Wika ko, dayalekto mo
YAYAMANG buwan ng wika ngayon at lahat ay nagpapahayag ng walang hanggang pagmamahal sa sariling wika, pagbigyan n’yo na ako kung muli kong uungkatin ang debate sa pagitan ng wika at dayalekto (language vs. dialect sa Ingles).
Kung nagtataka kayo kung ano ba itong debateng ito, hindi ko kayo masisisi dahil kokonti lang naman talaga ang nagbibigay ng pansin sa usaping ito sa sawimpalad nating bansa.
Kung lagi kayong nakababad sa Internet, mapapansin ninyong maraming mga “language police” para sa Ingles pero walang ganitong uri ng hayop na mahigpit magbantay para sa wikang Filipino. Kapag mali-mali ang Ingles mo, madali kang mapansin at maraming magtatama agad sa iyo. Pero kapag mali-mali ang gamit mo ng Filipino walang paki ang madlang pipol.
Hindi nakapagtatakang walang sinusunod na panuntunan ang mga babasahing Pinoy at walang pumapansin kung tama ba ang baybay o balarila na sinusunod ng mga nagsusulat sa Filipino (Tagalog sa marami nating kababayan). Hindi rin nakapagtataka kung gayon na halos walang nakikialam kung ang Cebuano, Hiligaynon, Pangasinense at iba pa ay wika o dayalekto.
Nauna ko nang sinulat sa pitak na ito na ang mga nabanggit ko sa itaas e mga wika at hindi dayalekto. Marami kasing nag-aakala na ang nag-iisang wika lamang sa Pinas e ang Filipino – na siya ring pambansang wika – at ang iba pa e puro dayalekto na lamang. E bakit pa ito tatawaging pambansang wika kung nag-iisa lamang ito?
Para sa akin, ang kaibahan ng wika sa dayalekto e para ring kaibahan ng relihiyon sa sekta. Nagkakaiba lamang sila sa dami. Kung maraming miyembro ang isang paniniwala, tinatawag itong relihiyon, samantalang kung kokonti e sekta lamang ito.
Ganun din ang wika. Kung marami ang nagkakaintindihan sa maraming lugar, wika ang ginagamit nila. Kung sumakay ka ng barko o bus at napalayo ka na at hindi na maintindihan ng kausap, dayalekto ang gamit mo.
Sa ibang halimbawa, ang wika e magulang at ang dayalekto e anak. Ang Tagalog, halimbawa, e isang wika at maraming nakakaintindi nito (kaya nga dito ibinase ang Filipino). Pero may mga lugar na may punto at may iba na ring katawagan sa ilang bagay, gaya ng Tagalog sa Quezon, Nueva Ecija, Batangas at Metro Manila. Ang mga ito e dayalekto o “anak” ng Tagalog. Ganun din, may mga Cebuano sa Cebu na iba na nang kaunti sa Cebuano sa Mindanao pero nagkakaintindihan pa rin sila, kaya nga ang Cebuano ay wika at ang pagkakaiba nito sa ilang mga lugar e dayalekto ng Cebuano.
Pero sabi ko nga, may debate tungkol dito. Meron kasing mga hindi mapakali sa depinisyon ng dalawa. Meron kasing mga lenggwaheng itinatakda ng pulitika at hindi ng natural na gamit ng mga tao. May mga makukulit na nagtatanong kung ang gay lingo ba e lenggwahe o dayalekto o pang-asar lamang.
Ewan ko, basta’t anu’t-anuman, ang wika e nakabatay pa rin sa dami ng mga gumagamit nito at kung paano ito gamitin. At kung gaano rin ito tumatagal.
Bakit ko ito pinag-uusapan? Wala lang. Gusto ko lang dahil buwan nga ng wika ngayon.