Ngayon sa Kasaysayan: 22 Disyembre

December 22, 2014 by  
Filed under News

240px-Carlos_IV_de_rojo1762- Ipinahayag ang isang kautusan ng Haring Carlos IV na nagtatadhana ng pagtatatag ng mga paaralan at ng pagpapalaganap ng wikang Kastila.

1874- Kapanganakan ni Flaviano Yenko, heneral ng himagsikan.

1896- Tinanggap ni Tenyente Luis Taviel de Andrade ang mga ulat tungkol sa usapin ni Rizal at pinag-aralan ito para sa kanyang pagtatanggol sa bayani.

1903- Sa mungkahi ni Gobernador Heneral William Taft ay binayaran ng pamahalaan ng Pilipinas ang malalawak na lupang pag-aari ng simbahan. Ang pamahalaan ay nagbayad ng halagang $7, 239,000 para sa may 160,000 ektaryang lupa sa buong kapuluan.

Ipinadala si Heneral Artemio Ricarte ng lupon ng maghihimagsik ng Hongkong sa Maynilaupang manghikayat ng mga kasapi sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pahayag at mga polyeto.

1941- Paglunsad ng mga Hapon sa LIngayen, Pangasinan sa pamumuno ni Tenyente-Heneral Yuichi Tsuchibashi.

1944- Lumipat sa Baguio ang Pangulong Jose P. Laurel kasama ang mga kagawad ng kanyang gabinete.

Share

Ngayon sa Kasaysayan:18 Disyembre

December 18, 2014 by  
Filed under News

jose Rizal1894- Sumulat mula sa Dapitan si Dr. Jose Rizal kay Jose Ma. Basa na nagsasaad sa ginawang pangako ng gobernador heneral na paglilipat sa kanya sa Ilokos mula sa Dapitan.

1898- Lumabas sa Jaro, Iloilo ang unang bilang ng La Revolucion, isang lingguhang pahayagan. May isang pahina lamang ito.

Mula sa Kalendaryong Pangkasaysayan (1521-1969), Pambansang Suriang Pangkasaysayan, 1996

Share

Ngayon sa Kasaysayan: 17 Disyembre

December 17, 2014 by  
Filed under News

Jaena1819- Itinatag na muli ang Real Sociedad Economica de Filipinas.

1856- Kapanganakan ni Graciano Lopez Jaena, taga-Jaro, Iloilo at isa sa kinikilalang Reform Movement Triumvirate kasama sina Jose Rizal at Marcelo H. Del Pilar. Isa siyang manunulat, makabayan, propagandista, mananalumpati at mamamahayag. Itinatag niya ang La Solidaridad kung saan siya ang unang naging patnugot. Namatay siya sanhi ng tuberculosis habang nasa Espanya noong 20 Enero 1896.

1895- Sumulat si Dr. Jose Rizal kay Gobernador Heneral Ramon Blanco na nag-aalok ng kanyang paglilingkod bilang manggagamot-militar sa Cuba.

1898- Pinasinayaan ang Pamahalaang Panghimagsikan ng Sta. Barbara.

1932- Tumutol ang isang malaking pulutong ng mga mag-aaral mula sa Unibersidad ng Pilipinas at mga kolehiyo sa Maynila na pinamunuan ni Wenceslao Q. Vinzons sa pagtataas ng suweldo ng mga kongresman. Napilitang magpaliwanag ang mga pulitiko sa ginawa nilang ito sa harap ng mga nagagalit na mamamayan.

1942- Nagtatag ng hukbo ng mga mamamayan si Wenceslao Q. Vinzons upang lumaban sa mga Hapon sa Lamiton at Tigbinan sa Camarines Norte laban sa mga Hapon.

(Kalendaryong Pangkasaysayan (1521-1969), Pambansang Suriang Pangkasaysayan, 1996)

Share

Ngayon sa Kasaysayan: 16 Disyembre

December 16, 2014 by  
Filed under News

DiegoSilang1697- Nagpadala ng isang kautusan si Arsobispo Diego Camacho sa mga ministro ng limang simbahang nagbabalita sa gagawin niyang pagbisita. Sinasabi sa kautusan ang paghahanda ng sakristiya, benditahan at ang talaan ng mga bininyagan at ikinasal.

1730- kapanganakan ni Diego Silang, namuno sa pag-aalsa ng Ilokos laban sa mga Kastila noong 1762-1763.

1772- Ang Kapatiran ng Nuestra Senora de Aranzazu ay itinatag sa Kolehiyo ng San Jaun de Letran.

1897- Ipinahayag ni Heneral Emilio Aguinaldo na sumasang-ayon siya sa programang iminumungkahi ni Pedro Paterno.

1898- Inutusan ni Lt.Col. Agustin Solis na sakupin ang Jaro sa Iloilo habang inililipat ni Heneral Martin Delgado ang kanyang kuta sa seminaryo ng Jaro mula sa Santa Barbara.

Share

Ngayon sa Kasaysayan: 15 Disyembre

December 15, 2014 by  
Filed under News

Emilio-Jacinto-267x3001660- Natuklasan ang pag-oorganisa ni Andres Malong sa Lingayen, Pangasinan laban sa mga Kastila.

1875- Ipinanganak si Emilio Jacinto, utak ng Katipunan, sa Tondo, Maynila.

1887- Ipinadala ng Washington ang isang pabalitang nag-uutos kay Rounsevelle Wildman, Konsul sa Hongkong, na tanggihan ang pakikipagtulungang iniaalok ng mga Pilipino, ang lahat ng mga kasunduan sa pagbili ng mga sandata, at huwag magpadala ng sulat na may ganoon ring pangangailangan sa Washington.

1889- Nagbitiw si Graciano Lopez Jaena bilang patnugot ng La Solidaridad. Humalili sa kanya si Marcelo H. Del Pilar.

1898- Umurong sa Iloilo ang mga sundalong Kastila.

1901- Isang lindol ang yumanig sa Maynila at naramdaman mula sa Dagupan hanggang Iloilo.

1902- Ginanap ang unang kapulungan ng mga gobernador ng mga lalawigan sa Maynila.

1920- Sa bisa ng Batas Bilang 2934, naging isang lalawigan ang Masbate.

(Mula sa Kalendaryong Pangkasaysayan (1521-1969), Pambansang Suriang Pangkasaysayan, 1996)

Share

Ngayon sa Kasaysayan: 14 Disyembre

December 14, 2014 by  
Filed under article, features

1600- Naglaban sa labas ng Look ng Maynila ang mga bapor pandigma ng mga Kastilang pinamumunuan ni Antonio de Morga at mga Olandes na pinamumunuan ni Admiral Oliver van Noort.

1837- Isang taripa ang ipinahayag na sumasaklaw sa pagpasok ng mga kalakal sa Maynila.

1863-Kapanganakan ni Arsenio Cruz Herrera, manananggol, kagawad ng Kongreso ng Malolos at ng pangatlong Batasan ng Pilipinas at unang alkalde ng Maynila.

1869- Kapanganakan ni Jose Ma. Asuncion, pintor ng mga tanawin at manunulat.

1889- Naging sapilitan ang pagpasok sa paaralan ng mga bata na may gulang mula anim hanggang 12 taon.

1896- Pinagbabaril ang mga bihag sa Tarlac sa kasalanang paghihimagsik at p

agtataksil halos araw-araw.

