Kung bakit hindi ginamit ni Teodora Alonzo ang apelyidong Rizal

August 12, 2011 by admin  
Filed under blogs

gloria-photo-110x110Kung hindi ko nabasa ang pahayagang Renacimiento Filipino noong isang taon sa Philippine National Archives, lilipas ang Agosto 16 ngayong 2011 nang hindi ko maaalala ang kamatayan ni Teodora Alonzo y Quintos, ina ng ating bayaning si Dr. Jose Rizal. Eksaktong 100 taong patay na ang ina ng bayani. Kung babalikan ang pahayagang Renacimineto Filipino, makikita kung gaano kamahal si Teodora Alonzo ng mga Pilipino noong 1911.

Hindi mahulugang karayom ang sementadong kalsadang yari sa cobblestone (walang katumbas na salin sa wikang Filipino) sa Maynila sa araw ng kanyang libing sa dami ng mga taong nakikidalamhati sa pagpanaw ng 84 na taong gulang na ina ng bayani. Tulad ng nakaugalian noon, may banda ng musiko sa unahan at puno ng mga tao ang gilid ng kalsada. Marami ring taong nakasunod sa karwaheng hila ng kabayo. Sa likod ng karwahe, may mga taong nakasakay rin sa kabayo.

Parang dagat ng mga taong nakaputing may suot ring mga sinaunang sumbrero sa paligid. Maluwag ang kalsada ngunit puno ng mga tao. Malalaki ang mga bahay na yari sa kahoy at bato. Payat at di kataasan ang mga kahoy na poste sa gilid ng magkabilang kalsada.

Sa Santa Cruz, Maynila ipinanganak ang butihing matanda noong 9 Nobyembre 1827. Marami ang nakipaglibing sa kanya sa Maynila hindi lamang dahil sa ina siya ng isang bayani kundi dahil na rin sa kanyang mga sariling nagawang kabutihan sa kapwa at sa bayan.

Nasukat ang katatagan at lakas ng loob ni Teodora  Alonzo sa katindihan ng pag-uusig  ng mga Espanyol sa mga mapanlabang Pilipino. Sa panahong inuusig ang kanyang pamilya – mula sa matandang anak na si Paciano hanggang sa batang si Rizal (ikapito sa 11 anak niya) – pinanghawakan niya ang mga prinsipyong pinaghuhugutan rin ng lakas ng pambansang bayani.

Isa sa mga naging hamon sa matanda ang pagpapatawag sa kanya ng mga Espanyol dahil sa hindi niya paggamit ng apelyidong Rizal. Nangatwiran siyang hindi kaugalian ng mga Pilipinang gamitin ang apelyido ng kanilang asawa. Aral si Teodora Alonzo sa Colegio de Santa Rosa sa Maynila at mula sa pamilyang mga nakapag-aral rin at may kaya sa lipunang Pilipino noon kaya mas lalong pinalakas ng kanyang edukasyon ang kanyang paninindigan.

Idinagdag ito sa naunang kaso niya sa kanyang paglason umano sa kanyang hipag na napatunanayan namang hindi totoo sa hukuman. Ngunit hindi pa rin siya makaligtas sa galit ng mga Espanyol. Pinalakad nila ang matanda mula Ermita, Maalat, Pineda (Pasay sa kasalukuyan) hanggang Las Pinas.

Anang pahayagang Renacimiento Filipino: “ Sa bayang ito’y (Las Pinas) isinalin ng mga veterana sa guardia civil ang pagtatanod sa kanya. At noon di’y inilakad naman na ang pinagdaanan niya’y ang mga bayang Muntinglupa, San Pedro, Tunasan, Binyang, Sta. Rosa, Kabuyaw, Kalawang, Pila at Santa Cruz (Laguna).

Naawa sa kanya ang mga taga-Binyang, Laguna at nakiusap sa mga guardia civil na isakay sa duyan ang matanda at sila na lamang ang maglakad para sa kanya ngunit hindi natinag ang mga guardia civil. Markado na ang pamilya Rizal simula pa lamang noong 1872 nang maganap ang pag-aalsa sa Kabite at patayin ng mga Espanyol ang tatlong paring Gomez, Burgos at Zamora.  Malapit na estudyante at nakatira si Paciano Rizal kay Padre Burgos noon.

Sinamsam ng mga Espanyol ang ari-arian ng pamilya Rizal sa Calamba noong 1890 kung kaya nagsilipat sila sa Maynila. Nakitira sila sa makabayang si Higinio Francisco sa Trozo (bahagi noon ng Binondo ngunit bahagi na ng Santa Cruz, Maynila ngayon), ayon pa sa pahayagan. Aabot pa hanggang sa ikatlong henerasyon ng kanilang angkan ang mga kasong ipapatong laban sa kanila (Encarnacion Alzona, Selected Essays and Letters of Jose Rizal, p. 31).

