Si Ka Oryang sa Dantaon 21

March 8, 2013 by  
Filed under article, features

(Bilang pagpupugay sa mga kababaihang Pilipina ngayong 8 Marso 2013, inilalathala ng http://philippinehistory.ph ang isinulat ni Gregoria de Jesus, kilalang Ka Oryang sa Katipunan, na sarili niyang talambuhay noong 1928. Narito rin ang mga tagubilin niya sa mga susunod pang henerasyong Pilipino.)

Mga Tala ng Aking Buhay

Alay kay G. José P. Santos na siyang humiling na sulatin ko ang aking kabuhayan.

KaOryangAko’y si Gregoria de Jesus , taong tunay dito sa bayang Kalookan lalawigan ng Rizal. Isinilang ako ng araw ng Martes, ika 9 ng Mayo ng taong 1875, sa pook na pinagbaunan ng libolibong sandatang ginamit sa himagsikan at pinagdausan din naman ng kasunduan ng mga punong naghimagsik bago lumabas ng bayan, lugar na tinatawag na Daang Baltazar noong araw at ngayo’y P. Zamora, blg. 13. Ang ama ko’y si Nicolas de Jesus , taong tunay din sa bayang ito na ang hanap buhay ay Maestro de Obra ng Catero Carpentero at isa sa naghawak ng ilang tungkulin noong panahon ng kastila, naging teniente segundo, teniente mayor at gobernadorsilyo. Ang ina ko ay si Baltazara Alvarez Francisco na taga bayang Nobeleta, lalawigan ng Kabite, pamangkin ni Heneral Mariano Alvarez ng Magdiwang sa Kabite na siyang unang gumalaw ng himagsikan sa nasabing lalawigan.

Ako’y nag-aral sa Paaralang Bayan at natapos ko ang mga unang baytang ng karunungan na katimbang ng Intermedia kung itutulad sa panahong ito. Naaalala ko pa na minsan akong nagwagi sa eksaming ibinigay ng Gobernador Heneral at ng Kura sa bayan na ipinagkaroon ko ng gantingpalang medalyang pilak na may lasong azul bilang pagkilala sa kaunti kong nalalaman. Palibhasa’y tatlo kaming magkakapatid na nagaaral na kailangang magpatuloy sa Maynila kaya minarapat kong tumigil at sumama sa isa ko pang kapatid na magasikaso ng aming kabuhayan upang makapagpatuloy sa pag-aaral ang dalawa naming kapatid na lalake.

Kadalasa’y lumalabas ako ng bukid upang magpatanim o kaya’y magpaani, makipagunawaan sa aming kasama at nagsisipagtrabaho, gayon din sa pagpapasahod sa mga manggagawa ng aking ama kung linggo ng umaga, at paminsanminsan, ako’y nananahe, humahabi at lagi akong katulong ng aking ina sa bahay. Noon marahil ay mayroon na akong labingwalong taong gulang at mayroon nang pumapanhik na mga binata sa aming tahanan at dito’y kabilang si Andres Bonifacio, kasama si Ladislao Diwa at ang pinsan kong Teodoro Plata na eskribano nang panahong yaon, nguni’t wala akong nakakausap sa kanila tungkol sa suliranin ng pagibig palibhasa ang mga magulang at dalaga sa panahong yaon ay totoong maingat at ikinahihiya halos na masabing sila’y may tagahanga at katunayan ay mayroon na palang isang taong nanunuyo si Andres Bonifacio sa aking mga magulang ay hindi pa kami nagkakaunawaan ng mga niloloob sa pagibig at may tatlong buwan pa ang nakaraan ay naalaman kong hindi kasangayon ang aking ama sa pangingibig sa akin ni Bonifacio sa dahilang ito ay mason, at ang mga mason ng panahong yaon ay ipinalalagay ng mga matanda, sa kagagawan ng mga prayle, na masasamang tao, ay noon pa naman ako nagkakaroon ng bahagyang pagibig sa kanya.

May anim na buwan pa ay nagkaibigan na kami ng tuluyan at bagaman laban sa kalooban ng ama ko ay napahinuhod din alangalang sa malaking pagmamahal sa akin at pagtatapat ko ng katotohanan ng aming pagiibigan, kaya’t bilang pagbibigay ni Andres Bonifacio sa kaugalian ng matanda ay ikinasal kami sa simbahang romano sa Binundok ng buwan ng Marso ng 1893 at ang aming naging saksing lalake ay si Restituto Javier at ang saksing babae ay ang may bahay nito na si Ginang Benita ni Javier.