The Philippine negotiators for the Pact of Biak-na-Bato. Seated from left to right: Pedro Paterno and Emilio Aguinaldo with five companions (left to right: Tomas Mascardo, Celis, Jose Ignacio Paua, Antonio Montenegro and Mariano Llanera). Photo by Wikipedia

Mga negosyador ng Kasunduang Biak-na-Bato. Nakaupo mula sa kaliwa: Pedro Paterno at Emilio Aguinaldo. Nakatayo mula sa kaliwa: Tomas Mascardo, Celis, Jose Ignacio Paua, Antonio Montenegro at Mariano Llanera. Larawan mula sa Wikipedia

1897- Nilagdaan ang Kasunduang Biyak-na-Bato na pansamantalang nagpatigil sa labanan ng mga Kastila at Pilipino sa araw na ito.

1898- Sinalakay ng mga Pilipino ang siyudad ng Iloilo ngunit binigo sila n

g mga artilerya ng Kastila.

1913- Nagpatibay ng isang panukala ang Samahang Internasyonal ng m

ga Artista ng Pilipinas na hilingin sa Asambleya ng Pilipinas na simulan ang pangingilak para sa pagpapatayo ng isang bantayog sa karangalan ni Juan Luna.

1937- Kamatayan ni Fabian dela Rosa, isang pintor.

(Mula sa Kalendaryong Pangkasaysayan, Pambansang Suriang Pangkasaysayan, inilimbag noong 1970 at 1996)

 

 

Share

Bakit buhay pa ang babaylan at laging babae ang aswang

January 20, 2013 by  
Filed under blogs

(Muling inilalathala ng philippinehistory.ph ang artikulong ito bilang pagkilala sa mga kababaihan ngayong Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan)

Ni Gloria Esguerra Melencio

Nawala ang salitang babaylan sa pang-araw-araw na wika ng mga Waray sa Leyte at Samar. Ngunit nanatili ang salitang katuuran, nangangahulugang katotohanan ngayong ika-21 dantaon. Noong ika-17 dantaon, katuuran ang tawag sa pinakamataas na babaylan, ayon sa paring si Ignacio Alcina na nanirahan sa Samar nang matagal na panahon.

manananggal-110x110

Guhit ni James Liwanagan

Naging magsingkahulugan ang mga salitang katuuran at babaylan. Banta sila sa pagtatanim ng Katolisismo sa Kabisayaan. Ang mga babaylan ang nagbabala sa mga taong “bubunutin” ng mga dayuhan ang ugat ng kanilang paniniwala sa mga diwata, anito at sa mga namatay na ninuno. Maaari ring paaalisin sila sa lupaing kinagisnan (na siyang ginawa ng mga dayuhan nang ipatupad ang reduccion, encomienda at hacienda).

Makapangyarihan at iginagalang ang mga babaylan dahil sila ang pinaniniwalaang tagapag-ugnay sa pisikal na daigdig at ispiritwal na mundong hindi nakikita ng dalawang mata. Sila ang nakapagsasabi kung ano ang mangyayari sa hinaharap.

Bukod sa pamumuno sa mga ritwal, pagdarasal at pagluluksa, nagiging tambalan (tagagamot) rin ang mga babaylan. Sa pamamagitan ng ritwal na tinatawag na agaw-tawag-bawi – na isinasagawa noong ika-16 na dantaon at isinasagawa pa rin hanggang ngayon – inaagaw ng babaylan ang kalag (kaluluwa) ng maysakit sa pamamagitan ng pagtawag sa mga ispiritu ng ninuno at pagbawi sa kaluluwa ng maysakit upang gumaling ito.

Sa tangan nilang kapangyarihan sa lipunang Waray, kailangang lipulin ng mga conquistador at frayle ang mga babaylan. Tinawag nila ang mga itong bruja katulad ng pagtawag nila sa mga witches sa mga babae sa Europa sa panahong ipinatutupad ng Espanya ang Inquisition. Marami silang ipinagbawal. Isa rito ang pagdarasal tuwing kabilugan ng buwan. Makapangyarihan ang buwan para sa mga sinaunang Bisaya. Sa katunayan, may 50 itong yugtong dinaraanan bago ang kabilugan nitong tinatawag sa wikang Waray na dayaw. Dito nagmumula ang Katolikong dasal na gindadayaw ka namon (sinasamba ka namin).

Kinukuha ng mga Bisaya ang pangalan ng mga babaylan sa 50 yugtong ito ng buwan bago magdayaw. Kung ipinagbawal ang pagdarasal sa kabilugan ng buwan, ipinagbawal rin ang 50 pangalang ito ng mga babaylan. Ipinagbawal rin ang pagtataas ng patay na katuuran sa malalaking puno, kabilang ang punong balite. Noong ika-16 na dantaon, may seremonyang isinasagawa ang mga babaylan sa paglilibing sa kanilang katuuran: Itinataas ito sa malaking puno (tinatawag na pagpasaka sa Waray, pagpapaakyat sa Tagalog) hanggang sa maagnas ang bangkay. Pagkatapos ng ilang buwan, ibababa ang kalansay, lilinisan at ibabaon sa tabi ng punong sinasambahan ng katuuran noong nabubuhay pa siya.

Sa pagpasok ng kalendaryong Gregoryanong nakabatay sa araw (solar), pinahina nito ang kapangyarihan ng buwan (lunar); pinahina rin ang imahe ng mga babaeng babaylang humuhugot ng lakas sa buwan.

Sa gitna ng mga pagbabawal ng mga frayle, palihim pa ring lumalabas ng bahay ang mga Bisaya sa gabi. Hindi umubra ang mga parusa sa kanila upang sugpuin ang mga paniniwala ng mga tao sa pamumuno ng mga babaylan. Dito na pumasok ang pananakot ng mga pari sa iba’t ibang anyo: may aswang raw sa puno ng balite. Sa isang dokumento sa Biblioteca de Madrid na nasusulat sa wikang Espanyol,  isang diwata si Asuang at hindi ang kinatatakutang aswang sa kasalukuyang panahon.

Matindi ang labanan ng mga pari at babaylan noong ika-17 dantaon. Kailangang magtulong ang mga datu at babaylan upang maigupo ang mga armadong Espanyol. Nagtayo si Bangkaw ng sambahan sa kabundukan ng Carigara sa Leyte katuwang ang babaylang si Pagali.  Ngunit kinanyon ito ng mga dayuhan, sinunog at pinugutan ng ulo sina Bangkaw at Pagali. Sa Samar naman, tinadtad ng mga Lutao sa utos ng mga Espanyol ang katawan ng ina ni Sumuroy. Anak si Sumuroy ng isang babaylan at namuno sa paglaban upang maitigil ang sapilitang pagpapagawa sa mga lalaking Bisaya ng mga barko sa daungan ng Cavite. Pinugutan ng ulo si Sumuroy.

Gayundin sa Capiz, may babaylang dumukot sa isang frayle. Dinala niya ang frayle sa kuweba, sinaksak ang dibdib at dinukot ang kanyang puso.

Habang isinasagawa ang tahasang paglipol sa mga babaylan sa pamamagitan ng dahas, patuloy naman ang mga pari sa pananakot sa mga tao sa kanilang mga pulpito sa nakapangingilabot na pagkain umano ng aswang sa atay (ito ang karaniwang kuwento sa mga Bisaya) ng sinumang maging biktima nito. Naging aswang ang larawan ng babaylan, mga babae sa karamihan, na lumilipad sa may punong balite tuwing kabilugan ng buwan.

