OFW vote
BIDA na naman ang mga kababayan natin sa ibayong dagat na nag-uwi ng tumataginting na $17.3 bilyon sa pagtatapos ng nakaraang taon, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas. Mas malaki ito ng 5.6 porsyento sa $16.4 bilyon na pumasok sa bansa noong 2008.
Syempre, ang gumastos ng pera e yung mga kamag-anak ng overseas Filipino workers (OFWs), yung mga binayaran nila ng utang at mismong mga OFWs. Pero kahit sinong ekonomista ang tanungin mo, sasabihin nilang nakikinabang din tayo kapag ginagastos nila ang pera nila dito. Maganda raw iyon sa ekonomiya na malaon na sanang natigok kung hindi dahil sa remittances o padalang pera ng OFWs. Umiikot kasi ang pera kapag ginagastos kaya nagkakaroon ng demand para sa serbisyo at produkto. Ang problema lang sa ganitong klaseng pag-unlad ng ekonomiya e nakabatay ito sa paggastos (consumer driven, ika nga sa Ingles) at hindi sa paglikha ng mga bagong produkto na gaya ng nililikha ng agrikultura, manupaktura at industriya. Ika nga, walang maaasahang tibay dito sa pangmatagalan at hindi umaasenso ang pinakamahihirap na sektor ng bayan.
Gayunpaman, kahit tigasin ang OFWs pagdating sa remitans, hindi sila ganun katigasin sa pagbibigay ng solidong boto tuwing eleksyon. In short, kalokohan lang ang OFW vote.
May mahigit 8 milyong OFWs sa mahigit 100 bansa sa ibayong dagat pero kokonti lang ang interesado sa kanilang lumahok sa eleksyon (kahit ako e hindi rin interesado noong nasa Saudi ako – at hindi pa rin ako interesado hanggang ngayon) na mababakas sa kokonting bilang ng nagparehistro. May mahigit 200,000 OFWs lang ang nagparehistro para bumoto sa tinatawag na overseas absentee voting para sa 2010 elections. Noong 2007, 143,000 lang ang nagparehistro at 364,000 noong 2004.
Mapapansing mas mataas ang bilang ng nagparehistro noong 2004 kesa noong 2007 dahil presidential election iyon at kapapasa lang ng batas sa absentee voting noong 2003. Ngayong presidential election ulit, tumaas nang konti ang bilang ng botante pero tinga pa rin ito kumpara sa kabuuang bilang ng OFWs. At batay rin sa karanasan, maliit lamang ang voter turnout o bumoboto sa eleksyon sa kung anu-anong dahilan. Noong 2007 senatorial election 16 porsyento lang ng registered OFW voters ang bumoto. Umabot sa 65 porsyento ang bumoto noong 2004 dahil nga presidential election iyon at bago pa lang ang absentee voting. Para sa taong ito, maswerte na kung aabot sa 50 porsyento ang boboto at kung magkaganun man, hindi pa rin sila boboto nang solido kaya walang kandidatong interesedong ligawan sila ngayon, di tulad ng panliligaw ng mga ito sa mga kulto at grupong relihiyoso.
Maraming grupong OFW ang nangangarap na magkaroon ng papel sa gobyerno. Malas lang nila dahil sa kabila ng pang-uuto sa kanila sa pagtawag na “bagong bayani” hindi sila ganun kapogi o kaseksi sa tingin ng mga kandidato o mismong ng gobyerno.