Mga Landas Tungo sa Kalayaan (2) Dante L. Ambrosio

March 9, 2010 by  
Filed under article

dante's pix -AlbayIkalawang Bahagi : Pakikipagtulungan at Pakikipagnegosasyon ng Elite

Sa simula, itinatag ng  Estados Unidos sa Pilipinas ang isang gobyernong militar mula 1898-1901. Itinatag ito noong Agosto 14, 1898 sa pangunguna ni Gen. Wesley Merritt makaraang pasukin ng mga Amerikano ang Intramuros at sumuko sa mga ito ang mga Espanyol. Habang hindi pa napapayapa ang arkipelago at patuloy pa ang armadong pagtatanggol ng pamahalaang Aguinaldo, pinamahalaan ng gobyernong militar ang mga sakop nitong lugar sa Pilipinas. Pinamahalaan nito ang introduksyon ng  edukasyong Amerikano sa pangunguna ng mga sundalong Amerikano mismo, gayundin ang pag-oorganisa ng mga hukuman  at ng  mga lokal na pamahalaan.

Noong Disyembre 21, 1898, halos dalawang linggo matapos pirmahan ang Kasunduang Paris, ipinahayag ni Presidente Mckinley ang patakarang Benevolent Assimilation sa Pilipinas.  Inatasan ng proklamasyon ang gobyernong militar na itinatag ng Estados Unidos sa Pilipinas na ipatupad ang soberanyang Estados Unidos sa kabuuan ng teritoryong inilipat dito ng Espanya. Gumawa ng mga hakbang ang pamahalaang Amerikano upang saklawin ng soberaniya nito ang arkipelago, kabilang ang  pagsupil sa armadong pagtatanggol ng mga rebolusyonaryo at ang pag-akit sa kolaborasyon ng mga “mayaman at edukadong Pilipino”.

Binuo ni Presidente McKinley ang  First Philippine Commission noong 1899 para alamin ang kalagayan sa Pilipinas at kung paano mahusay na maipapatupad ang  soberanidad ng Estados Unidos dito. Tinagurian itong Schurman  Commission sunod sa ngalan  ni Jacob Gould Schurman na namuno nito. Kabilang sa mga rekomendasyon nito ang mga sumusunod: pagbubuo ng gobyerno sibil na may lehislaturang may dalawang kapulungan, pag-aalis ng pamamahalang militar sa mga napayapa nang lugar, pagbubuo ng mga lokal na pamahalaan, pagbubukas ng mga paaralan, pagtatalaga ng mga mahuhusay  na tauhan sa mga opisina ng gobyerno at pangangalaga ng mga yamang likas ng Pilipinas. Binanggit nito ang paniniwala ng mga Pilipinong maykaya at edukado na kailangan ng Pilipinas ang awtoridad, gabay at proteksyong Amerikano.

Noong 1900, binuo ang Second Philippine Commission upang itatag ang gobyerno sibil. Pinamunuan ito ni William H. Taft kaya tinagurian ding Taft Commission. Kabilang sa mga tungkulin nito ang pagbubuo ng mga gobyernong munisipal sa pamumuno ng mga  katutubong pinuno, pagbubuo ng pamahalaan sa mas malalaking dibisyon gaya ng mga probinsya at pagtupad ng kapangyarihang lehislatibo simula Setyembre 1900. Sa pangkalahatan, inilatag ng Taft Comission ang mga kundisyon sa pagtatatag ng pamahalaang sibil.

Noong Hulyo  4, 1901 itinatag ang gobyerno sibil sa pangunguna ni Taft bilang gobernador sibil (naging gobernador-heneral noong Pebrero 1903). Nanatili rin siyang tagapangulo ng Philippine Commission. Sa pagiging gobernador ng gobyerno sibil at tagapangulo ng Philippine Commission, hinawakan ni Taft kapwa ang kapangyarihang ehekutibo at lehislatibo. Hanggang 1902 nanatili ang pamamahalang militar sa mga di napayapang lugar samantalang noon na lamang 1914 napalitan ng pamamahalang sibil ang pamamahalang militar sa mga teritoryo ng mga Muslim.

