Bituin sa Langit ang Bayani

October 22, 2009 by  
Filed under article, features

Ni Dante L. Ambrosio

Mula pa noong unang panahon, narahuyo na ang mga tao sa ningning ng mga bituin sa langit. Parang mga brilyante itong nakasabog at kumukuti-kutitap sa gabing pusikit ang dilim. Lumikha sila ng mga mito at alamat ukol dito, gayundin ukol sa araw, sa buwan at sa iba pang penomena sa langit.

Sa maaga ring panahon, naging bahagi ang lahat ng ito ng kanilang pangangaso, pangingisda at pagtatanim. Sinasangguni nila ang mga bituin at iba pang penomena sa langit sa kanilang mga gawain. Kaya hindi nakakapagtakang iugnay nila ang kanilang buhay at kapalaran sa lupa sa mga ito.

Kanila ring inilagay sa langit ang mga bayani at tauhan ng mga mito at alamat, kabilang ang mga gamit ng mga ito. Hindi lamang para parangalan o alalahanin ang mga ito kundi para organisahin din sa anyong mapa ang sanlaksang bituing nakasabog sa langit. Kaya para na ring aklat ang langit na kanilang binabasa, pinaglilibangan at hinahanguan ng gabay sa buhay.

Hindi bago, kung gayon, ang ginawa noong 1930 ni Artemio Ricarte, dating heneral ng Rebolusyong 1896 at ng digmaang pagtatanggol laban sa Estados Unidos. Muli niyang bininyagan ang ilang bituin sa langit sa ngalan ng mga bayaning Pilipino. Parangal ito sa kabayanihan ng mamamayang nakibaka sa dalawang dayuhang mananakop. Paalala rin ito sa mga susunod na henerasyon sa sakripisyong inialay ng mga ninuno nila para makamtan ang kalayaan.

Nasa Yokohama, Hapon si Ricarte noon makaraang tumangging manumpa ng katapatan sa Estados Unidos. Minabuti niyang manirahan sa labas ng bansa kaysa makipagtulungan sa bagong mananakop. Dahil nasa Hapon, mga konstelasyon na kilala sa hilaga ng mundo ang pinangalanan niya ng mga ngalan ng mga bayaning Pilipino. Kung nasa Pilipinas siya noon, makikita niya ang ilang konstelasyong higit na kilala at mahalaga sa mga Pilipino gaya ng Balatik (Orion), Tatlong Maria (Orion’s Belt), Supot ni Hudas (Pleaides) at Krus na Bituin (Southern Cross). Itong huli ay malamang na hindi nakikita sa Hapon.

Ganito ang ginawang pagpapangalan ni Ricarte sa mga konstelasyon (makikita sa kalakip na mapa ang mga ito):

Cassiopeia………………….…Gat Tamblot
Perseus………………………..Gat Dandan
Draco…………………………Gat Panyong
Lyra……………………………Bondipla
Vega…………………………..Gat Rizal
Cygnus………………………..Poncrizpil
Deneb…………………………Gat Plaridel
Ursa Minor……………………Pingkian
Polaris…………………………Utak Hasinto
Ursa Major……………………Gat Maypag-asa

Sa malaking bahagi, ang mga katawagan ng modernong astronomya sa mga konstelasyon at bituin ay hango sa mitolohiyang Griyego, gayundin sa mga katawagang Arabe. Ito na ang nakaugalian sapul nang umunlad ang sibilisasyong Kanluran at humango ito ng kaalaman sa sibilisasyong Griyego-Romano at Arabe-Muslim. Sa pagkakataong ito, mas mahalagang ipaliwanag ang pinagmulan ng ipinangalan sa mga ito ni Ricarte.

Gat Tamblot ang itinawag ni Ricarte sa Cassiopeia. Sino si Tamblot? Siya ang babaylan ng Bohol na nanawagan noong 1622 sa mga katutubo na talikuran ang Kristiyanismo, magbalik sa katutubong paniniwala at mag-alsa laban sa mga Espanyol. Apat na bayang pinamahalaan ng mga Heswita ang nag-alsa. Ginamit ng mga Espanyol ang mahigit 1500 Kapampangan at Sebuano sa pagsupil sa pag-aalsang Tamblot. Bago nasupil ang pag-aalsa, gayunman, naghimagsik din sa Carigara, Leyte ang mga katutubo sa pangunguna ni Bankaw na isa ring babaylan. Gaya ng pag-aalsang Tamblot, malupit na sinupil ng mga Espanyol ang pag-aalsang Bankaw. Ipinarada nila sa bayan ang pugot na ulo ni Bankaw para di pamarisan ng iba.