Sumunod na linggo ay pamuli kaming ikinasal sa harap ng lahat na katipunan, sa kahilingan ng mga ito, sapagka’t hindi nila pinahahalagahan ang aming kasal sa simbahang romano at ito’y ginanap din sa bahay ng aming inaamang Restituto Javier, sa daang Oroquieta noong araw, at natatandaan kong nagkaroon pa ng kaunting salusalo at sa mga panauhin ay kabilang si G. Pio Valenzuela, Santiago Turiano, Roman Basa, Marina Dizon, Josefa at Trining Rizal at lahat halos ng pamunuan ng katipunan. Nang sumapit ang gabi ng araw ding yaon ay inianib ako sa katipunan sa ilalim ng sagisag o simbolikong Lakambini, upang ganapin ko at tuparin ang kanyang banal na palatuntunan at simulain.

Nang may isang linggo na kami sa bahay ni G. Javier ay minarapat naming humanap ng sariling tahanan at kami ay nakakita sa daang Anyahan, tapat ng bisita ng San Ignacio noong araw at mula na noon ay nagsimula na akong gumawa ng boong sikap at labis na pagmamalasakit sa pagunlad at ikaayos ng lahat ng K. K. K. ng mga A. N. B. sa katunayan ay ang lahat halos ng kagamitan ng katipunan, kagaya ng revolver, sandata, balaraw, timbre at lahat ng kasulatan at kalihiman ay na sa aking pagiingat sapagka’t sa aming tahanan nakatira ang Kalihim na Emilio Jacinto ng mga panahong yaon kaya’t siya ang namamahala sa naging limbagan ng katipunan, siya rin ang unang lumilimbag ñg mga palatuntunan at sampung aral na munukala nilang dalawang parang magkapatid na Andres at Emilio Jacinto, kaya sila rin ang namumudmod sa mga balangay ng mga panahong yaon.

Si Andres ang unang sumulat ng palatuntunan at sampung utos at saka pa lamang si Emilio Jacinto kaya masasabing ito’y munukalang tunay ni Andres, nguni’t dahil sa kanyang pagmamahal at pagbibigay kay Emilio Jacinto ay ang Kartilyang sinulat nito ang siya nilang pinairal at ginamit ng mga katipunan. Ang orihinal ng sampung utos na sinulat ni Andres Bonifacio at hindi pa nahahayag hanggang ngayon ay nasa pagiingat ni G. Pepe Santos na anak ni Don Panyong Santos.1

Noong mga panahong yaon ay lubhang mapanganib ang aming kalagayan at palibhasa’y ang mga anak ng bayan ay inip na sa kanyang pagkagapos ay bumalikwas at nagkaisa na tulad sa isang tao lamang ang lahat kaya’t biglang lumaganap ang K. K. K. at gabi gabi ay puno halos ang aming tahanan ng mga taong duminig sa tinig ng inang bayan at dito’y kabilang ang tatlong mag-aama na Enrique Pacheco, Cipriano Pacheco, Alfonso Pacheco, Tomas Remigio, Francisco Carreon na pawang kaanib sa Kataastaasang Sanggunian ng katipunan at mga tao rin namang kasama sa unang sigaw ng Katipunan, ay halos ang lahat ay madalas na inuumaga sa pagganap ng tinatawag na “juramento” o panunumpa.

Minsan o makalawa isang buwan ay nagkakaroon ng “junta” ang mga punong tagapagpaganap, dahil dito’y lalong nagkaroon ng maraming gawain ang limbagang pinamamahalaan ng Kalihim na Emilio Jacinto kaya’t kinailangan na niya ang pamamahala sa boong maghapon at noon ay ang dinadamit ko halos ay ang mga kasulatan na lubhang mapanganib ingatan ng panahong yaon at labis nang banggitin pa dito kung saan ako ihahantong ng kapalaran kung madakip sa aking pagiingat at gayon din naman sa mga taong nakatala sa kasulatang yaon na pawang anak ng Pilipinas na umiibig sa kalayaan, sapagka’t may mga pangyayaring sa pamamagitan lamang ng suplong ay maraming buhay ang napuputi.