Pinaghalawan:

Alcina, Ignacio Francisco S.J. Translated, edited and annotated by Cantius J. Kobak, O.F.M. and Lucio Gutierrez, O.P. History of the Bisayan People in the Philippine Islands, Volume I. UST Publishing House, Manila, Philippines, 2002.

Ambrosio, Dante L. Balatik: Etnoastronomiya, Kalangitan sa Kabihasnang Pilipino. The University of the Philippines Press, Diliman, Quezon City, 2010.

Arens, Richard. The Tambalan and his Medical Practices in Leyte and Samar, Part VI. Folk Practices and Beliefs of Leyte and Samar. Leyte-Samar Studies. Divine Word University of Tacloban, Vol. V  Nos. 1 and 2, 1971

Brewer, Carolyn. Shamanism, Catholicism and Gender Relations in Colonial Philippines, 1521-1685. Burlington, USA: Ashgate Publishing Company, 2004.

Cruikshank, Bruce. Pilgrimage and Rebellion on Samar (1884-1886). Wisconsin Papers on Southeast Asia Center for Southeast Asian Studies. University of Wisconsin-Madison, September 1979.

Guerrero, Milagros C.The Babaylan in Colonial Times: Bodies Desecrated.  In Gender/Bodies/Religions, Sylvia Marcos (Editor). Mexico: ALER Publication, 2000.

Salazar, Zeus. Ang Babaylan sa Kasaysayan ng Pilipinas. Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi, 1999.

Scott, William Henry. Barangay: Sixteenth-Century Philippine Culture and Society.  Ateneo de Manila University Press, 1994.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Share

Quezon City Unveils Tandang Sora Marker

January 3, 2012 by  
Filed under article, features

Tandang Sora 001By Gloria Esguerra Melencio

(Women in the male-centered Philippine history books have been absent for a long time. Thanks to the “herstorians” (her story writers) who penned  the Women In the Philippine Revolution , a book where one can find the life of Melchora Aquino whose 200th birth commemoration falls on 6 January 2012.)

Mabibigyang buhay ang nakasulat sa dyip na Tsora, pinaigsing katawagan sa Tandang Sora, isang lugar sa Quezon City na ipinangalan kay Melchora Aquino.  O ang mga paaralan o bulwagang ipingalan sa kanya. Lalo na ngayong ililipat ng pamahalaang Quezon City ang kanyang mga labing nakalibing sa Himlayang Pilipino tungo sa Banlat, Tandang Sora sa Quezon City, lugar kung saan siya ipinanganak at nabuhay nang matagal.

Isasakay sa karwahe ang kanyang mga labi. Imamartsa ito mula Himlayan tungong Banlat habang nakabalot ng bandila ng Pilipinas ang kanyang kabaong. Magsisilbi itong marker sa bantayog na paglalagakan sa kanya – isang anyo ng pagdakila sa matandang babaeng ipinatapon sa Guam kasama ang iba pang kasapi ng Katipunan noong 2 Setyembre 1896.

Si Tandang Sora ang pinakamatandang kasapi ng Katipunan sa edad na 84.  Marunong siyang manggamot ng sugat ng kanyang mahihirap na kapitbahay; pati na ng panlalabo ng mga paningin at pag-alis ng puwing.

Magsasaka ang mga magulang ni Tandang Sora na sina Juan Aquino at Valentina de Aquino ng Gulod sa Banilat (Banlat), Caloocan (bahagi na ng Quezon City sa kasalukuyan). Matapos ang pagiging Reyna sa Santacruzan at pagiging mang-aawit sa mga piging, napangasawa niya si Fulgencio Ramos, cabeza de barangay at tinatawag na “Pantalakong” o “Ingkong.” Tinatawag naman si Tandang Sorang “Nanang” ng kanyang mga apo at “Kabesang Sora” ng kanilang mga kapitbahay.

Mayroon silang anim na anak, tatlong lalaki at tatlong babae. Nang mabiyuda siya, sinuportahan niya ang kanilang anim na anak sa pamamagitan ng pagsasaka sa 25-ektaryang lupaing naiwan ng kanyang asawa. May 15 katao siyang katuwang sa pag-aasukarera, pag-aalaga ng mga punongkahoy at mga kalabaw.

Sa harap ng tahanan ng kanyang panganay na anak na si Juan Ramos sa Pugad-Lawin, Bahay-Toro (sakop noon ng Kalookan) naganap ang pagpunit ng sedula ng 1,000 kataong tumututol sa pananakop ng mga Espanyol. Naganap ito noong madaling araw ng 23 Agosto 1896 na hindi umuulan at kabilugan ng buwan.

Kinabukasan,  24 Agosto 1896, ginanap ang pulong ng mga pangulo ng Katipunan sa bahay ni Tandang Sora sa Banlat. Dati nang isinasagawa rito ang mga lihim na pulong ng Katipunan. Naganap ang pulong mula ikasiyam ng gabi hanggang madaling araw. Nang biglang dumating ang mga guardia civil dahil itinuro ang bahay ni Tandang Sora ng isang espiya, nagpulasan ang mga Katipunero sa iba’t ibang direksyon.

Sa payo ni Andres Bonifacio, tumakas rin si Tandang Sora kasama ang kanyang pamilya patungo sa Novaliches. Sinunog ng mga Espanyol ang kanyang bahay matapos matagpuang walang tao ito.

Nahuli ng mga guardia civil si Tandang Sora sa Pasong Putik sa Novaliches noong 29 Agosto 1896. Ikinulong siya sa Old Bilibid Prison sa Manila matapos ito.

Ipinatapon sa Guam si Tandang Sora kasama ang 171 Pilipinong deportado. Kasama si Segunda Puentes Santiago ng Sta. Mesa na nahuli sa labanan sa Pinaglabanan sa San Juan del Monte noong 30 Agosto 1896, inakusahan si Tandang Sora ng sedisyon at rebelyon.

Sakay ang barkong Espanyol na Churruca, 57 bilanggong Pilipino ang dinala sa Yap Island; 57 sa Ponape; at 57 rin sa Guam. Ibinilanggo ang mga lalaking detenido sa Marianas Islands samantalang inilagak naman sina Tandang Sora at Segunda sa bahay ni Don Justo Dungca sa Agana. Isang mayamang Pilipinong taga-Pampanga si Dungca na matagal nang naninirahan sa Guam.

Matapos ang pitong taong pagkakabilanggo, ibinalik sa Pilipinas si Tandang Sora sakay ng US Uranus sa edad na 91.  Walang nakakaalam ng kanyang pag-uwi mula Guam kaya mag-isa siyang bumalik sa kanilang tahanan sa Banlat, ayon sa kanyang mga apo.

Tahimik na pumanaw si Tandang Sora sa tahanan ng kanyang anak na si Saturnina sa edad na 107. Inilibing siya sa Musoleo ng mga Beterano ng Rebolusyong Pilipino sa La Loma, North Cemetery bago inilipat sa Himlayang Pilipino sa Quezon City, isang pook na abot-tanaw mula sa kanyang sinilangang tahanan sa Gulod sa Banlat.

Source: Rafaelita Hilario Soriano (Editor), Isagani R. Medina, Melchora Aquino in Women in the Philippine Revolution, Printon Press, SFDM, Quezon City, 1995.

Photo Credit: Reprinted from the same book, page 14.

