Bago mauso ang Simbang Gabi sa Pilipinas

December 6, 2010 by  
Filed under blogs

gloria-weblognew 110x110Noong unang panahong wala pang Simbang Gabi, inoobliga ng mga prayle ang mga Indiong magsimba at dumalo sa misa araw-araw. Pinagagalitan nang matindi ang mga hindi nagsisimba. Maraming pagkakataong nilalatigo pa at pinapalo ng mga prayle ang sinumang hindi nagsisimba. Kilala ng mga prayle ang bawat indibidwal at pamilyang nasa kanyang parokya kaya hindi puwedeng lumusot.

Mula sa panahong pinalalaki pa ng mga pari ang kanilang sakop na parokya, dinadalaw nila ang mga Indio kaya alam nila kung saan nakatira ang mga ito. Minsan, nagulantang ang isang Pranses nang pagpapaluin sa kalsada ng isang paring Espanyol ang isang babaing Indio dahil hindi niya raw ito nakitang nagsimba noong Linggo. Nangatwiran daw ang babaing may sakit siya at hindi makabangon pero nagalit pa lalo sa kanya ang pari.

Ayon sa Pranses sa Chronicles of Manila, naawa raw siya sa babae. Ito raw ang kalakaran kahit saan sa Pilipinas. Sa History of the Bisayan People, may ganito ring kuwento ang paring Augustinian na si Ignacio Francisco Alcina. Hinahampas niya rin (kahit kilalang mabait na pari sa mga Bisaya si Alcina) ang mga lumiliban sa pagsisimba.

Kaya nang dumating ang araw ng Kapaskuhan, pinoproblema ng mga pari kung paano mapagsisimba ang mga Pilipinong magsasaka ang karamihan. Katwiran kasi ng mga magsasaka, kailangang maaga silang magpunta sa bukid upang magtanim o maglinis ng kanilang mga pitak at taniman. Hindi sila makapupunta pa sa simbahan galing sa bukid lalo pa at marumi o malupa ang katawan, pati mga paa’t kamay nila.

May naisip na paraan ang mga pari: Papagsimbahin sa madaling araw bago magpunta sa bukid ang mga magsasaka. Sa ganito malinis pa sila, hindi basa sa bukid at hindi pa pawisan. (Naalala ni Alcina na halos himatayin siya sa amoy ng isang magsasaka nang magsimba itong “may kakaibang ipinahid na pabango.” Sabi sa kanya  ng mga Bisaya, “anghit” daw ang tawag doon. Inakala ng paring Espanyol na isang uri ito ng herb na ipinapahid sa katawan dahil mahilig magpabango ang mga Indio, anya. Hindi niya alam kung ano ang tunay na kahulugan ng anghit. Naisahan siya ng mga Pilipino.)

Balik tayo sa Simbang Gabi. Nagbigay ng instruksyon ang mga prayleng kailangang gumising nang madaling araw ang mga magsasaka na hindi naman mahirap sa kanila dahil sadya namang ito talaga ang oras ng gising nila. Kaya nga may mga sawikain tayong “bago pumutok ang araw” o “unang tilaok ng manok” na nagaganap sa alas-tres ng madaling araw.

Misa de gallo ang tawag ng mga paring Kastila dito. Misa ng mga tandang o misa sa madaling-araw ang tahasang salin nito sa Tagalog.  Simbang Gabi ito para sa mga Indio dahil pupungas-pungas pa ang mga Pinoy bago pa man tumilaok ang mga manok. Siyempre pa, kalembang ng kampana ang tiyak na nanggigising sa kanila at kailangang nasa simbahan na pagsapit ng ikaapat ng umaga.

Ngayong ika-21 siglo, nagpapatuloy ang Simbang Gabi mula Disyembre 16 hanggang Disyembre 24.  Pinakahihintay ito ng kabataan (kahit itanong pa ninyo sa asawa ko noong kabataan niya) dahil bukod sa maraming pagkain tulad ng puto bumbong, kutsinta at puto, marami ring dalaga’t binatang nagsisimba.

