Wika ko, dayalekto mo
YAYAMANG buwan ng wika ngayon at lahat ay nagpapahayag ng walang hanggang pagmamahal sa sariling wika, pagbigyan n’yo na ako kung muli kong uungkatin ang debate sa pagitan ng wika at dayalekto (language vs. dialect sa Ingles).
Kung nagtataka kayo kung ano ba itong debateng ito, hindi ko kayo masisisi dahil kokonti lang naman talaga ang nagbibigay ng pansin sa usaping ito sa sawimpalad nating bansa.
Kung lagi kayong nakababad sa Internet, mapapansin ninyong maraming mga “language police” para sa Ingles pero walang ganitong uri ng hayop na mahigpit magbantay para sa wikang Filipino. Kapag mali-mali ang Ingles mo, madali kang mapansin at maraming magtatama agad sa iyo. Pero kapag mali-mali ang gamit mo ng Filipino walang paki ang madlang pipol.
Hindi nakapagtatakang walang sinusunod na panuntunan ang mga babasahing Pinoy at walang pumapansin kung tama ba ang baybay o balarila na sinusunod ng mga nagsusulat sa Filipino (Tagalog sa marami nating kababayan). Hindi rin nakapagtataka kung gayon na halos walang nakikialam kung ang Cebuano, Hiligaynon, Pangasinense at iba pa ay wika o dayalekto.
Nauna ko nang sinulat sa pitak na ito na ang mga nabanggit ko sa itaas e mga wika at hindi dayalekto. Marami kasing nag-aakala na ang nag-iisang wika lamang sa Pinas e ang Filipino – na siya ring pambansang wika – at ang iba pa e puro dayalekto na lamang. E bakit pa ito tatawaging pambansang wika kung nag-iisa lamang ito?
Para sa akin, ang kaibahan ng wika sa dayalekto e para ring kaibahan ng relihiyon sa sekta. Nagkakaiba lamang sila sa dami. Kung maraming miyembro ang isang paniniwala, tinatawag itong relihiyon, samantalang kung kokonti e sekta lamang ito.
Ganun din ang wika. Kung marami ang nagkakaintindihan sa maraming lugar, wika ang ginagamit nila. Kung sumakay ka ng barko o bus at napalayo ka na at hindi na maintindihan ng kausap, dayalekto ang gamit mo.
Sa ibang halimbawa, ang wika e magulang at ang dayalekto e anak. Ang Tagalog, halimbawa, e isang wika at maraming nakakaintindi nito (kaya nga dito ibinase ang Filipino). Pero may mga lugar na may punto at may iba na ring katawagan sa ilang bagay, gaya ng Tagalog sa Quezon, Nueva Ecija, Batangas at Metro Manila. Ang mga ito e dayalekto o “anak” ng Tagalog. Ganun din, may mga Cebuano sa Cebu na iba na nang kaunti sa Cebuano sa Mindanao pero nagkakaintindihan pa rin sila, kaya nga ang Cebuano ay wika at ang pagkakaiba nito sa ilang mga lugar e dayalekto ng Cebuano.
Pero sabi ko nga, may debate tungkol dito. Meron kasing mga hindi mapakali sa depinisyon ng dalawa. Meron kasing mga lenggwaheng itinatakda ng pulitika at hindi ng natural na gamit ng mga tao. May mga makukulit na nagtatanong kung ang gay lingo ba e lenggwahe o dayalekto o pang-asar lamang.
Ewan ko, basta’t anu’t-anuman, ang wika e nakabatay pa rin sa dami ng mga gumagamit nito at kung paano ito gamitin. At kung gaano rin ito tumatagal.
Bakit ko ito pinag-uusapan? Wala lang. Gusto ko lang dahil buwan nga ng wika ngayon.
Jeje vonel
BAWAT henerasyon ay may kanya-kanyang “rebolusyon” sa umiiral na kultura. Noong panahon ng mga lolo’t lola natin e nauso ang lo-waist gang bilang protesta sa pormal na pananamit (nagbalik ito kamakailan at naging patok pa rin sandali). Nauso ang hippies noong 1960s, jeproks noong 1970s, “retro” freaks noong 1980s, emo boy bands noong 1990s at ngayon e sumisikat ang jejemonkeys.
Hindi ko masyadong alam kung saan nanggaling ang “Jejemon.” May nagsabing galing daw ito sa pagpapalit ng letrang “j” sa “h” gaya ng “jeje” sa halip na “hehe” kapag natatawa at nagte-text. Ang “mon” naman ay hango sa Pokemon, pinaikling Pokemonster, at sikat na laro at cartoon mula sa Hapon.
Gumagamit daw ang mga Jejemon ng kakaibang ispeling at mga salitang sila lamang ang nagkakaintindihan.
Anu’t-ano man, itinuturing silang sakit ng ulo ng Department of Education dahil umano sa maling impluwensyang ikinakalat nila sa mga kabataan. Ang pinagtataka ko lang sa DepEd e bakit nito pinayagan ang “bilog na hugis itlog” kung talagang nag-aalala ito sa mali-maling natututuhan ng kabataan. Alam ng lahat na ang itlog ay hindi bilog at ang bilog mismo ay “hugis” kaya redundant ang salitang “bilog na hugis itlog.”
Ngayon e bigla na lang itong nag-aalala sa magiging impluwensya ng Jejemonsters sa kabataan. Mabuti na lamang at may mga umaawat sa “all out war” na gustong ideklara ng DepEd laban sa mga Jejemon. Gusto silang sisihin ng DepEd sa pagbagsak ng kalidad ng edukasyon sa bansa samantalang matagal nang nangyayari iyon bago pa man sumulpot ang mga Jejemon.
Kung ako ang tatanungin… Wag n’yo na pala akong tanungin, sasabihin ko na lang: Dapat pabayaan na lang nila ang mga batang ito. Para iyang tigdas o pigsa na masakit at hindi kumbinyente pero lilipas din. Ang pagbabawal sa kanila e magtutulak lamang sa mga batang ito na lalong magrebelde sa sosyedad at lalong lalaki ang problema ng DepEd.
Ano’ng malay natin kung may bagong salitang maiambag ang mga Jejemon sa diksyunaryong Filipino? Kung tatagal, ang mismong Jejemon ay maaaring maging bahagi na ng ating salita. May buhay kasi ang wika kaya merong mga salitang namamatay at merong isinisilang. Ang mga salitang kalye na paulit-ulit na ginagamit e nagiging salitang bahay o simbahan na kalaunan.
Mahalaga sa komunikasyon ang pagkakaintindihan. Kung sa katagalan e mahirapan silang magkaintindihan, babalik din sa normal na usapan ang mga batang ito bagama’t pwede rin silang mawili lalo na’t pabor sa texting ang pinaiksing mga salita.
Katunayan, matagal nang ginagawa ng mga bakla ang ginagawa ngayon ng mga kasapi ng Jejemon. Pinapalitan nila o dinadagdagan ng mga letra ang salita para sila lamang ang magkaintindihan. Wala lang pumapansin sa mga bading dahil sa paniniwalang “normal” lamang nilang ginagawa iyon. At hindi matatawaran ang kontribusyon ng mga bading sa pagyaman ng ating wika.
