Mga pagmumuni-muni tungkol sa wika

July 30, 2016 by  
Filed under blogs

Ni Hernan S. Melencio

Natural na lamang sa dyaryo, radyo, TV at kahit sa sosyal na midya, este, social media, ang paggamit ng salitang Ingles. Katunayan, dahil sa araw-araw itong nakikita at naririnig, halos wala na ritong pumapansin.

Pero minsan, noong nasa hayskul pa ako at nanonood ng balita (na hindi ginagawa ng isang tinedyer na nasa normal na pag-iisip), bigla akong napahinto. Isang opisyal ng gobyerno ang iniinterbyu at nagsasalita ng Ingles.

“Teka muna,” ‘kako. “Naka-amerkana nga ang taong ‘to, pero pango siya at Pilipinong-Pilipino… bakit siya nag-i-Ingles? Sino ba ang akala niyang nakikinig sa kanya? At lahat silang nagsasalita ay ganun.”

Naisip ko, kung halimbawang nasa Amerika ako at ang mapapanood ko sa TV ay mga taong pawang nagsasalita ng French, aakalain kong nasa France ako at wala sa Amerika. Nasa Pilipinas ba ako? Bakit puro Ingles ang salita sa TV at wala silang kagatul-gatol o kahihiyan man lang? Bakit kailangang mag-Ingles? Bakit kapag lumabas naman ako ng bahay, iba ang salita? Ano ba ang normal, yung salita sa TV o yung salita ng mga kapitbahay namin?

Kinilabutan ako noon at ipinangako sa sariling hindi magsasalita ng Ingles kung hindi lubhang kailangan. Para sa akin, ang wika ay isang instrumento ng pagkakaunawaan; ng komunikasyon. At walang saysay ang sinusulat o sinasabi mo kung hindi ka naiintindihan ng mga taong gusto mong magbasa o makinig sa iyo. Noon pa ma’y mahilig na akong magsulat ng tula at kwento, pero walang problema dahil Filipino naman ang gamit ko. Naging problema lamang iyon nang pagkaraan ng maraming taon ay sinubukan kong gawing hanapbuhay ang pagsusulat, na siyang tanging nalalaman kong gawin (bukod sa kaunting pagmamasahe, pag-a-acupuncture, paglalaba, pagluluto, pagpipinta). Kakaunti o walang “seryosong” diyaryong Filipino noong katatapos ng martial law kaya dyaryong Ingles ang napasukan ko.  Dahil dito, masasabing Ingles ang naging “kanin-at-ulam” ko noong lumaki na ako.

Pero kahit tumagal na ako sa pagsusulat sa Ingles – ‘ika nga ay nagkatahid na – hindi  pa rin nawala ang pagkaasiwa sa pagsasalita ng Ingles. Hindi ako asiwang magsalita nito kapag banyaga ang kausap, pero ibang usapan na kapag Pinoy ang kaharap. Nauutal ako; tumitigil nang matagal. Isang pakikibaka ito at ang pagpasok ng mga salitang Ingles sa isip ay di singdali ng kapag nagsusulat.

Hindi nakapagtatakang sa panahong “nauso” ang pagkausap sa mga anak sa Ingles, iginiit naming mag-asawa na hindi kami susunod sa uso. Katunayan, lihim naming pinagtatawanan ang mga kapitbahay naming nanay (at mga yaya) na nagtuturo sa bata ng “Where’s the light? There,” “Where’s the moon? There,” “Where’s the….” Ang resulta nito ay mga batang lumaking hindi makabuo ng mga pangungusap sa Filipino o Ingles. Magkahalong Ingles at Filipino na kadalasa’y mali-mali pa ang lumalabas sa mga bibig nila.

Kaya noong panahong gusto na ng bunso naming pumasok sa nursery, gulat at halos maeskandalo ang mga guro nang malamang hindi ito marunong mag-Ingles.

“Hi, how are you?” ‘ika ng guro na nag-iinterbyu. Tumingin lang sa kanya ang anak ko.

“What’s your name?” patuloy ng guro. Tingin din lang ang isinagot sa kanya. Sa puntong ito, napatingin sa akin ang guro na para bang gustong magtanong kung pipi ba o retarded ang anak ko.

“How old are you?” baling niya sa anak ko.  Hindi na ako nakatiis kaya sumingit na ako, “Ilang taon ka na raw. At ano ang pangalan mo.” Noon lang sumagot ang anak ko.