Binuo ang gobyerno sibil sa panahong malakas pa ang mga armadong paglaban ng mga Pilipino kahiman nagsimula nang magsisukuan ang mga heneral at tauhan ni Aguinaldo. May mahalagang tungkulin ang ganitong pagbubuo na inirekomenda ng Schurman Commission: “Para matanggap ng mga Pilipino ang soberanyang Amerikano, pinaniniwalaan na malaki ang magagawa ng pangkalahatang paghalili ng pamahalaang sibil sa pamahalaang militar sa buong arkipelago  kaysa anupamang hakbang.”  Dagdag pa nito: “dapat ‘tumugon sa mga pananaw at adhikain ng mga edukadong Pilipino hanggang sa malawak na saklaw na makakaya ang gobyernong bubuuin sa Pilipinas.’”

Sa  ganitong paraan binigyang hugis ng gobyerno sibil ang mga islogang “Philippines for the Filipinos”, “training for self-government” at “Filipinization policy”. Binuksan sa mga maykaya at edukadong Pilipino ang mga posisyong pangmunisipyo at pamprobinsya. Binuksan din sa kanila ang mga  posisyon sa sentral na pamahalaang kolonyal kabilang ang Philippine Commission at ang Korte Suprema. Sa larangan ng pulitika, ganito inakit ng Estados Unidos ang mga maykaya at edukadong Pilipino para makipagkolaboreyt sa kolonyal na pamamahala.

Mga Pilipino sa Pamahalaang Sibil

Sinimulan ang pagtatayo ng mga pamahalaang munisipal sa ilalim ng mga sibilyan kahit sa panahon ng gobyernong militar. Noon pang 1899, naglabas na ng pangkalahatang atas ang gobyernong militar ukol sa  pagtatatag ng  sibilyang pamahalaan  sa mga munisipyo sa paligid ng riles ng tren pahilaga mula sa Maynila, gayundin sa Cavite at Laguna.  Sa simula pa lamang, malinaw na ang kamay ng mga kolaboreytor na Pilipino sa gawaing ito dahil ginawa sa pamamahala ni Cayetano Arellano, na dating itinalaga sa Departmento ng mga Usaping Panlabas ng pamahalaang Aguinaldo, ang padron sa pagbubuo ng gobyerno munisipal.  Noong Enero at Pebrero 1901 ipinasa ng Philippine Commission ang Municipal Code at Provincial Government Code para magsilbing gabay sa pagtatatag ng mga pamahalaang lokal liban sa Maynila, Baguio, mga teritoryong Muslim at Lalawigang Bulubundukin.

Sa mga kwalipikasyon para makaboto o mahalal na opisyal ng gobyernong munisipal, malinaw ang pagpabor sa mga maykaya  at edukadong Pilipino ng kolonyal na pamahalaan:  mga lalaking di bababa sa 23 anyos ang edad, humawak na ng posisyon sa antas ng munisipyo bago pa Agosto 13, 1898, marunong sumulat at bumasa ng Inggles o Kastila, may ari-ariang nagkakahalaga ng $250 o nagbabayad ng taunang buwis na $15.  Sa madaling salita, hindi nito ginalaw ang pamamayani ng mga maykaya sa munisipalidad gaya noong panahon ng mga Kastila.

Ilang naglingkod sa rebolusyonaryong pamahalaan at hukbo o nanindigang makabayan  ang namuno sa lokal na pamahalaan sa ilalim ng kolonyal na pamahalaang Amerikano –  Quezon (medyor sa rebolusyonaryong hukbo at nahalal na gobernador ng Tayabas), Osmena (makabayang peryodista na naging gobernador ng Cebu), Arturo Dancel (diputado ng Kongreso ng Malolos at naging gobernador ng Rizal), Juan Cailles (heneral ng rebolusyonaryong hukbo at naging gobernador ng Laguna),  Manuel Tinio (heneral ng rebolusyonaryong hukbo at naging gobernador ng Nueva Ecija), Mariano Trias (bise-presidente ng pamahalaang Aguinaldo at heneral ng rebolusyonaryong hukbo at naging gobernador ng Cavite), Ricardo Paras (diputado ng Kongreso ng Malolos at naging gobernador ng Marinduque, Mindoro at Tayabas)  at marami pang iba. Gaya nang nabanggit, nakipagtulungan sila sa pagtugis sa mga patuloy na lumalaban sa pananakop.

