Bakit kay pangit ng kay ganda

November 25, 2010 by admin  
Filed under blogs

Hernan-weblog110x110

TAPOS na ang boksing, sumuko na ang pasimuno ng lahat at nagbunyi ang sangkatauhan.

Ang dismayado lamang marahil e si Vice Ganda. O baka hindi rin. Mahirap nga rin naman kung mapupunta kay Ganda ang Pilipinas, malaking sakit ng ulo.

Ang totoo niyan, wala namang kumokontra na maganda ang Pinas. Sobra naman talaga ang ganda nito at walang hindi nagmamahal dito – kahit na ‘yung mga kawatan sa gobyerno.

E bakit sobrang dami ng nagreklamo nang tangkain ng Department of Tourism na maglunsad ng kampanya sa islogan na “Pilipinas Kay Ganda”? Bakit gustong sakalin ng lahat na yata ng Pinoy ang mga nag-isip ng islogan?

Unang-una, kay pangit naman talaga ng islogan kung ikukumpara sa mga kapitbahay natin gaya ng Malaysia Truly Asia; Incredible Hulk, este, Incredible India; Amazing Spiderman, este, Amazing Thailand; atbpa.

Weno ngayon kung parang comic superhero ang tunog ng mga islogan nila? Click naman at madaling tandaan.

E kung gumaya kaya tayo sa kanila at sundin ang superhero tags? Hmmm. Fantastic Filipinas (ala Fantastic Four) o kaya Invincible Philippines (Invincible Iron Man), Mighty Philippines (Mighty Thor) o Uncanny Philippines (Uncanny X-Men), atbpa. O di ba? Cool.

Gusto ng marami na bumalik na lang daw tayo sa “Wow Philippines.” Pero paliwanag ng DOT e para lang daw yun sa domestic tourism. Iba-iba raw ang islogan na gamit sa labas ng bansa. Halimbawa sa Hapon,

“Philippines Premium Resorts Islands” daw ito. Sa Korea “7,107 More Than You Can Imagine,” sa Australia
“The Philippines So Much, So Near” at sa Inglatera “The Philippines: Culture, Adventure, Nature.”

Ang “Pilipinas Kay Ganda” nga raw sana ang magiging pangkalahatang islogan sa loob at labas ng bansa.
Kaso nga, hindi ito tayp ng Pinoy at katakut-takot na batikos ang inabot nito. Nakadagdag pa sa reklamo ang perang ginastos para dito na umabot sa halos P5 milyon. Opo, ganun kalaking halaga para testingin lang kung matatanggap natin ang islogang naisip nila.

At hindi raw totoong naisip nila ito nang minsan silang manood ng telebisyon isang umaga at nakita nila ang “Umagang Kay Ganda” sa Channel 2. Hindi rin daw totoong may nakapanood sa kanila ng programang “Pilipinas Win na Win” sa Channel 2 rin at pinagsama nila ang dalawang programa kaya lumabas ang islogan na “Pilipinas Kay Ganda.” Masyadong kumplikado ‘yun.

Ang totoo niyan e tumingin lang sila sa paligid at nakumbinsi sila agad na kay ganda nga ng Pinas.

Sino ang magsasabing pangit ang Pinas? Kahit pumunta ka sa tambakan ng basura o iskwater, este, informal settlement, may makikita ka pa ring magaganda. Mababait ang mga tao, dadalhin ka sa ospital kapag naaksidente at iaabot ang bayad mo sa drayber kung nasa dulo ka ng dyip. Magagalang ang mga pulis, babatiin ka muna ng “Gud morning sir” bago kotongan. Konti lang ang kidnapper at “riding in tandem” kumpara sa populasyon. At higit sa lahat, tutulungan kang umakyat sa bubong kapag lumubog ang bahay mo sa baha.

Share

Konting hingi

January 28, 2010 by admin  
Filed under blogs

Hernan-weblog NATUTULOG akong nakaupo sa harap ng computer nang bigla akong magising dahil narinig ko ang boses ng misis ko.

“Galing sa ‘konting hingi’ ang salitang ‘tingi’ at dito lang sa Pilipinas merong mga tingi-tingi,” anya.

“A, ganun ba?” ikako na medyo inaantok pa. Historian ang misis ko kaya alam kong alam niya ang sinasabi niya. Sabagay, naniniwala naman akong hango nga sa “kaunting hingi” ang salitang “tingi.” Mula sa pagiging libreng hingi, nagkaroon ito ng bayad at naging tingi-tingi. At ngayo’y laganap na nga sa buong bansa at nanuot na sa ating kultura sa porma ng mga produktong nakalagay sa plastic na kung tawagin sa Ingles e “sachet” (bigkas: sa-shey).

At naalala ko ito nang mabasa ko ang reklamo ni Sen. Mar Roxas na tingi-tingi raw ang solusyon ng Malakanyang sa problema sa edukasyon. Hindi ko masyadong maintindihan kung bakit “tingi” ang tawag niya dito gayong ang tinutukoy niya e ang maliit na pondo para sa edukasyon at pawardi-wardi o sabay-sabay na pagtutok sa samu’t-saring problema.

Actually, ang solusyong gusto niyang gawin ang pwedeng tawaging tingi-tingi dahil gusto niyang tutukan muna ang mga problema sa grade one sa buong taon, susunod ang grade two ng isa ring taon, hanggang umabot sa grade six. Lutas anya ang problema sa ikaanim na taon. Hindi ko masasabing mali ang solusyong ito pero ito ang talagang dapat tawaging tingi-tingi.

Ang tingi, gaya nga ng sinabi ng misis ko e nagmula sa sinaunang kaugalian ng mga Pinoy na humingi ng maliit na paninda gaya ng ilang pirasong sili, ilang butil ng bawang, sangkurot na asin, atbpa. kasabay ng mga binibili. Konting hingi na kalauna’y naging tingi o maliliit na kantidad ng paninda na may bayad na.

Masasabing patay na ang kaugalian ng mga Pinoy na manghingi ng konti sa paninda, pero nang mapadpad ako sa Saudi, nagulat akong umiiral pa rin ito roon – kahit unti-unti na ring nawawala sa uso. Kapag namamalengke kami roon, nakakahingi kami ng sili, bawang, asin at kung anu-ano pa. Kung tawagin naman ito roon e “bakshis.” Doon kumapal ang mukha ko. Wala kasing Pinoy doon na hindi humihingi ng bakshis kapag namimili sa palengke.

Nadala ko pa nga rito ang pagtawad-tawad sa pamimili, kahit ako mismo e nagugulat sa sarili.
Pero alam kong maglalaho na rin ang ugaling ito sa Saudi Arabia dahil sa paglaganap ng mga supermarket doon na walang tawad-tawad. Nagkakaroon pa rin ng tawaran sa mga tindahan sa mall pero dumarami na rin ang mga ayaw magpatawad – lalo na kung walang kasalanan ang bumibili.

Dito sa Pinas, piso na ang isang piraso ng siling labuyo at mamumulubi ang tindera kapag mamigay pa siya. Dahil sa mahal ng mga bilihin kaya nauso ang tingi-tingi at meron nito kahit sa supermarket sa porma ng maliliit na sachet. At mukhang dito nga lang sa Pinas may ganitong kultura ng tingi-tingi.

Share