Madalas na kung may dumarating na pahatid sabi na sasalakayin ng mga Veterana ang tahanan ay kahit anong oras ay agad kung iipunin ang mga papeles, armas at timbre at sa isang iglap ay patatawag ako ng kiles na hindi ko makuha ang kumain halos sapagkat kadalasang mangyari ito’y katanghalian at a las 8 ng gabi at inaabot ako ng hatinggabi sa lansangan sakay ng kiles, nalilibot ang baybayin ng Tundo at mga lansangan ng Binundok upang mailigtas ko lamang ang mapanganib na lagay ng taong bayan. Nguni’t ang dinaramdam ko lamang na madalas na ako’y napatutulong sa ilang kapatid na inaasahan kong magmamalasakit ay hindi naman tumutulong sapagkat kapag naalaman ang taglay ko ay mga bagay na totoong mapanganib ng panahong yaon ay pinakaiilagilagan ako.

Ang pinakatelepono ng panahong yaon ay mga tao rin kaya alam ko agad kung tahimik saka pa lamang ako uuwi ng bahay at mananahimik ng kaunti. Lumakad ang panahon ng dumating ang mahigit na isang taon at ako’y nagdalang tao na. Inilipat muna ako ni Andres Bonifacio sa piling ng aking mga magulang sa lugar ng aking sinilangan at dito ko rin inilual sa maliwanag ang panganay naming anak na lalake na nagtataglay ng pangalang Andres Bonifacio rin at ang kanyang inaama sa binyag ay si G. Pio Valenzuela. Nang makaraan ang dalawang buwan ay muli na naman akong lumapit sa Maynila at di naglipat taon at kami’y nasunugan ng malaki sa Dulong Bayan, na nangyari ng araw ng Huebes Santo kaya’t labis ang aming kaligaligan. Nagkalipatlipat kami ng bahay hanggang sumapit ang malungkot na sandaling bawian ng buhay ang aming anak sa tahanan ni G. Pio Valenzuela, daang Lavezares, Binundok. Dito nagpasimula ang aming pagsasama hanggang lumipat kami sa daang Magdalena, Troso. Noon ay mahigpit na ang pagtugaygay ng pamahalaang kastila sa katipunan.

Sapagka’t kalat na halos sa lahat ng sulok ng Kapuluang Pilipinas kaya’t ng nahuli na ang ibang kalihiman ng katipunan, noon di’y umuwi kami dito sa Kalookan. Sapagka’t mahigpit ng totoo ang pagtugaygay sa amin ng pamahalaang kastila kaya mga ilang araw lamang, ang karamihan ng mga lalaki ay lumabas na ng Bayan pati ni Andres Bonifacio. Iyan nga ang unang sigaw ng kalayaan na naganap ng ika 25 ng Agosto ng 1896. Samantalang ako’y nasa piling ng aking mga magulang, sa tulong ng mga kapatid ay naalaman kong ako man ay huhulihin na rin kaya’t noon din ay tumakas ako ng may ika 11 ng gabi at ang tangka ko’y bumalik ng Maynila nguni’t kailangan ko ang magkanlong, kaya’t minarapat kong tahakin ang kabukiran, tuloy sa Loma. Noon ay para akong isang katatakutan pagka’t lahat ng akyatin kong bahay upang magparaan muna ng oras ay ipinagtatabuyan ako at mamamatay wari sila sa takot.

Noo’y naghihinanakit ako. Nguni’t ng mabalitaan kong lahat ng aking inakyat na bahay ay pinaghuli, ang mga tao ay pinahirapan at ang iba ay itinapon kung saan saan lupalop at noon hinuli ang isa kong amain na namatay sa tapunan na ang tanging kasalanan ay dahil sa pagpasok ko lamang ng tahanan niya ng gabing yaon upang humalik ng kamay. Noon din ay hinuli ang aking ama at dalawang kapatid na lalake. Sa di kawasa’y nakarating ako sa Liko, ngayo’y Solis ng a las 4 ng umaga, sa bahay ng aking amaing G. Simplicio de Jesus , eskultor, at ng magkaroon ng limang oras ay ako’y umalis din doon sapagka’t malapit sa Kuartel ng Veterana, lumulan ako sa isang karomata upang humanap ng bahay na walang panganib at ako nama’y nakakita sa daang Clavel kaya doon ako tumirang kasama ng aking hipag na si Espiridiona Bonifacio at dito’y nagkanlong ako sa pangalang Manuela Gonzaga na tumagal ng isang buwan at dahil din sa tinig ng Inang Bayan, at ako’y isang tunay na katipunan.

Lumabas ako ng Bundok ng ika 1 ng Nobiembre, 1896, at doon ako sinalubong ni Andres Bonifacio sa San Francisco del Monte. Nagtuloy kami sa lugar ng makasaysayang Balara, pook na pinag-realan ng mga anak ng bayan, pagitan ng bayang Kalookan at Marikina at doon din kami nagsipanggaling bago pumasok ng lalawigang Kabite.