Caption: Kuha ang larawan nang papasakay na si Melchora Aquino sa barkong Churruca upang ipatapon ng Espanya sa Guam.

Share

Batas Militar: 1972-1986 (1)

September 21, 2011 by  
Filed under blogs

marcos110x110Ni Dante L. Ambrosio (1951-2011)

Unang Bahagi: Isa itong pahapyaw na pasada sa panahon ng batas militar ng Pilipinas na sinulat noong 1997 para sa isang teksbuk ng Kasaysayan ng Pilipinas. Sa kasamaang palad, di ko na nalaman ni natuklasan kung natuloy ang proyekto, yamang wala na akong narinig sa mga kausap ko makaraang maisumite ito sa kanila. Inilalabas ito rito para magsilbing panimulang tulong sa sinumang maaaring magkaroon ng gamit sa artikulong ito.

Bahagi pa ng kasalukuyan ang isinasaysay rito kung kaya mahirap pang isulat ang tiyak na kasaysayan nito. Mahirap pang lubos na maunawaan ang mga naganap, lalo’t marami pang pangunahing tauhan ang hindi pa nagsasalita at marami pang mahahalagang impormasyon ang hindi pa nalalantad sa mata ng nagsusuri. Hindi ito hadlang, gayunman, sa paggawa ng panimulang paglalahad sa paksang ito lalo’t marami na rin namang nagsulat ukol dito o sa mga bahagi nito. Isang pagtatangka ang sumusunod para magsilbing panimulang gabay sa mga mag-aaral ng kasalukuyang  panahon.

Tumitingkad sa sumusunod na salaysay kung ano ang magagawa ng nagkakaisang mapanlikhang lakas ng mamamayan kung ito lamang ay hahayaang mamukadkad, gaya nang naganap noong panahon ng diktadura. Minsan nang ipinamalas sa pakikibakang antidiktadura kung ano ang magagawa ng mapanlikhang lakas ng bayan. Nakapanghihinayang na hindi ito lubos na nabigyang laya nang manumbalik ang tradisyonal na sistema ng pulitika at ekonomiya pagkaraan ng Pag-aalsang EDSA.

Hindi madilim, gayunman, ang kasalukuyan at hinaharap ng Pilipinas. Batis ng liwanag at  pag-asa  ang  pakikibaka sa diktadura. Nagsimula sa maliit at mahina ang puwersang antidiktadura. Sa paglipas ng panahon, lumaki ito at lumakas hanggang mapabagsak  ang diktadura.

Sa  pagpapaunlad ng bansa, muling makakaasa ang bayan sa sarili nitong  mapanlikhang lakas. Maaaring maliit at mahina ngayon ang puwersang nagtataguyod nito. Ngunit asahang sa matiyagang pagsisikap, lalaki at lalakas ang  puwersang ito. Kung paano lumaki at lumakas ang puwersang antidiktadura, gayundin lalaki at lalakas ang puwersa ng pagkakaisa at pagpapalaya – mayaman at mahirap, bata at matanda, lalake at babae, makabayang negosyante at militanteng manggagawa, naliliwanagang may-ari ng lupa at nakikibakang magsasaka….

Unang Bahagi: Deklarasyon ng Batas Militar

Sa pagpasok ng dekada 1970, pumasok ang Pilipinas sa panahon ng malaking pagkakahati at kaguluhan bunga ng mga natipong suliranin mula nang makamit ang kalayaan. Manipestasyon ng paghahati ang lumaking agwat sa pagitan ng iilang mayayaman at ng napakaraming mahihirap, ang pagbubuo ng  mga  pulitiko ng private army, ang  pag-aaway ng mga naghaharing makapangyarihan sa bansa at ang pagkapit sa armas ng mahihirap na nag-aalsa.

Bunga ng lumulubhang krisis panlipunan, malaking bahagi ng mamamayan ang nahiwalay sa tradisyonal na daloy ng buhay panlipunan. Pangunahin  dito ang mga kabataang naghanap ng ibang alternatiba sa buhay. Marami sa kanila ang napabilang sa lumaking grupo ng nagprotesta sa lansangan o lumahok sa armadong paglaban sa kanayunan.

Lumaganap  ang kilusang protesta. Sinamantala ito ng mga nais sumolo sa kapangyarihan. Lalo silang naghasik ng kaguluhan sa tangkang malikha ang kalagayan para sa deklarasyon ng batas militar. Umabot ang paglikha ng artipisyal na kalagayan hindi lamang sa mga pambobomba kundi pati na sa gawa-gawang pag-ambus sa Kalihim ng Tanggulang Bansa noong 1972.

Sa unang bahagi, tatalakayin ang mga dahilan kung bakit ipinataw ni Presidente Ferdinand E. Marcos ang batas militar. Ilalatag din ang mga unang hakbang na ginawa ng gobyerno upang ipatupad ang mga layunin nito.

Sa susunod, tatalakayin ang mga ibinunga ng batas militar makaraan ang may 13 taong pag-iral nito. Dito makikita ang mga nagawa nito at ang mga dahilan ng paglakas ng pagtutol at paglaban sa diktadura.

Aralin 1: Proklamasyon 1081

Setyembre 21, 1972 nang pirmahan ni Presidente Marcos ang Proklamasyon 1081 na nagpataw ng batas militar sa buong bansa.  Setyembre 23, 1972 nang ipaalam niya ito sa mamamayan. Sa araw na ito, naikulong na ang kanyang mga kalaban at iba pang tutol sa patuloy niyang  pamamahala.

Sa simula, ginamit niyang dahilan sa pagpataw ng batas militar ang paglakas diumano ng  kilusang komunista sa buong bansa at ng kilusang sesesyonista sa Mindanao. Nang lumaon, isinama rin niya ang banta mula sa kanan – mula sa oligarkiya – na binubuo ng kanyang mga kalaban na kumokontrol sa pulitika at ekonomiya ng Pilipinas. Ayon kay Presidente Marcos, layunin ng  batas militar na “iligtas ang Republika”  at “itatag ang isang bagong lipunan”. Mga layunin itong labas sa itinakda ng Konstitusyong 1935 para sa pagpapailalim ng bansa sa batas militar.

Sa pananaw ng marami, walang ibang kahulugan ang pagpataw ng batas militar kundi walang pakundangang pag-agaw at pagsolo ng kapangyarihan ng pangkating Marcos. Ginamit ni Presidente Marcos ang krisis at nag-imbento ng mga kaguluhan – gaya ng mga pambobomba at ng ambus sa  Kalihim ng Tanggulang Bansa Juan Ponce Enrile – para agawin at solohin ang kapangyarihan.

Totoong may malubhang problema sa katahimikan at kaayusan. Totoo ring dumaranas ang bansa ng malubhang krisis pang-ekonomiya. Totoo ring lumalala ang problemang pampulitika. At totoong may krisis panlipunan. Wika ng ilang tagamasid, para diumanong nakaupo ang Pilipinas noong 1972 sa tuktok ng isang bulkan na handa nang pumutok anumang oras. Ngunit, sa tantya ng mga ito, hindi kailangan ng ekstraordinaryong hakbang para harapin ang mga suliranin. Subalit ginamit nga ito ni Presidente Marcos para manatili sa kapangyarihan nang lampas sa itinadhana ng Konstitusyong 1935.

