Historian finds Philippine ancient civilization in the sky

January 22, 2012 by  
Filed under article, features

balatikBalatik: Etnoastronomiya

Kalangitan sa Kabihasnang Pilipino

Book by Dante L. Ambrosio, 2010

The University of the Philippines Press

279 pages

What has yet to be written on the pages of Philippine history can now be found in Dante Ambrosio’s book Balatik, his doctoral dissertation about ethnoastronomy, fluently written in Tagalog and dedicated to unraveling and retracing back the stars’ and constellations’ pre-colonial names. As he pursued the search, he discovered that the Philipines’ ancient civilization can be read in the sky.

Kinuha ni Ambrosio ang pamagat ng kanyang aklat mula sa sa salitang balatik, patibong na panghuli sa mga baboy-damo, na siyang itinawag din ng mga sinaunang Pilipino sa mga grupo ng bituing may hugis balatik sa langit.  Salitang ipinakilala ng may akda ng aklat ang ethnoastronomiya, “pag-aaral ng pananaw, paniniwala, kaalaman at gawi ng iba’t ibang pangkat ng mga tao ukol sa astronomiyang nakapaloob sa kanilang kabihasnan.”

Tuon ng aklat ang ugnayan ng likas na kapaligiran ng tao at ng kanyang kabihasnan. Natuklasan ni Ambrosio na may sarili palang katawagan ang mga sinaunang Pilipino sa mga bituin labas sa nakamulatang Kristiyanong katawagan tulad ng Tatlong Maria, Supot ni Hudas o Krus na Bituin. Tinatawag nila ang mga konstelasyon o talampad batay sa mga kagamitan ng mga sinaunang tao sa pagkakaingin, pangangaso, pandaragat at pangingisda. Ipinapaliwanag niya sa aklat kung paanong naging saligan ng kamalayan ng mga Pilipino ang kalangitan sa pang-araw-araw na buhay.

Naninindigan ang may akdang nanatiling buhay ang kamalayang Pilipino, katutubong pananaw at paniniwala hinggil sa kalangitan kahit na pumasok ang mga impluwensya ng Kristiyanismo-Espanyol at Islam-Arabo sa bansa. Sinaliksik ni Ambrosio ang wikang Austronesyano at nakita niya ang pagkakahawig ng mga tawag ng mga katutubong Pilipino sa buwan, araw, mga bituin at iba pang nakikita sa kalangitan at nararamdaman sa kapaligiran katulad ng hangin.

Malawak niyang tinalakay sa kanyang aklat ang mga mito, epiko, at kuwentong-bayan patungkol sa sandaigdigan mula Luzon, Bisayas hanggang Mindanaw. Ayon sa kanya, tahanan ang daigdig ng mga sinauna at kasalukuyang Pilipino, kasama ang mga diwata, anito at ispiritu. May kanya-kanyang lugar ang mga ito at iginagalang ng mga tao ang iba pang buhay na nananahan sa daigdig, kasama ang mga bagay na may kaugnayan sa mga di nakikitang nilalang sa daigdig.

Sanggunian ng mga sinaunang Pilipino ang kalangitan – pangunahin ang buwan at mga bituin – sa pagtatakda ng pagtatanim, pangingisda, pagkakaingin at mga ritwal ng kasal o pagtatayo ng bahay. Pagpasok ng Kristiyanismo, ipinasok ng mga Espanyol na sanggunian ang kalendaryong Gregorian, ayon pa sa kanya. Mas sumikat ang araw at kalaunan, naging simbolo itong naipinta sa mga bandila ng Katipunan, mga rebolusyonaryo at milyenaryang kilusan.  Gayunpaman, nanatili ang imahe ng mga bituin sa bandilang Pilipino.

Sa paglulunsad ng Rebolusyong Pilipino, ipinasok ni Artemio Ricarte ang “Pilipinisasyon ng langit” kung saan pinangalanan niyang muli ang mga bituin sa pangalan ng mga bayani katulad ng Gat Tamblot (Cassiopeia), Utak Hasiato (Palaris), Gat Maypag-asa (Big Dipper), Pingkian (Small Dipper), Gat Rizal (Vega) at maraming iba pa. Tinawag niya ring “bitumpok” (bituin at tumpok)  ang konstelasyon, “puyanggulo” ang zenith at “guhitdagat” ang horizon.

Inaasahan ng awtor na simula ng pag-uugnay ng pangkalahatang kaalaman at kaalamang bayan hinggil sa kalangitan ang kanyang isinagawang pananaliksik at pag-aaral.  Nagtagumpay si Ambrosio: nagawa niyang maipakita ang lawak at lalim ng kaalamang astronomiko ng mga grupong etniko sa Pilipinas. Nagawa niya ring maugat ang mga kaalamang bayang ito mula sa kabihasnang pre-Hispaniko at maiugnay sa mga pagbabagong nagaganap sa kasaysayan.

Share

Copy Protected by Chetans WP-Copyprotect.