Ang ikalawa kong naging kaisang puso ay si Julio Nakpil. Kami ay ikinasal ng ika 10 ng Disiembre ng 1898. Siya ay naging kalihim ni Andres Bonifacio at siya ang iniwang tagapatnugot ng lahat ng tropa sa dako ng hilagaan at sila ang nagtapos ng pakikilaban sa Montalban at San Mateo, kaya ng siya ay humantong sa Pasig ay dito kami nagkatagpong muli at nagkasintahan at ang aming pagiisang puso ay ginanap sa matandang simbahan sa Quiapo ng mga katoliko at ng magkaroon ng Paz o Kapayapaan ang Revolucion Filipina ay pumisan kami sa tahanan ni Dr. Ariston Bautista, kilalang pilantropo, sa piling ng kanyang asawang Petrona Nakpil, kasama-sama rin ang aking bienan, mga hipag, bayaw at kami ay nagsamasamang parang tunay na magkakapatid na isang tiyan lamang ang pinagbuhatan. Ako’y may anak na walo sa nasabing pangalawang asawa: dalawa ang patay, Juana at Lucia, ang anim ay buhay, Juan F. Nakpil, Julia Nakpil, Francisca Nakpil, Josefina Nakpil, Mercedes Nakpil, Caridad Nakpil. Ang lahat ng iya’y halos si Dr. Ariston Bautista ang nagpaaral at nagpatapos sa anak kung lalaki. Ako’y inaring parang tunay na anak at kapatid hanggang siya’y tawagin sa sinapupunan ni Bathala.

Tungkol sa sigalot ni Bonifacio at ni Aguinaldo na nagmula sa idinaos na magulong halalan sa Teheros, pati ng pag-uusig at mga katampalasanang ginawa ng mga kabig na pinamumunuan ni Aguinaldo sa aming magaanak na niwakasan sa pagpatay Kay Andres Bonifacio ay hindi ko na isinaysay dito at iya’y mababasa sa kasulatang ipinadala ko kay Emilio Jacinto na ibinabalita sa akin ng Gral. Cipriano Pacheco na ngayon ay na sa kay G. José P. Santos,22 at upang maipagpatuloy pa ang aking buong nalalaman sa nasabing katipunan ay minarapat kong pagtiyagaan at ng maunawaan ng lahat na ako ang unang nagtraducir o nagsalin ng aktang “alfabeto” na ipinadala sa akin sa Pasig ni Emilio Jacinto, kasama ang kanyang kapirasong buto sa hita noong siya’y tamaan ng bala sa pakikilaban sa Nagkarlang, sakop ng Lalaguna ng panahong yaon. Ako naman ay nasa bayang Pasig, lalawigan ngayon ng Rizal. Kaya doon ko rin ginawa o isinalin ang nasabing “alfabeto” o akta ng katipunan.

Gaya rin naman ng unang Limbagan, revolver, sandata, salaraw, timbre at lahat ng kagamitan ay bili ng mataas na sanggunian, nguni’t ang ibang handog nina GG. Francisco Castillo at Valeriano, mga taong may malaking damdamin, marunong mag-adiya sa bayang tinubuan, may mahabang hangarin. Kaya’t kapagkarakang malaman ang nilalayon ng katipunan ay bumili agad ng malaking limbagan upang sa madaling panahon ay makayari agad ng maraming Kartilya, periodiko at mga palatuntunan, kaya noong huli’y pinagtulungtulungan nina Emilio Jacinto, Aguedo del Rosario, Alejandro Santiago, Cipriano at Marciano na taga Pulo, Bulakan, at ang tagapamahagi at tagalakad ay sina Macario Sakay, at iba pang panguluhan. Ang palagay ng ibang siya’y masamang taong naging tulisan ay ewan ng huli, sapagka’t nakita ko naman na may malaking ginawang tulong sa Katipunan. Si Macario Sakay ay tunay na makabayan at di ko akalain na ang maging hantungan ay ang bibitayan.