Pinakahihintay rin ito ng mga bata dahil hudyat ito ng simula ng kanilang pangangaroling kahit na maraming “patawad po” ang kanilang matanggap. Kapag sinuwerte kasi’y pera at kendi naman ang mapaghahatian nila gabi-gabi kasabay ng Simbang Gabi.

Share

Oo, Binyang, may Santa Klaws

December 6, 2010 by  
Filed under blogs

TAUN-TAON, may mga batang nagtatanong kung meron ba talagang Santa Klaws. Katunayan, may isang walong taong gulang na batang sumikat sa Amerika mahigit sandaang taon na ang nakararaan dahil lamang itinanong niya sa dyaryo kung totoo bang may Santa Klaws.

Natural, sasabihin sa kanya ng dyaryo na meron. Walang matinong pahayagan ang maaatim na maging killjoy at sabihin sa isang batang hindi totoo si Santa. Agad sumikat ang katagang “Yes, Virginia, there is a Santa Claus” na sagot ng The Sun ng New York sa tanong ni Virginia O’Hanlon noong 1897 sa isang editoryal.

Syempre may halong drama at pambobola ang editoryal pero kumbinsing naman ito, ’ika nga. At mula noon, naging bahagi na ng alamat ng Pasko ang naturang editoryal kasabay ng muling paglabas ni Santa Klaws. Nanatili ring naniniwala si Virgie kay Santa hanggang mamatay noong 1971 sa gulang na 82.

Ang totoo niyan, hindi naman kelangang maghabi ng kung anu-anong kaek-ekan ang sumulat ng editoryal. Hindi na niya kelangang sabihing tulad ng diwata si Santa na dapat paniwalaan kahit hindi nakikita. Dahil totoo namang umiral si Santa Klaws sa tunay na buhay. Hindi nga lang sa anyong kilala natin ngayon.

Syempre alam na ng lahat na si Santa Klaws e si San Nicolas. Parang Saint Elmo’s fire na kalaunan e naging santelmo na lamang.

Hindi bading si Santa Klaws kahit Santa ang pangalan niya. Santo talaga siya at hindi santa. Kaso sa mga Kano, walang kaibahan ang santo at santa. Nung unang labas nga niya sa Christmas card e Sante Claus pa ang tawag sa kanya.

Bago pa siya maging Santa Claus sa Amerika, kilala na si San Nicolas sa Europa at iba pang parte ng mundo bilang patron ng halos lahat ng klase ng mga Kristyano, partikular ng mga bata, magdaragat at sundalo. Pero batay sa mga alamat at kwentong nagpasalin-salin sa malalayong lugar at mahabang panahon ang kasikatan niya. Naghalo ang kababalaghan at realidad, at ang imaheng tumimo sa isip ng mga taong nananalig sa kanya ay isang nilalang na laging masaya at namimigay ng regalo.

Ipinanganak siya noong ikaapat na siglo sa isang mayamang pamilya sa Turkey at naging obispo. Ayon sa isang kwento, maaga siyang naulila at ginamit ang namanang kayamanan sa pagtulong sa nangangailangan. Namatay siya noong Disyembre 6, 343. Ipinagdiriwang ang Disyembre 6 bilang Saint Nicholas Day. Pero nung naging Santa Klaws na siya, Disyembre 25 na rin ang araw niya.

Hernan-weblog110x110Payat talaga si Saint Nick pero hindi tayp ng mga Kano, lalo na nung mga Protestanteng unang nanirahan sa Estados Unidos, na ganun ang santong nagpapasaya sa mga bata. Isa siyang lolo na laging nang-iispoil ng mga apo at malakas tumawa.

Noon pa man e nagrereklamo na ang Simbahang Katolika kay Santa dahil inilalayo umano niya ang atensyon sa tunay na may bertdey sa araw ng Pasko. Kaso nariyan na iyan, at tulad ng sugal at iba pang bisyo, pikit-matang hinahayaan na lamang ito ng Simbahan. Ang mahalaga e masaya ang mga bata – at matanda – sa araw ng Pasko.

At iyan, Birhinya, ang kwento ni Santa Klaws.

Share

Copy Protected by Chetans WP-Copyprotect.