Ugat at Ugit
ni Dante L. Ambrosio
Welga ng La Tondeña at Kilusang Anti-PD 823
Bago malibing sa limot, hayaan ninyong gunitain ko ngayon sa gitna ng dagdag na hirap na hatid ng mga bagyong Ondoy at Pepeng, ang ilang pangyayari 34 na taon na ang nakakaraan.
Tatlong taon pa lamang ang batas militar noong Oktubre 1975. Popular na paniniwala na ang nakaraang tatlong taon ay panahon ng katahimikan. Walang mga bombahan, walang mga rali, walang mga welga, walang barilan ng mga private army ng mga pulitiko…, halos walang krimeng nagaganap.
Sa totoo lang, may kumukulu-kulo nang diskontento sa hanay ng mga manggagawa, maralita, katutubo at detenidong pulitikal sa loob ng tatlong taon ng “katahimikan”, huwag pang banggitin ang armadong paglaban ng Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) at ng Moro National Liberation Front (MNLF) at Bangsa Moro Army (BMA).
Katahimikan ng sementeryo ang isang paglalarawan ng mga kontra-martial law sa katahimikang ito. Bagay na lalo pang ginawang angkop nang kinalburo ng gobyerno ang mga pader at tinakpan ng mga kinalburo ring bakod ang mga komunidad ng mga maralitang tagalungsod, tulad ng mga nitso sa sementeryo.
Nilalabanan na noon pang 1973 ng mga maralita ng Tundo ang pagpapatalsik sa kanila bunga ng proyektong Tondo Foreshoreland at ng kampanyang “cleanliness and beautification” ng gobyerno. Sinasalungat na noon pang 1974 ng mga batilyo (tagahango ng mga banyera ng isda) sa Navotas ang modernisasyon ng fishport na mag-aalis sa kanila sa trabaho at magtatanggal sa kanilang mga tahanan sa komunidad. Nang taong ito nagtatangka na rin ang mga manggagawa ng Gelmart Industries sa Parañaque na makapagtayo ng tunay na unyon ng mga manggagawa.
Samantala, nag-hunger strike na rin ang mga detenidong pulitikal sa mga kampong militar sa Cebu at Maynila, gayundin ang mga bagong huli noong 1974 sa Kampo Olivas, Pampanga. Tinututulan naman ng mga Kalinga ang pagtatayo ng Chico Dam na maglulubog sa kanilang kabayanan at kultura. Bago pa ito, lumitaw ang mga pagtutol sa batas militar sa kampanyang “Vote NO” noong Nobyembre 1972-Enero1973 nang paratipikahan ng gobyerno ang Konstitusyong 1973 sa mga bagong buong citizens’ assemblies sa mga barangay.
Sa mga paglabang ito, katuwang ng mga mamamayang lumalaban ang kilusang lihim o underground movement na nagsimulang lumakas ng mga panahon ding ito.
Welga ng La Tondeña
Bumulwak sa sangmaliwanag ang diskontento at paglabang ito nang sumiklab ang welga ng La Tondeña noong Oktubre 24, 1975. Sa sigaw na “Sobra na! Magwewelga na kami!” ibinulalas nito ang kinuyom na damdamin ng mga manggagawa sa loob ng tatlong taon. Kaya di kataka-taka na halos kasabay ng welga ng La Tondeña ang mga kilos-protesta ng anim pang pabrika sa Greater Manila Area. Sinundan pa ito ng ilampung pagpoprotesta ng mga manggagawa na tinagurian noon na “sama-samang pagkilos”.
Paano tumugon ang gobyernong batas militar? Pinaghuhuli ang mga welgista ng La Tondeña na sa loob mismo ng pabrika nanatili sa halip na magpiket sa labas.
Sinuportahan ang mga welgista ng mga pari at madre, maralita ng Tundo at ilang mga estudyante. Pinalaya rin ang karamihan habang ang may-ari ng La Tondeña ay nakipag-usap sa mga manggagawa at ibinigay ang ilan nilang kahilingan. Para sa mga manggagawa, tagumpay itong kanilang ipinagbunyi. Ngunit higit ang tagumpay para sa kilusang antidiktadura.
Bilang isa sa mga tugon ng diktadura, inilabas nito ang Presidential Decree 823 na nagbabawal sa lahat ng welga at sa pagtulong ng ibang sektor sa mga manggagawa nang walang pahintulot ang Department of Labor (DOL).
Nang ipataw ang batas militar, inakala ng lahat na bawal ang welga. Nang suriin ng mga tumulong sa mga taga-LaTondeña ang pagbabawal, lumitaw na bawal ito sa mga kumpanyang itinuturing na vital industry. Di kasama rito ang La Tondeña. Kaya kung batas ang pag-uusapan, legal ang welga. Ngunit martial law nga at magagawa ng gobyerno anumang nais nito laban sa mga welgista. Kaya tiniyak ng mga tumulong, kabilang si Edgar Jopson na kilalang lider ng mga moderato bago mag-martial law, ang suporta ng mga taong-simbahan at ng iba pang sektor sa welga. Ang pagtulong na ito ang nais sagkaan ng PD 823.
Kilusang Anti-PD 823
Sa pagkakataong ito gumulong ang Kilusang Anti-PD 823. Nagprotesta ang mga manggagawa kasama ang mga kapanalig na maralita, estudyante, pari at madre, abogado, at iba pang propesyonal. Pati si Arsobispo Jaime L. Sin ay lumiham kay Presidente Marcos para tutulan ang dekreto. Sa gitna ng patuloy na mga welga ng manggagawa, nagmisa-prusisyon ang mga nagpoprotesta sa Simbahan ng Santa Cruz hanggang sa Simbahan ng Quiapo sa okasyon ng piyesta ng Kristong Hari noong Nobyembre 24, 1975.
Isa pang misa-prusisyon ang binalak noong Disyembre 6, 1975 sa Simbahang V.O.T. sa Plaza Bustillos sa Sampaloc, Maynila. Di natuloy ang misa dahil sa presyur ng gobyerno. Nag-rali na lamang ang mga tao. Nang dumilim, nagtangka silang magprusisyon papuntang Malakanyang na noon ay bisita si Presidente Gerald Ford ng Estados Unidos.
Nang harangin sila ng mga pulis, tumalikod sila at nagmartsa. Sa unang pagkakataon sa ilalim ng batas militar, binawi ng mga nagpoprotesta ang mga lansangan ng Maynila. Mula Bustillos, nagmartsa sila sa Earnshaw, Forbes, España, Morayta, Recto, Avenida Rizal, Carriedo hanggang sa Plaza Miranda. Dito tinapos sa isang rali ang sama-samang pagkilos.
Mula sa pagkakataong ito, naging bahagi ng buhay-martial law ang mga rali-demonstrasyon. Umabot ito sa rurok sa pagpapatalsik sa diktadura sa People Power Revolution ng Pebrero 1986.
(Tingnan ang ating Archives para sa dalawang manipesto ng mga manggagawa ng La Tondeña, sa liham ni Arsobispo Jaime L. Sin at sa salaysay ukol sa rali-demonstrasyon ng Disyembre 6, 1975 mula sa Signs of the Times [Disyembre 12, 1975] ng Association of the Major Religious Superiors of the Philippines [AMRSP]. Maaari ring konsultahin ang EDJOP: The Unusual Journey of Edgar Jopson ni Benjamin Pimentel, Jr.)
Comments
Tell us what you're thinking...
and oh, if you want a pic to show with your comment, go get a gravatar!