Parangal at pangaral
KUNG ikaw ang masusunod syempre mas gugustuhin mong parangalan ka kesa pangaralan.
Umaasa ka ng parangal kung sa tingin mo e may nagawa kang kapuri-puri at kapaki-pakinabang sa kapwa. Kapag kumilos ka naman nang may pag-iimbot at walang katapatan, umaasa kang pangaral lang ang aabutin mo at hindi sana batok at batikos.
May isang grupo sa Amerika ngayon na umaani ng parangal at pangaral – depende sa estado ng pag-iisip ng pumupuri o bumabatikos. Isa lamang itong kulto ng mga Kristiyano – mga rightist Christians kung tawagin ng mga aktibista – sa isang lugar sa Florida na nananawagan ng pagsunog sa Qur’an o banal na libro ng Islam sa anibersaryo ng pag-atake sa Amerika ng mga panatikong Muslim noong Setyembre 11, 2001.
Magsusunog ng Qur’an ang kulto na kung tawagin e Dove World Outreach Center (para magpapansin) sa opisina nito sa araw na iyon bilang paggunita umano sa mga pag-atake sa Estados Unidos siyam na taon na ang nakararaan ng mga “demonyong” terorista.
Mabuti na lamang at hindi ito pinatulan ng Simbahang Katoliko na agad nanawagan sa kulto na huwag ituloy ang kahibangang ito. Sigurado nga namang magreresulta ito ng ganting atake ng mga Muslim laban sa mga Kristiyano. Nakita na natin iyan dito mismo sa Pinas na naggagantihan ang iilang mararahas at sira-ulong panatiko ng magkabilang relihiyon.
Lahat ng relihiyon ay nangangaral ng kabutihan at kaligtasan; malinis ang kanilang hangarin pero hindi nawawala sa kahit anumang organisasyon – kahit sa gobyerno at mga rebolusyonaryo – ang mga baliw, sintu-sinto at masasamang loob na handang gawin ang lahat maipilit lang ang paniniwala, sukdulang mamatay at pumatay sila.
Hindi naman orihinal na ideya itong bantang pagsusunog ng Qur’an. Nauna nang nagbanta ng ganito ang mga panatikong Kristiyano sa Copenhagen sa Denmark para naman labanan ang panawagang boykot ng mga bansang Muslim sa keso, gatas, sikulate at iba pang Danish products. Ang boykot e protesta naman ng mga Muslim sa isang caricature ni Muhammad na lumabas sa dyaryo doon. Ang cartoon e protesta naman ng kartonista sa isang protesta na protesta rin sa isa pang protesta. Walang katapusang protesta ito at gantihan, na kung uugatin mo ay lalampas pa sa panahon ng Krusada.
Milyong buhay ang nabubuwis sa ngalan ng relihiyon. Totoong ugat ito ng giyera, pero pwede rin itong makatulong sa pagkakaroon ng kapayapaan. Uso na ngayon ang tinatawag na interfaith dialogue at marami na ring relihiyoso ang natututong tanggapin ang di nila kayang tanggapin sa ngalan ng kapayapaan. Unti-unti nilang napagtatanto na corrupt ang organized religion at kailangan nito ng muling pagkabuhay.
May moske sa Vatican City na sentro ng paniniwalang Katoliko pero walang simbahang Kristiyano sa Saudi Arabia na sentro naman ng paniniwalang Islam. Hindi ang hari ng Saudi ang may kasalanan sa sulipat na kalagayang ito kundi ang organisadong relihiyon na takot sa pagbabago.