Ang Perseus, grupo ng mga bituin na pinanganlan sa karangalan ni Padre Pedro Dandan, ay tinawag ni Ricarte na Gat Dandan. Isa si Padre Dandan sa mga paring iniugnay sa Pag-aalsang Cavite noong 1872. Habang ginarote sina Padre Mariano Gomez, Padre Jose Burgos at Padre Jacinto Zamora, ipinatapon naman si Padre Dandan at iba pang mga pari sa Marianas. Nakabalik din siya sa Pilipinas kalaunan. Nang sumiklab ang Rebolusyong 1896, iniwan niya ang kanyang parokya sa Quiapo at sumama sa mga rebolusyonaryo. Napunta siya nang Cavite matapos salakayin nina Hen. Crispulo Aguinaldo ang Taguig, Pateros at Muntinlupa. Siya ang naging presidente ng pangkagawarang pamahalaan ng Gitnang Luson na binuo sa Bundok Puray sa Montalban noong 1897.

Para kay Epifanio de los Santos, makabayang peryodista ng La Independencia at isang historyador, bininyagan ni Ricarte ng Gat Panyong ang Draco, ang dragon o higanteng ahas na mahaba at paliku-liko sa langit tulad din ng EDSA. Mangyari pang alam na nating ang EDSA, ang mahaba at pangunahing lansangang paikot sa Metro Manila, ay ipinangalan din kay Epifanio de los Santos.

Pinangalanan namang Bondipla ni Ricarte ang Lyra – instrumentong musikal na hawig sa gitara – para sa unang tatsulok o hasik ng Katipunan. Binubuo ito nina Andres Bonifacio (BON), Ladislao Diwa (DI) at Teodoro Plata (PLA). Sa simula, nagrekrut ng mga kasapi ang Katipunan ayon sa sistemang tatsulok. Bawat isang kasapi ng tatsulok ay nag-iimbita ng tigalawang katatsulok niya na hindi kilala ng dalawang kasapi sa unang tatsulok. Malihim at mabagal ang ganitong sistema ng pagpaparami kaya binago rin kalaunan ng Katipunan. Ang pinakamaliwanag na bituin ng konstelasyong Lyra – ang Vega – ay tinawag ni Ricarte na Gat Rizal.

Tinawag ni Ricarte na Poncrizpil ang Cygnus alay kina Mariano Ponce (PONC), Jose Rizal (RIZ) at Marcelo H. del Pilar (PIL). Ang pinakamaliwanag nitong bituin – ang Deneb – ay tinawag niyang Gat Plaridel, pangalan sa panulat ni del Pilar. Sa tatlo, si Ponce marahil ang kailangang ipakilala. Isa si Ponce sa mga propagandista na nakasama nina Rizal at Plaridel sa Europa. Noong panahon ng Rebolusyon, naging kasapi siya ng Hongkong Junta. Ito ang nagtaguyod sa interes ng Rebolusyon sa ibang bansa.

Bininyagan ni Ricarte ng pangalang Pingkian, sagisag sa panulat ni Emilio Jacinto, ang Ursa Minor o Small Dipper samantalang tinawag niyang Utak Hasinto ang pangunahin nitong bituin – ang Polaris o North Star. Kilala ang Polaris bilang giyang bituin sa pagtukoy sa direksyon ng hilaga. Kinilala si Jacinto bilang Utak ng Katipunan kahit si Bonifacio ang tagapagtatag nito.

Inialay ni Ricarte ang tampok na grupo ng bituin sa hilaga – ang Ursa Major o Big Dipper – sa tagapagtatag ng Katipunan at tagapagbunsod ng Rebolusyon, si Andres Bonifacio. Binansagan niya itong Gat Maypag-asa, pangalan sa Rebolusyon ni Bonifacio.

Sa ginawang ito ni Ricarte, naging mga bituin sa langit ang ilang bayani at makabayang Pilipino. Liban kay Tamblot, mga tampok na tauhan ng Kilusang Propaganda at Rebolusyong 1896 ang pinarangalan ni Ricarte. Sa pagbibigay niya ng mga pangalang Rizal, del Pilar, Jacinto at Bonifacio sa mga tampok na bituin at konstelasyon sa gawing hilaga ng mundo, ipinamalas niya kung sino sa mga nakibaka sa mga Espanyol ang lubos niyang pinapahalagahan.

Gayunman, tulad din natin ngayon, marahil ay di batid o nakaligtaan ni Ricarte ang kaalamang bayan ng mga Pilipino ukol sa mga bituin. Mga konstelasyong popular sa Kanluran ang binigyan niya ng pangalan. Hindi niya nabigyan ng pangalan ng mga bayani ang mga konstelasyong higit na kilala at mahalaga sa mga Pilipino gaya nga ng Balatik, Tatlong Maria, Supot ni Hudas at Krus na Bituin.