Ilang mahalagang bagay na aking napagdanasan sa panahon ng himagsikan ay itong sumusunod: Nang ako’y kasama ng mga kawal ng naghihimagsik sa parang ng digmaan ay wala akong pangiming sumuong sa anomang kahirapan at sa kamatayan man, sapagka’t wala akong nais ñg panahong yaon kundi ang mawagayway ang bandila ng kasarinlan ng Pilipinas, at palibhasa’y kasama ako at sumaksi sa maraming laban, kaya’t kabilang din akong isa sa mga kawal at upang maging ganap na kawal, ako’y nagsanay ng pagsakay sa kabayo at nag-aral na mamaril at humawak ng ilang uri ng sandata na nagamit ko rin naman sa maraming pagkakataon. Napagdanasan ko rin naman ang matulog sa lupa ng walang kinakain sa boong maghapon, uminom sa mga labok ng maruming tubig o kaya’y katas ng isang uri ng baging sa bundok na tutoong mapakla na nagiging masarap din dahil sa matinding uhaw. Anopa’t sa gulang kong tinataglay noon kung pagbabalikan kung alalahanin ngayon, ako sa sarili’y nagtataka kung papano ko natawid ang kabuhayang yaon at kung bakit ako buhay pa sa gitna ng mahigpit na pag-uusig sa akin ng panahong yaon.

Ang natatandaan kong kaparusahan sa hindi sumusunod ng mga ipinaguutos ng katipunan, gaya ng mang-babae, ay ipatatawag kapagkarakang maunawaan sa halip na siya’y bigyan ng kaparusahan ay agad siyang babasahan ng dapat pagpitaganan ang isang babae, gaya na rin ng pagpipitagan sa sarili na ang sinasabing pangaral ay ganito: “Kung hindi mo gustong lapastanganin ang iyong Ina, asawa at kapatid ay nararapat na pakaingatan mo na gawin mo sa iba ito pagka’t sa ganyang kaapihan ay maaari mong ipalit ang tatlo mang buhay. Kaya’t isa-isip tuwina na ang masama sa iyo ay hindi dapat gawin kailan man sa iba at sa paraang iyan ay isa kayong marangal na maibibilang na anak ng bayan”.

Tungkol sa suliraning pagsusugal ay ang marapatan ng tagausig balangay at mapatotohanang nagkasala, siya’y lalapatan ng hatol na siya’y ihihiwalay hangga’t di nagbabago ng kaniyang kaugalian. Lahat naman ng mga nagsitanggap ng aral at saka ang mga maparusahan ay pawang nangagsipagbago naman ng ugali.

Sa kahilingan ni G. José P. Santos na siyang pinaghahandugan ko ng kasaysayang ito ng aking buhay ay itinala ko sa ibaba ang sampung tagubilin o aral sa mga kabataang kinabibilangan niya na siyang pangwakas nito:

1. Igalang at mahalin ang magulang pagka’t ito ang pangalawang Dios sa lupa.

2. Alalahanin tuwina ang mga banal na aral ng mga bayani na nasawi dahil sa pag-ibig sa bayan.

3. Huwag magaksaya ng panahon ng di pamarisan.

4.Pagsikapang magkaroon ng anomang karunungan na tumutugon sa kanyang hilig upang paki-nabangan ng bayan.

5.Ang kabaitan ay alalahaning isang malaking kayamanan.

6. Igalang ang mga gurong nagpapamulat ng isip pagka’t kung utang sa magulang ang pagiging tao ay utang naman sa nagturo ang pagpapakatao.

7. Iligtas ang api sa panganib.

8. Matakot sa kasaysayan pagka’t walang lihim na di nahahayag.

9.Kapag napagingatan ang kasamaan ay doon manggagaling ang malaking karangalan.

10.Sikapin ang ikapagkakaisa ng lahat at ika uunlad ng bayan upang huwag magkaroon ng sagabal ang kasarinlan.

Tinapos ko rito ang maikling tala ng aking buhay na sinulat ko sa mga sandali ng aking ganap na katahimikan nag-iisang binubulay at pinagaralan at sinuri ang mga nakaraan kaya’t lahat ng nakatala rito ay siyang mga wagas na katotohanan.

Lagda ni Gregoria de Jesus

Kalookan, Rizal

5 Nobyembre 1928

(Halaw mula sa isang website na ginawa ni Chris Chesser M. Bello, mag-aaral ng UP-Manila ang artikulong ito. Namatay si Ka Oryang sa edad na 68 noong 15 Marso 1943.)

 

Share

Where babaylans live forever by Gloria Esguerra Melencio

November 30, 2010 by  
Filed under blogs

book-strobelAs I entered the majestic  wooden house of Julio Nakpil sitting serenely like a queen amid the hustle-bustle of noisy Quiapo, mixed feelings of awe, sadness and reverence for the Filipino ancestors enveloped me.  Julio Nakpil,  musician, revolutionary and second husband of Gregoria de Jesus, whom she married after Andres Bonifacio died in the hands of his fellow Katipuneros, took care of Ka Oriang after her  and her first husband’s ordeal in Cavite in 1897.

