanlikhang lakas at kakayahan ng masa at di napaunlad ang sama-sama nilang pagkilos pagkatapos ng EDSA 1, ngayon marahil ang panahong maaaring isakatuparan ito para lubos na mapasakamay nila ang kinabukasan at kapalaran ng bayan na sila rin naman ang bumubuo.
Pagpapaunlad man ito sa ekonomiya o kabuhayan ng bansa, pagharap man ito sa mga kalamidad gaya ng pagbaha at iba pang suliraning pangkapaligiran, pagtugon man ito sa problema ng edukasyon o ng kalusugan, di kukulangin ang bayan ng mangunguna sa kanila sa bawat larangan. Sa bawat panahon at pagkakataon, sa hanay din ng taumbayan lumitaw at pumapaibabaw ang mga nanguna sa kanila.
Ngayon pa man, pinapasigla na ng kanilang pangunguna ang iba’t ibang larangan na nangangailangan ng pagtugon at ng pagbabago. Kung ito man ay maisakatuparan ngayon, mapapairal din sa realidad ang isa pang buzzword makaraan ang EDSA 1. Nasa wikang Inggles din ito – ang idea ng “democratic space”. Ibig sabihin, di lamang iilan ang magtatamasa, makakalahok o o makikinabang sa demokrasya kundi ang mga mamamayan mismo. Lalalim pa ang pagkaunawa sa demokrasya: na ito ay di simpleng pagboto lamang sa panahon ng eleksyon lundi tuwirang paglahok at pagkilos ng taumbayan sa mga usaping mahalaga sa buong bayan.
Tuwing magpapalit ng liderato ng pamahalaan, isa ring naging buzzword ang salitang “reconciliation” lalo na ngayong mayroong Aquino, Macapagal-Arroyo, Estrada at Marcos sa gobyerno.
Kahit na humaba ito nang kaunti at naging “no reconciliation without justice,” di naman problema sa mga naging lider ng bansa ang pagbabati. Makaraan ang Rebolusyong 1896, ang Digmaang Pilipino-Amerikano, ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang Batas Militar, lagi namang nagbabati ang mga naging lider ng bansa o ang lideratong elite na nahati sa bawat panahong nabanggit. Ang hindi nila binabati ay iyong mga patuloy na nakipaglaban para sa interes ng bayan na patuloy na tinugis, ikinulong at pinatay nang sila na ang nasa poder.
Sakali mang palayain ang mapanlikhang kakayahan ng taumbayan at pasiglahin ang kanilang sama-samang pagkilos sa pagharap sa mga suliranin ng bansa, baka dito pa magkaroon din ng katuparan ang salitang “reconciliation” lalo’t ang taumbayan naman talaga ang initsapuwera ng lideratong elite di lamang sa pagtatamasa ng tunay na demokrasya kundi ng pakinabang din sa anumang kaunlarang pangkabuhayan na nakamit ng bansa.
Mabuti na lamang at pasensyoso ang taumbayan. Pero sa paglipas ng panahon, di naman humahaba ang pisi nila. Ang totoo, natatakot sa mapanlikha nilang lakas at kakayahan gayundin sa kanilang sama-samang pagkilos ang mga naghahari-harian sa lipunang Pilipino. Kaya nga patuloy silang tinutugis, sinusupil, pinapatay. Ngunit handa na bang makipagbati ang lideratong elite ng mga naghahari-harian sa bansa na makipagbati sa taumbayan? Kung handa at kaya na at ito ay isasakatuparan, masusumpungan na rin marahil ang katuparan ang minimithing kapayapaan at kaunlaran para sa bansa at bayan.
Comments
Tell us what you're thinking...
and oh, if you want a pic to show with your comment, go get a gravatar!