Palagay ko naman ay alam ng anak ko yung mga itinatanong sa kanya; simple lang naman ang mga iyon; mana lang talaga siya sa akin. Ngayon ay napakagaling nang mag-Ingles ng dyaske.

Nag-iba na rin naman ang panahon. Hindi na tinitingnan ng marami na mentalidad na kolonyal ang pagsasalita ng Ingles, bagama’t may mangilan-ngilang hunghang na ginagawang sukatan ito ng katalinuhan. May mga pag-aaral din na nagsasabing magandang matuto ng maraming lengwahe ang isang tao habang bata pa.

Kaya ayos lang na turuan sila ng Ingles, pero huwag namang kalimutan ang sarili nating wika.

Share

Huwag ipagdiwang ang buwan ng wika

August 22, 2011 by  
Filed under blogs

xiaoni Michael Charleston Chua (May permiso ng may akda ang paglalathala ng kanyang kolum na Walking History sa Good Morning Philippines)

Dahil kaarawan ngayon ng Pangulong Manuel Quezon na nag-adhika na magkaroon ng isang Pambansang Wika na batay pangunahin na sa Tagalog ngunit kabilang dapat ang mga salita mula sa ibang mga wika sa Pilipinas, kaibigan, tara, usap tayo… sa Filipino.

Madalas ako makakita ng mga karatula sa mga paaralan ngayon na ipinagmamalaki na “This is an English-Speaking Zone.”  Diumano upang tayo ay maging “globally-competitive,” ipinatupad ng nakaraang administrasyon ang polisiya na halos lahat ng asignatura ay dapat itinuturo sa Ingles.  Dito, kapag ikaw ay nagsasalita sa Ingles, kahit wala namang laman ang sinasabi mo, ang tingin sa iyo ay matalino.  Sa isang mamahaling kolehiyo aming nakita minsan ni Dr. Zeus Salazar, “English is the language of leaders.”  Sabi niya, “Bakit?  Si Napoleon ba iningles ang mga Pranses?  Si Mao ba iningles ang mga Tsino?”

Kahit marami ngayon ang “wrong grammar” sa paggamit ng Ingles, ipinagmamalaki natin na mas marami pa ring nagsasalita ng Ingles dito sa Pilipinas kaysa sa Inglatera.  Kung totoo ito, bakit tila hindi tayo mga pinuno sa daigdig?  Bakit tayo naghihirap?  Bakit walang sapat na marangal na trabaho sa bansa na kinakailangan na matuto tayo ng Ingles upang magsilbi sa pangangailangan ng mga dayuhan sa mga kasambahay, nars at caregiver at tagasagot ng telepono?  Bakit ang Hapon, Tsina, Europa ay mayaman kahit na maging ang mga CEO ng kanilang mga kumpanya ay bobo sa Ingles?  Sapagkat ang biyaya ng edukasyon, ekonomiya at pulitika dito sa Pilipinas ay nananatili lamang sa mga marunong mag-Ingles.  Ang may kontrol sa wika ay may bahagi sa kapangyarihan.  Maraming dahilan kung bakit tayo mahirap, ngunit hindi ba’t kabilang dito ang katotohanang hindi talaga makasawsaw ang mas nakararami sa mga isyu ng pagkabansa?  It’s the language, stupid.

Samahan niyo ako at hirayain natin (let’s imagine):  Sa kabila ng iba’t ibang wika na nakapaloob sa Kapilipinuhan, tayo ay nagkakaintindihan sa isang wika na mula sa ating kapuluan.  Ayon kay Dr. Salazar, “Gumagamit ng mga konsepto at ugali na alam natin lahat ang kahulugan, …pati ang relasyon ng mga kahulugang ito sa isa’t isa.  Ito ay nangyayari lamang kung iisa ang ‘code’—ibig sabihin, may isang pangkabuuang pag-uugnay at pagkakaugnay ng mga kahulugan, kaisipan at ugali.  Mahalaga (at pundamental pa nga) rito ang iisang wika.”  Imbes na sa Ingles lamang nakalimbag ang Harry Potter o Twilight saga, ito ay isinasalin sa wikang mababasa na rin ng mas nakararaming Pilipino; na naglilimbag na tayo ng mga aklat ukol sa pilosopiya, quantum physics o quantum mechanics sa ating sariling wika; Na sa sistemang legal sa Pilipinas hindi na naagrabyado sa kaso ang mga mahihirap dahil wala silang maintindihan; Na naisasama na ang mahihirap sa biyaya ng ating ekonomiya dahil naiintindihan na nila ito; Na unti-unting nabubuo ang ating bansa dahil “nag-uusap tayo,” tulad ng sinasabi ni Boy Abunda, ukol sa ating sariling kasaysayan at karanasan, natutuklasan natin ang ating sariling lakas, at sa pagkakaintindihan nabubuo ang repseto sa isa’t isa, na nagbubunsod ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba.  Hindi ba napakanda ng bansa natin kung ganoon?