The Nakpil and the Lin- Bautista clans opened their ancestral house for the book launching of “Babaylan: Filipinos and the Call of the Indigenous” to the book enthusiasts, historians, women and students as well to commemorate the birthday of Bonifacio that falls today, 30 November 2010. The women descendants of Ka Oriang  graciously asked the guests to tour around the big house that is now a museum of pictures, memorabilia and writings about history.

The house, before it was reconstructed in 1913, had two gates: one facing the busy street and another one serves as a get-away to the river where Ka Oriang’s eldest daughter Julia used to paddle the banca in going to school by herself.  A big window facing the river was where Ka Oriang usually hang her pamingwit to catch fish for lunch. Retracing Ka Oriang’s steps, the river now is murky and dirty. Tall buildings and sign boards tried, though not successful, to dwarf the Nakpil house. Old tin roofs marked with rust spread along the riverbank as garbage and plastic bags cling lifeless wherever it can between the waters and solid ground.

Ka Oriang’s dainty looks with her coiffed black hair in a picture hanged on the wall commands admiration and respect befitting a hero and a babaylan.  She speaks her mind through her “Sampung Aral ni Oriang” written on the Nakpil wall. It says in numbers 6 and 8: “Iligtas ang api sa panganib;” and “Matakot sa kasaysayan pagka’t walang lihim na di nahahayag.”

Social development activist Sister Mary John Mananzan inspired everyone when she said that the babaylans have a “dangerous and subversive memory” that the foreign colonizers failed to subvert. While they were burned at stake, beheaded and killed by the thousands, the babaylan tradition lives on.

Herstorian Fe Mangahas explained in the launching that the pre-Hispanic Philippine society had three major characters – the datu, panday and the babaylan. Where the datus and the pandays failed to continue their legacy, the babaylans continued to live in the hearts of Filipino women in the beaterios, the present-day nuns and the indigenous peoples in the north down south. She further said: “Nanatiling buhay ang diwa ng babaylan sa bawat isa sa atin – lalaki man o babae.”

Feminist Girlie Villariba who is one of the book writers brought a tampipi full of gifts from Charito Basa who is in Rome helping Filipino migrant workers. Girlie made us smell the lavender flowers, leaves and herbs – curative of mental and spiritual illnesses one has as an individual and as a collective group of people.

Chapter writer Ceres Pioquinto’s sister and relatives flew all the way from Iloilo to relate how their Lola healed people, thus, regarded as a good “tambalan” in their community.

A group of young babaylans called “babaylanins” (female) and “bayogins” (male, from the Visayan word bayog or prayer leader) taught a Palawanon way of hand gesture and greeting saying: “Nagkakaisa tayo sa diwa at sa puso.”

Professor Grace Odal,  dressed in white with a flower bouquet on her head, lighted the candle at the altar, threw fragrant petal flowers up on air and danced ala-early babaylan to summon the spirits of nature to come and bless the occasion. While the book launching attendees danced to the tune of the gongs, guitar, kudyapi and bamboo musical instruments, Professor Connie Alaras said: “Natutuwa ang mga sinaunang babaylan.”

Share

Pag-ibig at rebolusyon

February 11, 2010 by  
Filed under blogs

ANG nakaraan: Ikinulong ng mga magulang ni Gregoria de Jesus ang kanilang anak sa isang bahay sa Binondo dahil tutol sila sa pakikipagmabutihan nito sa lalaking taga-Tundo at tunay na mahirap, na lumilingon sa tawag na Andres Bonifacio. Tutol sila kay Andy dahil kasapi ito ng isang kilusang lihim na bumabatikos sa kolonyalistang Espanyol.

Pero hindi nawalan ng pag-asa si Gorie, nagawa niyang magpalusot ng sulat sa gobernadorcillo ng Binondo at humingi ng tulong para iligtas siya sa kamay ng “malulupit” na magulang at maikasal sa sinisintang si Andy.

Ngayon, ang pagpapatuloy ng ating kwento…

Ang totoo niyan, kahit basambasa ang papel ng pamahalaang Espanyol sa mga Pinoy noon, may ilang mga matitino ring tauhan ng pamahalaan na may pakinabang rin naman. Naglabas ng kautusan ang “Gobernador Civil de Manila” na asikasuhin ang kaso at tulungan ang “Tagala” na maikasal sa nobyong di nila alam e may planong pabagsakin ang gobyerno para sa kasarinlan.

