Tinik ni Corona (or it’s the politics, stupendous)
Ni Hernan Melencio
Matagal ko ring dinebate ang sarili kung isusulat ito sa Filipino o sa Ingles. Mabuti na lamang at mula sa madilim na sulok ng Senado winakasan ni Lito Lapid ang pananahimik at nagmakaawang magsalita ang lahat sa Filipino para maintindihan umano ng masa – at ng fans niya – ang “balitaktakan” tungkol sa impeachment (ano ba sa Filipino ang impeachment?) ng Punong Mahistrado Renato Corona.
Kaya sa kapakanan ni Lito (anong malay n’yo, mabasa niya ito), sa Filipino ko ito isinulat – kung hindi n’yo pa napapansin. Ang totoo, wala namang umaalma sa paggamit ng Filipino sa “paglilitis” sa Senado at ginagamit na nga ito ng ilan sa mga naroon. Hirap nga lang ang iba, lalo na yung mga abugado at mambabatas na galing sa Bisaya. Dapat ngang Filipino ang usapan pero kung hindi natural ang dating, huwag pilitin.
Nakatatawang kahit may Google na, marami pa ring nagtatalo tungkol sa katangian ng impeachment court na ito. At hindi sila mga ordinaryong tao; meron ding mga sorbetero, barbero, drayber ng jip at pasahero.
Kakaibang hayop talaga ang korte para sa impeachment. Iba ang korte nito kaysa karaniwang korteng nasa ilalim ng hudikatura. Kahit tanungin n’yo pa si Sen. Miriam Santiago na dating hukom bago naging senador. Alam daw niya ang pinag-uusapan niya. Pero hindi niya ipinaliwanag kung bakit kakaiba at walang nangahas magtanong dahil takot silang iligaw ni Maid Miriam sa Bermuda Triangle.
Pero meron din namang matiyagang nagpapaliwanag ng kaibahan ng korteng ordinaryo sa korteng impeachment. Kung matatandaan ninyo, sinasabi sa Saligang Batas ng Pilipinas na ang pwede lang mag-impeach ng matataas na opisyal ng gobyerno e ang Bahay ng mga Kinatawan. Oo, mga kongresista ang magrereklamo. At ang hahatol naman e ang Senado na magpupulong bilang impeachment court. May sariling pamantayan ang impeachment court na kakaiba sa regular court.
Ang matingkad na kaibahan, tatanggalin lang sa pwesto ang nagkasalang opisyal at hindi ikukulong. Pwede ring hindi na siya pagsilbihin pa sa gobyerno habambuhay. Bahala na bukas kung merong magkakaso sa kanya sa regular na korte at ikulong sa kulungan o sa ospital – kung meron siyang sakit.
Sa madaling salita, isyung pulitikal at hindi kriminal ang impeachment. Ang kelangan lang ng mga taga-Bahay ni Kuya e patunayang hindi na pwedeng pagkatiwalaan ang nasasakdal para magsilbi pa sa gobyerno. Kung tutuusin, ang simpleng pagsasampa lang ng reklamo laban sa kanya e sapat na para magbitiw sa pwesto si Corona. Kahit palusutin siya ng Senado hindi na niya maibabalik ang tiwalang nawala na. Hindi na siya kasingdalisay ng asawa ni Caesar na siyang hinihingi para sa mga tagapagsilbi sa Mataas na Korte o maging sa anumang sensitibong posisyon sa gobyerno.
Dapat maging mainipin ang Senado lalo na sa mga pampatagal na argumento. Huwag nilang hayaang maasar ang manonood sa tagal ng pelikula at mag-walkout gaya ng nangyari sa kaso ni Erap.
Kung tutuusin, walang silbi ang impeachment sa mamamayang mapagbantay. Pupunta lang sila sa EDSA at magpaparami kung gusto nilang magpalit ng lider. Kaso sa mga panahong ito, tinamad na sila at nawalan ng gana dahil lagi namang inaagaw ng mga trapo ang anumang tagumpay na nakukuha nila.
Comments
Tell us what you're thinking...
and oh, if you want a pic to show with your comment, go get a gravatar!