Iba’t iba ang pananaw sa krisis na dinaranas ng bayan at kung paano ito haharapin. May ibang umasa sa Kumbensyong Konstitusyonal ng 1971 at sa repormang magagawa nito sa pag-ugit ng bagong saligang-batas. Kabilang dito ang mga moderato o repormista na nakakakita pa ng pag-asa sa sistemang umiiral. May ibang nanangan sa rebolusyong panlipunan para malutas ang mga saligang suliranin ng sambayanan. Kabilang dito ang mga radikal ng kilusang pambansa-demokratiko at ang muling itinatag na Communist Party of the Philippines (CPP). Mayroon ding  nagpahayag ng “rebolusyon mula sa sentro” para lutasin ang suliranin ng bayan. Si Presidente Marcos at ang kanyang mga kapanalig ang nagtaguyod ng huling pananaw na ito.

Para kay Presidente Marcos, kailangang tanganan ng gobyerno – ng kanyang gobyerno – ang inisyatiba sa pagharap sa krisis na dinaranas ng bansa. Kinakailangan ng matatag na pamumuno para ipagtangol ang republika at itatag ang bagong lipunan. Sa pananaw niya,  kailangan ng batas militar para magawa ito.

Sa pamamagitan ng tinaguriang Rolex 12, – ang dalawang sibilyan at 10 opisyal militar na  tagapayo ng Presidente – pinagpasyahan at isinakatuparan  ang pagpataw ng batas militar sa pamamagitan ng Proklamasyon 1081. Inako ni Presidente Marcos ang lahat ng kapangyarihan ng pamamahala:

Ako, si Ferdinand E. Marcos, Presidente ng Pilpinas… ay nagpapahayag na  aking pamamahalaan ang  buong bansa, at pamamatnugutan ang operasyon   ng   buong  gobyerno,  kabilang   ang   lahat   ng   mga ahensya   at instrumentalidad nito.”

Pagliligtas sa Republika

Upang iligtas ang Republika sa mga komunista, sesesyonista, oligarkiya at kriminal, kagyat na hinuli at ikinulong ang mga diumano’y kaaway ng Republika. Isinara, sinuspindi, kinumpiska at ipinagkait ng gobyernong batas militar ang mga inaakalang daluyan ng impluwensiya at kapangyarihan ng mga ito. Sa ibang salita, ikinulong ng gobyernong Marcos ang mga kalaban nito at ipinagkait  sa mga mamamayan ang mga tradisyonal na daluyan ng pagtutol, kasama  ang mga batayang kalayaang sibil na ginagarantiyahan ng konstitusyon.

Naging mabilis ang mga pangyayari. Sa gabi ng Setyembre 22-23,  hinuli ng militar ang mga lider ng Kongreso kabilang sina  Sen. Jose W. Diokno at Sen. Benigno Aquino Jr. Dinakip ang mga lider estudyante, mga unyonista, mga tagapagtaguyod ng kalayaang sibil, mga mamamahayag at tagapaglathala ng pahayagan, mga pari at iba pang kontra-Marcos. Sinasabing sa mga unang oras ng batas militar, may 8,000 kagyat ang naikulong ng gobyerno. Hanggang noong 1975, umabot sa may 50,000 detenidong pulitikal mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang nagpalipas ng panahon sa  mga kulungang militar.

Ikinandado ng pamahalaang Marcos ang Kongreso at  sinuspindi ang mga eleksyon. Pinilay ang Korte Suprema at hiningan ng mga liham ng pagbibitiw ang mga huwes ng mababang hukuman, mga liham na hinawakan ni Presidente Marcos hanggang 1983. Isinara ang mga pahayagan, radyo at telebisyon pati na mga paaralan. Kinontrol ng pangkating Marcos ang mas midya. Pinayagang maglathala at magbrodkas iyon lamang hawak ng mga kroni nito.

Ipinagbawal ang lahat ng anyo ng sama-samang protesta – rali, martsa demonstrasyon,  at welga. Itinakda ang curfew simula alas-10 ng gabi at nagtayo ng mga checkpoint sa mga pangunahing lansangan. Sinona ang mga komunidad ng maralita at hinuli nang walang mandamyento de aresto ang mga pinaghihinalaan ng kung anong krimen. Sa isang iglap, sinuspindi ng gobyernong batas militar ang mga kalayaang sibil ng mamamayan.

Hinuli ang mga kilalang kriminal at pinilay ang mga kilalang pulitikong warlord. Kinumpiska rin ang daang libong sandata. Nagbuo ng mga hukumang  militar para litisin ang mga sibilyang inaresto, kabilang si Sen. Aquino. Inalis din sa tungkulin ang mga pinaghihinalaang tiwaling empleyado ng gobyerno. Para ipakitang seryoso sa gawaing reporma ang gobyernong batas militar, pinayring-iskwad ng militar ang sinasabing drug lord na si Lim Seng.

Kinumpiska ng administrasyong Marcos ang mga ari-arian ng oligarkiya. Kinuha, halimbawa, ang ABS-CBN, Meralco at Manila Chronicle mula sa pamilyang Lopez at ipinamahagi ito sa mga kroni ni Presidente Marcos. Naglunsad ng mga kampanya ng pagkubkob sa ilang yunit ng NPA sa Isabela, Tarlac at Bikol. Nagbuhos din ito ng maraming tropa ng militar sa Mindanao para supilin ang pag-aalsa ng MNLF.

Sa pagkawala ng oposisyon, nakuha ni Presidente Marcos ang lahat ng pagkakataon para isakatuparan ang mga nais niyang gawin. Tiniyak niya ang salalayang legal ng kanyang patuloy na solong paghahari. Tinawag niya itong awtoritaryanismong konstitusyonal dahil nakasalig diumano ito sa saligang batas. Tiniyak niya ang kanyang lubos at malawak na kapangyarihan sa Konstitusyong 1973 at sa mga reperendum  na kanyang idinaos sa pakunwaring pagkonsulta sa mga tao.

Pagbubuo ng Bagong Lipunan

Pagsasakatuparan ng mga reporma ang isa pang dahilan ng pagpataw ng batas militar. Sa simula pa lamang ng Bagong Lipunan, inilatag agad ng gobyernong batas militar kung ano ang dapat gawin ng mamamayan: “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.” Ibig sabihin, kailangang sundin ng mamamayan ang itinakda ng gobyernong batas militar kung nais nila ng kaunlaran.

Para ipakita ang repormistang tunguhin ng batas militar, kagyat na ipinahayag ni Presidente Marcos na land reform area ang buong Pilipinas. Kanyang ipinagmalaki na ang reporma sa lupa ang siyang magiging sukatan ng tagumpay ng Bagong Lipunan at ng kanyang administrasyon. Kaugnay nito, naglunsad ang gobyerno ng mga programa sa pagpapaunlad ng sakahan gaya ng Masagana 99 na nagpatupad  ng bagong teknolohiya sa pagsasaka.

Inilunsad din nito ang isang agresibong programang pang-ekonomiya para mahango sa kahirapan ang mayorya ng mamamayan. Nakasandal ito sa pag-akit sa dayuhang kapital at pagbubukas ng bansa sa pandaigdigang kalakalan. Upang maakit ang mga dayuhan at malalaking negosyante, tiniyak nito ang kapayapaan sa industriya sa pagbabawal ng protesta ng mga manggagawa. Nagbigay ito ng maraming insentibo kabilang ang mga bawas sa buwis at ang mura, maamo at sanay na lakas paggawa.