Bago pa ito mangyari, napaunlad ni Teodora Alonzo ang kanilang negosyong azucarera – (”nagmamatamis” ang ina ni Rizal, ayon sa pahayagan) at taniman sa Calamba. Inquilino o kasama (tenant) ang mag-asawang Rizal sa lupaing pinauupahan ng mga paring Dominikano sa Calamba ngunit dahil sa pag-aalsa ng mga magsasaka (may kinalaman kaya rito ang mga Rizal?) sanhi ng mataas na renta at buwis, nagalit ang mga Dominikano at nagtanim ng galit sa pamilya.

Bago mamatay ang butihing ina ng bayani, binigyan siya ng pabuya at pensiyon ng pamahalaan dahil sa mga nagawa ni Jose Rizal para sa bayan. Ngunit tinanggihan niya ito. Hindi umano siya nagpapabayad sa kanyang pagiging Pilipino. Kung marami rin lang umanong salapi ang pamahalaan kung kaya ipinamimigay ito, ipinapayo niyang babaan na lamang ang pagbubuwis sa mga mamamayan.

Hindi nakapagtataka kung bakit naging bayani si Jose Rizal.

Share

Paroo’t Parito ni Hernan Melencio

December 25, 2009 by admin  
Filed under blogs

Pasko at pag-aalburoto

SA nobela ni Joey Rizal na Noli Me Tangere (Huwag Mo Akong Hipuan), namatay ang mahahalagang tauhan sa bisperas ng Pasko o Pasko mismo. May dahilan kung bakit ito ginawa ni Doc Joey: Masaya ang buong kapuluan kapag Pasko ang at ang isang trahedyang mangyayari sa panahong ito e mas masakit sa kalooban, kaya mas madrama.

Isipin din na hindi pa uso ang cellphone noon, pati iPod, facebook, twitter, ang buong Internet, at kahit nga ang nakakaburyong na radyo at telebisyon. Nakatuon noon nang husto ang atensyon ng buong sangkakristiyanuhan sa Pasko at sa dulot nitong ligaya na nakukuha sa ligawan sa simbahan, pagkain ng bibingka o puto bumbong, pamamasyal sa Bagumbayan, paglalaro ng piko o patintero sa liwanag ng buwan, pagpapalitan ng regalo, pagdalaw sa mga ninong at ninang, atbpa.

Tapos mamamatay ang mga bida sa panahong dapat nagsasaya ang lahat. O di ba mas masakit iyon? Yun ang gustong makuhang epekto ni Ka Joey sa nobela niya.

At nakuha naman niya ang epektong ito, nagalit nang todo-todo ang mga kontrabidang prayle at ipinagbawal ang pagbabasa nito. Hindi rin sinasadya, nagawa ni Ka Joey na pag-alabin ang mga dibdib ng mga kabayan – kasama na sina Andy Bonifacio at Emil Aguinaldo – para sila maghimagsik.

Ganoon sila noon, e paano naman tayo ngayon? Sa ngayon, maydagdag pa ring sakit ang trahedya kapag nangyayari ito sa Kapaskuhan. Nariyan ang masaker ng 57 katao sa Maguindanao, kabilang ang 30 kasama natin sa hanapbuhay; ang pag-aalburoto ng Mayon na nagtulak para sapilitang palayasin ang mga nasa paligid nito; ang hindi pagbibigay ng Christmas bonus sa mga empleyado ng gobyerno, lalo na sa mga guro; at ang pinakamalaking delubyo sa lahat, ang pananatili ng administrasyong Arroyo.

Pero konting sakit na lang ang dagdag dahil nasanay na tayo sa trahedya at namihasa naman ang mga kontrabida sa paglikha nito kaya parang ordinaryo na rin lang na magkahalong sakit at saya ang dinaranas natin tuwing Pasko.

At kung matagal ka ring natira sa Saudi Arabia, lalong magiging ordinaryong araw lang sa iyo ang Pasko. Mabuti-buti nga ngayon na Biyernes ang Pasko dahil Biyernes ang pinaka-“Linggo” ng mga Muslim. Ito ang araw ng pahinga nila kaya walang pasok sa mga opisina ng gobyerno at maraming pribadong kumpanya.

Kaya malayang makagagala si Kabayan sa mga mall, pasyalan at bahay ng mga kaibigan para kumain ng pansit, spaghetti o shawarma.