Isa sa mga unang nagkolaboreyt sa mga Amerikano ang mga asendero ng Negros sa pamumuno nina Juan Araneta, Jose Luzuriaga at iba pa. Nagbuo sila ng gobyernong probisyonal noong Nobyembre 1898 sa Negros nang malinaw nang natatalo ang mga Kastila. Noong Pebrero 1899, mahigit dalawang buwan lamang makaraan, nakipag-usap na sila sa mga pinunong militar na Amerikano at inilipat nila rito ang kanilang katapatan. Bagay na lalo lamang nagpasigla kay Papa Isio sa paglaban lalo’t nahayag ang tunay na  interes ng mga asendero.

Noong  Setyembre  1901, ginawang miyembro ng  Philippine Commission sina Trinidad H. Pardo de Tavera, Benito Legarda at Jose Luzuriaga. Noong 1908, idinagdag sa komisyon si Rafael Palma. Ginawa namang  kalihim ng Pinansiya at Hustisya noon ding 1908 si Gregorio Araneta. Sa serbisyo sibil,  dumami ang mga Pilipinong itinalaga ayon sa itinadhana ng unang Batas sa Serbisyo Sibil  noong 1900. Noong 1903, 49% na ng mga nasa serbisyo sibil ang Pilipino. Lumawak pa ito ng 71% noong 1913. Unang Pilipinong direktor ng serbisyo sibil si Felipe Buencamino, isa sa mga tampok na opisyal ng Kongreso ng Malolos at kalihim ng usaping panlabas sa gabinete ni Pedro Paterno. Sina Tavera at Arellano na itinalaga sa usaping panlabas at si  Araneta na  itinalagang kalihim ng hustisya sa pamahalaang Aguinaldo ay tumalikod sa rebolusyonaryong  pamahalaan bago pa sumiklab ang labanan sa pagitan ng mga Amerikano at Pilipino.

Lahat ng pakikipagtulungang  ito ng mga edukadong Pilipino sa mananakop na Amerikano ay itinuturing na karangalan hanggang ngayon. Mga hakbang ito sa pagkakamit ng mas malawak na kapangyarihan ng mga maykaya at edukadong Pilipino sa kolonyal na pamahalaan at maituturing na katuparan ng mga kahilingang repormista noong  panahon pa ng mga Kastila.

Philippine Organic Act ng 1902 at Jones Law ng 1916

Para sa pagtatatag ng pamahalaang sibil kalahok ang mga edukadong Pilipino, ipinasa ng Kongreso ng Estados Unidos ang Philippine Organic Act ng 1902, lalong kilala sa bansag na Philippine Bill of 1902. Hanggang 1916, ito ang sinunod na batas kaugnay ng pamamahala ng Estados Unidos sa Pilipinas. Hinalinhan ito ng Jones Law noong 1916. Mahalagang probisyon nito ang pagtatalaga ng dalawang resident commisioner na Pilipino sa Washington at ang pagtatatag ng Philippine Assembly dalawang taon makaraan ang proklamasyon ng lubos na kapayapaan. Magsisilbi ang Philippine Assembly bilang mababang kapulungan habang tatayong mataas na kapulungan  ang Philippine Commission sa inirekomenda ng Schurman Commission na lehislaturang may dalawang kapulungan. Idineklara ni Presidente Theodore Roosevelt na tapos na ang giyera noong Hulyo 1902 kung kaya nagkaroon ng linaw ang pagbubuo ng Philippine Assembly makaraang maihayag ang resulta ng sensus ng populasyon.