Pero minalas namang nagkasakit si Gorie kaya hindi siya nakarating sa munisipyo para sa pagdinig ng kaso niya.

Sumulat siya ulit at heto yun:

“For Gobernador Cibil negociado de Disenso Paterno

“Muy for mio,

“Acopoi si Gregoria de Jesus na taga Caloocan na ipinatatawag niang Gobierno Cibil dahil sa Espidiente na ipinadala ng tribunal ng Naturales ng Binondo aco poi hindi nacarating diyan sapagcat acoy nagcasaquit, ngayon po acoi magaling na at malacas, ipinaquiquiusap co po sa inio na acoi ipatawag mo pong uli at aco poi yaalis ng aquing magulang caya po higpitan niño

“Ynaasahan co po na acoi paquiquingan niño sa aquing paquiquiusap sa iño

“Gregoria de Jesus”

May petsa itong 8 Enero 1894 at may kalakip na isang medical certificate na nakasulat sa Espanyol, may petsang “14 de Diciembre de 1893” at pinirmahan ng isang Jose N. Hidalgo. Sinasabi ni Hidalgo na nagkaroon si Gorie ng “atakeng histerikal” at maputlang-maputla.

Marahil ay nag-hunger strike itong si Gorie o talagang dinibdib niya nang labis ang paghihiwalay nila ni Andy kaya siya nagkaganun.

Pero anuman ang tunay na kwento tungkol sa dinanas ni Gorie sa mahigit anim na buwang pagkakulong sa bahay, hapi ending din naman ang nangyari dahil binigyan sila ng lisensya sa kasal ng gobyerno at nakasal din sila ni Andy sa bandang huli.

At dahil mga rebolusyonaryo sila, ikinasal ulit sila sa kilusang lihim na dinaluhan ng mga bigating tao sa Katipunan, kabilang ang dalawang kapatid na babae ni Joey Rizal na si Josefa at Trinidad.

Pero kaiba sa mga kwentong pantasya, hindi pwedeng sabihing “they lived happily ever after” dahil tatlong taon lang pagkatapos noon ay ipapapatay si Andy, hindi ng mga kaaway na Espanyol, kundi ng sariling mga kasamahan sa Katipunan na itinatag niya. The end.

Share

Andy at Gorie

February 11, 2010 by  
Filed under blogs

KAHAPON sinabi kong parang kwentong Romeo and Juliet sa tunay na buhay ang ligawan ng mga bayaning sina Gregoria de Jesus at Andres Bonifacio, at merong patunay na papeles tungkol dito.

Alam nating masaklap ang kahihinatnan ng buhay ni Ka Andy Bonifacio sa kalaunan dahil dadayain siya sa isang “mock election” sa Cavite ng katoto niyang si Emil Aguinaldo. Hindi sa pelikula nina FPJ at Ramon Revilla unang nabanggit ang walang kamatayang katagang “Iyo ang Tundo, akin ang Cavite.” Binigkas iyon noong panahon nina Ka Andy na taga-Tundo at Ka Emil na, siyempre, taga-Cavite. Kung nabubuhay si Ka Andy ngayon ay pihong sising-sisi siya sa pagpunta sa Cavite.

Pero balik tayo sa pinag-uusapan kong mala-telenobelang pag-iibigan nina Gorie at Andy. Ito palang si Gorie e sumulat sa meyor ng Binondo noon para iligtas siya sa mga magulang na tutol sa pagtitinginan nila nang malagkit ni Andy. Ganun katindi ang pagkaasar ng tatay niya sa ating bida, sukdulang ikulong ang sariling anak mailayo lamang sa kanya. Heto ang sulat-kamay ni Gorie na hindi ko pinakialamang masyado (hindi ko inedit at nilagyan ng mga tuldok at kuwit sa mga tamang lugar) para ma-feel natin ang rubdob ng kanyang damdamin at manamnam ang pamamaraan sa pagsulat ng mga tao noong panahong iyon:

“Gobernadorcillo de Naturales de Binondo

“Muy for mio,

“Aco poi si Gregoria de Jesus nataga Caloocan dalagang tagalog at menor de edad aco po ay may tratong mag asawa sa aquing novio nasi Andres Bonifacio na taga Tondo Calle de Sagunto nº 11 lebrada ng matalastas ng aquing magulang ang aquing magandang hangad aco po ay dinala dito sa Binondoc at inilagai aco sa isang bahai sa Calle Madrid nº D letra 28 (actually no. 28 letra D gaya ng nakasulat sa ibaba) ang lagai copo dito ay tunay na bilanggo wala acong libertad na ano man