Bisperas ngayon ng Pasko at hanggang ngayon e umaasa pa rin ang mga guro sa pampublikong paaralan na makakahabol sa noche buena ang bonus na ipinangako sa kanila. Dapat e noon pa inihanda ng mga hinayupak na pinunong may hawak ng pitaka ng gobyerno ang pera nila. Ano kaya ang hinihintay nila, Pasko?

Share

Paroo’t Parito ni Hernan Melencio

December 1, 2009 by admin  
Filed under blogs

Ang Iyak ng Balintawak

BERTDEY kahapon ng idol nating si Ka Andy Bonifacio. Absent siguro ako nung itinuro ng titser ko noon kung bakit bertdey ni Ka Andy ang ipinagdiriwang tuwing Bonifacio Day samantalang kamatayan naman ni Ka Joey Rizal ang Rizal Day.

Yayamang nabanggit si Ka Andy, at nag-aalburoto rin ang marami nating kababayan – kabilang ang mga kasama natin sa hanapbuhay na namatayan ng mga katoto’t kaibigan sa kahindik-hindik na Ampatuan massacre noong isang lingo – pagbigyan n’yo na ako na medyo magsentimyento.

Nakakalungkot na hanggang ngayon e hindi pa natatagpuan ang mga buto niya at hindi pa rin magkasundo ang mga historian kung si Ka Andoy nga ang unang pangulo ng Pilipinas o si Ka Emil Aguinaldo na siyang nagpapatay sa kanya.

Ipinagpipilitan ng ilan na Hunyo 12, 1898 ang araw ng kalayaan laban sa mga Kastila samantalang Agosto 23, 1896 naman ang sabi ng iba.

Hunyo 12, 1898 kasi nang ideklara ni Ka Emil Aguinaldo ang kalayaan laban sa Kastila. Weno kung inuto lang siya ng mga Kano? Basta ang mahalaga ay lumaya tayo sa mga Kastilaloy.

Kolonyal na kaisipan ‘yan, hirit naman ng kabilang panig. Agosto 23, 1896 ang dapat ipagdiwang dahil iyon ang araw nang sumigaw si Ka Andoy ng “Tama na! Sobra na! Palitan na!” Oops, parang hindi iyon ang isinigaw niya.

A, basta. Sumigaw siya noon, kaya nga Sigaw ng Pugadlawin (o Balintawak) ang tawag dito.

Ewan ko ba kung bakit “Cry of Pugadlawin (or Balintawak)” ang naging salin nito sa Ingles. Kung sabagay, magandang pakinggan ang “Iyak ng Balintawak” dahil may tugma. Ano’ng malay natin, baka talagang nag-iyakan sila sa Balintawak dahil mahirap talagang pumunta roon nang walang sasakyan at pagkain.

Ano naman ang kinalaman ni Ka Joey Rizal sa Iyak ng Balintawak? Wala. Katunayan masama nga ang loob niya kay Ka Andy dahil ipinahamak siya ng Katipunan gayong ni hindi naman siya miyembro nito. Reporma lang daw ang gusto niya, sabi niya ke Ka Andy.

Sagot naman ni Ka Andy: “Susulat-sulat ka ng laban sa Kastila tapos aatras ka? No way, Jose. Itatakas ka na lang namin kung gusto mo.”

Sabi naman ni Ka Joey: “Hindi ko kailangan ng tulong mo. Ipaglalaban ko hanggang kamatayan ang sarili kong adhikain.”

Sabi naman ni Ka Andy: “O di sige, pero sumulat ka muna ng tula bago ka bitayin. Inspirasyon din ‘yon sa mga Katipunerong naniniwala sa iyo. Hindi ko sasabihin sa kanilang ayaw mo ng rebolusyon. Siyanga pala, bakit mo tinanggal ang tsapter na Elias at Salome sa nobela mong Noli me Tangere?”

Sayang at hindi masyadong mahilig magsulat si Ka Andy. Hindi niya tuloy naikwento kung ano ang sagot ni Ka Joey sa tanong niya.

May angking talino at mahilig ding sumulat si Ka Andy – meron nga siyang tula na ginawa pang kanta ng mga tagahanga niya – pero mas nakilala siya sa pagiging “brusko” at “hindi palaisip” na tulad ni Joey. Sayang.

Share

Limot na Bayani: Tunggalian sa Alaala ng Bayan

October 24, 2009 by admin  
Filed under blogs

dante-weblogSino ang dapat tanghaling pambansang bayani, si Jose Rizal o si Andres Bonifacio? Sino ang huling heneral na sumuko sa mga Amerikano, si Hen. Miguel Malvar  o si Hen. Simeon Ola?