Nagtakda rin ang pamahalaan  ng mga proyektong industriyal gaya ng 11 malalaking proyektong pang-industriya na magtutulak sa bansa sa landas ng industriyalisasyon. Itinaguyod nito ang rasyonalisasyon at pangrehiyong pagpapalaganap ng  mga industriya. Kabilang dito ang pagrereestruktura ng industriya ng tela at ang pagtatatag ng mga export processing zone at industrial estate sa iba’t ibang panig ng arkipelago.

Upang libangin ang taumbayan at ipagmalaki ang martial law, Philippine-style sa daigdig, naglunsad ng mga engrandeng palabas ang rehimen. Ilan dito ang Miss Universe Contest, Ali-Frazier Thrilla in Manila, kampeonato sa ahedres at mga pandaigdigang kumbensyon gaya ng kumbensyon ng  IMF noong 1976.

Kapalit ng pagsupil sa mga saligang karapatan ng mamamayan at ng pananatili sa kapangyarihan, ipinangako ng rehimeng batas militar ang katahimikan at kaunlaran sa  taumbayan.

Aralin 2: Ilang Ibinunga ng Batas Militar

Sa simula, tila natutupad ng rehimeng batas militar ang ipinangako nito sa mamamayan kapalit ng kanilang mga kalayaang sibil. Nagkaroon ng katahimikan at nabawasan ang kriminalidad.

Bagaman nagkaroon ng problema sa suplay ng bigas at nagkaroon ng krisis sa langis noong 1973-1974, tumaas naman sa pandaigdigang pamilihan  ang  presyo ng eksport ng Pilipinas gaya ng asukal at kopra. Nalampasan ng bansa ang krisis sa langis at nagkaroon ng sapat na suplay ng bigas pagdating ng 1976.

Sa unang limang taon ng batas militar, lumaki ang GNP ng bansa ng average na 6.5%. Nagkaroon din ng pagbabago sa mga produktong eksport. Lumaki ang eksport na damit at produktong elektroniko, gayundin ang mga di tradisyonal na produktong agrikultural gaya ng saging.

Ipinagpatuloy ng pamahalaan ang mga proyektong impraistruktura na naglatag ng mabilis na ugnay sa pagitan ng mga rehiyon ng bansa. Lumawak din ang ugnay ng Pilipinas sa ibang bansa nang magbukas ang gobyernong Marcos ng diplomatikong relasyon sa Unyong Sobyet, Tsina at iba pang sosyalistang bansa ng silangang Europa.

Ang mga nagawang ito ng gobyerno, gayunman,  ay hindi nagpatuloy. Mula 1978 hanggang sa unang hati ng dekada 1980, lumubha ang krisis pangkabuhayan sa bansa. Lumiit ang taunang GNP hanggang maging negatibo ito noong simula ng dekada 1980. Isang dahilan ang pagbagsak ng presyo ng mga pangunahing eksport ng Pilipinas. Umunlad man ang ekonomiya noong gitnang bahagi ng dekada 1970, hindi ito naramdaman ng mga karaniwang tao. Napilitan ang maraming Pilipino na humanap ng trabaho sa ibang bansa. Sa panahon ng batas militar, naging pangunahing eksport ng Pilipinas ang mga Pilipinong manggagawa at propesyonal.

Hindi lamang ang paglubha ng krisis pang-ekonomiya ang naging masamang epekto ng 13 taong pamamahala ng gobyernong batas militar. Labis na natipon ang kapangyarihan sa pangkating Marcos. Lumakas ang kapangyarihan ng militar at ng mga kroni ni Presidente Marcos. Responsable ang una sa mabibigat na paglabag sa karapatang pantao, samantalang kinamkam ng huli ang yaman ng bansa sa mga di matagumpay na proyekto at industriyang kanilang pinamahalaan. Bunga ng malubhang krisis at pagpapailalim ng ekonomya at pulitika ng bansa sa International Monetary Fund (IMF), lumakas din ang kontrol ng mga teknokrata sa gobyerno.

Konsentrasyon ng Kapangyarihan

Nabanggit na ang pag-ako ni Presidente Marcos ng lahat ng kapangyarihan sa pagpataw ng batas militar. Bukod sa militar, mahigpit na kontrolado ng Malakanyang ang gobyernong lokal. Sa pamamagitan ng mga dekreto, si Presidente Marcos mismo ang gumawa ng batas matapos na isara ang Kongreso at gawing rubber stamp ang itinatag na interim Batasang Pambansa noong 1978. Kahit may Batasan na, hindi binitiwan ni Presidente Marcos ang kapangyarihang magpatibay ng batas. Nanatili sa posisyon ang mga huwes ayon sa kagustuhan ng Presidente, lalo’t hawak niya ang mga liham ng pagbibitiw ng mga ito.

Dahil sa ganitong konsentrasyon ng kapangyarihan, hindi nakapagtataka kung pati na ang mga napakaliit na bagay ay iakyat sa Presidente para desisyunan. Sa maagang yugto pa lamang ng batas militar, alam na ng mamamayan kung kanino ihaharap ang mga suliranin nila mula sa problema sa loob ng pabrika hanggang sa problema sa mga proyektong pangkaunlaran ng gobyerno.

Hindi lamang kay Presidente Marcos natipon ang kapangyarihan. Nakibahagi rin pati na ang Unang Ginang Imelda Marcos bilang Gobernador ng bagong buong Metro Manila at Ministro ng  Human Settlements. Gaya nang mababanggit sa ibaba,  nakibahagi sa konsentrasyon ng kapangyarihan ang militar, ang mga kroni ni Presidente Marcos at ang mga teknokrata.

Paglakas ng Militar

Militar ang pangunahing suhay ng gobyernong batas militar. Bunga ng pagsandig dito ni Presidente Marcos, mabilis na pinarami  ang mga tauhan nito mula 62,000 noong 1972 hanggang 160,000 noong 1975. Lumobo rin ang badyet nito mula sa P880 milyon noong 1972 hanggang sa P4 bilyon noong 1975. Pinalakas ang seguridad ng Presidente sa pagpapalaki ng Presidential Security Command (PSC), gayundin ng mga ahensya sa pangangalap ng impormasyon gaya ng National Intelligence and Security Authority (NISA) at iba pang katulad na yunit.

Pinasok din ng militar ang mga puwestong dati’y laan lamang sa mga sibilyan. Ipinuwesto  ni Presidente Marcos ang mapagkakatiwalaan niyang mga opisyal militar – aktibo at retirado – sa mga ahensya ng gobyerno, mga korporasyong gobyerno at  mga negosyong kinumpiska sa mga kalaban ng rehimen. Ipinadalang sugo sa ibang bansa ang iba pa. Binuo rin ang mga hukumang militar  para litisin ang mga kasong kinasasangkutan ng mga sibilyan.

Anupa’t nagkaroon ng malaking papel sa pulitika ng bansa ang militar bunga ng mga hakbang na ginawa ni Presidente Marcos. Ang papel na ito, gayunman, ay hindi naging kaaya-aya para sa taumbayan. Kung tutuusin, sa paglawak ng pakikialam ng militar sa buhay sibilyan, lumawak din ang mga pang-aabuso nito sa mga karapatang pantao.