Isa sa mga nagtulak sa mga Pilipinong maykaya at edukado para makipagtulungan sa pagpapatahimik sa mga nagrerebelde ang posibilidad ng pagbubukas ng Philippine Assembly. Sa kontekstong ito maaaring maunawaan ang isang dahilan  ng pagtugis  ni Cailles at ang pagpapatanggap ng amnestiya ni  Gomez kina Sakay. Itinampok na mga bagong lider ng mga Pilipino sa pagkakabuo ng Philippine Assembly sina Osmeña at Quezon. Mula sa panahong ito hanggang sa Komonwelt, naghalinhinan ang dalawa bilang mga pangunahing na lider Pilipino at tagapagtaguyod ng “kagyat, lubos at ganap na kalayaan” bilang popular na islogan.

Sa larangan ng pulitika, malinaw ang ginawang pag-akit ng Estados Unidos sa mga maykaya at edukadong Pilipino. Ibinigay nito ang mga kahilingan ng mga ilustrado na hindi ibinigay ng Espanya sa larangang pampulitika – representasyon sa mismong pusod ng kolonyal na pamamahala sa Estados Unidos sa pamamagitan ng mga resident commissioner, partisipasyon sa pamprubinsya at pangmunisipyong antas ng pamamahala, partisipasyon sa paggawa ng batas sa pamamagitan ng Philippine Commission at Philippine Assembly. Hindi lamang sila binigyan ng representasyon sa Spanish Cortes – binigyan ang mga maykaya at edukadong Pilipino ng sariling lehislatura. Di pa kabilang dito ang pagbubukas sa mga edukadong Pilipino ng serbisyo sibil at iba pang posisyon sa gobyerno gaya sa Korte Suprema, militar at iba pang ahensya ng  pamahalaan sa tatlong sangay nito.

Kaugnay ng inaasahang eleksyon para sa Philippine Assembly, lumitaw ang maraming partidong pampulitika. Noon pa mang Nobyembre 1900 inayunan na ng Pamahalaang Taft ang pagbubuo ng mga partidong pampulitika laluna ang Partido Federal. Nanindigan ang partidong ito sa kagyat na pagkilala sa soberanidad ng Estados Unidos at sa pagiging estado ng Pilipinas. Kabilang sa mga binuong partido ang  Partido Independista ni Pedro Paterno at ang  Partido Democrata nina Alberto Barretto at Leon Ma. Guerrero.

Noong Marso 17, 1907 nagkaroon ng pag-iisa sa hanay ng mga bagong pulitiko. Binuo nila ang Partido Nacionalista para sa eleksyon sa Philippine Assembly  noong 1907. Sa plataporma ng “kagyat, ganap at lubos na kalayaan” nakuha ng Partido Nacionalista ang mayorya ng asambleya –  59 diputado laban sa 21 mula sa ibang partido.  Binuksan ang Philippine Assembly noong Oktubre 16, 1907. Nahalal na speaker si  Osmeña  at majority floor leader si  Quezon.

Malaki rin ang puwang na ibinigay sa mga Pilipino sa sangay ng hudikatura.  Noon pang 1901, itinalaga nang unang Pilipinong punong mahistrado ng Korte Suprema si Cayetano Arellano. Pilipino ang mayorya sa mga mahistrado ng Korte Suprema – 6 kontra sa 3 Amerikano. Pagdating ng 1926, halos nasa kamay na ng mga Pilipino ang hukuman. Noong 1926, 51 ang mga Pilipinong hukom at 2 lamang ang mga Amerikano sa hukuman ng unang dulugan.

Sa larangang militar, binuo ang Phippine Constabulary  noong 1901 kung saan naging unang Pilipinong pinuno, kalaunan, si Rafael Crame. Bago ito, binuo rin ang Philippine Scouts na kinabilangan ng mga Pilipinong sundalo noon pang 1899. Ginamit ng kolonyal na pamahalaan ang mga Pilipino para tugisin  at supilin ang kapwa nila Pilipinong patuloy na lumaban para sa kalayaan. Ito rin ang ginamit ng kolonyal na pamahalaan sa pagsupil sa pag-aalsa ng mga Moro.