Anu’t anuman, malinaw ang kahulugan ng pagbibinyag ni Ricarte sa mga bituin sa ngalan ng mga bayaning Pilipino. Isa itong paraan ng pag-aalaala sa mga nag-alay ng buhay sa kalayaan ng bayan. Masasabing ito na nga ang pinakamatayog na bantayog na naitayo para sa mga bayaning Pilipino. Lalagi silang huwaran at gabay para sa mga susunod na henerasyon, layuning hangad ng nagpangalan sa mga ito. Ani Ricarte sa kanyang ginawa:

Yaong kinulang palad na Supremo nang siya ay nabubuhay pa, ay lagi niyang ipinapangaral: “Mangatakot kayo sa Kasaysayan sapagkat ito ay walang ikukubli,” at ngayon ay durugtungan ko naman: “Ang mga bayani natin ay pinagmamalas tayo mula sa langit. Isaayos nga natin ang bawat pangungusap at kilos sa pangungusap at landas na kanilang tinalunton, at tayo ay umikit kahalintulad ng maayos na pag-ikit ng mga bituing iyan sa paligid ni Utak Hasinto at, sa gayon, walang pagkabula, makakamtan
natin ang “KAGYAT, BUO AT GANAP NA KASARINLAN” na siyang maningas na pinipita ng Inang-Bayan.

Marangal at kapuri-puri ang layunin ni Ricarte sa paglalagay sa mga bayani sa langit. Magsisilbi silang giya sa ating pagkilos, magsisilbi silang huwaran ng ating pamumuhay, magsisilbi silang tagapagpaalaala ng ating nakaraan at ng ating mga hangarin at layunin. Iyon nga lamang, ang larawan ng “maayos na pag-ikit ng mga bituin sa paligid ni Utak Hasinto” ay larawang totoo lamang sa gawing hilaga ng mundo kung saan hindi lumulubog ang bituing ito. Mas totoo para sa puwesto ng Pilipinas sa mundo ang larawan ng mga bituing maayos, pana-panahon at walang pagbabagong naglalakbay sa langit mula silangan tungong kanluran.

Sa unang malas, tila may pagka-artipisyal ang ginawa ni Ricarte. Bininyagan niya ng pangalan ang mga konstelasyong binuo at kinikilala na ng kabihasnang Kanluran. Ngunit alam man niya o hindi, ang kanyang ginawa ay isang aksyong nakaugat nang malalim sa kamalayan ng kanyang mga kababayan – maging ng lahat ng tao sa mundo: ang mag-alay ng papuri at parangal sa mga tanging bayani ng tao sa pamamagitan ng pagpapangalan sa mga bituin sa langit.

Huwag na nating pag-usapan ang mga bayani at iba pang tauhan ng mitolohiyang Griyego na siyang pinaghanguan ng marami sa mga pangalan ng mga konstelasyon at bituin ng modernong astronomya. Huwag na rin nating pag-usapan ang mga mito at alamat na nagpapaliwanag sa mga pangalang ito, lalo’t kultura at halagahing kanluranin ang mahahango mula sa mga ito. May tamang pagkakataon para rito. Balikan na lamang natin ang mga bayani ng ilang grupong etniko sa Pilipinas – si Magbangal ng Bukidnon, si Lagey Lingkuwus ng mga Tiruray at si Tohng ng mga Jama Mapun.

Si Magbangal ay isang makapangyarihang tao sa mga alamat ng mga Bukidnon. Nagagawa niyang linisin ang kaingin habang natutulog sapagkat ang makapangyarihan niyang itak ang nagpuputol ng mga kahoy. Nang minsang subukan siya ng kanyang asawang di alam ang kanyang kapangyarihan at sumuway sa kanyang atas na huwag siyang susundan, bumagsak ang kanyang itak na ikinaputol ng isa niyang braso. Galit niyang pinangaralan ang kanyang asawa. Aniya, ngayo’y kailangang magpakahirap muna ng mga tao sa paglilinis ng kaingin at pagtatanim upang may makain. Nagtungo siya sa langit at naging senyal ng mga tao kung kailan ang tamang panahon ng paglilinis ng kaingin at ng pagtatanim. Maaaring siya ang katumbas ng Balatik o Orion sa langit. Kasama niya rito ang kanyang palakol at itak, ang panga ng baboy na kanyang napatay at ang buról na kanyang pinangangasuhan.