Sa simula pa lamang ng batas militar, lumaganap agad ang mga pang-aabuso. Bukod sa walang katwirang pag-aresto at pagkulong sa mga pinaghihinalaan nang walang kasong isinasampa, tinortyur ng militar ang kanilang mga hinuli. Kabilang sa mga karaniwang tortyur ang tinawag na NAWASA treatment at MERALCO treatment. Kinapalooban ang una ng paggamit ng tubig para hindi makahinga ang tinotortyur. Sa ikalawa nama’y kinukuryente ang  ari ng detenido hanggang sa sumuka ito at mawalan ng malay-tao. Bukod pa ang mga ito sa panggagahasa at pang-aabusong sekswal sa mga detenidong babae.

Liban sa tortyur, pinatay na lang basta ang ibang hinuli. Sa ilalim ng gobyernong batas militar, binago ang kahulugan ng salitang salvage – iligtas talaga ang kahulugan  nito ngunit naging patayin sa panahon ng diktadura. Bangkay na kung matagpuan ang  mga dinakip. Ang iba namang hinuli ay hindi na natagpuan hanggang ngayon. Sila  ang tinawag kalaunan na mga desaparecido, tawag sa Latin Amerika sa mga nawala habang nasa kamay ng militar. Ipinapalagay na sinalbeyds din sila ng militar, bagaman nakabitin  sa hangin hanggang ngayon ang naging kapalaran nila. Hanggang ngayon, hinihintay pa ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan ang muli nilang pagbabalik o paglitaw.

Mula 1973 hanggang  1985, mahigit 2,000 biktima ng salbeyds ang naidokumento ng Task Force Detainees. Mula 1974-1983, may 634 ang iniulat nitong nawawala at napabilang sa mga desaparecido. Bukod sa tinatayang 50,000 ikinulong hanggang noong 1975, may iniulat ding inaresto noong  1977-1985 na 18,000 katao. Karamihan sa mga inaresto ay ikinulong nang walang kaso at pinalaya rin makaraang magpalipas ng ilang oras hanggang ilang taon sa kulungan. Sa bisa ng Presidential Commitment Order (PCO) o Preventive Detention Action (PDA), hinuhuli  na lang basta at ikinukulong ang sinuman nang walang takdang panahon.

Bunga ng mga operasyong militar sa kanayunan, maraming tagabaryo ang naging biktima ng mga pambobomba at ng iba pang restriksyong militar. Dumami ang mga tinaguriang internal refugee – mga sibilyang nagbakwet para iwasan ang mga operasyong militar. Noong dekada 1980, sinimulan ng militar ang strategic hamletting kung saan pilit itinira  ang mga sibilyan sa mga komunidad malapit sa bayan upang hindi nila mabigyang suporta ang NPA. Ginawang free-fire zone ang mga dating tirahan nila – ibig sabihin, maaaring barilin ang sinumang nasa labas ng hamlet lalo’t walang pahintulot ang militar. Mangyari pang nagdulot ito ng maraming kahirapan sa  taumbayan, kabilang na sa mga bata na karaniwang dinadapuan ng sakit na ikinamatay ng ilan.

Bilang panlaban sa mga NPA, binuo at sinuportahan ng militar ang mga grupong paramilitar at mga antikomunistang kulto. Kabilang sa mga grupong paramilitar ang Civilian Home Defense Force (CHDF) na may mahabang listahan ng paglabag sa karapatang pantao. Binuwag ito ngunit, sa katunayan, pinalitan lang ito ng pangalan. Isa pa sa mga grupong paramilitar na itinayo at sinuportahan ng  militar ang Kuratong Baleleng na napatanyag bilang mga kidnapper at holdaper noong dekada 1990. Samu’t saring antikomunistang kulto rin ang sinuportahan ng militar. Isa sa pinakatanyag ang Sagrado Corazon Señor na lalong kilala sa bansag na Tadtad. Tinatadtad muna nila ang kanilang biktima bago patayin.

Bukod sa mga problemang pangkabuhayan, ang mga malulubhang paglabag sa karapatang pantao ang isa sa mga mahahalagang usaping nagtulak sa taumbayan para tumutol at lumaban.

Paglakas ng mga Kroni at ng mgaTeknokrata

Bukod sa militar, isa pang sinandigan ng gobyernong batas militar ang mga kroni ni Presidente Marcos. Ito ang mga kaibigan ng Presidente na nakinabang sa mga pang-ekonomiyang patakaran ng gobyerno. Sila ang kumamkam ng mga ari-arian ng mga kalaban ni Presidente Marcos at binigyan ng mga insentibo para magpalawak ng interes sa iba’t ibang negosyo. Ginarantiyahan ng gobyerno ang mga inutang nila sa mga dayuhan at lokal na bangko. Nang bumagsak ang kanilang mga negosyo, ang gobyerno – o mas tumpak, ang taumbayan na nagbabayad ng buwis – ang sumalo sa kanilang pagkakautang.

Itinala sa isang aklat, Some Are Smarter Than Others,  ang mga kroni ni Presidente Marcos at ang mga negosyong kinasangkutan ng mga ito. Inilahad sa aklat kung paano nila nakuha at napalago ang kanilang mga negosyo bunga ng pagiging malapit nila sa Presidente. Kabilang sa mga kroni ang mga Benedicto na kumontrol sa kalakalan ng asukal, gayundin sa mas midya. Kasama rin si Eduardo Cojuangco, isa sa Rolex 12, na siya namang kumontrol sa kalakalan ng kopra at iba pang negosyo. Maging ang mga proyektong impraistruktura ay pinakinabangan din ng mga kroni, pangunahin ng mga Cuenca na nasa industriya ng konstruksyon.

Habang diumano’y winawasak ng gobyernong batas miltar ang oligarkiya, nagbuo naman ito ng sariling monopolyo sa pamamagitan ng mga kroni. Nang bumagsak ang mga negosyo nila, nagbigay ang gobyerno sa kanila ng bagong pautang para isalba ang mga ito. Halimbawa, nang kunin ng gobyerno ang naluluging Construction and Development Company of the Philippines (CDCP) mula sa mga Cuenca noong 1983, nakapagpasok na ito ng $460 millyon sa kumpanya na bumubuo sa  90% ng kapital nito.

Hindi si Presidente Marcos ang unang nagpasok sa pamahalaan ng mga teknokrata – mga itinuturing na mahuhusay na manedyer at ekonomsita. Ngunit sa administrasyong Marcos lumaki ang papel nila sa pamamahala laluna sa panahon ng batas militar at sa panahon ng pagpapailalim ng bansa sa programa ng IMF. Kabilang sa mga teknokrata sina Cesar Virata, Jaime Laya, Vicente Paterno, Alejandro Melchor, Gerardo Sicat.

Noong dekada 1980, nang lumubha ang krisis pangkabuhayan at pumailalim sa programa ng IMF ang Pilipinas kapalit ng mga pautang, iniupong Punong Ministro si Kalihim Virata. Pinamahalaan niya ang pagtatangka ng gobyerno na isalba ang ekonomiya sa tulong ng mga pandaigdigang institusyong pampinansya. Bunga ng paglubha ng kalagayang pampulitika kasunod ng pagpatay kay  Sen. Aquino, walang nangyari sa programa. Nahuli pa ng mga institusyong pampinansya  ang pagdoktor sa estadistikang pampinansya ng gobyerno ng isa sa mga teknokrata ng pamahalaan.

Sa  pagbubuo at pagpapatupad ng programa sa kaunlaran ng rehimen, inasahan ng gobyernong batas militar ang mga teknokrata nito. Sa iba’t ibang kadahilanan, nabigo ang mga programa na paunlarin ang bansa at hanguin sa kahirapan ang mayorya ng mamamayan. Kahit sa panahong sila na mismo ang nagpapatakbo ng gobyerno sa pagtataguyod ng mga pandaigdigang institusyong pampinansya, hindi nila nakuhang isalba ang bansa sa krisis.