“Saiyo pong capangyarihan aco ay nagquequeha (request?) at hinihingi co po sa iyo mediante justicia aco poi cunin mo rito, tawagin ang aquin novio, gawin mo ang de legenciang dapat, ipadala sa gobierno na para cami macasal

“Humihingi po aco saiyo ng pag ca justicia at umaasa po acong paquiquingan mo sapagcat itoi siyang toncol ng sinomang may magandang calooban na para mo po

“Gregoria de Jesus

“6-20-1893

“Calle Madrid

“Nº 28 letra D”

Hindi ko maintindihan ang huling sinabi niyang “na para mo po.” Baka may karugtong na nawala o ganun talaga siguro ang mga sulat noon. Pero malinaw na “bilanggo” siya ng mga magulang at humihingi ng tulong.

Hindi ko akalaing ganito kahaba ang istoryang ito. Kapos na naman po ako sa espasyo. Abangan na lang ang susunod na kabanata…

Share

Pag-ibig ni Ka Andy

February 11, 2010 by  
Filed under blogs

Hernan-weblogYAYAMANG buwan ng pag-ibig ngayon at gusto kong medyo ilayo ang paningin sa nagaganap na sirko sa paligid para kiligin naman nang kaunti, silipin muna natin itong pag-ibig ng bayani nating si Ka Andy Bonifacio.

Kung kilala sa pagiging pilyo sa tsiks itong si Ka Joey Rizal, kilala naman itong si Ka Andy bilang “mabait na bata” at walang masyadong na-link sa kanya. Siguro dahil kaunti lang ang nasusulat tungkol sa lovelife ni Ka Andy o kaya naman ay masyado siyang seryoso sa “tunay” niyang pag-ibig: ang “tinubuang lupa.”

Di ba inalayan pa niya ito ng tula? Sabi niya: “Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya/ sa pagkadalisay at pagkadakila?/ Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa./ Aling pag-ibig pa?/ Wala na nga, wala.”

Kitam? Unang pag-ibig niya ang bayan at pangalawa na lang at pangatlo ang dalawang naging asawa niya (nang hindi magkasabay).

Pero kahit ganun, hindi korni ang buhay pag-ibig ni Ka Andy. Katunayan, batay sa nakalkal na mga lumang dokumento sa National Archives nitong masipag kong misis, masasabing ang pag-iibigan nitong si Ka Andy at ang naging pangalawa niyang asawa na si Gregoria de Jesus, alias Oriang, e parang kwento nina Omeng at Huli na mas pamoso sa tawag na Romeo and Juliet.

Isa sa mga dokumentong nakita ko e ang lisensya sa kasal mula sa “Gobierno Civil de Manila” nina Ka Andy at Ka Oriang na ibinigay matapos ang mahabang pakiusap ng menor de edad na si Oriang at labag sa loob ng mga magulang ng babae.

Batay mismo sa talambuhay na sinulat ni Oriang at nalathala noong 1932, anim na buwan na nanligaw si Ka Andy – hindi sa kanya kundi sa mga nanay at tatay niya. Halos 30 na noon si Ka Andy at balo sa unang asawa – na Monica umano ang pangalan at namatay sa ketong – samantalang si Oriang ay 18 lamang.

Pero ayaw umano kay Ka Andy ng mga paryentes ni Oriang dahil isa itong Mason. (OK, mason ang tawag sa naghahalo ng semento pero ibang klaseng Mason ang tinutukoy dito. Ang Mason o Freemason ay isang organisasyon ng mga “maginoo” at maraming sikat at dakilang tao sa iba’t-ibang panig ng mundo ang kasapi nito. Kasapi nito sina Rizal, Marcelo H. del Pilar at mga bayaning Pinoy na nasa Espanya noong panahong iyon. Sila ang nagdala ng organisasyon sa Pinas at pinayagang sumali kahit yung mga tunay na mahihirap, gaya ni Man.. este, ni Ka Andy. Hay, napakahabang paliwanag para lamang sa salitang Mason.)

Anyway, naubusan na ako ng espasyo pero hindi ko pa nababanggit dito ang mga sulat ni Oriang sa pamahalaan ng Maynila na humihiling iligtas siya mula sa kamay ng mga magulang at ipakasal sa sinisintang si Andres Bonifacio. Nakakakilig, di ba?

Bweno, bukas ko na itutuloy ang kwento…

Share

Copy Protected by Chetan's WP-Copyprotect.