Di gaya ng ibang bayani, wala sa mga bituin sa langit si Lagey Lingkuwus ng mga Tiruray. Siya, gayunman, ang responsable sa pagkakalagay sa langit ng mga bituing senyal sa pagtatanim ng mga Tiruray. Pinakiusapan niya ang magpipinsang sina Kufukufu, Baka at Seretar, ang tiyuhin nilang si Keluguy at ang mag-asawang Singkad at Kenogon na manirahan sa langit upang maging senyal sa wastong panahon ng pagtatanim. Binubuo ang Seretar ng ilang bituin ng Orion, ang Kufukufu ng Pleaides, ang Baka ng Hyades, ang Keluguy o Fegeferafad ng mga bituing Sirius, Murzim, Procyon, Castor at Pollux, ang Singkad ng ilang bituin ng Aquila, at ang Kenogon ng Delphinus.

Gaya ni Magbangal, isa ring makapangyarihang tao si Tohng na may dalawang asawa, sina Masikla at Mayuyu. Minsan, pinabantayan ni Masikla kay Mayuyu ang niluluto niyang damo at nagbiling huwag bubuksan ang palayok. Binuksan din ito ni Mayuyu. Nagalit si Masikla at sinabing dapat sana ay damo na lamang ang iluluto ng mga tao upang maging kanin at di na nila kailangang magtanim. Nang sumunod na pangyayari, si Tohng naman ang ginalit ni Mayuyu. Kasalukuyang tumutugtog ng plauta si Tohng habang nagpuputol ng mga damo at puno ang kanyang palakol at gulok. Nalaman ni Tohng na nanunubok si Mayuyu nang biglang bumagsak sa lupa ang palakol at gulok. Sabi niya, dapat sana ay di na kailangang magtrabaho ng mga tao para mabuhay. Pero dahil sa ginawa ni Mayuyu, kailangan na nila ngayong magtrabaho. Kapwa galit, nagtungo sa langit sina Tohng at Masikla. Sumunod pa rin si Mayuyu. Ngayon, tatlong magkakahanay na bituin sila na bumubuo sa konstelasyong Tanggung. Ito ang senyal sa pagtatanim ng mga Jama Mapun.

Mga bayaning pangkultura ng mga grupong etnikong nabanggit sina Magbangal, Lagey Lingkuwus at Tohng. Ipinapaliwanag sa mga salaysay hindi lamang ang pagkakalagay ng ilang piling bituin sa langit kundi pati na ang simula ng mga gawaing kaugnay ng pagtatanim. Sa sariling paraan ng mga Bukidnon, Tiruray at Jama Mapun, inilagay nila sa langit ang mga bayaning hindi nakilala ng iba pang mga Pilipino.

Hindi nga bago, kung gayon, ang ginawa ni Ricarte. May malalim itong ugat sa kabihasnang Pilipino at sa kabihasnang pandaigdig. Ngunit gaya ng kinahinatnan ng kanyang pagpupunyagi, ang mga pangalan ng mga bituin ng mga grupong etniko, ang mga salaysay at halagahing taglay ng mga ito ay halos hindi naisasalin sa mga sumunod na henerasyon ng mga Pilipino. Hindi man ito tuluyang nalimot, hindi naman ito nabibigyan ng gaanong pansin para palaganapin. Kailangan pa itong muling kalapin, pag-aralan at ipaalam sa mga tao. Bahagi sana ito, kung sakali, ng malalim na pagkakaugat sa bayan ng inaasam ni Ricarte at ng iba pang bayani na “kagyat, buo at ganap na kasarinlan” ng mga Pilipino.

Mga Tala

1. Matatagpuan ang mga pagpapangalan sa “Paliwanag sa ‘Lilok (mapa) ng Langit na Nalalakip Dito” (Pilipinisasyon ng Langit, Hulyo 23, 1930) [nasa Articles and Essays of General Artemio Ricarte]; Mga Liham kay Jose P. Santos, Hulyo 29, 1930; Disyembre 20, 1932; at Enero 22, 1933 [nasa Unpublished Letters of Gen. Artemio Ricarte vol. 1]. Bininyagan din ni Ricarte ng Gat Naning para kay Mariano Ponce at Lakhan Tupas para sa rajah ng Cebu ang bituing Corazon at konstelasyong Cochero ng mga Espanyol. Maaaring ito ang bituing Arcturus at ang konstelasyong Auriga.

2. Fay-Cooper Cole, The Bukidnon of Mindanao (Chicago: Chicago Natural History Museum, 1956).

3. Stuart A. Schlegel, “Tiruray constellations: the agricultural astronomy of a Philippine hill people,” Philippine Journal of Science vol 96 , no. 3 (September 1967).

4. Eric Casiño, The Jama Mapun (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1976).

(Nirebisang bersyon ng artikulong nalathala sa N.M.R. Santillan at M.B.P. Conde, mga patnugot, Kasaysayan at Kamalayan: Mga Piling Akda Ukol sa Diskursong Pangkasaysayan [Lungsod Quezon: Limbagang Pangkasaysayan, 1998,] 165-171.)

Share

Copy Protected by Chetan's WP-Copyprotect.