Eid Mubarak!
NAGDIRIWANG ang mga kapatid nating Muslim ngayong araw ng tinatawag na Eid Al-Adha o pista ng sakripisyo.
Ito ang pinakarurok ng Haj o banal na paglalakbay (pilgrimage) sa Makkah, Saudi Arabia na isa sa limang haligi ng paniniwalang Islam. Sa araw na ito nagbabatian ang mga Muslim ng “Eid Mubarak!” (Maligayang Eid) bilang pagsasaya sa banal na sandaling ito.
Maraming Pinoy ang hindi masyadong nakaaalam na iisa lamang ang pinaniniwalaang Diyos ng mga Kristiyano at Muslim at ang mga tauhan sa Bibliyang Kristiyano e nasa Qur’an din. Kaya kung tutuusin e konti lang ang talagang hindi pinagkakasunduan ng dalawang relihiyon at iyon e pwede namang pag-usapan nang walang patayan.
Naniniwala rin, halimbawa, ang mga Muslim kay Hesus pero hindi bilang Diyos kundi isang propeta na tulad ni Muhammad at Moses (Mousa). Kung sa tingin ng iba ay panlalait ito kay Kristo, dapat malamang malaki ang pagpapahalaga ng mga Muslim sa kanya, kaya nga pantay sila ni Muhammad.
Si Abraham, na kung tawagin ng mga Muslim e Ibrahim, at ang tangkang pagsakripisyo niya ng anak na si Ishmael (Ismail) ang sentro ng pagdiriwang sa panahon ng Haj. Nagsasakripisyo ang mga Muslim ng tupa tulad ng ginawa ni Ibrahim noon matapos siyang awatin ng Diyos sa pagsasakripisyo ng sariling anak. Pwede na raw ang tupa sa halip na anak.
Napag-uusapan ang sakripisyo, mukhang malaking sakripisyo ang hinaharap ng OFWs dito sa bagong batas tungkol sa kanilang insurance. Maitatanong tuloy kung pinag-isipan ba nang todo ang usaping ito bago ito isinabatas.
Batay sa reaksyon ng mga grupong OFW, mukhang hindi naman nila hiningi ito. Meron lang ilang pulitiko na gustong magpapogi at inakalang matutuwa ang mga OFW kapag binigyan sila ng insurance na “walang gastos.” Ibig sabihin ang mga employer at recruiter ang gagastos.
Ngayon, nagkakaletse-letse ang buong industriya ng labor recruitment. Unang nagreklamo ang mga employer sa ibang bansa gaya ng Hong Kong at Taiwan. May probisyon na raw ang batas nila na bigyan ng insurance ang mga manggagawa nilang dayuhan bakit pa sila papatungan ng bagong gastusin?
Sumunod na nagreklamo ang recruitment agencies. Kung ayaw magbayad ng employers (at hindi naman sila mapipilit dahil hindi naman sila sakop ng batas natin) recruiters ang sasagot. Kaso, mataas daw ang singil sa kanila ng mga kumpanya ng insurance. Tatlong kumpanya ang pinayagan ng gobyernong magbigay ng insurance, pero mga kartel daw sila, sabi ng mga recruiter. Pare-pareho ang singil nila: $72 para sa isang taong kontrata at $144 sa dalawang taong kontrata. Kadalasang dalawang taon ang kontrata ng manggagawa Pinoy sa abroad kaya $144. Kung $300 ang pwede nilang singilin sa paalis na OFW, halos kalahati raw agad ang mapupunta sa insurance company.
Nag-alburoto nga ang recruiters kaya simula kahapon tumigil na silang mag-proseso ng paalis na manggagawa bilang protesta.
Sabi naman ng POEA, wala itong magagawa kundi ipatupad ang batas. Walang lalabas na contract workers nang walang insurance.
Sa bandang huli, mga OFW ang uuwing luhaan dito. Siguradong matutulad ito sa placement fees na dapat e binabayaran ng employer pero sa tunay na buhay e sila ang nagbabayad. Kalaunan, dahil batas nga ito, mapipilitan silang bayaran ito kung gusto nilang magtrabaho sa labas ng bansa. Tsk, tsk.
Parangal at pangaral
KUNG ikaw ang masusunod syempre mas gugustuhin mong parangalan ka kesa pangaralan.
Umaasa ka ng parangal kung sa tingin mo e may nagawa kang kapuri-puri at kapaki-pakinabang sa kapwa. Kapag kumilos ka naman nang may pag-iimbot at walang katapatan, umaasa kang pangaral lang ang aabutin mo at hindi sana batok at batikos.
May isang grupo sa Amerika ngayon na umaani ng parangal at pangaral – depende sa estado ng pag-iisip ng pumupuri o bumabatikos. Isa lamang itong kulto ng mga Kristiyano – mga rightist Christians kung tawagin ng mga aktibista – sa isang lugar sa Florida na nananawagan ng pagsunog sa Qur’an o banal na libro ng Islam sa anibersaryo ng pag-atake sa Amerika ng mga panatikong Muslim noong Setyembre 11, 2001.
Magsusunog ng Qur’an ang kulto na kung tawagin e Dove World Outreach Center (para magpapansin) sa opisina nito sa araw na iyon bilang paggunita umano sa mga pag-atake sa Estados Unidos siyam na taon na ang nakararaan ng mga “demonyong” terorista.
Mabuti na lamang at hindi ito pinatulan ng Simbahang Katoliko na agad nanawagan sa kulto na huwag ituloy ang kahibangang ito. Sigurado nga namang magreresulta ito ng ganting atake ng mga Muslim laban sa mga Kristiyano. Nakita na natin iyan dito mismo sa Pinas na naggagantihan ang iilang mararahas at sira-ulong panatiko ng magkabilang relihiyon.
Lahat ng relihiyon ay nangangaral ng kabutihan at kaligtasan; malinis ang kanilang hangarin pero hindi nawawala sa kahit anumang organisasyon – kahit sa gobyerno at mga rebolusyonaryo – ang mga baliw, sintu-sinto at masasamang loob na handang gawin ang lahat maipilit lang ang paniniwala, sukdulang mamatay at pumatay sila.
Hindi naman orihinal na ideya itong bantang pagsusunog ng Qur’an. Nauna nang nagbanta ng ganito ang mga panatikong Kristiyano sa Copenhagen sa Denmark para naman labanan ang panawagang boykot ng mga bansang Muslim sa keso, gatas, sikulate at iba pang Danish products. Ang boykot e protesta naman ng mga Muslim sa isang caricature ni Muhammad na lumabas sa dyaryo doon. Ang cartoon e protesta naman ng kartonista sa isang protesta na protesta rin sa isa pang protesta. Walang katapusang protesta ito at gantihan, na kung uugatin mo ay lalampas pa sa panahon ng Krusada.
Milyong buhay ang nabubuwis sa ngalan ng relihiyon. Totoong ugat ito ng giyera, pero pwede rin itong makatulong sa pagkakaroon ng kapayapaan. Uso na ngayon ang tinatawag na interfaith dialogue at marami na ring relihiyoso ang natututong tanggapin ang di nila kayang tanggapin sa ngalan ng kapayapaan. Unti-unti nilang napagtatanto na corrupt ang organized religion at kailangan nito ng muling pagkabuhay.
May moske sa Vatican City na sentro ng paniniwalang Katoliko pero walang simbahang Kristiyano sa Saudi Arabia na sentro naman ng paniniwalang Islam. Hindi ang hari ng Saudi ang may kasalanan sa sulipat na kalagayang ito kundi ang organisadong relihiyon na takot sa pagbabago.