Ito ang layunin ng Pantayong Pananaw at Bagong Kasaysayan, iskwelang pangkaisipan na sinimulan ni Dr. Salazar at patuloy na pinapanday ng mas nakababatang mga historyador (Para sa buong paliwanang, puntahan ang http://bagongkasaysayan.org), na sa pagbabalik-tanaw natin sa kasaysayan na “may saysay” sa atin, sa ating sariling wika, para sa bayan, mas maiintindihan natin ang ating sarili.  Maliit kasi ang tingin natin sa ating sarili dahil sa mga “historia” na isinulat ng mga dayuhan sa kanilang perspektiba at nagturo sa atin na umasa lamang sa kanila.  Bagama’t marami ang nagsusulat ukol sa ating kultura at kasaysayan, marami ang hindi nito naaabot dahil sa Ingles lamang nasusulat ang mga ito.

Hindi tayo maaaring maging “globally competitive” kung hindi tayo nagkakaintindihan bilang bansa at hindi matibay ang ating kultura.  Sapagkat ang nais ng globalisasyon ay magkaroon ng isang kultura ang daigdig upang mabenta ang mga produkto ng mga dominanteng bansa.  Magigising tayo minsan na wala na tayong pagkakakilanlan, na patay na ang ating pagkabansa tulad ng sinabi ni Simoun kay Basilio sa mga nobela ni Rizal.  Imbes na mapakinabangan natin ang globalisasyon, magagamit lamang tayo nito.

May mga nag-adhika noon na Ingles na ang maging pambansang wika tulad nina Isidoro Panlasigui.  Tinuruan na daw kasi ang Pilipino na magbasa ng Ingles, at may grupo na ayaw tanggapin ang Tagalog/Filipino bilang wikang pambansa.  Ngunit, ibang usapan kasi kung naiintindihan talaga ang kayang basahin.  Marami na sa kapuluan ang nakakaintindi ng Filipino dahil sa media.  Ang wika kasi ay kultura.  Ibig sabihin, hindi mairerepresenta ng isang dayuhang wika ang yaman ng ating kultura at damdamin tulad ng isang wika mula sa Pilipinas.  Ang “rice” sa Ingles ay palay, bigas, kanin, bahaw, tutong, sinangag, lugaw at iba pa sa Filipino.

Kapuri-puri ang halimbawa ng Pangulong Noynoy Aquino na kausapin ang bayan sa wika nito.  Nasa diwa siya ng kanyang ina na kahit elitista at Inglesera ay inutos sa kanyang Executive Order 335 na gamitin ang Filipino sa mga gawain ng estado.  Ayon kay Adrian Cristobal noong 1988, “This…is what President Corazon Cojuangco Aquino can legitimately parade as her achievement…:  That she has inducted the government and therefore the political realm into the same universe inhabited by the many…..  It is her one true act of statesmanship, an act that bolder presidents couldn’t dare because of the loud objections of regional leaders….  This presidential act will do more for our nationhood than any gesture at leadership.”  1 Agosto kapwa namatay ang Pang Quezon (1944) at Pang. Cory (2009).  Sana alalahanin din ang huli na tagapagtaguyod ng Wikang Pambansa sa buwan na ito at tunay na ipatupad ang kanyang magandang sinimulan.

Totoo, mahalaga pa rin sa akin ang matuto, magsulat at magsalita ng Ingles, at maganda pa nga matuto pa tayo ng Espanyol, Tsino, Aleman, Italiano, at iba pa.  Ngunit mali na itaguyod ang dayuhang wika habang isinasakripisyo nating ang pag-usbong ng Filipino at mga wika sa Pilipinas hindi lamang sa akademya kundi sa pamahalaan at ekonomiya.  Ito ay isang krimen sa ating kultura.  Kung patuloy na ipapatupad ang “English Only Policy” sa mga paaralan, nag-aaksaya lang tayo ng panahon, huwag na nating ipagdiwang ang Buwan ng Wika.