Iba’ ibang grupong nakapaligid kay Presidente Marcos ang nagkaroon ng kapangyarihan sa panahon ng batas militar. Ito ang inasahan ng gobyerno na mamahala sa pagtiyak ng katiwasayan at pagpapaunlad sa bansa. Kabaligtaran ang naganap. Lalo lamang lumakas ang paglaban ng mga mamamayan – armado at di-armado – sa diktadura. Lalo lamang dumanas ng kahirapan ang mayorya ng mamamayan. Ginatungan pa ito ng  sukdulan nilang pang-aabuso sa  kapangyarihan at kayamanan ng bansa na di man nila inilingid sa mga mamamayang naghihirap.

Hindi sinuklian, sa madaling salita, ng rehimeng batas militar ang pagsolo ng kapangyarihan at pagsupil sa karapatan ng mamamayan ng ipinangako nitong katahimikan at kaunlaran. Lalo lamang bumigat ang pasanin ng taumbayan at lumaganap ang diskontentong nagsilbing gatong sa paglakas ng kilusang antidiktadura.

(Mababasa ang ilang dokumento sa http://dlambrosio.multiply.com at sa aking facebook account.)

Share

Kung bakit hindi ginamit ni Teodora Alonzo ang apelyidong Rizal

August 12, 2011 by  
Filed under blogs

gloria-photo-110x110Kung hindi ko nabasa ang pahayagang Renacimiento Filipino noong isang taon sa Philippine National Archives, lilipas ang Agosto 16 ngayong 2011 nang hindi ko maaalala ang kamatayan ni Teodora Alonzo y Quintos, ina ng ating bayaning si Dr. Jose Rizal. Eksaktong 100 taong patay na ang ina ng bayani. Kung babalikan ang pahayagang Renacimineto Filipino, makikita kung gaano kamahal si Teodora Alonzo ng mga Pilipino noong 1911.

Hindi mahulugang karayom ang sementadong kalsadang yari sa cobblestone (walang katumbas na salin sa wikang Filipino) sa Maynila sa araw ng kanyang libing sa dami ng mga taong nakikidalamhati sa pagpanaw ng 84 na taong gulang na ina ng bayani. Tulad ng nakaugalian noon, may banda ng musiko sa unahan at puno ng mga tao ang gilid ng kalsada. Marami ring taong nakasunod sa karwaheng hila ng kabayo. Sa likod ng karwahe, may mga taong nakasakay rin sa kabayo.

Parang dagat ng mga taong nakaputing may suot ring mga sinaunang sumbrero sa paligid. Maluwag ang kalsada ngunit puno ng mga tao. Malalaki ang mga bahay na yari sa kahoy at bato. Payat at di kataasan ang mga kahoy na poste sa gilid ng magkabilang kalsada.

Sa Santa Cruz, Maynila ipinanganak ang butihing matanda noong 9 Nobyembre 1827. Marami ang nakipaglibing sa kanya sa Maynila hindi lamang dahil sa ina siya ng isang bayani kundi dahil na rin sa kanyang mga sariling nagawang kabutihan sa kapwa at sa bayan.

Nasukat ang katatagan at lakas ng loob ni Teodora  Alonzo sa katindihan ng pag-uusig  ng mga Espanyol sa mga mapanlabang Pilipino. Sa panahong inuusig ang kanyang pamilya – mula sa matandang anak na si Paciano hanggang sa batang si Rizal (ikapito sa 11 anak niya) – pinanghawakan niya ang mga prinsipyong pinaghuhugutan rin ng lakas ng pambansang bayani.

Isa sa mga naging hamon sa matanda ang pagpapatawag sa kanya ng mga Espanyol dahil sa hindi niya paggamit ng apelyidong Rizal. Nangatwiran siyang hindi kaugalian ng mga Pilipinang gamitin ang apelyido ng kanilang asawa. Aral si Teodora Alonzo sa Colegio de Santa Rosa sa Maynila at mula sa pamilyang mga nakapag-aral rin at may kaya sa lipunang Pilipino noon kaya mas lalong pinalakas ng kanyang edukasyon ang kanyang paninindigan.

Idinagdag ito sa naunang kaso niya sa kanyang paglason umano sa kanyang hipag na napatunanayan namang hindi totoo sa hukuman. Ngunit hindi pa rin siya makaligtas sa galit ng mga Espanyol. Pinalakad nila ang matanda mula Ermita, Maalat, Pineda (Pasay sa kasalukuyan) hanggang Las Pinas.

Anang pahayagang Renacimiento Filipino: “ Sa bayang ito’y (Las Pinas) isinalin ng mga veterana sa guardia civil ang pagtatanod sa kanya. At noon di’y inilakad naman na ang pinagdaanan niya’y ang mga bayang Muntinglupa, San Pedro, Tunasan, Binyang, Sta. Rosa, Kabuyaw, Kalawang, Pila at Santa Cruz (Laguna).

Naawa sa kanya ang mga taga-Binyang, Laguna at nakiusap sa mga guardia civil na isakay sa duyan ang matanda at sila na lamang ang maglakad para sa kanya ngunit hindi natinag ang mga guardia civil. Markado na ang pamilya Rizal simula pa lamang noong 1872 nang maganap ang pag-aalsa sa Kabite at patayin ng mga Espanyol ang tatlong paring Gomez, Burgos at Zamora.  Malapit na estudyante at nakatira si Paciano Rizal kay Padre Burgos noon.

Sinamsam ng mga Espanyol ang ari-arian ng pamilya Rizal sa Calamba noong 1890 kung kaya nagsilipat sila sa Maynila. Nakitira sila sa makabayang si Higinio Francisco sa Trozo (bahagi noon ng Binondo ngunit bahagi na ng Santa Cruz, Maynila ngayon), ayon pa sa pahayagan. Aabot pa hanggang sa ikatlong henerasyon ng kanilang angkan ang mga kasong ipapatong laban sa kanila (Encarnacion Alzona, Selected Essays and Letters of Jose Rizal, p. 31).

Bago pa ito mangyari, napaunlad ni Teodora Alonzo ang kanilang negosyong azucarera – (“nagmamatamis” ang ina ni Rizal, ayon sa pahayagan) at taniman sa Calamba. Inquilino o kasama (tenant) ang mag-asawang Rizal sa lupaing pinauupahan ng mga paring Dominikano sa Calamba ngunit dahil sa pag-aalsa ng mga magsasaka (may kinalaman kaya rito ang mga Rizal?) sanhi ng mataas na renta at buwis, nagalit ang mga Dominikano at nagtanim ng galit sa pamilya.

Bago mamatay ang butihing ina ng bayani, binigyan siya ng pabuya at pensiyon ng pamahalaan dahil sa mga nagawa ni Jose Rizal para sa bayan. Ngunit tinanggihan niya ito. Hindi umano siya nagpapabayad sa kanyang pagiging Pilipino. Kung marami rin lang umanong salapi ang pamahalaan kung kaya ipinamimigay ito, ipinapayo niyang babaan na lamang ang pagbubuwis sa mga mamamayan.

Hindi nakapagtataka kung bakit naging bayani si Jose Rizal.

Share

Next Page »

Copy Protected by Chetan's WP-Copyprotect.