Iba pang Pang-akit sa Elite

Mangyari pang hindi lamang sa patakaran at institusyong pampulitika inakit ng Estados Unidos ang mga maykaya at edukadong Pilipino. Inakit din sila sa pamamagitan ng mga patakarang pang-ekonomiya  sa lupa at sa “malayang kalakalan”. Nagkaroon ng tiyak na palengke para sa  eksport na produktong agrikultural sa Estados Unidos ang mga asendero at panginoong maylupa sa ilalim ng Payne-Aldrich Act ng 1909 at ng sumunod na Underwood-Simmons Act ng 1913. Lumawak ang interes ng mga kumprador na nasa negosyong eksport-import.

Binuksan ng yamang nilikha ng pagbabagong pang-ekonomiya ang kulturang Amerikano sa mga maykaya at edukadong Pilipino (at iba pang may kakayahang Pilipino). Nakatulong sa ganitong pagbubukas ang mga bagong tayong paaralan, ang ipinatupad na programang pensionado, ang pagtuturo ng wikang Inggles at ang  pagpasok sa bansa ng mga produktong Amerikano kabilang ang mga aklat, pelikula at iba pang consumer good.

Ipinaloob ng Estados Unidos sa sistemang itinatag nito sa Pilipinas ang mga di-Kristiyanong mamamayan ng arkipelago.  Sa simula nagbuo ng Bureau of Non-Christian Tribes para pamahalaan ang mga teritoryo ng mga ito. Sa Philippine Organic Act ng 1902, hindi ipinailalim  ang mga Moro at iba pa sa Philippine Assembly. Sa halip,  direktang  ipinailalim ang mga ito  sa Philippine Commission na kontrolado pa noon ng mga Amerikano. Noong 1903, nang mabuo ang batas organiko para sa mga teritoryong ito,  ipinailalim ang mga ito sa mga gobernador na Amerikano.

Sa ilalim ng Jones Law ng 1916, binuo ang Bureau of Non-Christian Tribes na naging Department of Mindanao and Sulu and Mt. Province para pamahalaan ang mga teritoryong di-Kristiyano. Pagdating ng 1920, mga Pilipinong gobernador na ang namamahala sa mga probinsyang ito liban sa Sulu. Sa pag-akit sa mga pinuno at mga mamamayang di-Kristiyano, malaking ambag ang ginawa ng mga edukador at mga paring misyonerong Protestante para ipailalim sila sa kolonyal na pamamahala.

Paglawak ng Kapangyarihang Elite

Nang mapasakamay ng  Partido Demokrata ang pamamahala sa Estados Unidos, ipinadala sa Pilipinas bilang gobernador-heneral  si Francis Burton Harrison. Kinakitaan ang kanyang pamamahala mula  1913 hanggang 1920 ng  mas maluwag na pakikipag-ugnay at ng mabilis na  pagpapasa ng mga responsibilidad sa mga opisyal na Pilipino. Sinusugan pa ito ng pagsasabatas ng  Jones Law noong 1916 na nangako ng independensya sa oras na mabuo sa Pilipinas ang isang matatag na pamahalaan. Ito ang batas na siyang naging gabay sa pamamahala sa Pilipinas hanggang 1934.

Malugod na tinanggap ng mga pinunong Pilipino ang batas na ito. Hindi lamang nito ipinangako ang independensya kundi pinalawak pa ang kapangyarihang pampulitika na  hawak na nila. Lubos na ipinaubaya ng bagong batas sa Kongreso – na binubuo na ngayon ng Senado at Kamara de Representante – ang paggawa ng batas. Puro mga diputadong Pilipino na ang bumubuo sa dalawang kapulungan. Pinamunuan ni Quezon ang Senado at ni Osmeña ang Kamara. Sa pagkakataong ito, nangibabaw na bilang pangunang pinunong Pilipino si Quezon.

Nasa kamay na ng mga Pilipino halos ang buong kolonyal na pamahalaan. Kontrolado na nila ang paggawa ng batas bagaman may veto power pa rin ang Amerikanong gobernador-heneral. Sa pagtatapos ng panunungkulan ni Harrison noong 1921, pawang mga Pilipino na ang 94% ng mga nasa serbisyo sibil. Hawak pa rin ng mga Amerikano, gayunman, ang posisyon ng gobernador-heneral, ang kalihim ng instruksyong pampubliko, ang militar  at ang pananalapi. Kung pinakinabangan ng mga pinunong Pilipino ang patakarang Pilipinisasyon, pinakinabangan din ito ng Estados Unidos. Higit na naging mura at ligtas para sa mga Amerikano ang pamamahala sa kolonya yamang mga Pilipino mismo ang humaharap sa kanilang kapwa.

