Paroo’t Parito Ni Hernan Melencio
Partido Lakas Tawa
ISANG palatandaan ng pagdating ng sirko sa bayan natin ang pagliliparan hindi lamang ng mga paru-parong bukid kundi pati na rin ng paru-parong lungsod.
Maraming nagrereklamo sa tinatawag nilang balimbing – pasintabi sa tunay na prutas – na anila’y walang prinsipyo at dapat lang huwag iboto sa darating na halalan. Ang problema lamang, kapag sinunod ito ng mga botante, malamang magkaroon ng failure of election, sapagkat aminin natin, ilan ba ang kilala nating pulitikong may prinsipyo?
Kaliwa’t-kanan ang balita na kesyo ang pulitikong ito e kakalas sa Partido Lakas Asar dahil naasar sa mga kasamahan at lilipat sa Partido Lakas Takbo. O kesyo itong mag-asawang pulitiko e lumipad at dumapo sa Partido Lakas Todo dahil inimbitahan sila at hindi dahil binukulan sila ng Partido Lakas Kurakot. O kesyo ang mag-amang pulitiko sa Keso City e tatakbo sa kabilang bakod dahil ang Partido Lakas Kita e napagsilbihan na raw nila nang todo gusto naman nilang pagsilbihan nang todo ang Partido Lakas Kain.
Sa dami ng naaasar sa mga lipatan sa mga partido, lumalakas ang panawagan na gayahin ang mga Kano at ipatupad na rin ang “two-party system” sa pulitika natin. Kung hindi ako nagkakamali, dati na tayong gaya-gaya sa mga Kano at umiral na rin ang two-party system noong araw. Nacionalista Party at Liberal Party lamang ang nagbubugbugan noon. Pero nung si Ferdie Macoy, na taga-NP, na ang nakaupo bigla niyang naisipang ideklara ang martial law, ipinagbawal ang mga partido pulitikal at itinayo ang Kilusang Bagong Lipunan (KBL). Nang pinalayas ng People Power si Ferdie, inakala ng lahat na patay na ang KBL pero heto’t muli itong nabuhay at sumanib pa sa NP.
Itinuring na bangungot ang martial law at ang single party system na likha nito kaya niyakap ang multi-party system ng bagong Konstitusyon. Ang problema, walang pinagkaiba ang mga nariyang partido kaya kahit magpali-palit sila ng miyembro, magkakamukha pa rin silang lahat.
Nakikita ko sa aking crystal balls – dalawa ang bolang kristal ko – na muling sisisihin ng mga nagdudunung-dunungan ang mga “bobong” botante sa kahihinatnan ng sirko, este, eleksyon sa Mayo 10, 2010. Lagi na lang mga botante ang bobo at mga paham ang mga komentarista sa media na “laging bumoboto nang matalino.” Sadyang napakaraming henyo kapag tapos na ang bagyo.
Ang laging hindi nasisilip e yung kakulangan ng pagpipilian. Pag marumi ang tubig sa balon, natural marumi ang masasalok mong tubig.
Minsan, maraming taon na ang nakararaan, biglang sinumpong itong si Maid Miriam at sinabi niyang dapat i-auction o ibenta sa pinakamataas na tawad ang posisyon ng pangulo ng Pilipinas sa halip na magkaroon pa ng eleksyon. Siguro e katatalo lang niya noon sa laban nila ni “Infidel” Ramos kaya masama pa ang loob ng ale. Pero isa itong kislap sa minsan-henyo-minsan-praning niyang isipan.
Bakit nga hindi na lang natin ibigay sa highest bidder ang poder? Sa gayon magkakaroon na ng pondo ang gobyerno, makakatipid pa dahil hindi na tayo gagastos sa eleksyon.