Sa mga nagtataguyod ng Filipino at ng mga wika sa Pilipinas, huwag mag-alala.  May kakampi tayo kay Emilio Jacinto, “tunay na [mahalaga ang] tao kahit laking-gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika.”

___

Sa Setyembre 15-16, magkakaroon ng taunang kumperensya ang Philippine Historical Association bilang pagdiriwang ng Linggo ng Kasaysayan  ukol sa papel ng kasaysayan sa pagtuturo ng ibang disiplina sa mga agham panlipunan na gaganapin sa gusali ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa Daang Kalaw, Lungsod ng Maynila.  Para sa impormasyon, tumungo sa aming bahay-dagitab, http://www.pha1955.blogspot.com.

Share

Wika ko, dayalekto mo

August 25, 2010 by  
Filed under blogs

Hernan-weblogYAYAMANG buwan ng wika ngayon at lahat ay nagpapahayag ng walang hanggang pagmamahal sa sariling wika, pagbigyan n’yo na ako kung muli kong uungkatin ang debate sa pagitan ng wika at dayalekto (language vs. dialect sa Ingles).

Kung nagtataka kayo kung ano ba itong debateng ito, hindi ko kayo masisisi dahil kokonti lang naman talaga ang nagbibigay ng pansin sa usaping ito sa sawimpalad nating bansa.

Kung lagi kayong nakababad sa Internet, mapapansin ninyong maraming mga “language police” para sa Ingles pero walang ganitong uri ng hayop na mahigpit magbantay para sa wikang Filipino. Kapag mali-mali ang Ingles mo, madali kang mapansin at maraming magtatama agad sa iyo. Pero kapag mali-mali ang gamit mo ng Filipino walang paki ang madlang pipol.

Hindi nakapagtatakang walang sinusunod na panuntunan ang mga babasahing Pinoy at walang pumapansin kung tama ba ang baybay o balarila na sinusunod ng mga nagsusulat sa Filipino (Tagalog sa marami nating kababayan). Hindi rin nakapagtataka kung gayon na halos walang nakikialam kung ang Cebuano, Hiligaynon, Pangasinense at iba pa ay wika o dayalekto.

Nauna ko nang sinulat sa pitak na ito na ang mga nabanggit ko sa itaas e mga wika at hindi dayalekto. Marami kasing nag-aakala na ang nag-iisang wika lamang sa Pinas e ang Filipino – na siya ring pambansang wika – at ang iba pa e puro dayalekto na lamang. E bakit pa ito tatawaging pambansang wika kung nag-iisa lamang ito?

Para sa akin, ang kaibahan ng wika sa dayalekto e para ring kaibahan ng relihiyon sa sekta. Nagkakaiba lamang sila sa dami. Kung maraming miyembro ang isang paniniwala, tinatawag itong relihiyon, samantalang kung kokonti e sekta lamang ito.

Ganun din ang wika. Kung marami ang nagkakaintindihan sa maraming lugar, wika ang ginagamit nila. Kung sumakay ka ng barko o bus at napalayo ka na at hindi na maintindihan ng kausap, dayalekto ang gamit mo.

Sa ibang halimbawa, ang wika e magulang at ang dayalekto e anak. Ang Tagalog, halimbawa, e isang wika at maraming nakakaintindi nito (kaya nga dito ibinase ang Filipino). Pero may mga lugar na may punto at may iba na ring katawagan sa ilang bagay, gaya ng Tagalog sa Quezon, Nueva Ecija, Batangas at Metro Manila. Ang mga ito e dayalekto o “anak” ng Tagalog. Ganun din, may mga Cebuano sa Cebu na iba na nang kaunti sa Cebuano sa Mindanao pero nagkakaintindihan pa rin sila, kaya nga ang Cebuano ay wika at ang pagkakaiba nito sa ilang mga lugar e dayalekto ng Cebuano.

Pero sabi ko nga, may debate tungkol dito. Meron kasing mga hindi mapakali sa depinisyon ng dalawa. Meron kasing mga lenggwaheng itinatakda ng pulitika at hindi ng natural na gamit ng mga tao. May mga makukulit na nagtatanong kung ang gay lingo ba e lenggwahe o dayalekto o pang-asar lamang.

Ewan ko, basta’t anu’t-anuman, ang wika e nakabatay pa rin sa dami ng mga gumagamit nito at kung paano ito gamitin. At kung gaano rin ito tumatagal.

Bakit ko ito pinag-uusapan? Wala lang. Gusto ko lang dahil buwan nga ng wika ngayon.

Share

Copy Protected by Chetan's WP-Copyprotect.