Sa ilalim ng pamamahala ni Harrison at ng Jones Law, tinamasa nga ng mga pinunong Pilipino ang pinakamalawak na kapangyarihang natamo nila sa ilalim ng mga mananakop. Nang halinhan, gayunman, ng Partido Republikano ang pamamahala ng Partido Demokrata sa Estados Unidos, nagpadala ito sa Pilipinas ng isang misyon para muling suriin ang kalagayan ng arkipelago – ang Misyong Wood-Forbes. Batay sa resulta ng pagsisiyasat, nanindigan ang gobyernong Amerikano na walang awtonomiyang papairalin hangga’t hindi naiwawasto ang mga kamaliang nilikha ng nakaraang administrasyon.

Para pamunuan ang kolonya, ipinadala ang isa sa mga lider ng misyon – si Hen. Leonard Wood – para magsilbing gobernador-heneral. Dahilan sa inaakalang paghihigpit ni Gobernador-Heneral Wood at pagbawi nito sa mga karapatang tinamasa ng mga Pilipino sa ilalim ng administrasyong Harrison, nagkaroon ng ilang matitinding tagisan sa pagitan ni Wood  at ng mga pinunong Pilipino. Umabot ito sa pagbibitiw ng mga Pilipino sa kanilang posisyon, pagbibitiw na binawi rin makaraan ang ilang pag-uusap. Nagpatuloy, gayunman,  ang di-mabuting relasyon sa pagitan ni Wood at ng mga lider Pilipino.

Negosasyon para sa Awtonomiya at Kalayaan

Sa mga panahong ito, ang paglalakad ng independensya ang isa sa mga pangunahing usaping inatupag ng mga pinunong Pilipino. Sa usaping ito, tumampok sina Quezon, Osmeña at ang isang bagong lumilitaw na lider, si Manuel Roxas. Sa pamamagitan ng mga tinawag na independence mission, naglobby ang mga pinunong Pilipino sa Washington. Bumuo noong Nobyembre 1918 ang Kongreso ng isang komisyon sa independensya para pag-aralan ang lahat ng bagay kaugnay ng usaping ito. Sa simula binubuo lamang ang komisyon  ng 11 senador at 40  kongresman, ngunit kalauna’y naging kasapi nito ang lahat ng kagawad ng Kongreso.

Ipinadala sa Estados Unidos ang unang independence mission noong 1919 sa pangunguna ni Quezon. Tatlong taon makaraan, ipinadala ang ikalawang misyon para kontrahin ang di paborableng ulat ng Misyong Wood-Forbes. Bagaman kumakampanya para sa kalayaan, iba ang sinabi nina Quezon at Osmeña sa mga opisyal na Amerikano sa kanilang mga pribadong pag-uusap. Ani Frank McIntyre ng Bureau of Insular Affairs:

…pananaw ng mga tagapangulo ng misyon na di dapat magkaroon ng anumang pagbabago  sa relasyon sa pagitan ng Estados Unidos at ng Pilipinas sa malapit na hinaharap liban doon sa maaaring ibunga  ng umiiral na batas organiko. Ninanais nila ang pagpapalakas ng kontrol ng mga Pilipino sa pamahalaan.

Naniniwala sila na masisiyahan at titigil ng ilang taon sa pagtalakay  sa independensya ang mga mamamayang may edukasyon at ari-arian sa Isla kung gagawin na purong Pilipino ang pamamahala sa mga usaping lokal habang  kontrolado ng mga Amerikano ang usaping panlabas at ang relasyon sa pagitan ng Estados Unidos at ng Isla. Kung mabibigyan ng pangalan na gumagamit, kung maaari, ng katagang “independensya” ang pamahalaang itinatag sa ganitong paraan, masisiyahan sa ilang panahon ang mga mamamayan na binusog sa usapang  independensya ngunit di sila masisayahan hanggat hindi nila ito nakakamit kahit sa pangalan lamang… (G)aya nang ipinahihiwatig, ang usapin ng ganap na kalayaan ay hindi seryosong pinag-iisipan sa panahong ito.