May naaalala ba kayong mga bayani o martir ng pakikibaka laban sa mga mananakop na Amerikano? O laban sa Hapon? O laban sa diktadurang Marcos bukod kay Sen. Benigno Aquino, Jr.?

Ang una ay dalawa sa mga tanong ng mga estudyante at guro na karaniwang lumilitaw sa maraming simposyum, seminar at panayam na aming nadaluhan sa nakalipas na maraming taon. Ang ikalawa ay mga tanong naman namin sa kanila yamang halos mga bayani at martir laban sa mananakop na Espanyol ang kanilang madalas na nababanggit.

Ukol sa una, pinayuhan namin ang mga nagtanong na huwag nang pagsabungin ang mga bayani. Malinaw naman ang papel nina Rizal at Bonifacio sa pagbubuo ng bansa at tinatanggap naman silang bayani ng balana.

Sa kaso nina Malvar at Ola, ipinayo naming higit na bigyang pansin ang mga ambag nila sa pakikibaka sa mga Espanyol at sa mga Amerikano noong Digmaang Pilipino-Amerikano. Nandirito sa mga pakikibakang ito ang mga dapat na bigyang-dangal ukol sa dalawa at wala sa kanilang pagsuko.

Marahil, maski sina Malvar at Ola mismo ay di aangkining karangalan na ituring na huling heneral na sumuko lalo’t nagpatuloy sa maraming lugar sa arkipelago ang armadong paglaban sa pananakop ng mga Amerikano makaraan silang sumuko. Sa maigsing panahon pagkasuko ni Malvar, pinamunuan pa ang paglaban ni Hen. Luciano San Miguel hanggang sa siya ay mapatay (hindi siya sumuko!) sa Marikina.

Sabi namin, sa halip na pagsabungin ang mga bayani, sa halip na bigyang-dangal ang pagsuko, bakit hindi hanguin sa limot ang maraming bayani at martir ng pakikibaka para sa kalayaan, kaginhawahan, kaunlaran, kapatiran, at pagkakapantay-pantay?

Nasaan na ang mga bayani at martir ng pakikibaka laban sa Estados Unidos, sa Hapon at maging sa diktadurang Marcos?

Mabuti-buti’t nagkapelikula si Macario Sakay, nakilala tuloy siya at kinilala na ring bayani noong 1998. Kung hindi siya nabaon sa limot, baka bandido pa rin siya sa kasaysayan gaya nang itinatak sa kanya ng mga Amerikano at sa kanyang mga kasamahang orihinal na katipunero tulad nina Faustino Guillermo, Apolonio Samson, at marami pang iba. Ilan sila sa mga nagpatuloy sa paglaban sa mga Amerikano kahit sumuko na ang mga kasamahan at heneral ni Emilio Aguinaldo.

Mabuti-buti’t nagkaroon ng isang libong piso, kung hindi wala na rin marahil si Jose Abad Santos sa alaala. Pati nga ang matandang bahay nila sa Pampanga ay tila winasak, kinahoy at ibinentang antigo sa halip na gawing pambansang dambana. Siya ang pinuno ng pamahalaang Komonwelt na minabuti pang harapin ang kamatayan kaysa pumayag na magtayo ng gobyernong papet ng mananakop na Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Mabuti-buti’t may Bantayog ng mga Bayani sa kanto ng EDSA at Quezon Avenue. Kahit paano, naiukit doon ang pangalan ng mga Jose W. Diokno, Edgar Jopson, Macliing Dulag at Bobby de la Paz bilang mga bayani o martir ng pakikibakang antidiktadura. Kung hindi, sino ang makakaalala sa kanila lalo’t isinama sila ng gobyernong batas militar sa mga tinatakan nitong subersibo’t terorista?

Ilan pang mga bayani at martir ng pakikibaka ang tinatakan ng mga maykapangyarihan ng iba’t ibang katawagan para ituring silang masasamang tao ng lipunan: erehe, pilibustero, malhechor, salvaje, tulisan, bandido, panatiko, huramentado, pirata, komunista, subersibo, terorista. Kung hindi nalibing sa limot, maaaring maalala pa sila sa ganitong katawagan – sakali mang maalala pa sila!

Gaya ng ibang bagay sa lipunan, ang memorya o alaala ay isang larangan ng labanan ng mga nagtutunggaling puwersa sa lipunan. Totoong hanggang ngayon, patuloy ang tunggalian – at bahagi ng  pinaglalabanan kung paano aalalahanin ng bayan ang kanyang nakaraan at ang kanyang mga bayani at martir.

(Nirebisang artikulo na nalathala sa Philippine Collegian Centennial Supplement, June 15, 1998.)dante-weblog

Share