Naharap sa usapin ng Fairfield Bill ang ikatlong misyon noong 1924 na pinamunuan nina Quezon at Osmeña. Ipinangako ng panukalang batas ang kalayaan ng Pilipinas makaraan ang 20 taon ng komonwelt. Bagaman sang-ayon sa pangkalahatan sina Quezon at Osmeña sa panukalang batas lalo’t masususugan ito, matindi itong tinutulan  sa Pilipinas. Isang dahilan ng pagtutol ang nakapirmeng panahon bago ibigay ang kalayaan. Ayon sa ilang tumutol, pipigilan nito ang pagkilos para sa mas maagang kalayaan. Dahil sa malakas na pagtutol sa Pilipinas at sa Estados Unidos mismo, walang nangyari sa panukalang batas.

May mga sumunod pang independence mission pagkatapos nito. Gayunman, malinaw na hindi “kagyat, ganap at lubos na kalayaang” laman ng kanilang mga talumpati sa pangangampanya ang habol ng mga pinunong Pilipino kundi lumalawak na kapangyarihang nagkakaanyo sa awtonomiya. Makaraan ang Fairfield Bill, ang Hare-Hawes-Cutting Law ng 1933 at ang Tydings-McDuffie Law ng 1934 ang mga sumunod na mahahalagang panukalang batas na nakamit ng mga misyon.

Kung tutuusin, wala halos ipinag-iba ang Hare-Hawes-Cutting Law at Tydings-McDuffie Law sa isa’t isa liban sa ilang usaping kaugnay ng mga reserbasyong militar at istasyong nabal. Ipinapangako ng mga ito kapwa ang kalayaan makaraan ang 10 taong pagpapailalim sa bansa sa isang Komonwelt. Sa kabila nito, nagkaroon ng maigting na pagtatalo nang iuwi ng Misyong Osmeña at Roxas ang Hare-Hawes-Cutting Law. Sa pangunguna ni Quezon, tinanggihan ng mga lider pampulitika ang batas kung kaya si Quezon mismo ang nagtungo sa Estados Unidos para humiling ng mga pagbabago.  Iniuwi niya ang Tydings-McDuffie Law na wala ngang gaanong ipinag-iba sa tinutulang batas. Sa pagkakataong ito, si Quezon ang kinilalang lider na nagtagumpay sa pagkuha ng batas pangkalayaan ng Pilipinas. Nagbunga ito ng kanyang pagkakahalal bilang unang pangulo ng Komonwelt.

Noong Hulyo 1946, nakamit nga ng Pilipinas ang pangakong kalayaan makaraang mapailalim sa Gobyernong Komonwelt at sa pananakop ng Hapon. Nagawa ng mga kolaboreytor na makuha unti-unti sa pamamagitan ng mapayapang paraan at pakikipagtulungan sa mga mananakop na Amerikano ang inaasam na independensya.

Ngunit gaya ng sinasaad ng ibang patuloy na nakibaka sa kolonyalismong Amerikano, hindi kumpleto ang kalayaang ibinigay. Hindi lamang nanatili ang pang-ekonomiya at pampulitikang kontrol ng Estados Unidos sa Pilipinas kundi hindi rin nakamit ng mga anakpawis ang inaasahang katarungan, kaginhawaan, pagkakapatiran at pagkakapantay-pantay na hatid ng kalayaan. Ipinamalas ang katotohanang ito ng mga pag-aalsang inilunsad ng mga anakpawis hindi lamang noong mga dekada 1920 at 1940 kundi pati na noong mga dekada mismong tinamasa na ang kalayaang nilayon ng elite. Habang nakuntento ang elite sa ibinigay na kalayaan noong 1946, nagpatuloy sa pakikibaka ang isang bahagi ng  mamamayan.

Share

Copy Protected by Chetan's WP-Copyprotect.